Nakapangingilabot na mga Tanawin, mga Silahis ng Pag-asa
“YUMAYANIG ANG MGA GUSALI SA PALIBOT KO AT PUMUPULANDIT ANG MGA APOY. HABANG TUMATAKBO AKO AY NAG-IIYAKAN, NANANALANGIN AT HUMIHINGI NG SAKLOLO ANG MGA TAO SA LAHAT NG PANIG. AKALA KO’Y DUMATING NA ANG KATAPUSAN NG MUNDO.”—G. R., NAKALIGTAS SA LINDOL.
TAUN-TAON, milyun-milyong lindol ang yumayanig sa matigas na ibabaw (crust) ng ating planetang walang tigil sa pagkilos. Sabihin pa, karamihan nito ay hindi naman nararamdaman.a Gayunman, sa katamtaman, halos 140 lindol sa isang taon ang may sapat na lakas upang ilarawan sa salitang Ingles bilang “strong” (malakas), “major” (malakas-lakas), o “great” (napakalakas). Sa buong kasaysayan, ang mga ito ang naging sanhi ng milyun-milyong kamatayan at di-matantiyang halaga ng pinsala sa ari-arian.
Ang mga lindol ay pinagmumulan din ng matinding pinsala sa emosyon ng mga nakaligtas. Halimbawa, pagkaraan ng dalawang lindol na lubhang yumanig sa El Salvador noong mga unang buwan ng 2001, ang tagapag-ugnay ng komiteng tagapayo sa kalusugan ng isip sa ministri ng kalusugan ng bansang iyon ay nagsabi: “Ang mga tao ay nakararanas ng isang yugto ng suliranin sa isipan na kakikitaan ng kalungkutan, pagkasiphayo at galit.” Hindi kataka-taka, ang mga manggagawa ukol sa kalusugan sa El Salvador ay nag-ulat ng 73-porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga pasyenteng dumaranas ng panlulumo at kabalisahan. Sa katunayan, ipinakikita ng mga surbey na kabilang sa mga pangangailangan ng mga nasa kampong iyon sa pagtulong, ang pagbibigay-pansin sa kalusugan ng isip ay pumapangalawa sa pangangailangan para sa tubig.
Subalit ang kuwento hinggil sa mga lindol ay nagsasangkot ng higit pa sa kamatayan, pagkawasak, at kawalan ng pag-asa. Sa maraming kaso, ang mga sakunang ito ay nagpakilos sa mga tao na magpakita ng pambihirang kabutihang-loob at sakripisyo sa sarili. Oo, ang ilan ay walang-sawang gumawa upang kumpunihin ang nasirang mga gusali at muling buuin ang nasirang mga buhay. Ang gayong mga silahis ng pag-asa ay sumikat kahit sa pinakanakapangingilabot na mga tanawin, gaya ng makikita natin.
[Talababa]
a Kasali rito ang mga very minor (napakahina) na lindol, na libu-libo ang nangyayari sa bawat araw.
[Mga larawan sa pahina 2, 3]
Pahina 2 at 3: Sa Atenas, Gresya, natanto ng isang kabataang babae na nasiraan ng loob na ang kaniyang ina ay nakulong sa isang gumuhong gusali. Samantala, isang ama ang tuwang-tuwa na masumpungan na nailigtas ang kaniyang limang-taong gulang na anak na babae
[Credit Line]
AP Photos/Dimitri Messinis