Pulot-Pukyutan—Isang Matamis na Tagapagpagaling
INTERESADUNG-INTERESADO ang ilang tagasaliksik sa medisina hinggil sa katangian ng pulot-pukyutan bilang mabisang antiseptiko at pang-ampat ng pamamaga. Ang diyaryong The Globe and Mail sa Canada ay nag-uulat: “Di-tulad ng mga suplay ng antibiotic na mataas ang uri na hindi epektibo sa mga mikrobyo na di-tinatablan ng gamot, nagagawang sugpuin ng pulot-pukyutan ang ilan sa mga mikrobyong ito pagdating sa mga sugat na naimpeksiyon.”
Ano ang nasa pulot-pukyutan na nakapagpapagaling? Iyon ay may kinalaman sa manggagawang pukyutan na nagtitipon ng nektar mula sa mga bulaklak. Ang laway ng pukyutan ay may glucose-oxidase, isang pangunahing enzyme na naghihiwa-hiwalay sa mga sangkap ng glucose na nasa nektar. Isang pangalawahing produkto ng paghihiwa-hiwalay na ito ay ang agua oksihenada, na karaniwang ginagamit upang linisin at disimpektahin ang sugat. Kadalasan na, ang bisa ng agua oksihenada kapag inilagay sa sugat ay panandalian lamang; ngunit sa pulot-pukyutan, ang bisa ay kakaiba. “Kapag ito ay nailagay na sa sugat, ang pulot-pukyutan ay medyo pinalalabnaw ng mga likido ng katawan, at pinabababa nito ang likas na pagkaasido ng pulot-pukyutan,” ang sabi ng Globe. Ang enzyme ay nagkakabisa sa kalagayang ito na hindi gaanong maasido. Ang paghihiwa-hiwalay ng mga elemento ng asukal sa pulot-pukyutan ay mabagal at di-nagbabago. Ang prosesong ito ay unti-unting naglalabas ng agua oksihenada na sapat ang dami upang pumatay ng mga baktirya sa mismong sugat na iyon nang hindi malubhang naaapektuhan ang nakapalibot na malusog na kalamnan.
Ang pulot-pukyutan ay may ilang katangian na nakaaapekto sa paggaling ng sugat, ayon sa Globe. “Ang isang manipis na pahid ng pulot-pukyutan ay naglaan ng mamasa-masang kalagayan na nagsisilbing proteksiyon sa balat at pumipigil sa pagkakaroon ng matigas na langib. Pinabibilis ng pulot-pukyutan ang pagdami at pagkakaroon ng bagong maliliit na ugat ng dugo at pinasisigla nito ang mga selula na nagpapatubo ng bagong balat.” Isa pa, ang mga anti-oxidant sa pulot-pukyutan ay nagtataglay ng bisa na pumipigil sa pamamaga na tumutulong upang “maampat ang pamimintog, mapabuti ang sirkulasyon ng dugo at mapigil ang pagnanaknak ng sugat.’”
“Gayunman, ang pulot-pukyutan ay hindi para sa lahat,” ang babala ng ulat. Tinatayang may mga botulism spore na hanggang 5 porsiyento ang dami sa pulot-pukyutan. Ang mga ahensiya na gaya ng Health Canada’s Botulism Reference Service gayundin ang mga samahang pediatric ay nagbababala laban sa pagbibigay ng pulot-pukyutan sa mga batang wala pang isang taóng gulang dahil “ang mga sanggol ay wala pang sapat na mikroorganismo sa bituka na magsasanggalang sa kanila mula sa mga baktirya.”