Pagharap sa Naging Resulta ng Lindol
“KANINANG UMAGA PA KAMI NAGLALAKAD. TUMATAKAS KAMI UPANG MAILIGTAS ANG AMING BUHAY. WALANG MAIINOM NA TUBIG, WALANG PAGKAIN. WASAK ANG LAHAT NG BAHAY.”—HARJIVAN, NAKALIGTAS SA ISANG LINDOL SA INDIA NA 7.9 ANG MAGNITUDE.
NAKAPANGINGILABOT na maranasan ang pagngangalit ng isang lindol. “Nagliparan ang mga aklat sa paligid ko mula sa isang aparador na kahoy na walong piye ang taas sa tabi ng aking kama,” ang gunita ng isang nakaligtas sa lindol sa Taiwan noong 1999. ‘Isang pangmotorsiklong helmet na bagong bili ang nahulog mula sa ibabaw ng aking aparador at bumagsak sa tabi ng ulo ko sa aking kama. Balintuna nga,’ ang sabi pa niya, ‘kamuntik pang ito ang nakapatay sa akin.’
Pagkatapos Maligtas sa Isang Lindol
Nakatatakot maranasan ang isang lindol, subalit ang makaligtas dito ay pasimula pa lamang. Ilang oras kasunod ng pangyayari, lakas-loob na sinisikap ng mga manggagawang tumutulong na hanapin at gamutin ang mga nasaktan. Kadalasan, ginagawa nila ito habang nagbabanta ang kasunod na mga pagyanig. “Kailangan naming maging lubhang maingat,” ang sabi ng isang lalaking nagbabalak na maghukay sa gabundok na lupa na naglibing sa isang pamayanan pagkatapos ng isang lindol kamakailan sa El Salvador. “Kung biglang kumilos na muli ang lupa, guguho ang natitira pa sa burol na ito.”
Kung minsan ang mga indibiduwal ay nagpapakita ng higit sa karaniwang pagsasakripisyo sa sarili sa pagsisikap na matulungan ang mga biktima. Halimbawa, nang mangyari ang malaking lindol sa India noong unang mga buwan ng 2001, si Manu, isang may-katandaang lalaki na ngayo’y nakatira sa Estados Unidos, ay nagbalik sa kaniyang bayang tinubuan. “Kinailangan kong umalis,” ang katuwiran niya, “hindi lamang upang tulungan ang aking pamilya, kundi ang lahat ng nagdurusa.” Nasumpungan ni Manu na talagang kaawa-awa ang mga kalagayan sa mga rehiyon na kaniyang dinalaw. Gayunpaman, sinabi niya: “Lubhang kamangha-mangha ang lakas ng loob na ipinakikita ng mga tao.” Isang peryodista ang sumulat: “Wala akong nakikilalang nakatira na malapit sa akin na hindi nagbigay ng anumang maipagkakaloob niya—isang araw, isang linggo o isang buwang suweldo, isang bahagi ng kanilang mga naipon o anumang maibibigay nila upang tumulong.”
Mangyari pa, mas madaling alisin ang mga kaguhuan at gamutin ang mga nasaktan; subalit mas mahirap na isauli ang pagiging normal ng buhay niyaong mga lubhang ginulo ng ilang sandali ng pangingilabot. Isaalang-alang si Delores, isang babaing nawalan ng tahanan sa isang lindol sa El Salvador. “Masahol pa ito kaysa sa digmaan,” aniya. “Kahit paano ay may tahanan kami noon.”
Gaya ng nabanggit sa aming panimulang artikulo, kung minsan ay may malaking pangangailangan hindi lamang para sa materyal na tulong kundi para rin sa emosyonal na suporta. Halimbawa, nang maparalisa ng isang lindol ang lunsod ng Armenia sa gawing kanluran ng Colombia noong kaagahan ng 1999, mahigit sa isang libong buhay ang nasawi, at marami pa ang nasa kalagayan ng pagkasindak at pagkasiphayo. Ganito ang sabi ng saykayatris na si Roberto Estefan, na ang mismong gusali ng apartment na kaniyang tinitirhan ay nawasak sa sakuna: “Saan ka man pumunta, ang mga tao ay humihingi ng tulong. Lumabas ako upang bumili ng hamburger, at sinasamantala ng karamihan ng mga taong bumabati sa akin ang sandali upang sabihin sa akin ang tungkol sa kanilang hindi pagkakatulog at kalungkutan.”
Gaya ng nalalamang mabuti ni Dr. Estefan, ang emosyonal na mga pagkasindak pagkatapos ng lindol ay maaaring makasira ng buhay. Sinabi ng isang babae na nagboluntaryong tumulong sa pagtatayo ng isang kampo para sa pagtulong na ang ilang tao na may mga hanapbuhay ay hindi na pumapasok sa trabaho sapagkat naniniwala silang malapit na silang mamatay.
Paglalaan ng Pag-asa sa Gitna ng Pagkasiphayo
Sa panahon ng gayong krisis, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na tumulong sa mga nakaligtas hindi lamang sa pisikal kundi sa espirituwal at emosyonal na paraan din naman. Halimbawa, karaka-raka pagkatapos ng lindol sa Colombia na binanggit kanina, inorganisa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova roon ang isang lokal na komiteng pangkagipitan. Libu-libong boluntaryong Saksi mula sa lahat ng bahagi ng bansa ang nag-abuloy ng pagkain at salapi. Di-nagtagal, mga 70 toneladang pagkain ang ipinadala sa apektadong lugar.
Kadalasan, mas mahalaga ang espirituwal na suporta. Isang umaga pagkatapos ng lindol sa Colombia napansin ng isa sa mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon ang isang babae na mukhang talagang nanlulumo na naglalakad sa isang lansangan sa wasak na lunsod ng Armenia. Nilapitan niya ang babae at inalukan ito ng isang tract na pinamagatang Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?a
Iniuwi ng babae ang tract at maingat itong binasa. Nang sumunod na pagkakataong dumalaw sa kaniyang bahay ang isa sa mga Saksi ni Jehova, nadama niyang kailangan niyang isalaysay ang kaniyang kuwento. Winasak pala ng lindol ang ilang bahay na pag-aari niya sa lunsod, na nagbibigay sa kaniya ng mahusay na kita. Ngayon siya ay nasa karukhaan. Ngunit hindi lamang iyan. Noong panahon ng lindol, ang bahay na tinitirhan niya na kasama ng kaniyang 25-anyos na anak na lalaki ay gumuho, anupat nasawi ang kaniyang anak. Sinabi ng babae sa Saksing nasa kaniyang pinto na hindi siya kailanman naging interesado sa relihiyon noon subalit ngayon ay marami siyang katanungan. Ang tract ay nagbigay sa kaniya ng tunay na pag-asa. Di-nagtagal, isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitiwala na darating ang panahon na ang sangkatauhan ay hindi na pagbabantaan ng likas na mga sakuna, pati na ng mga lindol. Ipaliliwanag ng susunod na artikulo kung bakit.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 6]
MAGING HANDA!
◼ Tiyaking ang mga water heater ay mahigpit na nakaturnilyo at ang mabibigat na bagay ay nasa sahig o nasa mas mabababang istante.
◼ Turuan ang mga miyembro ng pamilya kung paano papatayin ang kuryente at isasara ang gas at tubig.
◼ Maglagay sa inyong tahanan ng isang pamatay-apoy (fire extinguisher) at isang first-aid kit.
◼ Maghanda ng isang nabibitbit na radyo na may bagong mga batirya.
◼ Magsagawa ng mga pagsasanay sa pamilya hinggil sa kung ano ang gagawin kapag may lindol, at idiin ang pangangailangang (1) manatiling mahinahon, (2) patayin ang mga kalan at mga heater, (3) tumayo sa hamba ng pinto o pumunta sa ilalim ng mesa o desk, at (4) lumayo sa mga bintana, salamin, at mga tsiminea.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
MGA LINDOL SA ISRAEL
Ang Israel ang may “pinakamahaba at pinakawalang-patid na makasaysayang rekord ng mga lindol sa ibabaw ng lupa,” ang sulat ni Propesor Amos Nur. Ang dahilan ay na ang bahagi ng Great Rift Valley—ang fault line sa pagitan ng mga plato sa Mediteraneo at sa Arabia—ay bumabagtas mismo sa Israel, mula sa hilaga hanggang sa timog.
Kapansin-pansin, naniniwala ang ilang arkeologo na ginamit ng sinaunang mga inhinyero ang isang pantanging pamamaraan upang mabawasan ang pinsala ng lindol. Kasuwato ito ng paglalarawan ng Bibliya sa programa ng pagtatayo ni Solomon: “Kung tungkol sa malaking looban, sa palibot ay may tatlong hanay ng tinabas na bato at isang hanay ng mga biga na tablang sedro; at ito rin ang para sa pinakaloob na looban ng bahay ni Jehova, at para sa beranda ng bahay.” (1 Hari 6:36; 7:12) Ang katibayan ng pamamaraang ito ng pagsasama ng mga bigang kahoy sa itinatayong gusaling bato ay nasumpungan sa iba’t ibang lugar—pati na ang pintuang-daan sa Megido, na inaakalang mula pa noong panahon ni Solomon o mas maaga pa rito. Naniniwala ang iskolar na si David M. Rohl na ang mga bigang ito ay maaaring “isiningit sa pagsisikap na protektahan ang gusali mula sa pinsala ng lindol.”
[Larawan]
Kaguhuan ng lindol sa Bet She’an, Israel
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
DALAWANG MINUTO NG PANGINGILABOT—SALAYSAY NG ISANG NAKALIGTAS
Sa Ahmadabad, India, ang aming pamilya ay naghahanda para sa kasal ng aking pinsan. Noong Enero 26, 2001, nagising ako, hindi dahil sa isang orasang de-alarma, kundi sa matinding pagyanig. Narinig ko ang metal na mga kabinet na gumagalaw nang paroo’t parito, at saka ko nalaman na may masamang nangyayari. Sumisigaw ang aking tiyo, “Lumabas kayo ng bahay!” Nang makalabas kami ay nakita namin ang bahay na yumayanig sa magkabi-kabila. Para bang wala na itong katapusan. Sa katunayan, ang mga pagyanig ay tumagal lamang nang dalawang minuto.
Ang kaigtingan ay waring hindi kapani-paniwala sapagkat nangyari ito nang napakabilis. Tiniyak namin na ligtas ang mga miyembro ng aming pamilya. Naputol ang serbisyo ng telepono at kuryente, kaya hindi namin kaagad malaman ang kalagayan ng aming mga kamag-anak sa nakapalibot na mga bayan. Pagkaraan ng isang oras ng kabalisahan, nalaman namin na sila’y ligtas. Hindi lahat ay nakaligtas. Halimbawa, sa Ahmadabad, mahigit na isang daang gusali ang gumuho, at mahigit sa 500 katao ang nasawi.
Nangingilabot ang lahat sa loob ng ilang linggo. Gabi-gabi, ang mga tao ay natutulog na natatakot na magaganap ang isa pang lindol, gaya ng inihula. Mabagal ang pagsasauli, at marami ang nawalan ng tahanan. Lahat ng ito ay dahil sa isang lindol na tumagal lamang nang dalawang minuto subalit ito’y mananatiling buháy sa aming alaala magpakailanman.—Ayon sa salaysay ni Samir Saraiya.
[Larawan sa pahina 6, 7]
Hawak ng isang nakaligtas sa lindol sa India noong Enero 2001 ang larawan ng kaniyang ina, na namatay at sinusunog
[Credit Line]
© Randolph Langenbach/UNESCO (www.conservationtech.com)