Kung Paano Natupad ang Aking Pangarap
AYON SA SALAYSAY NI ALENA ŽITNÍKOVÁ
Nang ako ay lumalaki sa Czechoslovakia, isang bansang sakop ng Sobyet, pangarap ng aming pamilya na makita ang isang mapayapang daigdig na ipinangako ng Komunismo. Gayunman, ang tunguhin ng Komunismo na lumikha ng isang maligaya at nagkakaisang lipunan ay nagwakas nang bumagsak ang Unyong Sobyet noong 1991. Hayaan ninyong ilarawan ko kung paano natupad ang aking pangarap sa ibang paraan.
NOONG Setyembre 12, 1962, isinilang ako sa isang pamilya ng debotong mga Komunista na naninirahan sa Horní Benešov, isang nayon na mga 290 kilometro ang layo mula sa Prague. Nagtiwala ang aking ama sa mga adhikain ng Komunista at namuhay alinsunod sa mga ito. Pinalaki rin niya ako, ang aking dalawang kuya at ang kakambal kong babae ayon sa mga adhikaing ito. Itinuro niya sa amin na sa pamamagitan ng matapat na paggawa at disenteng pamumuhay, makatutulong kami sa pagbuo ng isang mas mabuting lipunan. Itinuring niya na Komunismo ang pinakamahusay na anyo ng pamahalaan at aktibong sinuportahan ito.
Madalas na dumalo si Itay sa mga pagpupulong kung saan lubhang pinupuri ang Komunismo. Kinamuhian niya ang relihiyon dahil sa pagpapaimbabaw ng mga simbahan, at kami ay tinuruan at napaniwala na walang Diyos. Naniniwala si Itay na balang araw, kapag ang lahat ng tao ay mayroon nang tahanan at sapat na pagkain, sila ay magiging mas mabubuting tao at mamumuhay nang payapa. Iyon ay isang napakagandang pag-asa na madalas kong marinig habang ako’y lumalaki. Pinaniwalaan ko ang lahat ng itinuro sa amin ni Itay, at ako rin naman ay determinadong sumuporta sa Komunismo.
Bilang isang munting batang babae, ako ay naghanda upang maging isang pioneer, gaya ng tawag sa mga miyembro ng popular na organisasyon ng mga kabataang Komunista na Young Pioneers. Ang mga pioneer ay hinimok na maglinang ng mabubuting katangian at maging makabayan. Nang ako’y siyam na taóng gulang, ginawa ko ang taimtim na panata ng isang pioneer at binigyan ako ng isang pulang bandana upang isuot. Pinahintulutan din ako na magsuot ng pormal na damit ng pioneer sa mga pantanging okasyon. Sinikap ko na maging isang mabuting pioneer. Kapag narinig ko ang aking mga kamag-aral na gumagamit ng magagaspang na salita, sinasaway ko sila, na ipinaaalaala sa kanila na hindi ganiyan magsalita ang mga batang babaing pioneer.
Subalit dumating ang panahon na nagsimulang matanto ko na marami sa mga nag-aangking Komunista ay hindi naman sumusuporta sa mga adhikaing Komunista. Sa halip na paglabanan ang hilig ng tao na maging sakim at mainggitin, ninanakaw nila ang mga pampublikong pag-aari. Marami, bagaman hinihimok ang iba na gumawa sa ikabubuti ng mga tao, ay hindi mismo gumagawa ng gayon. Sa katunayan, naging popular ang kasabihang: “Siya na hindi nagnanakaw ay nagnanakaw sa kaniyang sariling pamilya.” Nagsimula akong tanungin ang aking sarili, ‘Bakit ba laganap ang pagpapaimbabaw? Bakit iilan lamang ang gumagawa ukol sa maiinam na adhikain ng Komunismo? Bakit bigung-bigo ang mga pagsisikap?’
Isang Panahon ng Muling Pagsusuri
Nang ako’y nasa kalagitnaan ng pagkatin-edyer, ginugol ko ang bahagi ng aking mga bakasyon sa tag-araw kasama si Alena, isang kamag-aral. Isang gabi, pinuntahan kami ng isang nasa hustong-gulang na kaibigan ni Alena na nagngangalang Tanya. “Kailangang makausap ko kayo tungkol sa isang bagay na napakahalaga,” ang sabi niya. “Ako’y nakumbinsi na umiiral ang Diyos.” Nagtaka kami sa pagkakaroon niya ng gayong konklusyon. Matapos makabawi sa aming pagkagulat, pinaulanan namin siya ng mga tanong. “Anong mga patotoo ang taglay mo?” “Ano ang hitsura niya?” “Saan siya nakatira?” “Bakit wala siyang ginagawang anuman?”
Isa-isang sinagot ni Tanya ang aming mga tanong. Ipinaliwanag niya sa amin na ang orihinal na layunin ng Diyos ay na maging isang paraisong tahanan ang lupa para sa sangkatauhan, at inilarawan niya kung paano matutupad sa dakong huli ang layuning ito. Nang ipakita niya sa amin mula sa Bibliya ang mga pangako tungkol sa isang malinis na lupa na tinitirahan ng mababait at malulusog na tao na nagmamalasakit sa isa’t isa, naisip ko na ang mga ito ay katulad ng mga pangakong pinaniniwalaan ko. Ngunit natitiyak ko na kung sasabihin kay Itay na ang kamangha-manghang mga bagay na ito ay matutupad sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos—hindi sa pamamagitan ng Komunismo—hindi siya matutuwa.
Ang katunayan, minsan, nang ako marahil ay anim o pitong taóng gulang, isinama ako sa simbahan ng isang kapitbahay na batang babae, nang hindi nalalaman ng aking mga magulang. Ang pari ay naglahad ng isang kuwento sa Bibliya, at totoong nagustuhan ko iyon anupat ibig kong makakuha ng higit pang impormasyon. Nakakuha pa nga ako ng ilang babasahing relihiyoso. Nang sabihin ko iyon sa aking mga magulang, mahigpit na pinagbawalan nila ako na muling pumunta sa simbahan, at sinira nila ang lahat ng iniuwi ko sa bahay. At upang maging maliwanag ang lahat para sa akin, pinalo ako ni Itay.
Mula noon, ang Diyos ay hindi na kailanman nabanggit sa aming tahanan. Pinaniwala ako na tanging ang hamak at walang-pinag-aralang mga tao lamang ang naniniwala sa Diyos at na ang relihiyon ay imbento lamang ng tao. Sa paaralan ay tinuruan kami na yamang may mga pangyayaring hindi natin maunawaan, basta na lamang inimbento ng mga tao ang ideya tungkol sa Diyos. Pero ngayon ay narito si Tanya, isang matalinong babae—sa katunayan, isang guro sa paaralan—at siya ay naniniwala sa Diyos! ‘Tiyak na may katotohanan sa sinasabi niya!’ ang naisip ko.
Tunay na nakahihikayat ang pananalita ni Tanya anupat nakumbinsi kaming naniniwala siya sa kaniyang sinasabi. Kaya itinanong namin, “Tanya, ano ba ang nakakumbinsi sa iyo na talagang mayroong Diyos?”
“Ang Bibliya,” sagot niya. “Lahat ng itinanong ninyo ay sinasagot ng Bibliya. Gusto ba ninyong maunawaan ito nang higit?”
Alam kong hindi matutuwa ang aking mga magulang kapag sinimulan kong pag-aralan ang Bibliya. Gayunman, gustung-gusto kong makaalam pa nang higit. Kaya ibinigay sa akin ni Tanya ang direksiyon ni Ludmila, isa sa mga Saksi ni Jehova na nakatira malapit sa aming tahanan sa Horní Benešov. Habang sinusuri ko ang mga pangako ng Diyos tungkol sa isang makalupang paraiso kasama si Ludmila, tinatanong ko sa aking sarili, ‘Ano ang aking garantiya na magkakatotoo ang mga ito?’
Sinabi ni Ludmila na kailangan ko pang matuto nang higit tungkol sa Diyos upang maniwala ako sa kaniya at sa kaniyang mga pangako. Mula sa aming pag-aaral ay nakumbinsi ako na ang lupa at ang maraming masalimuot na anyo ng buhay rito ay hindi nagkataon lamang. Kinailangan kong kilalanin na tiyak na may isang Maylalang na lubhang matalino. Natanto ko kung gaano kalohikal ang Bibliya nang sabihin nito: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”—Hebreo 3:4.
Ibig kong malaman ng aking pamilya ang mga bagay na ito. Subalit inakala ko na hindi sila magiging interesado, kaya ipinagpaliban ko ang pagsasabi sa kanila. Pagkatapos, isang araw, natagpuan ng aking ina sa aking mga personal na gamit ang isang pahinang nahulog mula sa isang lumang Bibliya na ibinigay sa akin. Lubhang nabalisa ang aking mga magulang.
Pakikipag-usap kay Itay
Nang makumpirma ang hinala ni Itay na ako ay nakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova, inanyayahan niya akong maglakad. “Kailangang putulin mo agad ang lahat ng kaugnayan sa mga taong ito,” ang paghimok niya. “Kung hindi mo gagawin iyan, hindi ako makapagpapatuloy na magsilbi bilang alkalde ng ating nayon. Sisirain mo ang aking propesyon. Kakailanganing iwan ko ang aking tungkulin at magbalik sa pabrika na dati kong pinagtatrabahuhan. Dudulutan mo ng kahihiyan ang buong pamilya.”
“Pero Itay, ang Bibliya ay isang makatuwirang aklat, at mayroon itong mahusay na payo tungkol sa pamumuhay,” ang pagsusumamo ko.
“Hindi, Alenka,” ang paliwanag ni Itay, “hindi ko kailanman kinailangan ang Bibliya o ang Diyos para sa aking kaligayahan. Lahat ay ginawa ko sa pamamagitan ng aking mga kamay. Walang sinuman ang tumulong sa akin. Nagtataka ako at naniniwala ka sa gayong walang-kuwentang bagay! Dapat na magkaroon ka ng isang tunay na buhay, mag-asawa, at magkaroon ng mga anak, at saka mo makikita na maaari kang maging maligaya nang walang Diyos.”
Nagkaroon ng epekto sa akin ang pamimilit ni Itay. Pansamantala ay nagsimula akong mag-alinlangan sa aking pananampalataya, na noon ay hindi pa matatag. Totoo na mas matagal kong kilala ang aking ama kaysa sa mga Saksi ni Jehova, at lagi kong nadaramang ako’y ligtas sa aming tahanan. Mabuti ang intensiyon ni Itay, natitiyak ko iyon. Alam kong mahal niya ako, kaya nangako ako na hihinto na ako sa pag-aaral ng Bibliya. Di-nagtagal pagkatapos nito, nang ako’y 18 anyos, nakatapos ako sa aking pag-aaral at nagtrabaho sa Prague, ang kabiserang lunsod ng aming bansa.
Ang Aking Buhay sa Prague
Nakakuha ako ng trabaho sa isang bangko, at inasam-asam kong matutuhan ang tungkol sa tunay na buhay na sinabi ni Itay na matatamo sa pamamagitan ng Komunismo. Gayunman, sa loob lamang ng maikling panahon, nakita ko na ang mga tao sa lunsod ay hindi rin maligaya tulad ng mga tao sa aming nayon. Sa katunayan, pangkaraniwan na ang imoralidad, pagpapaimbabaw, kaimbutan, at paglalasing.
Sa kalaunan, nang siya’y dumadalaw sa Prague, tiniyak ng isang Saksing nakatira malapit sa amin sa Horní Benešov, na ako ay madalaw ng mga Saksi. Sa ganitong paraan ay naipagpatuloy sa Prague ang aking pag-aaral sa Bibliya kasama ng isang babaing nagngangalang Eva. Sa pagtatapos ng bawat pag-aaral, itinatanong ni Eva, “Gusto mo bang bumalik ako sa susunod na linggo?” Hindi niya kailanman ipinilit sa akin ang kaniyang sariling mga opinyon, bagaman kung minsan ay tinatanong ko kung ano ang gagawin niya kung siya ang nasa lugar ko.
“Hindi ko masasabi sa iyo kung ano ang gagawin ko,” ang sabi niya. Pagkatapos ay ibabaling niya ang aking pansin sa isang bagay sa Bibliya na nakatulong sa akin na gumawa ng pasiya. Ang isang ikinababahala ko nang husto ay ang kaugnayan ko sa aking mga magulang, kaya nagtanong ako kung dapat kong ihinto ang pakikisama sa kanila. Binuklat ni Eva ang Exodo 20:12, kung saan sinasabi ng Bibliya na dapat nating parangalan ang ating mga magulang. Pagkatapos ay itinanong niya, “Gayunman, dapat ba tayong magpahalaga sa sinuman nang higit sa ating mga magulang?”
Yamang hindi ako nakatitiyak, binuklat niya ang Bibliya sa mga salita ni Jesu-Kristo: “Siya na may higit na pagmamahal sa ama o sa ina kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:37) Kaya natanto ko na bagaman karapat-dapat parangalan ang aking mga magulang, si Jesus, gayundin ang kaniyang makalangit na Ama, ang karapat-dapat sa higit na pagmamahal. Laging sinisikap ni Eva na ituro ang isang mahalagang simulain sa Bibliya, at saka niya ipinauubaya sa akin ang pagpapasiya.
Nagkakasalungatang Interes
Nang maglaon, noong Setyembre 1982, ako ay natanggap bilang isang estudyante sa isang kolehiyo sa Prague, kung saan ako kumuha ng agronomy. Subalit hindi nagtagal, nasumpungan ko na hindi ko maaasikaso nang husto ang aking kurso sa kolehiyo at kasabay nito ay magkaroon ng atensiyon na nais kong ibigay sa pag-aaral ng Bibliya. Kaya sinabi ko sa isa sa aking mga propesor na balak kong huminto na sa kolehiyo. “Papupuntahin kita sa isang taong makauunawa at makatutulong sa iyo,” ang sabi niya. Isinaayos niya na makausap ko ang dekano ng kolehiyo.
Ako ay malugod na tinanggap ng dekano, na nagtanong: “Bakit gustong tumigil sa pag-aaral ng aming pinakamahusay na estudyante?”
“Sapagkat wala na po akong panahon para sa ibang bagay na interesado rin ako,” ang sagot ko. Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal noon sa Czechoslovakia, wala akong intensiyon na sabihin sa kaniya kung bakit binabalak kong umalis. Subalit pagkatapos na makausap siya nang ilang oras, inakala ko na mapagkakatiwalaan siya. Kaya sinabi ko sa kaniya na ako ay nag-aaral ng Bibliya.
“Pag-aralan mo kapuwa ang Bibliya at ang mga turo ni Marx,” ang sabi niya. “Saka ka pumili.” Waring pinasisigla pa niya ako na mag-aral ng Bibliya!
Nabigong Sabuwatan
Subalit kinabukasan, silang dalawa ng aking propesor ay naglakbay patungo sa aming nayon upang dalawin ang aking mga magulang. Binabalaan nila ang mga magulang ko na ako ay nakikipag-ugnayan sa isang mapanganib at ipinagbabawal na sekta at sinabi sa kanila na ibig kong huminto sa kolehiyo. “Kung magpasiya ang inyong anak na huminto sa pag-aaral,” ang banta ng dekano kay Itay, “titiyakin namin na hindi siya makakakuha ng trabaho sa Prague, at sa gayon ay mapipilitan siyang bumalik sa inyo at putulin ang kaugnayan niya sa sektang iyon.”
Noong Enero 1983, talagang huminto ako sa pag-aaral. Isang kaibigan na nag-aral din ng Bibliya ang tumulong sa akin na umupa ng isang silid mula sa isang may-edad nang babae. Yamang wala akong alam tungkol sa pagdalaw ng dekano sa aking mga magulang o sa kaniyang banta kay Itay, hindi ko malaman kung bakit bigo ang lahat ng aking pagsisikap na makakuha ng trabaho. Naging palaisipan din ito sa aking kasera, kaya lingid sa aking kaalaman, nagpunta siya sa dekano ng kolehiyo upang tanungin ito kung bakit huminto ako sa pag-aaral.
“Mag-ingat ka!” ang kaniyang babala. “Siya ay miyembro ng mapanganib na sekta ng mga Saksi ni Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit kinailangan niyang umalis sa paaralan. Kailangang umuwi siya sa kanila at itigil na ito. Titiyakin ko na hindi siya makakakuha ng anumang trabaho sa Prague!”
Nang umuwi ang kasera nang gabing iyon, tinawag niya ako at sinabi: “Buweno, Alenka, kanina ay nagpunta ako sa iyong kolehiyo.” Akala ko’y kailangan ko nang mag-impake at lumisan nang gabing iyon sa kaniyang apartment. Ngunit sinabi niya: “Hindi ako sang-ayon sa ginawa ng dekano. Maaari mong paniwalaan ang anumang ibig mo; ang mahalaga ay kung paano ka gumagawi. Tutulungan kitang makakita ng trabaho.” Sa panalangin nang gabing iyon, pinasalamatan ko si Jehova sa kaniyang tulong.
Di-nagtagal pagkatapos nito, dumating si Itay sa Prague upang isama ako sa pag-uwi. Pero sa pagkakataong ito ay hindi ako napadala sa kaniyang mga argumento. Mas matatag na ang pananampalataya ko kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Sa bandang huli, umuwi si Itay na hindi ako kasama, at sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nakita ko siyang tumangis. Bagaman madamdamin ang pagtatagpong iyon, lalo akong napalapit kay Jehova dahil sa karanasang iyon. Ibig kong mapabilang at maglingkod sa Kaniya. Kaya naman, noong Nobyembre 19, 1983, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa isang banyera ng tubig sa isang apartment sa Prague.
Ginantimpalaan ang Aking Pasiya
Nang maglaon, nagkaroon ako ng bahagi sa paggawa ng ipinagbabawal na mga literatura ng mga Saksi. Sa gawaing ito ay kinailangan ang mahigpit na mga hakbang na panseguridad, yamang ibinilanggo na ng mga awtoridad ang ilan na nahuling gumagawa nito. Ang aking unang atas ay ang pagmamakinilya ng mga kopya ng Ang Bantayan na isinalin sa Czech. Pagkatapos, ang mga kopyang ito ay ipinamamahagi sa mga Saksi para magamit sa pag-aaral sa Bibliya.
Nang dakong huli, ako ay inanyayahang sumama sa isang grupo na nagtatagpo sa isang apartment sa Prague upang maghanda ng mga aklat. Ang karamihan sa mga muwebles ay inilipat mula sa isang silid, at saka namin pinagsasama-sama ang bawat inilimbag na pahina sa isang mahabang mesa na nasa gitna ng silid. Pagkaraan, ang mga pahinang ito ay idinidikit o tinatahi upang bumuo ng isang aklat. Kadalasa’y naiisip ko kung gaano kainam na gawin ito nang buong panahon.
Bilang isang pioneer sa organisasyon ng mga kabataang Komunista, sinikap kong turuan ang mga bata na maging mas mabubuting tao. Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ako ay patuloy na gumagawa kasama ng mga kabataan at nakatulong sa ilan sa kanila na maging bautisadong mga lingkod ni Jehova. Bagaman wala pang miyembro ng aking pamilya ang naging Saksi, ako ay nagkaroon, gaya ng ipinangako ng Bibliya, ng maraming ama at ina at mga kapatid sa espirituwal.—Marcos 10:29, 30.
Noong 1989, hinalinhan ng isang demokratikong pamahalaan ang isa na Komunista sa aming bansa. Ang pagbabagong ito ay nagdulot ng legal na kalayaan sa mga Saksi ni Jehova, na nagpangyari na kami ay makapagtipon nang hayagan para sa pag-aaral sa Bibliya, makapangaral sa bahay-bahay nang walang panganib na maaresto, at makapaglakbay sa ibang bansa upang dumalo sa mga pang-internasyonal na kombensiyon. Bukod dito, hindi na kami nangangambang kami’y tatanungin, aarestuhin, o tatakutin!
Paglilingkod Kasama ng Aking Asawa
Noong 1990, pinakasalan ko si Petr, isang kapuwa Kristiyano. Noong Abril 1992 ay kapuwa namin naabot ang tunguhin na maging mga payunir, na siyang tawag ng mga Saksi sa mga nasa pambuong-panahong gawaing pangangaral. Nang maglaon, noong Hunyo 1994, kami ay inanyayahang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Prague. Ngayon, sa halip na palihim na maglimbag ng mga literatura sa Bibliya, maaari na kaming makibahagi nang hayagan para sa paglilingkod sa espirituwal na mga kapakanan ng mga tao sa buong Republika ng Czech.
Ilang taon na ang nakararaan, labis ang kagalakan namin ni Petr nang paunlakan ng aking mga magulang ang aming paanyaya na dalawin ang mga pasilidad kung saan kami naninirahan at nagtatrabaho kasama ng mga 60 iba pang miyembro ng pamilya ng aming sangay. Matapos suriin ang aming tahanan at mga tanggapan, sinabi ni Itay: “Oo, nadarama ko na may tunay na pag-ibig sa gitna ninyo.” Iyon ang pinakamagagandang salita na narinig ko sa aking ama.
Tinatamasa ang Ipinangako ng Komunismo
Ang aming pag-asa na magtamasa ng mas mabuting daigdig sa pamamagitan ng Komunismo ay talagang isang pangarap lamang. Isinisiwalat ng kasaysayan ng sangkatauhan na kahit na ang pinakataimtim na mga pagsisikap ng mga tao ay nabigo sa paglikha ng isang matuwid na lipunan. Naniniwala ako na marami pang tao ang makatatalos na hindi matatamasa ng tao ang isang maligayang buhay nang walang tulong ng Diyos.—Jeremias 10:23.
Kadalasan, nagugunita ko ang pangarap ni Itay para sa akin na tamasahin ang tinatawag niyang “isang tunay na buhay,” na ayon sa itinuro niya sa amin ay gagawing posible ng Komunismo. Gayunman, natanto ko mula sa pag-aaral ng Bibliya na ang tinatawag nitong “tunay na buhay”—buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos—ang tanging tiyak na pangako na maaasahan ng tao. (1 Timoteo 6:19) Nasasabi ko ito sapagkat, bagaman nasa ilalim ng kasalanan at di-kasakdalan ng tao, nagawa niyaong mga taimtim na nagsisikap na ikapit ang mga turo ng Bibliya sa kanilang buhay na mamuhay nang sama-sama sa kapayapaan sa isang pambihirang paraan. Matagumpay nilang napaglabanan ang lahat ng pagtatangkang buwagin ang kanilang pagkakaisa o sirain ang kanilang taimtim na kaugnayan kay Jehova, ang kanilang Diyos.
Ito ay lalo nang naikintal sa akin nang kaming mag-asawa ay magkapribilehiyo na mapabilang sa mga panauhing dumalo sa pag-aalay ng mga bagong pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova malapit sa Lviv, Ukraine, noong Mayo 19, 2001. Doon ay nakilala ko ang iba pang mga Saksi na dating mga miyembro ng organisasyon ng mga kabataang Komunista na Young Pioneers. Gaya ko noon, ang mga ito ay umasa na paiiralin ng Komunismo ang tunay na kapayapaan at pagkakaisa sa buong sangkatauhan. Si Vladimir Grigoriev, na ngayo’y naglilingkod kasama ng kaniyang asawa sa tanggapang pansangay sa Russia, ay isa ring dating Young Pioneer.
Ngayon ay waring balintuna nga na dito sa lokasyong ito na nagsilbing kampo sa tag-araw para sa Young Pioneers, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtayo naman ng kanilang bagong sangay. Dahil sa limitadong espasyo sa sangay, 839 katao lamang mula sa 35 bansa ang maaaring magkasya para sa programa ng pag-aalay. Gayunman, kinaumagahan, 30,881 ang nagtipon sa istadyum ng soccer sa Lviv upang makinig sa isang pagrerepaso ng programa ng nakaraang araw.a Ang ilan sa mga ito ay naglakbay ng hanggang anim na oras o higit pa mula sa malalayong lugar upang makarating doon.
Gayunman, nang malaman ng mga taong ito ang paglalaan para malibot ang kanilang bagong mga pasilidad ng sangay, sumakay sila sa napakaraming bus na ginamit nila sa pagpunta sa istadyum. Sa kalagitnaan ng hapon, ang mga bus ay nagsimulang magdatingan sa sangay—kung saan kaming mag-asawa ay nagkapribilehiyong maging mga panauhin sa magdamag—para sa kanilang paglilibot sa mga pasilidad. Pagsapit ng gabi, natapos na ng mahigit sa 16,000 ng mahal na mga kapananampalatayang ito ang kanilang paglilibot, sumakay na sa kanilang mga bus, at sinimulan ang para sa marami ay isang mahabang biyahe pauwi!
Sa Ukraine, gaya sa iba pang mga bansa sa Silangang Europa, milyun-milyon ang naniniwala na Komunismo ang pinakamainam na pag-asa para sa paglikha ng isang mapayapang bagong lipunan. Subalit ngayon, sa Ukraine lamang ay mahigit nang 120,000 katao ang nakikibahagi sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Tunay, marami sa amin na mga dating Komunista ang naniniwala na ngayon na ang pamahalaang ito ng Diyos ang siyang tanging pag-asa para matupad ang tunay na kapatiran at kapayapaan sa gitna ng lahat ng bayan!
[Talababa]
a Mayroon pang 41,143 katao ang nagtipon kasabay nito sa isang istadyum sa Kiev—mga 500 kilometro ang layo—kung saan napakinggan din nila ang repaso ng programa sa pag-aalay. Ang pinagsamang bilang ng dumalo na 72,024 ay itinuturing na pinakamalaking pagtitipon na idinaos kailanman ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine.
[Larawan sa pahina 12]
Nang ako ay sampung taong gulang, hindi pa natatagalan matapos akong umanib sa Komunistang Young Pioneers
[Larawan sa pahina 16]
Kasama ng aking asawa na si Petr
[Larawan sa pahina 16]
Si Vladimir, isang dating Komunistang Young Pioneer na nakilala ko sa pag-aalay ng sangay sa Ukraine
[Larawan sa pahina 16, 17]
Mahigit sa 30,000 ang nakinig sa isang repaso ng programa sa pag-aalay
[Larawan sa pahina 17]
Mahigit sa 16,000 ang dumalaw sa mga pasilidad ng sangay