Ang Pag-aasawa ay Dapat na Maging Isang Habang-Buhay na Pagsasama
AYON sa wakas ng maraming pelikula, ang pag-aasawa ay isang kanais-nais na tunguhin. Kadalasan, sa dakong huli ang lalaki at babae ay nagkakasama, nagpapakasal, at namumuhay nang “maligaya habang-buhay.” Sa mga pelikula, iyan ang karaniwang wakas ng kuwento.
Sa totoong buhay, ang kasal ay, hindi siyang wakas, kundi ang pasimula ng isang bagong buhay na magkasama sila. At inaasahan na, gaya ng sinasabi sa Eclesiastes 7:8, “mas mabuti ang huling wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito.”
Isang Habang-Buhay na Pagsasama
Kailangan ang pagtanaw sa hinaharap. Ang pag-aasawa ay dapat na may matibay na mga pundasyon upang tumagal ito at maging kasiya-siya. Kung hindi, ang kaigtingan na nararanasan pagkatapos ng kasal ay maaaring maging mas matindi kaysa sa kaigtingan bago ang kasal. Ang isang Kristiyano ay hindi maaaring pumasok sa pag-aasawa na iniisip: ‘Kung hindi ito magtatagumpay, maaari naman akong makipagdiborsiyo.’ Ang pag-aasawa ay dapat malasin bilang isang habang-buhay na pagsasama.
Nilinaw ni Jesus na ang pag-aasawa ay dapat na maging habang-buhay nang sagutin niya ang itinanong sa kaniya tungkol sa pagiging angkop ng diborsiyo. Sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na [ang Diyos] na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:4-6.
Pagkatapos ng Araw ng Kasal
Tama ang pagkakasabi na sa buhay ng isang Kristiyano, ang pag-aasawa ay pangalawa lamang sa kahalagahan sa kaniyang pag-aalay sa Diyos. Ang huling nabanggit ay nagbubuklod sa isa sa Maylalang magpakailanman, at ang bautismo ang nagpapahayag nito sa publiko. Ang kasal ay pagpapahayag sa publiko ng pangako ng katapatan sa isang tao—magpakailanman. Malayong mangyari na ang isa ay mag-aalay ng kaniyang sarili sa Diyos o papasok sa buklod ng pag-aasawa nang may seryosong mga pasubali. Samakatuwid, makabubuting suriing maingat niyaong mga nagbabalak mag-asawa ang mga paniniwala, tunguhin, saloobin, at disposisyon ng mapapangasawa.
Sa paghahanda para sa kasal, mahalaga ang kabaitan, pagiging maalalahanin, at ang espiritu ng pakikipagtulungan. Ang mga katangiang iyon ay lalo pang mahalaga pagkatapos ng kasal upang maging matagumpay ang pag-aasawa. Ang mga bagong kasal ay nagmamahalan, subalit dapat tandaan na sa araw-araw pagkatapos ng kasal, ang pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.” Kapag ang pag-ibig ay patuloy na ikinakapit sa lahat ng panahon, “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:5, 8) Taglay ang walang-maliw na pag-ibig, ang mga katangiang gaya ng mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili—mga bunga ng espiritu ng Diyos—ay magiging mas madaling ipakita. Ang mga katangiang ito ay mahalaga sa isang matagumpay na pag-aasawa.—Galacia 5:22, 23.
Ang mahirap na bahagi ay ang patuloy na pagpapakita ng gayong mga katangian pagkatapos ng araw ng kasal. Gayunman, ang sekreto upang magtagumpay sa pagpapakita ng gayong mabubuting katangian ay ito: Ibigin ang taong iyong pinakasalan, at maging handang gumawa ng mga sakripisyo.
Sinabi ni Jesus na ang pinakadakilang utos para sa mga tao ay ibigin si Jehova, at sinabi niya na ang ikalawang pinakadakilang utos ay, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Mateo 22:39) Ang pinakamalapit na kapuwa ng taong may-asawa ay ang kaniyang kabiyak, sapagkat walang anumang bagay sa lupa ang makapagkakaisa sa dalawang tao na gaya ng pag-aasawa.
Gayunman, ang basta pisikal na pagkakaisa sa ganang sarili ay hindi makagagarantiya sa pagkakasuwato ng damdamin. Ang pagkakaisa ng dalawang katawan ay hindi laging nangangahulugan ng pagkakaisa ng dalawang isipan. Upang magkaroon ng kasiyahan sa pagtatalik, dapat na mayroon ding isa pang pagkakaisa—ang pagkakaisa ng mga puso at ng mga intensiyon. Kadalasan, ang pagsasakripisyo para sa isang tao ang siyang kapalit upang maging matagumpay ang pag-aasawa. Sino ang dapat gumawa ng mga sakripisyo? Ang asawang lalaki? Ang asawang babae?
Pagpapakita ng Pag-ibig at Dangal
Ang Salita ng Diyos ay nag-uutos: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Kung magagawa mo, magsakripisyo ka na bago pa ito hilingin sa iyo ng iyong kabiyak. Tutal, ang isang bagay na natamo pagkatapos ng paulit-ulit na paghiling ay nabawasan na ng halaga. Sa halip, dapat linangin ng bawat kabiyak sa pag-aasawa ang ugali ng pagkukusa sa pagpapakita ng dangal sa iba.
Halimbawa, ang mga asawang lalaki ay inutusang ‘mag-ukol [sa asawang babae] ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae, . . . upang hindi mahadlangan ang [kanilang] mga panalangin.’ (1 Pedro 3:7) Kung hindi pag-uukulan ng karangalan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa, maging ang kaniyang mga panalangin sa Diyos ay lubhang maaapektuhan. Kung gayon, ano ang kahulugan ng pagpaparangal sa asawang babae? Nangangahulugan ito ng pagpapakita ng konsiderasyon sa kaniya sa lahat ng panahon, pakikinig sa kaniyang mga opinyon at kadalasan ay pagbibigay sa kaniya ng pagkakataon na maunang pumili sa iba’t ibang bagay. At mapararangalan ng asawang babae ang lalaki sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng pagsisikap na maging isang matulunging kabiyak.—Genesis 21:12; Kawikaan 31:10-31.
Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ni Kristo sa kongregasyon.” Gaano kamahal ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod? Handa siyang mamatay alang-alang sa kanila. Sinasabi rin ng Bibliya: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo [mga asawang lalaki] ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.” (Efeso 5:28-33) At ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa mga asawang babae na “ibigin ang kani-kanilang asawa, . . . nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.”—Tito 2:4, 5.
Magparaya sa mga Pagkakamali
Yamang lahat ng tao ay isinilang na di-sakdal, magkakamali sila. (Roma 3:23; 5:12; 1 Juan 1:8-10) Subalit sa halip na palakihin ang mga pagkakamali, sundin ang payo ng Bibliya: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Ang pinakamabuting paraan upang pakitunguhan ang maliliit na pagkakamali ay ang di-pagpansin sa mga ito, anupat binabale-wala na lamang ang mga ito. Maaari ring maging totoo iyan sa mas malulubhang pagkakamali. Ang Colosas 3:12-14 ay nagsasabi: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”
Gaano kadalas natin dapat patawarin ang karaniwang mga pagkakamali at kapintasan ng ating kabiyak? Tinanong ni Pedro si Jesus: “‘Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at magpapatawad ako sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?’ Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.’” (Mateo 18:21, 22) Yamang sinabi ito ni Jesus hinggil mga taong wala sa bigkis ng pag-aasawa, gaano pa nga na higit na kailangan ang pagpapatawad sa pagitan ng mag-asawa!
Bagaman ang institusyon ng pag-aasawa ay sinalakay nitong nakalipas na mga taon, sa dakong huli, maliligtasan din ito ng pag-aasawa sapagkat ito ay itinatag ng Diyos at lahat ng ipinag-utos niya ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Hindi ito maluluma. At maaari itong maging matagumpay, lalo na sa gitna niyaong mga gumagalang at nagtataguyod sa mga utos ng Diyos. Subalit ang hamon ay: Magiging tapat kaya ang dalawang tao sa pangakong ginawa nila noong araw ng kasal na iibigin at pakamamahalin ang isa’t isa? Iyan ay maaari ngang maging isang hamon, at baka kailanganin mong makipagpunyagi upang magtagumpay. Subalit sulit naman ang magiging resulta!
[Kahon sa pahina 10]
DIBORSIYO AT PAGHIHIWALAY
Dinisenyo ito ng Diyos, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, na maging isang habang-buhay na pagsasama. Subalit mayroon bang anumang maka-Kasulatang dahilan para diborsiyuhin ng isang tao ang kaniyang kabiyak—at magpapahintulot sa kaniya na mag-asawang muli? Si Jesus ay nagkomento hinggil sa bagay na ito sa pagsasabing: “Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mateo 19:9) Ang pakikipagtalik ng isang kabiyak sa hindi niya asawa ang tanging saligan para sa diborsiyo na magpapahintulot sa di-nagkasalang kabiyak na mag-asawang muli.
Bukod pa rito, ang mga salita sa Bibliya sa 1 Corinto 7:10-16, bagaman humihimok sa mga mag-asawa na manatiling magkasama, ay nagpapahintulot sa paghihiwalay. Ang ilan, pagkatapos ng puspusang pagsisikap na panatilihin ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa, ay nakadama na wala silang magagawa kundi ang maghiwalay. Ano ang puwedeng maging katanggap-tanggap na maka-Kasulatang mga saligan para sa gayong hakbang?
Ang isa ay ang kusang di-pagbibigay ng suporta. Kapag nag-asawa, inaako ng asawang lalaki ang pananagutan na paglaanan ang kaniyang asawa at mga anak. Ang lalaki na kusang hindi naglalaan ng materyal na mga pangangailangan sa buhay ay ‘nagtatwa ng pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.’ (1 Timoteo 5:8) Kaya posible ang paghihiwalay.
Ang isa pa ay ang labis-labis na pisikal na pag-abuso. Kaya kung sinasaktan ng lalaki ang kaniyang asawa, maaaring humiwalay ang biktima. (Galacia 5:19-21; Tito 1:7) ‘Sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng kaluluwa [ng Diyos].’—Awit 11:5.
Ang isa pang saligan para sa paghihiwalay ay ang lubos na pagsasapanganib sa espirituwalidad ng mananampalataya—ang kaugnayan ng isa sa Diyos. Kapag ang pagsalansang ng kabiyak, marahil kasali ang pisikal na paghadlang, ay gumagawang imposible upang itaguyod ang tunay na pagsamba at nagsasapanganib sa espirituwalidad ng mananampalataya, nasumpungan ng ilang mananampalataya na kailangan nilang humiwalay.a—Mateo 22:37; Gawa 5:27-32.
Gayunman, kapag itinaguyod ang diborsiyo sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ang isa ay hindi malayang mag-asawang muli. Ayon sa Bibliya, ang tanging lehitimong saligan para sa diborsiyo na nagpapahintulot sa pag-aasawang muli ay pangangalunya o “pakikiapid.”—Mateo 5:32.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1988, pahina 22-3, para sa pagtalakay hinggil sa paghihiwalay.
[Larawan sa pahina 9]
Ang pag-aasawa ay dapat malasin bilang isang habang-buhay na kaayusan
[Larawan sa pahina 10]
Sinabi ni Jesus na dapat tayong magpatawad nang “pitumpu’t pitong ulit”