Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 3/22 p. 20-23
  • Namatay ang Aking Ipinagdadalang-tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Namatay ang Aking Ipinagdadalang-tao
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Sasabihin Namin sa Aming mga Anak?
  • Kung Paano Ko Napagtagumpayan ang Kawalan
  • Pag-ibig​—Ang Pinakamabisang Lunas
  • Kaaliwan Mula sa Salita ng Diyos
  • Ang Wakas ng Pagdadalamhati
  • Pagkalaglag
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Normal Bang Makadama Nang Ganito?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • Kapag Nagkaanak Na Kayo
    Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 3/22 p. 20-23

Namatay ang Aking Ipinagdadalang-tao

MAINIT at maaraw nang Lunes na iyon, Abril 10, 2000, kaya ipinasiya kong lumabas para gawin ang ilang bagay. Noo’y mag-aapat na buwan akong nagdadalang-tao, at bagaman hindi gayong kasigla ang pakiramdam ko, masaya akong lumabas ng bahay. Pagkatapos, habang nakapila ako para magbayad sa isang groseri, sumamâ ang pakiramdam ko.

Nagkatotoo ang aking mga pangamba nang makauwi ako. Dinurugo ako​—bagay na hindi nangyari sa nakaraang dalawang pagdadalang-tao ko​—at takot na takot ako! Tumawag ako sa aking doktor, subalit iminungkahi niya na maghintay ako at ipagpabukas ko na lamang ang pagpunta, tutal makikipagkita naman talaga ako sa kaniya. Bago namin pinatulog na mag-asawa ang dalawa naming anak, sama-sama kaming nanalangin, hinihiling kay Jehova na bigyan kami ng lakas sa anumang paraan na kakailanganin namin iyon. Nang bandang huli, nakatulog ako.

Mga alas-dos nang umaga, nagising ako sa sobrang sakit. Unti-unting humupa ang sakit, subalit nang ako’y makakatulog na muli, sumakit na naman ito, sa pagkakataong ito ay dumadalas na ang pagsakit. Lumakas din ang pagdurugo, at nabatid ko na ako’y dumaranas ng paghilab. Nag-isip akong mabuti, pinag-isipan ko kung may nagawa kaya ako na naging dahilan para mangyari ito, pero wala akong maisip na anumang maling bagay na nagawa ko.

Pagsapit ng alas-singko nang madaling araw, alam kong dapat na akong magpunta sa ospital. Nang dumating kaming mag-asawa, gumaan ang loob namin na mapunta sa kamay ng napakababait, matulungin, at madamaying mga tauhan sa emergency room. Pagkatapos, makalipas ang dalawang oras, sinabi sa amin ng doktor ang kinatatakutan naming balita: namatay ang aking sanggol.

Dahil sa naunang mga sintomas, nakahanda ako sa kahihinatnang ito at tinanggap ko nang kalmado ang balita. Bukod dito, nasa tabi ko ang aking asawa sa lahat ng pagkakataon at siya’y talagang naging lubos na mapagkalinga. Subalit ngayong kami’y uuwi na wala ang sanggol, iniisip namin kung ano ang sasabihin namin sa aming dalawang anak, si Kaitlyn, na anim na taon noon, at si David, na apat na taon.

Ano ang Sasabihin Namin sa Aming mga Anak?

Bago sila natulog, batid ng mga bata na may masamang nangyayari, subalit paano namin sasabihin sa kanila na ang kanilang magiging kapatid na lalaki o babae ay namatay? Ipinasiya naming maging prangka at tapat. Tinulungan kami ng aking ina sa bagay na iyan sa pagsasabi sa mga bata na hindi namin makakasamang umuwi ang sanggol. Nang dumating kami, sinalubong nila kami at kami’y pinagyayapos at pinaghahagkan. Ang unang tanong nila ay, “Kumusta na po ang baby?” Hindi ako makasagot, subalit ang aking asawa, na nakayapos sa aming lahat, ay nagsabi: “Namatay ang baby.” Nagyakapan kami at nag-iyakan, na nakatulong upang magsimula ang aming paggaling.

Subalit, hindi kami masyadong handa sa susunod na reaksiyon ng aming mga anak. Halimbawa, mga dalawang linggo pagkatapos kong makunan, ipinatalastas sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na isang may-edad nang Saksi at malapít na kaibigan ng aming pamilya ang namatay. Si David, ang apat na taóng gulang na anak namin, ay umiyak nang umiyak, kaya inilabas siya ng aking asawa. Pagkatapos na tumahan, tinanong ni David kung bakit namatay ang kaniyang kaibigan. Pagkatapos ay itinanong niya kung bakit namatay ang sanggol. Kasunod nito, sinabi niya sa kaniyang ama: “Mamamatay rin po ba kayo?” Gusto rin niyang malaman kung bakit hindi pa nililipol ng Diyos na Jehova si Satanas at hindi pa niya sinisimulang “ayusin ang mga bagay-bagay.” Kaya naman, gulat na gulat kaming malaman kung gaano karaming bagay ang naglalaro sa kaniyang murang isipan.

Marami ring katanungan si Kaitlyn. Kapag siya’y naglalaro ng kaniyang mga manika, malimit na nagkukunwari siyang may sakit ang isang manika, samantalang ang ibang mga manika ay nagiging mga nars o mga kapamilya. Gumawa siya ng kahon na yari sa karton na nagsilbing ospital ng manika at paminsan-minsan ay nagkukunwari na namatay ang isa sa kaniyang mga manika. Ang mga katanungan at mga laro ng aming mga anak ay nagbigay sa amin ng maraming pagkakataon na maituro sa kanila ang maraming mahahalagang aral sa buhay at kung paano makatutulong ang Bibliya sa amin upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok. Ipinaalaala rin namin sa kanila ang layunin ng Diyos na gawing magandang paraiso ang lupa, na doo’y wala na ang lahat ng anyo ng pagdurusa at kirot​—maging ang kamatayan.​—Apocalipsis 21:3, 4.

Kung Paano Ko Napagtagumpayan ang Kawalan

Nang una akong umuwi sa bahay mula sa ospital, parang wala akong pakiramdam at gulung-gulo ang isip ko. Nakapalibot sa akin ang mga bagay na dapat kong gawin, pero hindi ko alam kung ano ang uumpisahan ko. Tumawag ako sa ilang kaibigan na nakaranas na ng gaya ng nangyari sa akin, at sila’y totoong nakaaaliw. Isang mahal na kaibigan ang nagpadala sa amin ng mga bulaklak at nag-alok na kunin ang mga bata sa hapon. Labis akong nagpapasalamat sa kaniyang maibiging pagmamalasakit at praktikal na tulong!

Inayos ko ang mga litrato ng pamilya sa mga album. Tiningnan ko at hinawakan ang di pa naisusuot na mga damit ng sanggol​—ang tanging nakikitang alaala ng sanggol na namatay. Sa loob ng maraming linggo, ang aking emosyon ay pabagu-bago. May mga araw na iyak ako nang iyak​—kahit taglay ko ang lahat ng suporta mula sa aking pamilya at mga kaibigan. Kung minsan, naiisip ko na nasisiraan na ako ng bait. Hirap na hirap ang kalooban ko kapag may nakakasama akong mga kaibigan na nagdadalang-tao. Noon, ang tingin ko’y maliit na bagay lamang sa buhay ng babae ang makunan, isang bagay na malalampasan namin nang walang napakaraming problema. Maling-mali ako!a

Pag-ibig​—Ang Pinakamabisang Lunas

Kalakip sa paglipas ng panahon, ang isa pang mabisang lunas ay ang pag-ibig na ipinakita ng aking asawa at ng aking mga kapuwa Kristiyano. Isang Saksi ang nagluto ng pagkain at dinala ito sa aming bahay. Nagdala ang isang matanda sa kongregasyon at ang kaniyang maybahay ng bulaklak at kard, at nagtagal sila hanggang gabi. Batid namin kung gaano sila kaabala, kaya naantig ang aming mga puso sa kanilang pagkamaalalahanin. Ang maraming iba pang kaibigan ay nagpadala ng mga kard o bulaklak. Napakalaking bagay ang simpleng mga salitang “Naaalaala namin kayo”! Isang kakongregasyon namin ang sumulat: “Minamalas namin ang buhay na katulad kay Jehova​—bilang isang bagay na totoong napakahalaga. Kung alam niya na nalaglag sa lupa ang isang maya, tiyak na alam niya kapag nalaglag ang isang hindi pa naisisilang na sanggol.” Sumulat ang aking pinsan: “Talagang hinahangaan namin ang kababalaghan ng pagsilang at buhay, at ipinagtataka rin namin kapag hindi ito nabuo.”

Samantalang nasa Kingdom Hall pagkalipas ng ilang linggo, parang naiiyak ako at kailangan kong lumabas bago magsimula ang pulong. Naupo sa tabi ko sa loob ng kotse ang dalawang malapít na mga kaibigan na nakapansin sa napapaluhang paglisan ko, hinawakan ang aking kamay, at pinatawa ako. Hindi nagtagal kaming tatlo ay bumalik na sa loob. Anong laking kagalakan na magkaroon ng mga kaibigan na “mas malapit pa kaysa sa isang kapatid”!​—Kawikaan 18:24.

Habang kumakalat ang balita, nagulat ako na malaman kung gaano karaming kapuwa ko mga Saksi ang nakaranas din ng kalagayan ko. Maging ang ilan na hindi naman gayong kalapít sa akin noon ay nakapagbigay ng pantanging kaaliwan at pampatibay-loob. Ang kanilang maibiging tulong sa oras na ako’y nangangailangan ay nagpaalaala sa akin ng kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Kaaliwan Mula sa Salita ng Diyos

Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay sumapit isang linggo pagkatapos kong makunan. Isang gabi habang kami’y nagbabasa ng ulat sa Bibliya tungkol sa mga huling araw ni Jesus, biglang pumasok sa isip ko: ‘Alam ni Jehova ang kirot ng mamatayan. Namatay ang kaniya mismong anak!’ Dahil si Jehova ang ating makalangit na Ama, kung minsan ay nalilimutan ko kung gaano kalaki ang pag-unawa at pagkamadamayin niya sa kaniyang mga lingkod​—mga lalaki at mga babae. Sa mismong oras na iyon, nalipos ako ng kaginhawahan. Nadama ko na naging mas malapít ako kay Jehova higit kailanman.

Nagtamo rin ako ng labis na pampatibay-loob mula sa mga publikasyong salig sa Bibliya, lalo na mula sa nakaraang mga labas ng mga magasing Bantayan at Gumising! na tumalakay tungkol sa pagkamatay ng isang minamahal. Halimbawa, nakatulong nang malaki ang mga artikulo tungkol sa “Pagharap sa Kamatayan ng Isang Anak” sa Agosto 8, 1987, labas ng Gumising!, gayundin ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.b

Ang Wakas ng Pagdadalamhati

Habang lumalakad ang panahon, alam kong ako’y magaling na kapag ako’y tumatawa na nang hindi nakokonsensiya dahil sa pagiging masaya at kapag kaya ko nang makipag-usap nang hindi ko nababanggit ang tungkol sa namatay kong sanggol. Magkagayunman, paminsan-minsan ay nadarama ko pa rin na parang sasabog ang dibdib ko, gaya ng kapag nakakita ako ng mga kaibigan na hindi nakabalita na ako’y nakunan o kapag dumalaw sa aming Kingdom Hall ang isang pamilya na may bagong sanggol.

Pagkatapos nagising ako isang umaga na ang pakiramdam ko’y parang nahawi ang mga ulap ng kahapisan. Kahit bago ko pa man naidilat ang aking mga mata, nadama ko ang paggaling​—kapayapaan at katahimikan na hindi ko nadama sa loob ng maraming buwan. Gayunman nang malaman kong ako’y nagdadalang-tao pagkalipas ng isang taon pagkamatay ng sanggol, naiisip ko ang posibilidad na makunan na naman. Mabuti naman, ako’y nagsilang ng isang malusog na sanggol na lalaki noong Oktubre 2001.

Namimighati pa rin ako dahil sa namatay na sanggol. Subalit, ang buong karanasan ay nagpasidhi ng aking pagpapahalaga sa buhay, sa aking pamilya, sa mga kapuwa Kristiyano, at sa Diyos​—na umaaliw sa atin. Idiniin din ng karanasan ang masaklap na katotohanan na hindi kinukuha ng Diyos ang ating mga anak kundi ang “panahon at di-inaasahang pangyayari ay sumasapit [sa ating] lahat.”​—Eclesiastes 9:11.

Inaasam ko ang panahon kapag aalisin na ng Diyos ang lahat ng pagdadalamhati, paghiyaw, at kirot, kasali na ang kirot sa pisikal at emosyon kapag nakunan! (Isaias 65:17-23) Pagkatapos, lahat ng masunuring tao ay makapagsasabi: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”​—1 Corinto 15:55; Isaias 25:8.​—Ipinadala.

[Mga talababa]

a Ipinakikita ng pananaliksik na ang bawat tao ay may kakaibang reaksiyon kapag nakunan. Nagugulumihanan ang iba, may nasisiphayo, at ang iba naman ay labis na nahahapis. Ang pagdadalamhati ay isang likas na reaksiyon sa isang mabigat na kawalan gaya kapag nakunan, ang sabi ng mga mananaliksik, at bahagi ito ng pagpapagaling.

b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 21]

Ang Dalas at mga Sanhi ng Pagkalaglag

“Ipinakikita ng mga pananaliksik na 15 hanggang 20 porsiyento ng lahat ng nasuring pagdadalang-tao ay nagwawakas sa pagkalaglag,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Subalit ang panahong pinakamapanganib na makunan ay sa unang dalawang linggo pagkatapos ng paglilihi (napunlaan), ang panahon na hindi alam ng karamihan sa mga babae na sila’y nagdadalang-tao.” Sinasabi ng isa pang reperensiya na mahigit sa “80 porsiyento ng mga nakukunan ay nangyayari sa unang 12 linggo ng pagdadalang-tao,” na sa mga ito ay halos kalahati ang inaakalang sanhi ng mga depekto sa mga chromosome ng hindi pa naisisilang na sanggol. Ang mga depektong ito ay hindi bunga ng katulad na mga depekto sa mga chromosome ng ina o ama.

Ang iba pang sanhi ng pagkalaglag ay maaaring magmula sa kalusugan ng ina. Binabanggit ng mga awtoridad sa medisina ang mga sakit sa hormon at sistema ng imyunidad, impeksiyon, at mga abnormalidad sa kuwelyo ng matris o bahay-bata ng ina. Ang nagtatagal na mga sakit gaya ng diyabetis (kung hindi nakontrol nang mabuti) at mataas na presyon ng dugo ay maaari ring maging sanhi.

Ayon sa mga dalubhasa, ang pagkalaglag ay hindi naman sanhi ng pag-eehersisyo, pagbubuhat ng mabibigat na bagay, o pagtatalik. Hindi rin dahilan ang pagkahulog, mahinang suntok, o biglang pagkagulantang para makunan. Sinasabi ng isang reperensiya: “Hindi makasasamâ sa isang hindi pa naisisilang na sanggol ang isang kapinsalaan malibang ang kapinsalaan ay napakalubha para manganib mismo ang iyong buhay.” Tunay ngang pinatutunayan ng pagkalikha ng bahay-bata ang isang matalino at maibiging Maylalang!​—Awit 139:13, 14.

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Kung Paano Makatutulong ang Pamilya at mga Kaibigan

Kung minsan ay napakahirap malaman kung ano talaga ang sasabihin o gagawin kapag ang isang kapamilya o isang kaibigan ay nakunan. Iba’t iba ang reaksiyon ng mga tao sa gayong kawalan, kaya naman walang iisang pormula para sa pagbibigay ng kaaliwan at tulong. Gayunman, isaalang-alang ang sumusunod na mga mungkahi.c

Praktikal na mga bagay na magagawa mo upang makatulong:

◆ Mag-alok na bantayan ang mas malalaki nang mga anak.

◆ Magluto ng pagkain at dalhin ito sa pamilya.

◆ Suportahan din ang ama. Gaya ng sabi ng isang ama, “hindi sila gumagawa ng maraming kard para sa mga tatay na nasa ganitong kalagayan.”

Nakatutulong na mga bagay para sabihin:

◆ “Ikinalulungkot kong mabalitaan na nakunan ka.”

Malaki ang magagawa ng simpleng mga salitang ito, at makapagbubukas ito ng pagkakataon para sa higit na nakaaaliw na mga salita.

◆ “Ayos lang na umiyak ka.”

Malimit na napakababaw ng luha ng isa sa unang mga linggo o maging sa loob ng mga buwan pagkatapos na makunan. Bigyang-katiyakan ang tao na hindi mo siya minamaliit dahil sa ipinakikita niyang damdamin.

◆ “Maaari ba kitang tawagan muli sa susunod na linggo para kumustahin ka?”

Sa una, baka maraming makiramay sa mga nagdurusa, subalit habang lumilipas ang panahon at nagdadalamhati pa rin sila, baka madama nila na nakalimutan na sila ng iba. Napakainam na malaman nila na patuloy ang iyong pagsuporta. Maaaring lumitaw ang mga damdamin sa loob ng mga linggo o mga buwan. Maaari pa nga itong bumugso pagkatapos na makapagdalang-tao nang matagumpay.

◆ “Hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko.”

Ang pagsasabi niyan ay kadalasang mas mabuti kaysa walang masabi. Kapuwa ang iyong katapatan at ang bagay na naroroon ka sa kanilang piling ay nagpapamalas ng iyong pagmamalasakit.

Kung ano ang hindi nararapat sabihin:

◆ “Magkakaanak ka pa naman uli.”

Bagaman maaaring ito’y totoo, baka ipagkamali ito bilang pagpapakita ng kawalan ng empatiya. Ayaw ng mga magulang ang basta isang sanggol, ang ibig nila ay ang sanggol na iyon. Bago pa man nila mapag-isipan ang pagkakaroon ng isa pang anak, malamang na magdadalamhati muna sila sa namatay nilang sanggol.

◆ “Nagkadiperensiya siguro ang bata.”

Bagaman maaaring ito’y totoo, hindi ito nakaaaliw. Sa isip ng ina, ang dinadala niya ay isang malusog na sanggol.

◆ “Buti na lang at hindi mo pa nakikilala talaga ang sanggol. Mas masaklap kung sa dakong huli pa ito nangyari.”

Ang karamihan sa mga babae ay napapamahal na sa kanilang mga sanggol kahit sa pasimula pa. Kaya kapag namatay ang sanggol na iyon, karaniwan nang kasunod ang pagdadalamhati. Napasisidhi pa ang pagdadalamhating ito ng bagay na walang sinuman ang “nakakilala” sa sanggol na katulad ng ina.

◆ “Hindi bale may iba ka pa namang mga anak.”

Para sa mga magulang na nagdadalamhati, katumbas na rin ito ng pagsasabi sa isang naputulan ng kamay o paa: “Hindi bale may isa pa namang natitira.”

Mangyari pa, dapat tanggapin na maging ang pinakamapagkalinga at pinakataimtim na mga tao ay makapagbibitiw ng maling mga salita paminsan-minsan. (Santiago 3:2) Subalit, nanaisin ng nakauunawang mga babae na nakaranas na makunan na magpakita ng Kristiyanong pag-ibig at hindi magtanim ng sama ng loob sa mga taong mabuti naman ang intensiyon ngunit padalus-dalos kung magsalita.​—Colosas 3:13.

[Talababa]

c Hinalaw mula sa A Guide to Coping With Miscarriage, na ginawa ng Wellington, New Zealand, Miscarriage Support Group.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share