Nagdudulot ng Mas Mahimbing na Pagtulog ang Mas Maaliwalas na mga Araw
MAY problema ka ba sa pagtulog? Marahil ang suliranin ay ang hindi gaanong pagkakahantad sa liwanag kapag araw, lalo na kung ikaw ay may-edad na. Isinagawa kamakailan ng mga mananaliksik sa Hapon ang isang pagsusuri sa mga residente ng mga nursing home, na dumaranas ng insomniya, at nasumpungan nila na ang di-sapat na pagtulog ng mga residente ay kaugnay ng kanilang limitadong pagkakahantad sa liwanag. Gayundin, isiniwalat ng mga pagsusuri sa dugo na ang mga residenteng ito na may-edad na ay may mabababang antas ng hormon na melatonin.
Ang melatonin ay inilalabas ng glandulang pineal sa utak. Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang araw-araw at regular na paglabas ng melatonin ay nagpapangyari sa antas ng hormon na ito sa dugo na “tumaas kapag gabi at halos di-kapansin-pansin sa umaga,” ang sabi ng ulat sa The Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism. Gayunman, kapag ang mga may-edad na ay hindi nahahantad sa sapat na liwanag kung araw, bumababa ang antas ng melatonin sa dugo. Dahil dito, waring hindi malaman ng katawan kung kailan ang araw o gabi, na pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na nakaaapekto sa kalidad ng pagtulog.
Nang ihantad ang mga may-edad na may insomniya sa artipisyal na liwanag sa loob ng apat na oras sa kalagitnaan ng araw (alas-diyes hanggang tanghali at alas-dos hanggang alas-kuwatro) sa loob ng apat na linggo, ang paglabas ng kanilang melatonin ay tumaas “hanggang sa mga antas na katulad niyaong sa nakababatang grupo sa eksperimento,” ang sabi ng ulat.a Kasabay nito, bumuti ang kalidad ng kanilang pagtulog.
Dahil sa mga natuklasang ito, “ipinalalagay [ng mga mananaliksik] na ang mga may-edad na, lalo na ang mga EI [elderly insomniac], na gumugugol ng kalakhang bahagi ng kanilang araw-araw na buhay sa ilaw sa kuwarto, ay maaaring tumatanggap ng di-sapat na tindi ng liwanag na makapagpapabago sa kanilang 24 na oras na sistema [ang panloob na orasan ng kanilang katawan].” Dahil sa ang ilang taong may-edad na ay umiinom ng mga suplementong melatonin bilang pampatulog, sinabi ng ulat: “Yamang isinasaalang-alang ang posibleng masasamang epekto ng matagalang pag-inom ng melatonin, ang pagkahantad sa liwanag sa kalagitnaan ng maghapon ay maaaring maglaan ng isang mas kaayaaya, mabisa, ligtas, at kontroladong terapeutikong gamot para sa mga EI na humina ang paglabas ng melatonin.”
Kaya kung ikaw ay nasa loob ng isang gusali nang halos maghapon at dumaranas ng insomniya, bakit hindi subuking gumugol ng higit na panahon sa labas—o sa paanuman ay hayaan na pumasok ang liwanag hangga’t maaari sa iyong tahanan kapag araw, at panatilihin ang iyong kuwarto na madilim kapag gabi. Maaari mong masumpungan na nagdudulot ng mas mahimbing na pagtulog ang mas maaliwalas na mga araw.
[Talababa]
a Kabilang sa pagsusuri ang dalawang grupo sa eksperimento: sampung kabataan at sampung malulusog na residenteng may-edad na mula sa iisang nursing home na tinutuluyan din niyaong mga may insomniya.