Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinakamatitinding Mamamatay-Tao ng Daigdig
  • Pagnanakaw sa Relihiyon
  • Ang Mapanganib na Taas ng Tubig sa London
  • “Hindi Naman Pala Lubhang Naiiba”
  • Ang Negosyo ng Pornograpya
  • Binawasan ng Batikano ang Lakas ng Signal ng Radyo Nito
  • Tubig sa Botelya Laban sa Tubig sa Gripo
  • Ginawan ng Mapa ang Sinaunang Alexandria
  • “Naniniwala Ka ba sa mga Anghel?”
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2008
  • Kung Saan Mas Malala ang Krisis
    Gumising!—1997
  • Nauubusan na ba ng Tubig ang Daigdig?
    Gumising!—2001
  • Tubig na Bumabalong Upang Magbigay ng Buhay na Walang Hanggan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Pinakamatitinding Mamamatay-Tao ng Daigdig

“Sa pandaigdig na lawak, ang mga sakit na dulot ng mga virus, baktirya, at parasito ang pangunahing sanhi pa rin ng kamatayan,” sabi ng Frankfurter Allgemeine Sonntagszeitung. Dahil lamang sa tatlong sakit​—AIDS, malarya, at tuberkulosis​—“ilang daang milyong tao ang nahahawa taun-taon, na may halos 10 milyong kaugnay na kamatayan.” Ipinaliwanag ng pahayagan: “Nang sumapit ang kalagitnaan ng ika-20 siglo, kumbinsido maging ang maraming eksperto na ang nakahahawang mga sakit ay hindi na magiging kapansin-pansin. Gayunman, naging napakaliwanag mula noong biglang lumitaw ang AIDS, mad cow disease, at ang kamakailang foot-and-mouth disease, na ang banta ng nakahahawang mikrobyo sa tao at hayop ay isang mapait na katotohanan [pa rin]. . . . Sa iba’t ibang lugar sa buong daigdig, ang lubhang mapanganib na mga virus at baktirya ay lumitaw nang talagang di-inaasahan.” Bagaman ang likas na katangian ng mga mikroorganismo mismo ang madalas na sanhi, ang mga istilo ng pamumuhay at paggawi ng tao ay nakadaragdag din sa paglitaw at pagkalat ng mga bagay na ito na nagbibigay ng sakit.

Pagnanakaw sa Relihiyon

“Sa kabila ng paghihigpit ng batas, ang pagnanakaw at pangangalakal ng mga relihiyosong bagay sa Europa ay hindi nababawasan,” komento ng pahayagang Katoliko ng Pransiya na La Croix. Kabilang sa mga bagay na ninanakaw ay mga krus, mga muwebles, mga bagay na gawa sa ginto at pilak, mga eskultura, mga ipinintang larawan, at maging mga altar. Ayon sa International Council of Museums, nitong kamakailang mga taon, mga 30,000 hanggang 40,000 bagay ang ninakaw sa Czech Republic, at mahigit sa 88,000 sa Italya. Ang Pransiya, na may 87 katedral, ay isa ring pangunahing tudlaan ng mga magnanakaw. Sa pagitan ng 1907 at 1996, mga 2,000 bagay na itinuring na “makasaysayang mga monumento” ang ninakaw mula sa mga relihiyosong institusyon sa Pransiya, at wala pa sa 10 porsiyento sa mga ito ang nabawi. Mahirap kontrolin ang gayong pagnanakaw, lalo na dahil sa ang mga simbahan ay madaling mapasok at madalas na hindi masyadong binabantayan.

Ang Mapanganib na Taas ng Tubig sa London

Sa London, “ibinabaon ang mga pambutas sa lupa upang bombahin ang tubig palabas, na siyang nagbabantang tumakip [sa lunsod] mula sa ibaba,” ang ulat ng The Economist. Ang tubig sa ilalim ng lupa ay tumaas na tungo sa 40 metro sa ilalim ng kapantayan ng lupa sa Trafalgar Square. Noong unang mga taon ng nakalipas na siglo nang kinuha ng industriya ang milyun-milyong galon ng tubig, ang tubig sa ilalim ng lupa ay tinataya na 93 metro sa ilalim ng liwasan. Tumataas ito ng mga 3 metro sa isang taon at maaaring magdulot ng panganib sa sistema ng tren sa ilalim ng lupa ng London, sa kilu-kilometrong sistema ng kawad nito sa ilalim ng lupa, at sa mga pundasyon ng maraming gusali nito. Tinataya na mga 50 pambutas sa lupa ang kailangang ibaon. “Tinataya ng Environment Agency na sa kabuuan, humigit-kumulang na [50 milyong litro (10 milyong galon)] ng tubig bawat araw ang sa kasalukuyan ay binobomba papalabas sa ilalim ng London,” ang sabi ng magasin, ngunit ang bilang na iyan ay dapat na doblehin sa loob ng sampung taon kung gagawing normal ang situwasyon.

“Hindi Naman Pala Lubhang Naiiba”

“Tayo’y pinapagpakumbaba nang higit kailanman,” sabi ng New Scientist. “Bagaman binabati natin ang ating sarili dahil sa napakahalagang tagumpay ng pag-alam sa pagkakasunud-sunod ng genome ng tao, ang genome mismo ay nagsasabi sa atin na tayo’y hindi naman pala lubhang naiiba. Lumalabas na tayo ay may gene na katumbas lamang ng limang beses ng dami ng gene ng baktirya, sangkatlong higit ng dami ng isang bulati at mga dalawang beses ng dami ng isang langaw.” Karagdagan pa, “mga 40 porsiyento ng ating mga gene ay katulad niyaong sa mga bulating nematode, 60 porsiyento ay katulad niyaong sa mga fruit fly at 90 porsiyento ay katulad niyaong sa mga daga.” Binabago rin ng kaalaman hinggil sa genome ng tao ang ating pangmalas sa lahi, sabi ng magasin. Ang dalawang indibiduwal ay maaaring magkamukha at nagmula sa iisang lahi, ngunit magkaibang-magkaiba sa mga gene kaysa sa dalawang indibiduwal na nagmula sa mga etnikong grupo na talagang hindi magkamukha. Sinabi ni Luigi Cavalli-Sforza ng Stanford University: “Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao ng magkakaparehong lahi ay lubhang napakalaki anupat katawa-tawang isipin na ang mga lahi ay magkakaiba​—o na umiiral pa nga ang mga ito.”

Ang Negosyo ng Pornograpya

“Mas malaking negosyo ang pornograpya kaysa sa pinagsamang negosyo ng propesyonal na football, basketbol at beysbol. Mas malaki ang ibinabayad na pera ng mga tao sa pornograpya sa Amerika sa isang taon kaysa sa ginagastos nila sa mga tiket sa sinehan, anupat higit pa sa ibinabayad nila sa lahat ng pinagsamang palabas sa madla,” ang sabi ng The New York Times Magazine. “Tinataya na ang negosyo sa pornograpya ay umaabot sa pagitan ng $10 bilyon at $14 na bilyon taun-taon sa Estados Unidos kung isasama mo ang mga programa ng pornograpya sa telebisyon at mga sineng pay-per-view sa cable at satellite, mga Internet Web site, mga pelikula sa mga kuwarto ng otel, phone sex, mga gamit na pumupukaw ng seksuwal na mga hangarin at . . . mga magasin.” Idinagdag ng artikulo: “Sa halagang $10 bilyon, ang pornograpya ay hindi na isang karagdagang pagtatanghal sa pangunahing palabas kagaya halimbawa ng $600 milyon na industriya ng teatro sa Broadway​—ito na ang pangunahing palabas.” Halimbawa, noong nakalipas na taon, gumawa ang Hollywood ng 400 palabas, samantalang ang industriya ng pornograpya ay nagpalabas ng 11,000 “pang-adultong” mga video. Ngunit, iilang Amerikano lamang ang aamin na nanonood nito. “Walang negosyo na katulad ng negosyo ng pornograpya,” sabi ng Times. “Ang pornograpya ay isang palabas na walang sinuman ang umaaming nanonood pero, sa kamangha-manghang paraan, hindi ito kailanman nagsasara.”

Binawasan ng Batikano ang Lakas ng Signal ng Radyo Nito

“Pumayag ang Radyo ng Batikano na bawasan ang lakas ng signal nito bilang tugon sa mga pangamba hinggil sa posibleng mga epekto sa kalusugan ng malalakas na mga transmiter nito ng radyo.” Ganiyan ang ulat ng magasing New Scientist. Gagawing kalahati na lamang ang haba ng oras ng medium-wave transmission, at babawasan ang lakas ng signal. Ang pang-araw-araw na mga brodkast ay laganap sa buong globo sa 60 wika at sa maraming iba’t ibang frequency. Nang itayo ito noong nakalipas na 50 taon, ang 33 antena ng istasyon ay masusumpungan sa masasabing di-mataong lugar sa labas ng Roma. Sa ngayon, mga 100,000 katao ang naninirahan sa malapit, at may mga pangamba na ang malalakas na mga signal ang siyang sanhi ng mga kaso ng lukemya roon. Ang istasyon ay walang mga overseas relay station upang palakasin ang mga signal. Pagkatapos na magtakda ang Italya ng bagong mga pamantayan hinggil sa radyasyon noong 1998, nanawagan ito sa Batikano na bawasan ang lakas ng signal ng istasyon nito. Bagaman ikinakaila na may anumang panganib sa kalusugan at na ang Italya ay may anumang awtoridad dito bilang isang banyagang estado, nagpasiya ang Batikano na bawasan ang lakas ng signal bilang “isang gawa ng kabutihang-loob,” sabi ng New Scientist.

Tubig sa Botelya Laban sa Tubig sa Gripo

“Ang tubig sa botelya ay napakapopular anupat mahigit sa 700 tatak ng ipinagbibiling tubig ang ginagawa sa buong daigdig,” ulat ng The New York Times. Gayunman, “sa maraming kaso, ang pagkakaiba lamang ng mahal na tubig sa botelya at tubig sa gripo ay ang lalagyan.” Gaya ng binanggit ng World Wide Fund for Nature (WWF), “ang tubig sa botelya ay maaaring hindi mas ligtas o mas nakapagpapalusog kaysa sa tubig sa gripo sa maraming bansa gayong nabibili ito sa presyong 1,000 beses na mas mahal kaysa sa tubig sa gripo.” Ang paggamit sa tubig sa gripo ay hindi lamang nakatitipid ng salapi kundi nakatutulong din sa kapaligiran, yamang taun-taon, 1.5 milyong toneladang plastik ang ginagamit para sa mga botelya ng tubig, at “ang mga nakalalasong kemikal na inilalabas sa panahon ng paggawa at pagtatapon sa mga botelya ay maaaring maglabas ng mga gas na nagdudulot ng pagbabago ng klima.” Ayon kay Dr. Biksham Gujja, pinuno ng WWF International’s Fresh Water Program, “mas maraming pamantayan na kumokontrol sa tubig sa gripo sa Europa at sa Estados Unidos kaysa sa mga ipinatutupad sa industriya ng tubig sa botelya.”

Ginawan ng Mapa ang Sinaunang Alexandria

Pagkatapos ng limang taon ng paghuhukay at pagsusuri sa ilalim ng tubig, sa wakas ay nakumpleto na ang mapa ng sinaunang Alexandria. Ipinakikita ng mapa kung saan nakatayo ang mga palasyo ng mga Paraon at kung saan matatagpuan ang mga daungan at templo. Ginamit ng arkeologong Pranses na si Franck Goddio at ng kaniyang pangkat ang mga iginuhit na larawan salig sa mga ulat na ibinigay ng mga maninisid at gayundin ng mga elektronikong surbey ng lumubog na lunsod, at nagulat sila sa mga resulta. “Di-nagtagal pagkatapos ng unang mga elektronikong surbey ng daungan, natanto namin na ang topograpiya ng sinaunang mga distrito ng Alexandria ay ibang-iba sa ipinapalagay noon hanggang sa ngayon,” sabi ni Goddio.

“Naniniwala Ka ba sa mga Anghel?”

Ang tanong sa itaas, na ibinangon sa mahigit na 500 residente ng Quebec, ay positibong tinugon ng 66 na porsiyento ng mga tinanong. Gaya ng iniulat sa Le Journal de Montréal ng Canada, sinabi ng isang mananaliksik na ang laganap na paniniwala sa sobrenatural ay hindi lamang dahil sa Romano Katolisismo kundi dahil din sa malakas na impluwensiya ng Budismo sa lalawigan. Magkagayunman, nagulat ang sosyologong si Martin Geoffroy na sangkatlo lamang sa mga tinanong ang naniniwala sa Diyablo. “Ang nakababahala,” sabi niya, “ay ang positibong pangmalas. Naniniwala tayo sa mga anghel pero hindi sa diyablo. Itinatakwil natin ang negatibo.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share