Mga Masai—Kakaiba at Makulay na mga Tao
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA
ANG matinis na pag-awit ng isang Masai (Maasai) na batang lalaki ay tumataginting sa libis, na pinapadpad sa malayo ng lubhang mahalumigmig na hangin ng bukang-liwayway. Habang sumisikat ang araw sa umaga, tumitinis ang masayang tinig ng batang lalaki, katulad na katulad ng isang ibong umaawit na pinupuwersa ang tinig nito sa unang liwanag ng pagsikat ng araw.
Nakikinig ako habang ipinakikita ng sumisikat na araw ang Masai na batang lalaki na nagpapastol samantalang nakatayo sa gitna ng bakahan ng kaniyang ama. Siya, na nagagayakan ng mahabang pulang tela na bahagyang tumatakip sa kaniyang katawan, ay nakatayo sa isang paa na parang siguana at nakasandal sa tagdan ng kaniyang sibat at umaawit sa kaniyang nasisiyahang kawan. Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang higit pa tungkol sa kakaibang mga taong Masai.
Malugod Kayong Tinatanggap sa Rehiyon ng mga Masai
Ang mga Masai, isang makulay na mga taong nagpapastol, ay nakatira sa malalawak na kaparangan ng Great Rift Valley sa Silangang Aprika. Ang mga Masai, na matatagpuan sa mga bansa ng Kenya at Tanzania, ay mga taong nabuhay mula pa sa nakalipas na panahon, na namumuhay na katulad na katulad ng kanilang mga ninuno noong nakalipas na mga dantaon. Palibhasa’y hindi nababahala sa paglipas ng panahon, ang kanilang buhay ay nauugitan ng pagsikat at paglubog ng araw at ng pabagu-bagong mga panahon.
Kabilang sa mga kasanayan ng mga Masai ang kanilang kakayahang mabuhay sa malupit na kapaligiran at mabatong tanawin ng Rift Valley. Palibhasa’y nakapaglalakad nang may malalaking hakbang at hindi nahihirapan, nilalakbay nila ang malalayong lugar upang maghanap ng luntiang mga pastulan at mga bukal ng tubig para sa kanilang bakahan. Nag-aalaga sila ng mga baka kasama ng mga kawan ng mga wildebeest, sebra, giraffe, at iba pang mga hayop sa kapatagan na kasama nila sa kanilang lupang tinitirhan.
Mga Taong Nagmamay-ari ng Bakahan
Ang mga Masai ay naniniwala na ang lahat ng baka sa lupa ay pag-aari nila. Ang paniniwalang ito ay mula sa alamat na noong pasimula, ang Diyos ay may tatlong anak na lalaki at na binigyan niya ang bawat isa ng isang regalo. Ang panganay na anak ay tumanggap ng isang palaso para sa pangangaso, ang pangalawa ay tumanggap ng isang asarol para sa pagsasaka, at ang pangatlong anak ay tumanggap ng isang patpat para sa pagpapastol sa bakahan. Sinasabing ang bunsong anak na ito ang naging ama ng bansang Masai. Bagaman ang ibang mga tribo ay nagmamay-ari ng bakahan, naniniwala ang mga Masai na ang mga hayop na ito ay pag-aari nila.
Sa pamayanan ng mga Masai, ang laki ng kawan ng isang tao at ang dami ng kaniyang mga anak ang nagpapasiya sa kung ano ang kaniyang katayuan at kahalagahan sa lipunan. Oo, ang isang taong walang 50 baka ay itinuturing na mahirap. Sa tulong ng kaniyang maraming anak at mga asawa, ang isang lalaking Masai ay umaasang sa kalaunan ay magkakaroon siya ng malaking kawan na maaaring umabot ng isang libong hayop.
Ang mga miyembro ng pamilyang Masai ay may malapít na pakikipag-ugnayan sa kanilang mga baka. Ang bawat hayop ay may natatanging tinig at ugali na kilalang-kilala ng pamilya. Karaniwang ang mga baka ay hineheruhan at minamarkahan ng mahahaba’t kurbadang guhit at masasalimuot na disenyo na ginawa upang pagandahin ang hitsura ng hayop. Ang mga awit ay kinakanta upang ilarawan ang pisikal na kagandahan ng ilang miyembro ng kawan at ipahayag ang pagmamahal sa mga ito. Ang mga toro na may malalaki at nakakurbang mga sungay ay lalo nang pinahahalagahan, at ang isang guya ay magiliw na inaaruga at pinagtutuunan ng pansin na para bang ito ay isang bagong silang na sanggol.
Ang mga tahanan ng mga Masai ay karaniwang itinatayo ng kababaihan at ang mga ito ay yari sa mga sanga na sinasamahan ng mga kugon at pagkatapos ay pinapalitadahan at tinatakpan ng dumi ng baka. Ang mga tahanan, na bilugan at taluhaba ang hugis, ay itinatayo sa loob ng isang malaking bilog na nagsisilbing proteksiyon sa isang panloob na kulungan ng mga hayop, kung saan natutulog ang mga baka sa gabi. Ang buong paligid ay nababakuran ng matutulis at matitinik na sanga na nagsasanggalang sa mga Masai at sa kanilang mga baka mula sa nandarambong na mga hyena, leopardo, at mga leon.
Ang mismong kaligtasan ng mga Masai ay depende sa kalusugan at lakas ng kanilang mga kawan. Ang gatas ng baka ay iniinom, at ang dumi ng baka ay ginagamit upang takpan ang kanilang mga tahanan. Bihirang katayin ng mga Masai ang kanilang mga baka upang kainin; ang ilang tupa at kambing ay karaniwang inaalagaan para kainin. Subalit kapag pinatay ang isang baka, ginagamit ang lahat ng bahagi ng hayop. Ang mga sungay ay ginagamit na mga sisidlan; ang mga paa at mga buto ay ginagawang mga palamuti; at ang mga balat ay kinukulti upang gawing mga sapatos, damit, kubrekama, at mga lubid.
Makulay at Kakaiba
Palibhasa’y mataas at balingkinitan na may magagandang pisikal na mga katangian, ang mga Masai ay mariringal na tao. Ang kanilang mga damit ay kahanga-hanga at makukulay. Ang mga tela na kinulayan ng matitingkad na pula at asul ay nakabalot nang maluwag sa kanilang malalambot na katawan. Karaniwang ginagayakan ng kababaihan ang kanilang mga sarili ng malalaki’t bilugan na mga kuwelyong parang pinggan na gawa sa abaloryo at mga pamigkis-ulo na maraming kulay. Ang mga braso at bukung-bukong ay maaaring mahigpit na nababalot ng makakapal na likaw na tanso. Karaniwang pinahahaba ng mga lalaki at mga babae ang kanilang mga pingol ng tainga sa pamamagitan ng paglalagay rito ng mabibigat na hikaw at mga palamuting yari sa abaloryo. Ang ocher, isang mapulang mineral na giniling upang maging pinong pulbos, ay madalas na inihahalo sa taba ng baka at ipinapahid sa katawan nang may sining.
Isang gabi, sa liwanag ng apoy, pinagmasdan ko ang isang pangkat ng mga Masai na nagkakatipon upang magsayaw. Habang nakatayong paikot, kumikilos sila nang may ritmo. Habang bumibilis ang sayaw, ang mga kuwelyong yari sa abaloryo ng mga babae ay umaalog nang pataas at pababa sa kanilang mga balikat. Pagkatapos, isa-isa, ang mga mandirigmang Masai ay naghahalinhinan sa paghakbang sa gitna ng bilog, kung saan nagsasagawa sila ng sunud-sunod na kagila-gilalas na mga pagtalon, anupat sila’y lumulukso nang mataas. Ang pagsasayaw ay maaaring magpatuloy hanggang sa kalaliman ng gabi at hanggang sa mapagod ang lahat.
Buhay Pampamilya ng mga Masai
Sa buong mainit na maghapon, naupo akong kasama ng isang pangkat ng mga babaing Masai sa lilim ng punong akasya, habang minamasdan silang nagtatahi ng masalimuot na gawang-abaloryo sa kinulting mga balat na katad. Habang nagtatawanan at nagkukuwentuhan, hindi nila pinapansin ang mga ibong manghahabi na nag-iingay sa itaas ng kanilang mga ulo at nananahi ng mga pugad nito sa pamamagitan ng tuyong mga sinulid na damo. Habang lumilipas ang araw, ang kababaihan ay abala sa pag-iigib ng tubig at pagkuha ng mga kahoy na panggatong, pagkukumpuni sa kanilang mga tahanan, at pag-aalaga sa kanilang maliliit na anak.
Kapag papalubog na ang araw at dumidilim na, ang mga pastol ay umuuwi na kasama ng kanilang mga baka. Dahan-dahang naglalakad ang kawan pauwi, anupat pumapailanlang mula sa kanilang mga paa ang isang ulap ng mapulang alikabok na naaaninag sa mga humihinang silahis ng kulay-kahel na liwanag ng papalubog na araw. Kapag nakikita ng kababaihan ang ulap ng alikabok sa malayo, agad nilang iniiwan ang kanilang gawain upang maghanda para sa paparating na kawan.
Minsang nakapasok na sa loob ng kulungan ang mga baka, ang mga lalaki ay lumalakad sa gitna ng mga hayop, hinahaplos ang mga sungay ng mga toro at hinahangaan ang kagandahan ng mga ito. Isang munting batang lalaki ang nagpapulandit ng mainit na gatas sa kaniyang bibig mula sa utong ng isang baka at agad siyang pinagalitan ng kaniyang ina. May-kahusayang ginagatasan ng mga batang babae, na labas-pasok sa siksikang mga sungay at mga paa, ang mga baka, na pinupuno ang kanilang mahahabang sisidlang gawa sa upo hanggang sa umapaw ito.
Noong gabi ay nag-umpukan kami sa paligid ng apoy na nagpapainit sa malamig na hangin sa palibot namin. Maaamoy ang usok at inihaw na karne gayundin ang masangsang na amoy ng baka sa kalapit na kawan. Isang matandang lalaki ang naupo at nagkuwento ng kasaysayan ng mga Masai at ng magigiting na gawa ng mga mandirigmang Masai noon. Humihinto lamang siya kapag umuungal ang isang leon sa malayo, at pagkatapos ay di-nababahalang nagpapatuloy sa kaniyang detalyadong pagkukuwento na ikinatuwa naman ng kaniyang mga tagapakinig. Sa wakas, isa-isa silang naglalaho sa kadiliman ng kanilang hugis-simburyong tahanan na yari sa lupa upang matulog. Maliban sa mababaw na paghinga ng natutulog na mga baka, tahimik ang gabi, na lipos ng kadiliman at ng pagiging liblib ng kaparangan.
Pagkabata ng mga Masai
Sa pagsikat ng araw, ang nayon ay abala sa gawain. Ang maliliit na bata, na nakasuot lamang ng mga pamigkis sa baywang at mga kuwintas na yari sa abaloryo, ay naglalaro sa malamig na hangin sa umaga. Ang kanilang tawanan ay isang nakaaaliw na tunog sa mga Masai, na magiliw na nagmamahal sa kanilang mga anak at umaasa sa kanilang supling para sa kanilang kinabukasan at sa kanila mismong pag-iral.
Ang pagpapalaki ng mga anak ay isang gawain ng pamayanan—maaaring disiplinahin at lapatan ng parusa ng sinumang nakatatanda ang isang suwail na anak. Tinuturuan ang mga bata na gumalang sa mga nakatatanda sa kanila, at agad nilang natututuhan ang mga paraan ng pamumuhay sa sambahayang Masai. Wala silang iniintindi sa kanilang pagkabata, subalit habang nagkakaedad sila, tinuturuan ang mga batang babae ng mga gawain sa bahay at tinuturuan naman ang mga batang lalaki hinggil sa pangangalaga at pagsasanggalang sa mga hayupan. Ipinapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kaalaman hinggil sa tradisyonal na mga gamot at tinuturuan sila tungkol sa mga ritwal at mga tradisyong Masai na nakaaapekto sa bawat pitak ng buhay ng mga Masai.
Pagsisimula sa Pagkaadulto
Habang nagkakaedad sila, natututuhan ng mga kabataan ang mga kaugalian at mga seremonya na magpapakita sa kanilang pagbabago ng katayuan mula sa pagkabata tungo sa pagkaadulto. Kabilang sa mga ritwal na natututuhan nila ay yaong may kaugnayan sa karamdaman, kamalasan, pag-aasawa, at kamatayan. Naniniwala ang mga Masai na ang hindi pagsunod sa mga seremonyang ito ay magbubunga sa kanila ng sumpa.
Maaaring isaayos ng mga magulang na Masai ang pag-aasawa ng isang anak na babae samantalang ito ay sanggol pa. Ang batang babae ay ipinapangako sa isang lalaking nagtataglay ng sapat na baka upang ibayad sa dote na hinihiling ng ama ng batang babae. Kadalasan, ang babae ay ipinakakasal sa isang lalaking mas matanda sa kaniya at siya ay mapapabilang sa iba pang mga asawa ng lalaki sa kaniyang sambahayan.
Habang nagkakaedad ang mga kabataang lalaki sa pamayanang Masai, sila’y malapít na nakikisama sa iba pang mga kabataang lalaki na kaedad nila. Ang pantanging kaugnayan na tinatamasa nila na kasama ng mga kaedad na ito ay maaaring tumagal nang habang-buhay. Magkasama silang lálaki sa pagiging mga batang walang karanasan tungo sa pagiging mga mandirigma. Bilang mga mandirigma ay tatanggapin nila ang mga pananagutan ng pagsasanggalang sa kanilang homisted, pag-iingat sa mga pinagmumulan ng tubig para sa pamayanan, at pagsasanggalang sa mga alagang hayop mula sa mababangis na hayop at magnanakaw. Kilala ang mga Masai sa kanilang katapangan at lakas ng loob, anupat karaniwan na silang makikitang may dala-dalang matatalas na sibat.
Kapag ang mga mandirigma ay 30 taóng gulang o higit pa, sila’y pumapasok sa huling yugto ng kanilang pagkamaygulang. Taglay ang malaking katuwaan at seremonya, ang mga ito’y inihaharap sa pagiging husto ang gulang; sila ngayon ay pinapayagan nang mag-asawa. Taglay ang iginagalang na katayuang ito, magtutuon sila ng pansin sa paghahanap ng nobya at sa pagpaparami ng kanilang kawan ng mga baka, at sila’y inaasahang magbibigay ng payo at mamamagitan sa mga di-pagkakasundo.
Ang mga Masai at ang Kanilang Kinabukasan?
Mabilis na naglalaho sa ngayon ang kakaibang mga kaugalian at kultura ng Masai. Sa ilang lugar, ang mga Masai ay hindi na malayang nakagagala na kasama ng kanilang mga baka upang humanap ng bagong mga pastulan. Ang malalawak na sukat ng lupa na nakagisnan nilang sariling lupain ay ginagawang mga itinalagang lupa para sa mga buhay-iláng o para sa pabahay at agrikultura para sa lumalaking populasyon. Maraming Masai ang napipilitang ipagbili ang kanilang minamahal na bakahan dahil sa tagtuyot at kahirapan sa buhay upang makaraos. Habang lumilipat sila sa malalaking lunsod, nakakaharap nila ang mga problemang sumasalot din sa iba pa sa modernong daigdig na nakapaligid sa kanila.
Ang mga pamayanan ng mga Masai sa ngayon sa Silangang Aprika ay naaabot na ng ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Mahigit na 6,000 kopya ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ang inilimbag sa wikang Masai. Kaya ang mga Masai ay natutulungang makita ang pagkakaiba ng walang-saligang mga pamahiin at ng katotohanan sa Bibliya. Tunay na nakapagpapasiglang makita na binigyan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang kakaiba at makulay na mga taong ito ng pagkakataong mapabilang sa maraming “bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” na makaliligtas sa pagkapuksa ng maligalig na sistemang ito ng mga bagay.—Apocalipsis 7:9.
[Larawan sa pahina 25]
Tradisyonal na bahay ng mga Masai
[Larawan sa pahina 26]
Nagtitipun-tipon ang mga Masai upang magsayaw
[Mga larawan sa pahina 26]
Dalawang Saksing Masai