Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 4/8 p. 8-11
  • Pagharap sa Hamon ng Pagiging Ina

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa Hamon ng Pagiging Ina
  • Gumising!—2002
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Hadlang sa Pagiging Ina
    Gumising!—2002
  • Ang mga Hamon na Kinakaharap ng mga Ina
    Gumising!—2005
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
  • Kung Paano Magiging Ganap na Maligaya ang Isang Ina
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 4/8 p. 8-11

Pagharap sa Hamon ng Pagiging Ina

Yamang kinakatawan ng mga anak ang henerasyon sa hinaharap, kung gayon ang mga babaing humuhubog sa kanila, ang kanilang mga ina, ay karapat-dapat na igalang, parangalan, at suportahan. Bagaman iba’t iba ang pagpapakahulugan na ibinibigay ng modernong daigdig hinggil sa pagiging ina, tinitiyak ng Bibliya na ang mga anak ay isang pagpapala mula sa Diyos at maaaring pagmulan ng kaligayahan para sa mga magulang. (Awit 127:3-5) Subalit hindi naman ipinagwawalang-bahala ng Kasulatan ang mga katotohanan sa pagiging ina. Iniuulat ng Bibliya ang marami sa mga hamong ito.

Ang mga pagpapasiyang ginagawa ng mga magulang hinggil sa pagiging magulang at pagiging ina ay may malalim at nagtatagal na impluwensiya sa buhay at pag-uugali ng kanilang mga anak. Ang mga desisyong ito ay maaaring magdulot ng malalaking pagbabago sa istilo ng pamumuhay ng mga magulang, kaya kailangang gawin ito nang maingat. Inilalakip nila ang mga katanungang gaya ng: Dapat bang magtrabaho ang ina sa labas ng tahanan? Kung oo, gaano kahabang oras? Sino ang mag-aalaga sa mga bata samantalang nagtatrabaho ang ina? Sa kahuli-hulihan, kailangang gawin ng mga magulang ang inaakala nilang pinakamabuti para sa kanilang mga anak at gayundin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos.

Gayunman, hindi dapat madama ng mga ina na sila’y nag-iisa sa pakikipagpunyagi sa paggawa ng matalinong mga pasiya. Maaari silang magkaroon ng malaking kaaliwan mula sa mga salitang nasa Isaias 40:11, na nagsasaad na ang Diyos ay totoong nababahala sa mga pangangailangan ng mga ina na may mga sanggol, anupat sila’y “maingat niyang papatnubayan.” Ipinakikita ng Diyos ang gayon na lamang kalaking pagmamalasakit sa pamamagitan ng paglalaan ng maraming alituntunin sa Bibliya na magpapangyaring maging kasiya-siya at matagumpay ang pagiging ina.

❖ Maging makatuwiran: Ang mga Kristiyano ay dapat makilala sa kanilang pagiging makatuwiran. (Filipos 4:5) Natutuhan ni Janet Penley, isang manunulat at ina, ang kahalagahan ng simulaing ito. “Pinasimulan ko ang pagiging ina taglay ang napakataas na mga inaasahan,” ang sabi niya. “Nilayon ko na maging ang pinakamahusay na ina. Binasa ko ang lahat ng aklat at nakinig sa lahat ng eksperto. Subalit sa halip na makadama ng tagumpay at pagiging may-kakayahan, nauwi ako sa pagkadama ng kawalang-kakayahan at kaigtingan.” Ipinaliwanag niya na ang “pagsunod sa inaasahan ng iba at pagsisikap na iakma ang iyong sarili sa ‘huwarang’ pamantayan ay nagpapahina sa espiritu at lumilikha ng pag-aalala at pagkadama ng pagkakasala.”

❖ Maging simple: “Ang bagay na nanganganib na maiwala ng mga pamilya sa nakapapagod na istilong ito ng buhay,” ang sulat ng magasing Newsweek, “ay ang pinakadiwa ng pagiging bata at ang kagalakan ng buhay pampamilya.” Iyan ang dahilan kung bakit minimithi ng maraming ina ang mas simpleng buhay. Paano mo matatamo ito? Una, itakda ang mga priyoridad, anupat nagbibigay ng pansin sa “mga bagay na higit na mahalaga,” kasali na ang panahon at personal na pag-aasikaso sa pangangailangan ng iyong mga anak. (Filipos 1:10, 11) Ikalawa, suriin ang iyong istilo ng buhay. Baka kailangang isaisantabi mo ang mga gawain at mga ari-arian na hindi naman talaga kailangan.

Ano ba ang pinakamahalaga sa iyong buhay? Iyon ba’y ang pagkakaroon ng lahat ng bagay sa isang iglap, o maaari bang ipagpaliban ang ilang mga tunguhin samantalang sinisikap mong matamo ang iba pa? Si Carolyn, isang ina na kinakapos sa materyal na mga bagay, ay nagsasabi kung paano niya nakakayanan ang kalagayan: “Ginagawa kong simple ang mga bagay at nagtitipid ako.” Ganito naman ang naalaala ni Gloria, isang ina na may tatlong anak: “Wala kaming pambili ng mga mamahaling damit na may tatak, pero ako ang nananahi ng mga damit ng mga bata, at sinasabi ko sa kanila na ito’y espesyal dahil sa walang sinuman ang may suot nito.”

Sinasabi ng Salita ng Diyos na ang taong “nag-iingat ng kaunawaan ay makasusumpong ng mabuti.” (Kawikaan 19:8) Kailangan ang kaunawaan upang matimbang ang walang-katapusang mapagpipiliang libangan, mga kagamitan, at kausuhan na halos gumagapi sa mga ina at mga bata. Si Judith, isang ina mula sa Timog Aprika, ay nagsasabi: “Patuloy tayong dinaragsa ng bagong mga produkto, mas mahusay na teknolohiya, at mas maraming serbisyo!” Ganito ang sinabi ni Angela, isang ina na may apat na anak mula sa Alemanya, kung paano niya pinagtatagumpayan ang hamon na iyan: “Kailangang tiyakin mo kung ano ang mahalaga at kapaki-pakinabang para sa iyo, at tulungan mo ang iyong mga anak na gayundin ang gawin.”

❖ Gawin ang posibleng mga pagbabago: “Gamitin ang sentido-kumon at matinong pagpapasiya,” ang payo ng Bibliya. (Kawikaan 3:21, Contemporary English Version) Kung sa kasalukuyan ay nagtatrabaho ka sa labas ng tahanan, maaari bang mabuhay ang iyong pamilya sa sinusuweldo lamang ng iyong asawang lalaki? Upang matulungan na masagot ang tanong na ito, tiyakin kung gaano talaga kalaki ang iyong iniuuwing suweldo pagkatapos na kaltasin ang mga buwis, bayad sa pangangalaga sa bata, pamasahe, damit, pagkain sa restawran, at iba pang gastusin. Isa pa, baka mas mataas ang buwis na sisingilin sa suweldo ng iyong asawa kapag ang pinagsama ninyong kita ay uriin sa mas mataas na braket ng suweldo. Baka magulat ka kung gaano kaliit na lamang ang natira.

Ang ilan ay nagtatrabaho nang mas kaunting oras o mas malapit sa bahay, na maaaring mangahulugan ng mas kaunting gastos subalit mas maraming oras sa mga anak. Kung ipasiya mong huminto sa pagtatrabaho at kung ang iyong trabaho ay naging importante para sa iyong pagpapahalaga sa sarili at pagkadama ng tagumpay, pag-isipan kung paano mo mapananatili ang mahahalagang bagay na ito habang nasa bahay ka.

❖ Humingi ng tulong: Paulit-ulit na ipinakikita ng Salita ng Diyos na ‘ang paghingi ng tulong’ ay may maibubunga. (Exodo 2:23, 24; Awit 34:15) Ang paghingi ng tulong ng isang ina ay dapat na suklian ng pagtulong ng asawang lalaki. Sa kaniyang pakikipagtulungan sa iyo, baka magawa ninyong maitatag ang isang kaayusan ng pagtutulungan sa gawaing-bahay para magkaroon kayo ng panahon na maisakatuparan ang mga tunguhin na pareho ninyong itinakda​—gaya ng pagkakaroon ng panahon para sa inyong mga anak. Kung posible, dapat ding humingi ng tulong ang isang ina sa mga taong maaaring sumuporta, kasali na ang pamilya at pinagtitiwalaang mga kaibigan, na may katulad na mga interes at tunguhin.

Maraming ina ang nakasusumpong ng kapaki-pakinabang na tulong mula sa lokal na kongregasyong Kristiyano ng kanilang mga kapananampalataya. Natanto ni María, isang ina na may tatlong anak, na “ang pagiging malapít sa kongregasyon” ay isa sa mga paraan na “ipinakikita ng Diyos sa atin ang pag-ibig at pagkamadamayin at ipinamamalas nito sa atin na siya’y nagmamalasakit sa atin.”

❖ Magrelaks: Maging si Jesus, isang sakdal na tao na lipos ng lakas, ay nag-anyaya sa kaniyang mga alagad na magtungo “nang sarilinan sa isang liblib na dako at magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:30-32) Ang tagumpay sa pagiging isang ina ay nakadepende sa iyong kakayahan na manatiling timbang sa buong panahon ng maigting na kalagayan. Totoo na kailangan ka ng iyong mga anak, subalit kailangan din nilang makita kang maligaya at kontento. Kailangan mo ang makatuwirang pagrerelaks.

Si Angela, na nabanggit kanina, ay may plano para sa pagrerelaks: “Naglalaan ako ng tahimik na oras sa umaga. Sa paanuman ay gumugugol ako ng kalahating oras para sa aking sarili. At kaming mag-asawa ay may isa o dalawang gabi bawat linggo kapag ang aming mga anak ay inaasahang nasa ibang kuwarto sa loob ng bahay at gumagawa nang tahimik doon. Kaya naman may isang oras kami para sa aming mga sarili.”

❖ Bigyan ng priyoridad ang espirituwalidad: Karaniwan nang napapansin na ang mga hamon ng pagiging ina ay pinabibigat ng kawalan ng pinagtutuunang layunin at kawalan ng mga priyoridad. Nakararanas ng kaligayahan ang mga pamilyang Kristiyano kapag sama-sama nilang inuuna sa kanilang buhay ang kalooban ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Ang isang pamilya na namumuhay taglay ang makadiyos na debosyon at na sumusunod sa patnubay ng Diyos gaya ng nakasaad sa Bibliya ay makasusumpong ng kaligayahan. Kahit na iisang miyembro lamang ng pamilya ang nagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, mas mabuti naman ang mga bagay kaysa sa walang gumagawa niyaon.

Naunawaan ni Adele, isang Kristiyanong ina na buong-panahong nagtatrabaho, ang mga kapakinabangan ng pagiging palaisip sa espirituwal. Ang sabi niya: “Napakarami naming patnubay at impormasyon sa mga publikasyong nakasalig sa Bibliya na nagtuturo sa amin tungkol sa kung ano ang mga kinakaharap ng aming mga anak at kung paano namin sila matutulungan. Nagiging sulit ang lahat kapag nakikita mo ang iyong mga anak na tumutugon sa kung ano ang ipinakakain mo sa kanila sa espirituwal na paraan. Kapag nakakakita ka ng unti-unti at positibong pagbabago sa kanilang paggawi at pangangatuwiran, matatanto mo na nauunawaan nila ang iyong itinuturo at nagtatagumpay ang iyong mga pagsisikap.”a

Oo, posibleng malampasan nang matagumpay ang mga hadlang sa pagiging ina. Ang Diyos mismo ay nagbibigay ng nakaaaliw na katiyakan na hindi mawawalan ng kabuluhan ang mga pagsisikap ng masisipag at mapagsakripisyo-sa-sariling mga ina na nagtitiwala sa kaniya. Ang mga ina na naglilinang ng personal na kaugnayan sa kaniya ay makasusumpong ng kaaliwan sa kaniyang pangako na ‘magbibigay ng lakas sa pagód.’​—Isaias 40:29.

[Talababa]

a Inilimbag ng mga Saksi ni Jehova ang maraming salig-Bibliyang publikasyon na nilayon para sa pagsasanay sa mga bata. Kasali rito Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, at Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.

[Kahon sa pahina 10]

Ang Impluwensiya ng Isang Ina

Bilang isang ina, baka minsan ay napag-iisip-isip mo kung gaano kalaki ang impluwensiya mo sa buhay ng iyong anak. Kung minsan, baka parang mas nadaraig ng impluwensiya ng mga kaedad, mga guro, libangan, mga laro sa video, at musika ang iyong impluwensiya.

Kunin ang halimbawa ni Jochebed, ang ina ni Moises. Nabuhay siya noon sa isang napakahirap na panahon at wala siyang gaanong awtoridad sa mangyayari sa kaniyang anak na lalaki. Subalit, ginamit niya ang mga pagkakataong taglay niya upang hubugin ang paglaki ng kaniyang anak. Una, nagkaroon siya ng matibay na pananampalataya sa pamamagitan ng di-pagpapahintulot na mamatay si Moises. Ginantimpalaan ng Diyos ang kaniyang pananampalataya hindi lamang sa pagliligtas sa buhay ng sanggol kundi sa pamamagitan din ng pagmamaniobra sa mga pangyayari na nagpahintulot kay Jochebed na magsilbing tagapag-alaga​—at ina​—mismo ni Moises.​—Exodo 1:15, 16; 2:1-10.

Maliwanag na nakatulong si Jochebed sa paghubog ng pagkatao ng kaniyang anak. Ang bagay na may malapít na damdamin ang nasa hustong-gulang na si Moises sa mga Hebreo at sa kanilang Diyos sa kabila ng kaniyang maharlikang mga kaugnayan sa Ehipto ay nagpapatotoo sa impluwensiya ng kaniyang mga magulang noong panahong siya’y nagkakaisip.​—Hebreo 11:24-26.

Bilang isang ina, marahil ay mas marami ang pagkakataon mo kaysa kay Jochebed para impluwensiyahan ang iyong anak. Sinasamantala mo ba ang ilang maiikling taon sa panahon ng pagkabata ng iyong anak upang magbigay ng panghabang-buhay at makadiyos na alituntunin? O pinahihintulutan mo bang mangibabaw ang impluwensiya ng kasalukuyang kultura sa paglaki ng iyong anak?

[Mga larawan sa pahina 10]

Patulungin ang iba sa gawaing-bahay, maglaan ng panahon sa sarili, at bigyan ng priyoridad ang espirituwalidad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share