Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/8 p. 10-11
  • Mga Mall—Kung Saan Nagsasama ang Negosyo at Kaluguran

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Mall—Kung Saan Nagsasama ang Negosyo at Kaluguran
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Bitag sa Pamimili
  • Naantalang Pamilihan
    Gumising!—1988
  • Pagpapatotoo sa Pamilihan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Kung Paano Makokontrol ang Iyong Paggastos
    Gumising!—2013
  • Ipangaral ang Mabuting Balita Kahit Saan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/8 p. 10-11

Mga Mall​—Kung Saan Nagsasama ang Negosyo at Kaluguran

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

PAMIMILI​—waring gustung-gusto ito o kaya ay kinaiinisan ito ng mga tao. Subalit para sa marami, ang dating nakababagot na gawaing ito ay talagang naging kaakit-akit nang magkaroon ng mga shopping mall.

Hindi bago ang konsepto ng shopping mall. Sa maraming paraan, ito’y nakakahawig ng basar​—isang sentro ng negosyo at tsismisan. Noong 1859, nakatulong ang negosyanteng Pranses na si Aristide Boucicaut sa pagtulad sa konsepto ng basar sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang department store. Doon, maraming paninda ang maaaring ipagbili. Mabilis na lumaganap ang mga department store sa buong Europa at Estados Unidos.

Kabilang sa mga nagsamantala sa ideyang ito ay si Frank Woolworth. Pagsapit ng Marso 1912, halos 600 tindahan ang nagtataglay ng pangalan niya. Sa kalaunan, ang ideya na pagsamahin ang mga department store at mga specialty shop sa isang gusali ay sumulong tungo sa kilala ngayon na shopping mall. Sa pangkalahatan, napatunayang magandang negosyo para sa mga nagtitingi (retailer) ang mga shopping mall, anupat ipinagmalaki ng isang mall ang taun-taon na kabuuang benta na $200 milyon.

Ang isang pangunahing bagay na pinag-uukulan ng pansin sa pagpaplano ng mga mall ay ang kaalwanan ng mga mamimili. Ang isang paraan upang matamo ito ay ang paglaanan sila ng pagkain. Tinitiyak ng mga restawran at ng fast-food na mga kainan na mas malamang na mananatili sa mall ang natutuwa at nasisiyahang mga mamimili. Ang isa pang pangunahing paraan upang mahikayat ang mga tao na mamili ay pukawin ang kanilang mga hangarin sa halip na magtuon ng pansin sa kanilang mga pangangailangan. Sinabi ng isang pahayagan na ang isang shopping mall ay isang lugar “kung saan ang isang karaniwang maybahay ay maaaring maging isang mapangaraping tagapagmasid ng luho sa isang ‘pinakadungawang salamin’ na daigdig na naka-air-condition at may mga ilaw na neon kung saan literal na nasa harapan niya ang mga panindang nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar​—ang lugar na may napakaraming paninda sa lipunan ng mamimili.”

Siyempre pa, ang susunod na hakbang ay ang baguhin ang paghahangad tungo sa pagbili. Ang isang napatunayang paraan upang magawa ito ay gawing kalugud-lugod ang pamimili! Sinisikap ng mga tagapag-anunsiyo na hindi lamang iisang kasarian ang kanilang maaakit. Gayunman, gaya ng binanggit sa itaas, ang mga babae ang pangunahing pinupuntirya. Mula pa sa pasimula, hinihikayat na ng mga manedyer at mga tagapag-anunsiyo ng shopping mall na mamili sa kanila ang mga babae, pati na ang mga inang may mga anak. Sa katunayan, pinangyayari ng mga pasilidad para sa pag-aalaga sa mga bata, libangan para sa mga kabataan, mga sinehan, at mga palaruan ng computer na hindi lamang makapamili ang mga tao kundi magkaroon din ng pagkakataong makipagkuwentuhan at magtipun-tipon sa mga mall. At ang mga coffee shop ay naglalaan ng isang mapayapang kapaligiran para sa pagpupulong at pamamahinga. Para sa mga mamimiling mahilig sa palakasan, isang mall sa Australia ang nagmamantini ng isang ice-skating rink, samantalang ang isa naman ay may palaruan ng bowling.

Waring malakas ding maakit ang mga kabataan sa mga mall. “Marami akong kaibigan na nagpupunta rito,” ang sabi ng isang kabataan. “Tuwing nagpupunta ako rito, nakakasalubong ko ang isang kakilala ko. . . . Dito kami nagkikita-kita, sa mesang ito.” Ngunit marami ring may-edad ang nasisiyahang mamasyal nang regular sa mga shopping mall. “Pumupunta ako rito para sa pakikipagkaibigan,” ang sabi ng isang babae na 86 na taóng gulang. “Ito ang pinakapalakaibigang lugar na alam ko. . . . Magiging miserable ang buhay ko kung wala ito.”

Sa kabilang dako naman, maraming mamimili ang naniniwala na ang mall ay umaakma sa paglalarawang binanggit sa aklat na Shelf Life​—isang “sistema sa pagbebenta.” Higit pa rito ang sinabi ng babasahing The Humanist at inilarawan nito ang mga shopping mall bilang “ang bahagi ng ating kultura na sumusukat sa halaga ng mga tao batay sa laman ng kanilang mga pitaka.” Siyempre pa, sa gayong kapaligiran, dapat na panatilihin ang pagiging timbang upang hindi masilo ang isa sa materyalismo.​—Mateo 6:19-21.

Mga Bitag sa Pamimili

Iniiwasan ng iba ang mga mall dahil nadarama nilang nakapanghihina ng loob ang napakaraming tao sa isang maliit at masikip na lugar. At walang alinlangan na talagang nagiging napakasikip ng ilang shopping mall, lalo na kapag mga dulo ng sanlinggo. Halimbawa, ang mga namamasyal sa isang shopping mall sa Sydney, Australia, ay may kabuuang bilang na halos 19 na milyon bawat taon​—katumbas ng buong populasyon ng Australia. Gayunman, hindi lamang mga mamimili ang nadidismaya sa maraming tao. At ang mga suliranin hinggil sa pagnanakaw ng mga paninda ay waring dumarami kapag ang mga mall ay madalas na pinapasyalan ng maraming kabataan. Kaya sinabi ng magasing SundayLife!: “Ang isa sa pinakamalalaking problema sa lipunan may kinalaman sa kultura sa mga mall ay kung paano pangangasiwaan ang napakaraming kabataan na nagtitipun-tipon doon.”

Ang isa pang problema para sa mga nagtitinda ay kung paano haharapin ang patuluyang pagtaas ng upa. “Nalulugi ang ilang negosyo dahil dito,” ang daing ng isang negosyanteng nangungupahan. Ganito ang pagkakasabi ng magasing Forbes: “Maaaring pagandahin ng mga mall ang hitsura nito at magpasok ng mas pusturyosong mga negosyanteng nangungupahan. Ngunit hindi ito mura.” Inihuhula pa nga ng artikulo ang isang posibleng pagbagal ng negosyo ng mga nagtitingi sa mga mall sa Amerika​—nakababahalang balita para sa 1,900 mall na nasa iba’t ibang rehiyon ng bansang iyon. “Naglalaho ang kanilang mga mamimili,” ang sabi ng artikulo.

Ano ang kinabukasang naghihintay sa malalaking tindahan na ito? Kagaya ng napakaraming pitak ng buhay, malalaman pa natin ito sa hinaharap. Ngunit tila isang bagay ang tiyak: Palaging masisiyahan ang mga tao na makasumpong ng isang lugar kung saan maaari nilang pagsamahin ang negosyo at kaluguran!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share