Pagtuturo—Ang Sakripisyo at mga Panganib
‘Napakaraming inaasahan sa mga guro, subalit kadalasan ay kakaunting papuri buhat sa publiko ang tinatanggap ng dedikadong mga guro sa ating mga paaralan . . . para sa kanilang mga pagsisikap.’—Ken Eltis, University of Sydney, Australia.
DAPAT aminin na itong “pinakamahalagang propesyon,” gaya ng tawag dito, ay naghaharap ng maraming suliranin—mula sa di-sapat na suweldo hanggang sa mababang uri na mga kalagayan ng mga silid-aralan; mula sa sobrang daming isinasaayos na mga papeles hanggang sa napakaraming estudyante sa isang klase; mula sa kawalang-galang at karahasan hanggang sa kawalang-interes ng mga magulang. Paano hinaharap ng ilang guro ang mga suliraning ito?
Kawalan ng Paggalang
Tinanong namin ang apat na guro mula sa New York City kung anu-ano ang itinuturing nilang pangunahing suliranin. Buong pagkakaisa silang sumagot: “Kawalan ng paggalang.”
Ayon kay William, na taga-Kenya, nagbago na ang mga bagay-bagay may kaugnayan sa paggalang maging sa Aprika rin. Sabi niya: “Humihina na ang disiplina sa mga bata. Noong ako’y lumalaki [siya ngayon ay mahigit nang 40 anyos], nangunguna ang mga guro sa mga taong lubhang iginagalang sa lipunan ng Aprika. Ang guro ay laging minamalas ng bata’t matanda bilang isang huwaran. Humihina na ang paggalang na ito. Unti-unting naiimpluwensiyahan ng kultura sa Kanluran ang mga kabataan, kahit na sa mga lalawigan ng Aprika. Ipinakikita ng mga pelikula, video, at literatura ang kawalan ng paggalang sa awtoridad bilang kabayanihan.”
Ganito ang hinagpis ni Giuliano, na nagtuturo sa Italya: “Apektado ang mga bata ng espiritu ng paghihimagsik, pagkamasuwayin, at pagsuway na laganap sa lahat ng lipunan.”
Droga at Karahasan
Nakalulungkot sabihin, ang droga ay naging isang problema sa mga paaralan—gayon na lamang ang problema sa droga anupat ang guro at awtor sa Estados Unidos na si LouAnne Johnson ay sumulat: “Ang paghadlang sa pag-abuso sa droga ay bahagi ng kurikulum sa halos lahat ng paaralan, mula sa kindergarten. [Amin ang italiko.] Mas maraming nalalaman ang mga bata tungkol sa droga . . . kaysa sa nalalaman ng karamihan sa mga adulto.” Sabi pa niya: “Ang mga estudyanteng nakadaramang sila’y walang-kaya, hindi mahal, nag-iisa, nababagot, o walang-katiyakan ay mas malamang na mag-eksperimento sa droga.”—Two Parts Textbook, One Part Love.
Si Ken, isang guro sa Australia, ay nagtanong: “Paano tuturuan ng ating mga guro ang isang siyam-na-taóng-gulang na natutong gumamit ng droga mula mismo sa kaniyang mga magulang, at ngayon ay sugapa na?” Si Michael, na mahigit nang 30 anyos, ay nagtuturo sa isang comprehensive school sa Alemanya. Sumulat siya: “Kung tungkol sa paggamit ng droga, alam na alam natin na nangyayari ito; bihira nga lamang itong matuklasan.” Nagkomento rin siya sa kawalan ng disiplina at nagsabi na “maliwanag na nakikita sa pangkalahatang hilig ng mga estudyante na manira,” na idinagdag pa: “Ang mga mesa at mga dingding ay dinudumhan, at ang muwebles ay sinisira. Dinakip ng pulisya ang ilan sa mga estudyante ko dahil sa pagnanakaw sa tindahan o mga bagay na katulad niyaon. Hindi nga nakapagtataka na madalas din ang mga pagnanakaw sa paaralan!”
Si Amira ay nagtuturo sa Estado ng Guanajuato, Mexico. Sabi niya: “Nakakaharap namin ang mga problema ng karahasan at pagkasugapa sa droga sa loob ng pamilya na tuwirang nakaaapekto sa mga bata. Lubha silang naaapektuhan ng isang kapaligiran kung saan natututo sila ng malalaswang salita at iba pang bisyo. Ang isa pang malaking problema ay karalitaan. Bagaman walang-bayad ang pag-aaral dito, ang mga magulang ay kailangang bumili ng mga kuwaderno, panulat, at iba pang gamit. Subalit dapat munang unahin ang pagkain.”
May mga Baril sa Paaralan?
Sa Estados Unidos, itinampok ng ilang insidente ng pamamaril sa mga paaralan kamakailan na ang karahasan na nauugnay sa baril ay isang malaking problema sa bansang iyon. Isang ulat ang nagsasabi: “Tinatayang 135,000 baril ang dinadala sa 87,125 pampublikong paaralan sa bansa araw-araw. Upang bawasan ang bilang ng mga baril sa mga paaralan, ang mga opisyal ay gumagamit ng mga metal detector, surveillance camera, mga asong pantanging sinanay na amuyin ang mga baril, paghahalughog sa mga locker ng mga estudyante, mga ID kard, at pagbabawal sa pagdadala ng portpolyo sa paaralan.” (Teaching in America) Ang gayong mga hakbang na panseguridad ay maaaring magpangyari sa isa na magtanong, Ang tinutukoy ba natin ay mga paaralan o mga bilangguan? Sinasabi pa ng ulat na mahigit na 6,000 estudyante ang pinaalis sa paaralan dahil sa pagdadala ng mga baril!
Ganito ang sinabi ni Iris, isang guro sa New York City, sa Gumising!: “Ang mga estudyante ay nagpupuslit ng mga sandata sa mga paaralan. Nakalulusot pa rin ang mga sandata sa paaralan sa kabila ng mga metal detector. Isa pa ring malaking problema ang bandalismo sa paaralan.”
Sa kabila ng magulong kapaligirang ito, sinisikap ng matitiyagang guro na magturo at magbahagi ng mga pamantayan. Hindi nakapagtataka na maraming guro ang dumaranas ng panlulumo at pagkasagad (burnout). Si Rolf Busch, presidente ng Samahan ng mga Guro sa Thuringia, Alemanya, ay nagsabi: “Halos sangkatlo ng isang milyong guro sa Alemanya ang nagkakasakit dahil sa kaigtingan. Nasasagad sila sa trabaho.”
Mga Batang Nagiging Ina
Isa pang malaking problema ang seksuwal na gawain ng mga tin-edyer. Ganito ang sabi ni George S. Morrison, awtor ng Teaching in America, tungkol sa bansang iyan: “Mga 1 milyong tin-edyer (11 porsiyento ng mga babaing 15 hanggang 19 anyos) ang nagdadalang-tao bawat taon.” Sa lahat ng mauunlad na bansa, ang Estados Unidos ang may pinakamataas na bilang ng mga tin-edyer na nagdadalang-tao.
Ang kalagayang ito ay pinatunayan ni Iris, na nagsabi: “Ang sekso at mga parti ang laman ng usapan ng mga tin-edyer. Isa itong obsesyon. At ngayon ay mayroon na tayong Internet sa mga computer sa paaralan! Nangangahulugan iyan ng mga chat group at pornograpya.” Si Angel, mula sa Madrid, Espanya, ay nag-ulat: “Ang kahandalapakan sa sekso ay isang katunayan sa mga estudyante. May mga kaso kami ng napakabata pang mga estudyante na nagdadalang-tao.”
“Dakilang mga Yaya”
Ang isa pang reklamo ng ilang guro ay na hindi binabalikat ng maraming magulang ang kanilang sariling pananagutan na turuan ang kanilang mga anak sa bahay. Nadarama ng mga guro na ang mga magulang ang dapat na maging ang unang mga guro ng kanilang mga anak. Ang mabuting asal at pag-uugali ay dapat magsimula sa tahanan. Hindi kataka-taka na si Sandra Feldman, presidente ng American Federation of Teachers, ay nagsabi na “ang mga guro . . . ay dapat pakitunguhan na katulad ng ibang mga propesyonal at hindi katulad ng dakilang mga yaya.”
Ang mga magulang ay kadalasang hindi nakikipagtulungan sa disiplinang ibinibigay sa paaralan. Ganito ang sabi ni Leemarys, na sinipi sa naunang artikulo, sa Gumising!: “Kung isusumbong mo ang mga delingkuwenteng bata sa punong-guro, kamukat-mukat mo, nilulusob ka na ng mga magulang!” Ganito naman ang sabi ni Busch, na sinipi kanina, hinggil sa pakikitungo sa magulong mga estudyante: “Naglalaho na ang mahusay na pagpapalaki ng pamilya. Hindi mo na maipalalagay na ang karamihan ng mga bata ay nanggaling sa mga pamilyang may mabuti at makatuwirang pagpapalaki.” Si Estela, taga-Mendoza, Argentina, ay nagsabi: “Kaming mga guro ay natatakot sa mga estudyante. Kung bibigyan namin sila ng mabababang marka, babatuhin nila kami o sasalakayin kami. Kung may kotse kami, sinisira nila ito.”
Nakapagtataka ba kung bakit sa maraming bansa ay may kakulangan ng guro? Nagbabala si Vartan Gregorian, presidente ng Carnegie Corporation of New York: “Ang ating mga paaralan [sa Estados Unidos] ay mangangailangan ng hanggang 2.5 milyong bagong mga guro sa susunod na dekada.” Ang malalaking lunsod “ay masikap na naghahanap ng mga guro mula sa India, West Indies, Timog Aprika, Europa at kahit saan masusumpungan ang mahuhusay na guro.” Sabihin pa, nangangahulugan ito na maaari ring dumanas ng kakapusan sa mga guro ang mga dakong iyon.
Bakit May Kakapusan sa mga Guro?
Si Yoshinori, isang gurong Hapones na may 32 taóng karanasan, ay nagsabi na ang “pagtuturo ay isang marangal na gawain na may mabuting motibo, at ito’y lubhang iginagalang sa lipunan ng mga Hapones.” Nakalulungkot, hindi ito totoo sa lahat ng kultura. Binanggit din ni Gregorian, na sinipi kanina, na ang mga guro “ay hindi binibigyan ng propesyonal na paggalang, pagkilala at gantimpagál. . . . Ang pagtuturo sa karamihan ng mga estado [sa Estados Unidos] ay maliit ang sahod kaysa sa anumang ibang hanapbuhay na nangangailangan ng isang titulong batsilyer o master.”
Si Ken Eltis, na sinipi sa pasimula, ay sumulat: “Ano ang nangyayari kapag natutuklasan ng mga guro na maraming trabahong hindi gaanong humihiling ng mga kuwalipikasyon ang binabayaran nang mas malaki kaysa sa pagtuturo? O kung ang mga estudyanteng tinuruan nila mga labindalawang buwan lamang ang nakalipas . . . ay kumikita na nang higit sa kinikita nila ngayon o sa malamang na kikitain nila sa susunod na limang taon? Malamang na pinagbabantaan ng kabatirang ito ang pagpapahalaga sa sarili ng isang guro.”
Sumulat si William Ayers: “Mababa ang sahod ng mga guro . . . Sa katamtaman ay sangkapat lamang ng ibinabayad sa mga abogado ang kinikita namin, kalahati sa kinikita ng mga akawntant, mababa pa sa kinikita ng mga drayber ng trak at mga manggagawa sa gawaan ng mga barko. . . . Wala nang ibang propesyon na labis-labis ang hinihiling subalit napakaliit naman ang tinatanggap na pinansiyal na gantimpagál.” (To Teach—The Journey of a Teacher) May kaugnayan sa paksa ring ito, si Janet Reno, dating attorney general sa Estados Unidos, ay nagsabi noong Nobyembre 2000: “Nakapagpapadala tayo ng mga tao sa buwan. . . . Malalaking sahod ang ibinabayad natin sa ating mga atleta. Bakit hindi natin madagdagan ang sahod ng ating mga guro?”
“Mababa ang sahod ng mga guro sa pangkalahatan,” ang sabi ni Leemarys. “Taglay ang lahat ng mga taon ko sa pag-aaral, mababa pa rin ang nakukuha kong taunang sahod dito sa New York City, lakip na ang lahat ng kaigtingan at nakaiinis na buhay sa malaking siyudad.” Si Valentina, isang guro sa St. Petersburg, Russia, ay nagsabi: “Ang trabaho ng isang guro ay lubhang hindi pinahahalagahan kung ang kinikita ang pag-uusapan. Ang sahod ay laging mababa sa pinakamababang pasahod.” Gayundin ang nadarama ni Marlene, taga-Chubut, Argentina: “Dahil sa mababang sahod ay napipilitan kaming magtrabaho sa dalawa o tatlong lugar, na paroo’t parito. Talagang nababawasan nito ang aming pagiging mabisa.” Si Arthur, isang guro na taga-Nairobi, Kenya, ay nagsabi sa Gumising!: “Dahil sa humihinang ekonomiya, hindi madali ang buhay ko bilang isang guro. Gaya ng aaminin ng marami kong kapuwa guro, ang mababang pasahod ay laging nakadidismaya sa mga tao na piliin ang aming propesyon.”
Si Diana, isang guro mula sa New York City, ay nagreklamo tungkol sa sobrang daming isinasaayos na mga papeles na umuubos sa maraming panahon ng mga guro. Isa pang guro ang sumulat: “Ang karamihan ng araw ay ginugugol sa tatlong R ng ritwal, repetisyon, at rutin.” Ang isang karaniwang reklamo ay: “Napakaraming pormularyo na dapat punan, ang nakaiinis na mga pormularyong iyon—sa maghapon.”
Hindi Sapat na mga Guro, Napakaraming Mag-aaral
Sinabi ni Berthold, taga-Düren, Alemanya, ang isa pang palaging reklamo: “Napakaraming mag-aaral sa isang klase! Ang ilan dito ay may hanggang 34 na mag-aaral. Nangangahulugan ito na hindi kami makapag-uukol ng pansin sa mga estudyanteng may mga problema. Hindi sila napapansin. Nakakaligtaan ang mga pangangailangan ng bawat isa.”
Ganito ang paliwanag ni Leemarys, na sinipi kanina: “Ang pinakamalaki kong problema noong nakaraang taon, bukod pa sa walang-malasakit na mga magulang, ay ang bagay na mayroon akong 35 bata sa aking klase. Isip-isipin ninyo ang paggawa na kasama ng 35 bata na anim na taóng gulang!”
Sabi ni Iris: “May kakapusan sa mga guro dito sa New York, lalo na sa matematika at siyensiya. Maaari silang makakuha ng mas magagandang trabaho sa ibang dako. Kaya kumuha ang lunsod ng maraming banyagang guro.”
Maliwanag, ang pagtuturo ay isang mahirap na propesyon. Kung gayon, ano ang patuloy na gumaganyak sa mga guro? Bakit sila nagpapatuloy at nagtitiyaga? Isasaalang-alang ng ating huling artikulo ang mga tanong na ito.
[Blurb sa pahina 9]
Tinatayang 135,000 baril ang dinadala sa mga paaralan sa Estados Unidos araw-araw
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Paano Nagiging Isang Matagumpay na Guro?
Paano mo bibigyang-kahulugan ang isang mahusay na guro? Ito ba ay isang tao na makalilinang sa memorya ng bata upang masaulo niya ang mga bagay at maipasá ang mga pagsusulit? O ito ba ay isang tao na nagtuturo sa isa na magtanong, mag-isip, at mangatuwiran? Isa na tumutulong sa bata na maging isang mabuting mamamayan?
“Kapag kinikilala natin bilang mga guro na tayo’y kapareha ng ating mga estudyante sa mahaba at masalimuot na paglalakbay sa buhay, kapag pinakikitunguhan natin sila nang may dignidad at paggalang na karapat-dapat sa kanila bilang isang tao, kung gayon tayo ay nasa daan na patungo sa pagiging karapat-dapat na mga guro. Ganiyan lamang kasimple—at ganiyan din kahirap.”—To Teach—The Journey of a Teacher.
Kinikilala ng isang mahusay na guro ang potensiyal ng bawat estudyante at inaalam niya kung paano ito pasusulungin. Si William Ayers ay nagsabi: “Dapat tayong maghanap ng mas mabuting paraan, isang paraan na nagpapasulong sa mga lakas, karanasan, kasanayan, at mga kakayahan . . . Naaalaala ko ang pakiusap ng isang magulang na Katutubong Amerikano na ang limang-taóng-gulang na anak na lalaki ay binansagang ‘mapurol ang ulo’: ‘Alam ni Wind-Wolf ang mga pangalan at mga kaugalian sa pandarayuhan ng mahigit na apatnapung ibon. Alam niyang may labintatlong balahibo sa buntot ang isang agila na balanseng-balanse. Ang kailangan niya ay isang guro na nakaaalam sa buo niyang potensiyal.’ ”
Upang mapalitaw ang pinakamabuti sa bawat bata, dapat alamin ng guro kung ano ang nakawiwili at nakagaganyak dito at kung ano ang nagpapangyari sa bata na mag-isip at kumilos sa isang partikular na paraan. At ang isang dedikadong guro ay dapat na may pagmamahal sa mga bata.
[Credit Line]
United Nations/Photo by Saw Lwin
[Kahon sa pahina 11]
Dapat Bang Laging Nakatutuwa ang Pag-aaral?
Inilista ng gurong si William Ayers ang sampung maling kaisipan tungkol sa pagtuturo. Ang isa sa mga ito ay: “Ginagawa ng matagumpay na mga guro na nakatutuwa ang pag-aaral.” Sabi pa niya: “Ang katuwaan ay nakalilito at nakalilibang. Ang mga payaso ay nakatutuwa. Ang mga biro ay maaaring nakatutuwa. Ang pag-aaral ay maaaring maging kahali-halina, kawili-wili, kahanga-hanga, nakalilito, kaakit-akit, at kadalasang lubhang kalugud-lugod. Kung nakatutuwa ang pag-aaral, mabuti naman. Subalit hindi nito kailangang maging nakatutuwa.” Dagdag pa niya: “Ang pagtuturo ay nangangailangan ng malawak na kaalaman, kakayahan, kasanayan, kaunawaan, at unawa—at higit na mahalaga, nangangailangan ito ng isang maalalahanin at mapagmalasakit na tao.”—To Teach—The Journey of a Teacher.
Nasumpungan ni Sumio, ng Nagoya City, Hapón, ang problemang ito sa kaniyang mga estudyante: “Maraming estudyante sa haiskul ang walang interes sa anumang bagay kundi ang pagkakatuwaan at paggawa ng mga bagay na hindi nangangailangan ng anumang pagsisikap.”
Si Rosa, isang tagapayo ng estudyante mula sa Brooklyn, New York, ay nagsabi: “Ang karaniwang saloobin ng mga estudyante ay na nakababagot ang pag-aaral. Nakababagot ang guro. Iniisip nila na ang lahat ng bagay ay dapat na maging nakatutuwa. Hindi nila natatanto na ang natututuhan mo ay depende sa pagsisikap na ginugugol mo sa pag-aaral.”
Ang masidhing hangarin sa pagkakaroon ng katuwaan ay lalo pang nagpapahirap sa mga kabataan na gumawa ng pagsisikap at mga sakripisyo. Si Sumio, na sinipi kanina, ay nagsabi: “Ang mahalagang bagay ay na hindi nila maisip ang mga bagay na makaaapekto sa kanila sa hinaharap. Lubhang iilan lamang estudyante sa haiskul ang nag-iisip na kung magpapagal sila para sa isang bagay ngayon, magiging sulit ang pagsisikap sa hinaharap.”
[Larawan sa pahina 7]
DIANA, E.U.A.
[Larawan sa pahina 8]
‘Palasak ang paggamit ng droga subalit bihirang matuklasan.’—MICHAEL, ALEMANYA
[Larawan sa pahina 8, 9]
“Nakakaharap namin ang mga problema ng karahasan at pagkasugapa sa droga sa loob ng pamilya.”—AMIRA, MEXICO
[Larawan sa pahina 9]
“Ang mga guro . . . ay dapat pakitunguhan na katulad ng ibang mga propesyonal at hindi katulad ng dakilang mga yaya.”—SANDRA FELDMAN, PRESIDENTE NG THE AMERICAN FEDERATION OF TEACHERS