Mula sa Aming mga Mambabasa
Panalangin Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Diringgin Kaya ng Diyos ang Aking mga Panalangin?” (Hunyo 22, 2001) ay talagang nagpatibay sa akin. Tinanggap ko ang magasing ito samantalang ako’y nakaratay sa kama sa ospital. Hindi ako makapunta sa Kingdom Hall o sa aming kombensiyon. Talagang malungkot ako at waring hindi ko masupil ang aking damdamin. Ang pananalangin kay Jehova ay nagpakalma sa akin, at sa nakapagtatakang antas, ang aking puso ay napanariwa. Naaaliw akong malaman na hindi ako kailanman kalilimutan ni Jehova.
A. O., Hapon
Ako po ay 18 taóng gulang at isang regular payunir, isang buong-panahong ebanghelisador. Sa nakalipas na ilang buwan, ako ay nanlumo. Para akong si Steve, ang kabataang binanggit sa artikulo na nagsabing kung minsan ay inaakala niyang hindi niya dapat abalahin ang Diyos sa kaniyang mga problema. Subalit seryoso ko pong pinag-isipan ang payo sa Lucas 12:6, 7. Naging mas mahinahon ako at napakilos ako nito na sabihin ang aking niloloob kay Jehova.
M. D., Nicaragua
Pinalaki sa Kumbento Ang artikulong “Pinabayaan ng mga Magulang—Inibig ng Diyos” (Hunyo 22, 2001) ay nagpagunita sa akin ng maraming alaala. Naaalaala ko ang sinabi sa amin ng nanay ko tungkol sa buhay niya sa kumbento at kung paano siya pinakitunguhan ng mga madre. Nang umalis siya sa kumbento sa edad na 16, wala siyang matirhan. Maraming tao ang dumanas ng ganitong uri ng pagmamalupit at takót na magsalita hinggil dito. Kaya natutuwa ako na inilathala ang artikulong ito.
G. E., Estados Unidos
Kalusugan Sa inyong labas ng Hunyo 8, 2001, nabasa ko ang artikulong “Makabagong Medisina—Gaano Kataas ang Maaabot Nito?” Bilang isang karaniwang tao sa larangan ng medisina at siyensiya, nasumpungan ko ang inyong mga paliwanag at mga pagtukoy sa kasaysayan ng medisina na pinakakawili-wili at personal na kapaki-pakinabang. Itatago ko ang labas na ito.
E. F., Alemanya
Pag-aabuso sa Droga Regular akong tumatanggap ng inyong mga magasin mula sa isang katrabaho, at binabasa ko ang mga ito. Subalit hindi ko matanggap ang mariing pahiwatig sa seryeng “Pag-aabuso sa Droga—May Solusyon!” na ang lahat ng manunugtog ng rock ay mga sugapa sa droga. (Hulyo 8, 2001) Maraming manunugtog ng rock ang hindi gumagamit ng droga at dinidibdib ang kanilang trabaho.
M. M., Hapón
Sagot ng “Gumising!”: Hindi namin ibig ipahiwatig na lahat ng manunugtog ng rock ay nag-aabuso sa droga. Gayunpaman, kilaláng-kilalá ang paggamit ng droga sa maraming manunugtog ng rock at sa mga tagahanga sa mga konsiyertong rock.
Niagara Falls Katatapos ko pa lamang basahin ang artikulong “Niagara Falls—Isang Nakasisindak na Karanasan.” (Hulyo 8, 2001) Lubos akong nasiyahan sa pagbabasa nito. Kamakailan, dinala ako roon ng aking mister para sa aming anibersaryo. Akala ko’y magiging kabagut-bagot ito. Maling-mali ako! Ang makita ang talon ay kasingganda na marinig ang tunog ng talon.
C. K., Estados Unidos
Sinabi ninyo na ang pagkaagnas ng bangin sa ilog ay naganap sa nakalipas na 12,000 taon. Hindi ito tutugma sa ulat ng Bibliya tungkol sa isang pangglobong delubyo.
R. P., Britanya
Sagot ng “Gumising!”: Iniharap lamang namin ang kasalukuyang mga tantiya na ibinigay ng mga heologo, nang walang komento kung gaano katumpak ang mga ito. Maliwanag na hindi isinasaalang-alang ng gayong mga tantiya ang ulat ng Bibliya tungkol sa Baha noong panahon ni Noe, na naganap wala pang 5,000 taon ang nakalipas.—Mateo 24:37.