Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 3/8 p. 26-27
  • Pagkadama ng Pagkakasala—Palagi Bang Masama Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkadama ng Pagkakasala—Palagi Bang Masama Ito?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Pagkadama ng Pagkakasala?
  • Maaaring Maging Kapaki-pakinabang ang Pagkadama ng Pagkakasala
  • Isang Timbang na Pangmalas Hinggil sa Pagkadama ng Pagkakasala
  • Pagkakasala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Nakokonsensiya Ako—Matutulungan Ba Ako ng Bibliya?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pagkakasala, Handog Ukol sa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • ‘Itutok ang Paningin’ sa Hinaharap
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 3/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagkadama ng Pagkakasala​—Palagi Bang Masama Ito?

MINAMALAS ng maraming tao sa ngayon ang pagkadama ng pagkakasala bilang di-kanais-nais. Nadarama nila ang nadama ng pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche, na nagsabi: “Ang pagkadama ng pagkakasala ang siyang pinakakahila-hilakbot na sakit na sumalot sa tao kailanman.”

Ngunit ang ilang mananaliksik ay nagkakaroon na ngayon ng naiibang konklusyon. “Ang pagkadama ng pagkakasala ay isang mahalagang bahagi ng pagiging isang responsableng persona na may damdamin,” ang sabi ni Susan Forward, Ph.D., isang terapist at awtor na kilala sa maraming bansa. “Ito’y isang kasangkapan ng budhi.” Kung gayon, masama ba ang lahat ng pagkadama ng pagkakasala? May mga kalagayan ba kung saan maaaring kapaki-pakinabang ang pagkadama ng pagkakasala?

Ano ba ang Pagkadama ng Pagkakasala?

Napupukaw ang pagkadama ng pagkakasala kapag natanto natin na nasaktan natin ang isa na mahal natin o kapag nabigo tayong maabot ang mga pamantayan na sa palagay natin ay dapat nating sundin. Gaya ng pagkakasabi ng isang reperensiya, may kaugnayan ang pagkadama ng pagkakasala sa “pagkadama ng pagkakautang dahil sa pagiging nararapat managot ng isang tao bunga ng isang pagkukulang, paglabag, krimen, o kasalanan.”

Sa Hebreong Kasulatan, iniugnay ang pagkakasala sa pagkukulang ng isang Israelita na mamuhay ayon sa Kautusan ng Diyos​—mahigit sa kalahati sa mga pagtukoy rito ay nasa mga aklat ng Bibliya na Levitico at Mga Bilang. Kapansin-pansin, bihirang magamit ang pananalitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ngunit sa iilang pagkakataon na lumitaw ito, iniuugnay rin ito sa malulubhang pagsuway laban sa Diyos.​—Marcos 3:29; 1 Corinto 11:27.

Nakalulungkot, maaari tayong makadama ng pagkakasala kahit hindi naman talaga tayo nagkasala. Halimbawa, kung ang isang tao ay perpeksiyonista at may hilig na magtakda ng di-makatuwirang mga pamantayan sa kaniyang sarili, ang bawat pagkasiphayo ay maaaring pumukaw ng di-nararapat na pagkadama ng pagkakasala. (Eclesiastes 7:16) O baka hayaan nating tumindi ang makatuwirang pagkalungkot sa isang pagkakamali o pagkakasala tungo sa pagkadama ng kahihiyan at humantong ito sa di-kinakailangang pagpaparusa sa sarili. Kung gayon, anong kapakinabangan ang maaaring maidulot ng pagkadama ng pagkakasala?

Maaaring Maging Kapaki-pakinabang ang Pagkadama ng Pagkakasala

Maaaring maging kapaki-pakinabang ang pagkadama ng pagkakasala sa di-kukulangin na tatlong paraan. Una, ipinahihiwatig nito na batid natin ang katanggap-tanggap na mga pamantayan. Ipinakikita nito na gumagana ang ating budhi. (Roma 2:15) Sa katunayan, itinuturing ng isang aklat na inilathala ng American Psychiatric Association ang kawalan ng pagkadama ng pagkakasala bilang paggawi na kapaha-pahamak sa lipunan. Nahihirapang makita niyaong mga may tiwali o manhid na budhi ang pagkakaiba ng tama at mali, at maaari itong maging mapanganib.​—Tito 1:15, 16.

Ikalawa, matutulungan tayo ng isang nababagabag na budhi na maiwasan ang di-kanais-nais na mga pagkilos. Kung paanong ang pisikal na kirot ay nagbababala sa atin hinggil sa isang potensiyal na sakit, ang kirot ng damdamin naman na kaugnay ng pagkakasala ay nagbababala sa atin hinggil sa isang moral o espirituwal na problema na kinakailangan nating bigyang-pansin. Kapag batid na natin ang kahinaang iyon, mas madali na nating iwasan na muling saktan ang ating sarili, ang ating mga minamahal, o ang iba pa sa hinaharap.​—Mateo 7:12.

Kahuli-hulihan, ang pagtatapat ng pagkakasala ay makatutulong kapuwa sa nagkasala at sa biktima. Halimbawa, may kalakip na matinding paghihirap ng damdamin ang nadamang pagkakasala ni Haring David. “Nang manahimik ako ay nanghina ang aking mga buto dahil sa pagdaing ko buong araw,” ang sulat niya. Ngunit nang sa wakas ay ipagtapat niya ang kaniyang kasalanan sa Diyos, may-kagalakang inawit ni David: “Palilibutan mo ako ng mga hiyaw ng kagalakan sa paglalaan ng pagtakas.” (Awit 32:3, 7) Maaari pa ngang bumuti maging ang pakiramdam ng isang biktima dahil sa pagtatapat, sapagkat ang pag-amin sa kasalanan ay nagbibigay-katiyakan sa biktima na yaong nagkasala ay may sapat na pag-ibig sa kaniya anupat ikinalungkot nito na ang kaniyang pagkakasala ay nagdulot ng matinding kirot.​—2 Samuel 11:2-15.

Isang Timbang na Pangmalas Hinggil sa Pagkadama ng Pagkakasala

Upang magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa pagkadama ng pagkakasala, pansinin ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng pangmalas ni Jesus at ng mga Pariseo hinggil sa mga makasalanan at sa kasalanan. Sa Lucas 7:36-50, mababasa natin ang tungkol sa isang imoral na babae na pumasok sa bahay ng isang Pariseo, kung saan si Jesus noon ay kasalukuyang kumakain. Nilapitan ng babae si Jesus, hinugasan ang paa nito ng kaniyang mga luha, at pinahiran ang mga ito ng mamahaling langis.

Hinamak ng nagbabanal-banalang Pariseo ang babaing ito anupat para sa kaniya ay hindi man lamang ito nararapat pag-ukulan ng panahon at pansin. Sinabi niya sa kaniyang sarili: “Ang taong ito [si Jesus], kung siya nga ay propeta, ay makakakilala kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniya, na siya ay isang makasalanan.” (Lucas 7:39) Kaagad na itinuwid ni Jesus ang pag-iisip ng Pariseo. “Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo,” ang sabi ni Jesus. “Ngunit pinahiran ng babaing ito ng mabangong langis ang aking mga paa. Dahil dito, sinasabi ko sa iyo, ang kaniyang mga kasalanan, bagaman marami, ay pinatatawad na, sapagkat umibig siya nang higit.” Walang alinlangan na pinasigla ng may-kabaitan na pananalitang ito ang babae at pinagaan ang kaniyang puso.​—Lucas 7:46, 47.

Hindi naman sa kinukunsinti ni Jesus ang imoralidad. Sa halip, itinuturo niya sa hambog na Pariseong iyon ang kahigitan ng pag-ibig bilang pangganyak sa paglilingkod sa Diyos. (Mateo 22:36-40) Siyempre pa, wasto lamang na makadama ng pagkakasala ang babae dahil sa kaniyang imoral na pamumuhay noon. Maliwanag na nagsisi siya, yamang siya ay umiyak, hindi nagsikap na ipagmatuwid ang kaniyang dating paggawi, at gumawa ng mga positibong hakbang upang parangalan si Jesus sa madla. Sa pagkakita nito, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka nang payapa.”​—Lucas 7:50.

Sa kabilang dako naman, patuloy na hinamak ng Pariseo ang babae bilang isang makasalanan. Marahil ay umasa siyang ‘maikikintal niya sa babae ang takot sa Diyos’ at maipadarama rito ang kahihiyan. Ngunit ang palaging pagsisikap na ipadama sa iba na sila ay nagkasala kapag hindi nila laging ginagawa ang mga bagay ayon sa inaakala natin na dapat nilang gawin ay hindi maibigin at, sa dakong huli, ay nagdudulot ng negatibong epekto. (2 Corinto 9:7) Ang pinakamagagaling na resulta ay nagmumula sa pagtulad kay Jesus​—sa pamamagitan ng pagpapakita ng tamang halimbawa, tapat na pagpuri sa iba, at pagpapahayag ng pagtitiwala sa kanila bagaman may pagkakataon na kakailanganin ang pagsaway at payo.​—Mateo 11:28-30; Roma 12:10; Efeso 4:29.

Kung gayon, ang pagkadama ng pagkakasala ay maaaring maging kapaki-pakinabang, baka kailangan pa nga, kapag nakagawa tayo ng pagkakamali. Sinasabi ng Kawikaan 14:9 (Knox): “Pinagagaan ng mga mangmang ang pagkakasala na nangangailangan ng katubusan.” Ang isang nababagabag na budhi ay maaari at dapat na magpakilos sa atin na magtapat at gumawa ng iba pang positibong pagkilos. Gayunman, dapat na ang laging pangunahing dahilan natin sa paglilingkod kay Jehova ay pag-ibig, hindi ang pagkadama ng pagkakasala. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kapag ang mabubuting tao ay napapatibay at napagiginhawa dahil sa naisasaisip ito, gagawin nila ang kanilang buong makakaya. Higit na mahalaga, malulugod sila sa paggawa niyaon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share