Bakit Umaalis ang mga Tao sa mga Tradisyonal na Relihiyon?
MAY MGA 1.7 bilyong tagasunod ang mga relihiyong nag-aangkin na nakasalig ang kanilang mga turo sa mga turo ni Jesu-Kristo. Ibinilang ang Sangkakristiyanuhan bilang ang pinakamalaking relihiyon sa daigdig, anupat nahihigitan pa nga ang popular na mga relihiyong tulad ng Budismo, Hinduismo, at Islam. Gayunman, ipinakikita ng mga ulat na sa maraming bansang nag-aangkin na Kristiyano, nawawala na ang kontrol ng Sangkakristiyanuhan sa mga tao.
Iniiwan ng mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan ang kani-kanilang mga simbahan. Si Ronald F. Inglehart, isang mananaliksik sa University of Michigan at direktor ng World Values Survey, ay nagsabi na naglalaho na ang papel ng relihiyon sa mauunlad na lupain. Ganito ang pagsipi ng magasing Bible Review sa kaniyang sinabi: “Hindi lamang bumagsak ang bilang ng mga nagsisimba bawat linggo, kundi ang mga bansa sa Latin Amerika ay nagpapadala na ngayon ng mga misyonero upang iligtas ang mga kaluluwa ng kanilang dating mga mananakop.” Sinasabi niya na ang “pagbagsak ng relihiyon” ay lalo nang kapansin-pansin sa ilang bansa sa hilagang Europa. Sa Norway at Denmark, 5 porsiyento lamang ng populasyon ang regular na nagsisimba. Sa Sweden, ang bilang ay kasimbaba ng 4 na porsiyento, at sa Russia ay 2 porsiyento.
Ipinakikita ng mga ulat mula sa Alemanya na sa pagitan ng taóng 1984 at 1993, ang bilang ng mga regular na nagsisimba sa mga rehistradong Katoliko ay bumaba mula 25.3 porsiyento tungo sa 19 na porsiyento. Pagsapit ng 1992, 4 na porsiyento lamang ng mga Protestante ang regular na nagsisimba kapag Linggo. Noong 1999, iniulat ng Christianity Today: “Isa lamang sa sampung Aleman ang nagsisimba bawat linggo.”
Hinggil sa pagbaba ng bilang ng mga mananampalataya sa Britanya, sinabi ng pahayagang The Guardian: “Hindi pa kailanman naging ganito kasamâ ang kalagayan ng Kristiyanismo.” Sinabi ng artikulo na “para sa pari at presbitero, ang 1950-2000 ang pinakamasahol sa mga kalahating siglo.” Bilang pagtukoy sa isang pantanging ulat hinggil sa relihiyon sa United Kingdom, ipinakikita ng pahayagan na hindi lamang mga kabataan ang nawawalan ng pananampalataya sa organisadong relihiyon kundi pati na rin ang mga may-edad. Sinasabi nito: “Nawawalan na ng pananampalataya sa Diyos ang mga may-edad habang tumatanda sila. Ang bagong pagsasaliksik na tumitiyak sa kalakarang ito ay gigitla sa mga simbahan ng Britanya na nasa krisis, na hanggang sa ngayon ay itinuturing ang mga may-edad bilang ang nananatiling pangunahing suporta ng kanilang lumiliit na mga kongregasyon.”
Masusumpungan ang nakakatulad na kalakaran sa labas ng Europa. Halimbawa, sinabi ng magasin sa Canada na Alberta Report na ang Canada ay dumaranas ng isang “pagbagsak ng nakatatag na paniniwala at pagsamba” at na “tatlong beses ang dami ng mga taga-Canada na mas gugustuhing sundin ang kanilang sariling mga pananaw hinggil sa Diyos kaysa magpasakop sa isang maliwanag na kredo.”
Nadarama ng maraming tao na talagang hindi sila napayayaman o naliliwanagan sa espirituwal sa pamamagitan ng pagsisimba. Ayon sa magasin ng Canada na Maclean’s, sinabi ng kapuwa mga Judio at Katoliko na kinapanayam sa isang Himalayan ashram, o sa religious retreat ng mga Hindu, ang ganitong opinyon: “Hindi na kami napakikilos at naaantig ng nakababagot na mga ritwal.” Sa katunayan, kahit pagkatapos ng maraming taon ng tapat na pagsisimba, nasumpungan ng marami ang kanilang sarili na nag-iisip, ‘Ano ba talaga ang natutuhan ko sa simbahan? Naging mas malapit ba ako sa Diyos dahil dito?’ Hindi kataka-taka na, gaya ng pagkakasabi ng awtor na si Gregg Easterbrook, “sa Kanluran, pinalitan ang materyal na karukhaan ng espirituwal na karukhaan bilang ang pangunahing kakulangan sa ating panahon.”
Siyempre pa, maraming lupain ang may mas matataas na bilang ng mga nagsisimba. Gayunman, ang pagsisimba ay hindi laging nangangahulugan ng matapat na pagsunod sa mga turo ng simbahan. Halimbawa, sinabi ng pahayagan ng Australia na The Age na sa Kanluran, “ang bilang ng mga Kristiyano na nagsasagawa ng kanilang relihiyon ay mabilis na bumababa. Sa kalakhang bahagi ng Aprika, Asia at Latin Amerika, ang Kristiyanismo ay isang talukbong kung saan maraming tao sa likod nito ang patuloy na nangungunyapit sa mas maraming kakatwang mga paniniwala mula sa tribo o kulto na walang kinalaman sa mga tradisyonal na turo ng Kristiyano, anupat madalas ay sumasalungat pa nga sa mga ito, at opisyal na itinakwil maraming taon na ang nakalipas.”
Bakit iniiwan ng napakaraming tao, bata at matanda, ang kanilang mga simbahan? Waring ang isang malaking salik ay ang pagkadismaya.
Ang Masamang Rekord ng Relihiyon
Ganito ang komento ng The Guardian: “Ang simbahang Romano Katoliko ay may napakasamang rekord ng pakikipagsabuwatan sa pasismo sa buong ika-20 siglo, mula sa mga pagbati nito kay Heneral Franco pagkatapos ng digmaang sibil sa Espanya, hanggang sa kamakailang mga pagsuporta nito kay Heneral Pinochet.” Sinabi rin ng Guardian na si Pope Pius XII, ang obispo noong panahon ng digmaan, “ay lubhang nalulugod na makipag-ayos kay [Hitler] at iwasan ang potensiyal na mga kahihiyan kagaya ng pagtuligsa sa Holocaust.”
Sinabi ng The Age: “Ang mga pag-aangkin ng Kristiyanismo ay napatunayang huwad sa napakaraming okasyon. Hindi napanatili ng mga Kristiyano ang kanilang sariling panloob na kapayapaan at pagkakaisa. . . . Ang maraming digmaan ng pandarambong at pananakop na ipinagmatuwid sa dahilan na ito raw ay pangungumberte ng mga tao para kay Kristo ay patotoo nito. Ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig ay maaaring siyang namumukod-tanging mga kagalingan ng mga Kristiyano, ngunit yaong mga sinasabing naghahangad ng gayong mga kagalingan ay maaaring mapangutya at may tendensiyang mawalan ng pag-asa, at marahil ay hindi mapagkawanggawa gaya ng mga di-Kristiyano. . . . Isang bansang Kristiyano ang dahilan ng Holocaust at isa pang bansang Kristiyano ang nagbunsod ng kahila-hilakbot na digmaang atomika sa Hapon.”
Maaaring ipangatuwiran ng ilan na matagal nang itinataguyod ng Sangkakristiyanuhan ang mga kagalingang gaya ng mahusay na pagpapasiya, tibay ng loob, pagiging katamtaman, at katarungan. Subalit, nagkomento ang The Age: “Buweno, sa pangkalahatan, kinukuha ng mga Kristiyano sa Europa, Hilagang Amerika at Australia ang higit pa sa kanilang bahagi sa mga yaman ng Lupa at patuloy na pinahihintulutan ang pananamantala, paniniil at pagsira sa kapaligiran ng mas mahihinang karatig-bansa upang masapatan ang kanilang mga nasa.”
Hinggil sa kinabukasan ng Sangkakristiyanuhan, nagpapatuloy ang The Age: “Kung walang mahusay at matatag na organisasyon, hindi na kailanman maaaring asahan ng Kristiyanismo na muli nitong makukuha ang kaniyang impluwensiya sa lipunan gaya ng tinaglay nito noong nakalipas na mga siglo. Maaaring ito ay masama o mabuti, depende sa pangmalas ng isa. Ngunit ito ang katotohanan na napapaharap sa Kristiyanismo sa darating na mga taon.”
Bilang resulta ng gayong pagguho sa daigdig ng organisadong relihiyon, marami ang tumatalikod sa nakatatag na mga simbahan. Ngunit ang nasumpungan ba nilang mapagpipilian ay talagang nakasasapat sa kanilang mga pangangailangan? Iyon ba ang kasagutan?
[Larawan sa pahina 7]
Marami ang di-nasisiyahan sa espirituwal dahil sa magagarbong seremonya
[Larawan sa pahina 7]
Marami ang tumatalikod sa tradisyonal na mga relihiyon dahil sa papel ng mga ito sa pagsuporta sa mga digmaan at mapaniil na mga pulitikal na rehimen
[Credit Line]
foto: age fotostock