Ang Simbahan ng Inglatera—Isang Nababahaging Sambahayan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GRAN BRITANYA
ANG ika-13 Lambeth Conference ng Simbahan ng Inglatera ay ginanap sa Canterbury noong 1998 sa isang dako na malapit sa 900-taóng-gulang na katedral nito. Sa pagsasalita sa komperensiya, binanggit ni Obispo William E. Swing ang obserbasyong ito: “Ang relihiyon ay kailangang huminto na sa pagiging problema at magsimulang magbigay ng lunas. Hindi kailanman magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga bansa malibang magkaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga relihiyon.”
Ang pagkakabahagi na umiiral sa mga relihiyon ay kapansin-pansin, gaya ng pagkakabahagi sa pagitan ng mga miyembro ng parokya at ng klero ng iisang relihiyon. Isang obispo ang tumangging dumalo sa komperensiya, na ginaganap tuwing sampung taon mula noong 1948, sapagkat naroroon ang mga obispong babae. Ang ilan na dumalo ay tutol sa pakikibahagi ng mga babaing ito sa pakikipagtalakayan sa Bibliya.
Bagaman ang isyu ng pag-oorden sa mga babae ang nangibabaw sa mga pag-uusap sa komperensiya noong 1988, ang homoseksuwalidad naman ang pangunahing paksa na pinagtalunan noong 1998. Sa katapusan, napagpasiyahan ng mga obispo na ang homoseksuwalidad ay “laban sa kasulatan.” Ano ang nag-udyok sa pasiyang ito?
Ang isang salik ay maaaring gustong patibayin ng mga Anglikano ang kaugnayan nito sa Simbahang Romano Katoliko. At natanto nila na hindi maaasahan ng kanilang simbahan na itaguyod ang diyalogo sa pagitan ng dalawang organisasyon kung patuloy silang “sasang-ayon sa homoseksuwalidad ng mga klero.” Ang isa pang pangunahing dahilan para sa pasiya ay maaaring ang pagkatakot sa Islam. Ang pagpapasa ng isang resolusyon na kumukunsinti sa mga paring homoseksuwal ay magiging, gaya ng pagkakasabi rito ng mga obispong Aprikano, “ebanghelikong pagpapatiwakal” sa mga estado ng Islam.
May kinalaman sa isa pang bumabahaging isyu sa komperensiya, ang The Sunday Telegraph ay nag-ulat: “Sa mga bahagi ng Aprika, ang mahalagang isyu ng misyonero ay ang poligamya.” Sa pagbubulay-bulay sa problemang nakakaharap ng mga Anglikano sa Aprika, isang obispo ang nagsabi: “Kung may magbigay ng napakalaking donasyon sa Simbahan subalit mayroon siyang mahigit sa isang asawa, ano ang ginagawa nila?” Sa pagbanggit sa maaasahang kalalabasan ng debate, ang The Times ng London ay nag-ulat: “Ang mga obispong Anglikano ay mananahimik hinggil sa poligamya.”
Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga obispong Anglikano ay nakipagdebate sa kanilang kaugnayan sa Islam. “May malalim na pagkakapootan sa pagitan ng mga Kristiyano at mga Muslim sa Nigeria,” ang ulat ng obispo sa Kaduna, Nigeria, anupat sinasabi na mahigit na 10,000 buhay ang nasawi sa relihiyosong mga alitan sa kaniyang bansa. Sinasabi na tanging sa pagkuha ng higit na kaalaman tungkol sa mga paniniwalang Islam, maiiwasan ang banal na digmaan sa Aprika.
Anong pag-asa ang naghihintay para sa 70 milyong tao sa buong daigdig na, ayon sa isang pinagtatalunang bagay, ay mga miyembro ng simbahang Anglikano?a Ang situwasyon ay hindi nakapagpapatibay, sapagkat gaya ng iniuulat ng The Times: “Ang komperensiya ay labis na ipinagtaka ng maraming tagamasid at mga nagsidalo dahil sa kung minsan ay mas nahahawig ito sa pagtitipon ng isang pulitikal na partido kaysa sa isang simbahang Kristiyano na nananalangin.”
Hindi kataka-taka, ang The Sunday Times ay naghinuha na ‘ang pagpupulong ay kinakitaan ng hinanakit at sama ng loob.’
[Talababa]
a Ang bilang na 70 milyon ay “waring kahanga-hanga,” sabi ng The Times, subalit “bihirang banggitin na sa mga ito, 26 na milyon ang kabilang sa Simbahan ng Inglatera. Halos isang milyon lamang ngayon ang nagsisimba rito [sa Britanya], ang natitirang bilang ay mga Anglikano lamang sa pangalan.”
[Larawan sa pahina 24]
Ang Katedral ng Canterbury, 900 taóng gulang