Nagyeyelong mga Ubas na Nagbibigay ng “Gintong Likido”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
Ang mayelong panahon ng taglamig sa rehiyon ng Niagara sa Canada ay umaakit ng maraming manggagawa na malalakas ang loob na sumuong sa masamang lagay ng panahon at magtungo sa ubasan. Maaaring pababain ng malamig na hangin ang temperatura nang mga -40 digri Celsius. Bakit gayon na lamang kasabik ang mga mang-aaning ito na lumabas sa gayong kasamang lagay ng panahon at mamitas ng nagyeyelo, nangulubot na mga ubas na kasintitigas ng mga batong marmol? Sapagkat ang gayong naluoy na mga ubas ay nagbibigay ng napakatamis na alak na may ginintuang kulay—icewine.
Tamang Panahon at Temperatura
Tinawag ng Amerikanong manunulat na si Mark Twain ang di-inaasahang pangyayari na “ang pinakadakila sa lahat ng imbentor.” Gayon ang nangyari sa Franconia, Alemanya, noong 1794 nang katasin ng mga tagagawa ng alak ang nagyeyelong mga ubas pagkatapos ng isang bagyo ng yelo. Ang mga ubas ay nagbigay ng alak na may di-pangkaraniwang dami ng purong asukal; gayunman, ginagawang timplado ng matinding asim nito ang katamisan ng alak. Subalit, ang paggawa ng icewine sa bawat taon ay naghaharap ng mga pantanging hamon sa tagagawa ng alak. Ang temperatura ay dapat na mas mababa pa sa –7 digri Celsius sa loob ng ilang araw upang mamuo nang tamang-tama ang katas. Ang mabilis na pagkalusaw ay makapagpapatabang sa matamis na katas. Kung maging labis naman ang lamig, kakaunti lamang ang makakatas mula sa matitigas na ubas. “Ito’y nangangailangan ng kasanayan,” sabi ng isang tagagawa ng alak sa Niagara. “Kailangang tamang-tama ang temperatura.”
Ang klima sa katimugang Canada, lalung-lalo na sa rehiyon ng Niagara, ay angkop na angkop sa paggawa ng icewine. Karaniwan nang bumababa ang temperatura nang –7 digri Celsius sa pagitan ng mga buwan ng Nobyembre at Pebrero. Ang mga tagagawa ng alak ay lalo nang nagiging matagumpay sa paggawa ng icewine mula sa mga ubas na Riesling at Vidal, bagaman ang iba pang uri ay ginagamit din. Bagaman gumagawa rin ng icewine ang iba pang mga bansa, ang Canada ang pinakamalaking tagagawa nito sa buong daigdig, na nagkakamit ng malalaking gantimpala sa ilang internasyonal na kompetisyon sa alak.
Bakit Napakatamis?
Ang labis na katamisan ng alak ay dahil sa natipong asukal sa katas ng ubas. Ang mga ubas, na ang 80 porsiyento nito ay tubig, ay pinipitas at pinipiga habang nagyeyelo. Kailangang pigain ng mga tagagawa ng alak ang mga ubas sa labas o kaya’y hayaang nakabukas ang mga pintuan ng gawaan ng alak upang tiyakin na ang mga ubas ay nananatiling nagyeyelo. Karamihan ng tubig, na namumuo sa mas malamig na temperatura kaysa sa asukal, ay nagiging yelo. Kaya kapag piniga ang nagyeyelong mga ubas, ang lumalabas na katas ay may purong asukal. Ang katas na ito, sang-ayon sa isang kolumnista tungkol sa alak, ay “hindi kapani-paniwala ang tamis.”
Kapansin-pansin, bagaman ang Canada ay kilala sa matinding taglamig nito, ang Niagara ay mas nasa bahaging timugan kaysa sa kilalang rehiyon ng Burgundy sa Pransiya. Kaya naman, dahil sa mas matagal na sikat ng araw at matataas na temperatura sa buwan ng Hulyo—ang panahon kapag napakabilis ng paglago ng mga punong ubas—ang Niagara ay nasa angkop na angkop na dako para sa paggawa ng icewine na may purong asukal. Sa taglagas ang klima ay lubhang nagbabagu-bago, na siyang nagpapatuyo sa mga ubas at nagpapatindi ng tamis.
Pagtikim sa “Gintong Likido”
Karaniwan nang makagagawa ng isang 750-mililitrong bote ng alak mula sa isang kilo ng karaniwang mga ubas. Gayunman, depende sa hangin at sa sikat ng araw kung taglamig, ang isang kilo ng natuyong ubas na pinanggagalingan ng icewine ay makapagbibigay lamang ng 150 mililitro o mas kaunti pa rito! Kaya naman, ang icewine ay maaaring maging napakamahal at karaniwan nang ipinagbibili nang tig-kakalahating bote (375-mililitrong mga bote).
Sang-ayon sa isang tagagawa ng alak, ang bango ng icewine ay “makapagpapaalaala [sa iyo] sa amoy ng nuwes ng lychee,” samantalang ang lasa nito ay gaya ng “tropikal na mga prutas, na may kaunting lasa ng peach nectar at mangga.” Bagaman parang nangingibabaw sa una ang tamis at tapang ng lasa nito, “nagiging tama ang timpla nito dahil sa asim, na nagbibigay ng puro at suwabeng lasa rito.”
Hindi lamang sa Canada popular ang icewine. Iniluluwas nang malawakan, lalung-lalo na sa Silangang Asia, ang icewine ay malugod na tinanggap bilang mainam na panghalili sa cognac.
Kapansin-pansin, iniulat ng ilang mga pagawaan ng alak sa Niagara na ilang indibiduwal ang nagkusang makisali sa nakapangangaligkig na panahon ng pag-aani. Ang kanilang kabayaran? Kalahating bote ng “gintong likido.”
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Mga ubas: © Bogner Photography
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Julianna Hayes, BCWine.com