Kaaliwan Para sa mga Nagdadalamhati
ANG mga tao sa buong daigdig ay nasindak sa ginawang mga pag-atake ng mga terorista noong Setyembre 11, 2001, sa New York City at sa Washington, D.C. Sa loob ng isang araw, libu-libo ang namatay, kasali na ang daan-daang magigiting na bombero, pulis, at paramedik.
Mula nang mangyari iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumawa ng nagkakaisang pagsisikap upang aliwin yaong mga namatayan ng mga mahal sa buhay dahil sa trahedya. Ginawa nila ito “upang bigkisan ang may pusong wasak” at “upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.”—Isaias 61:1, 2.
Sa loob ng maraming taon, nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na madalas na pinag-iisipan ng mga namatayan ng mahal sa buhay ang mga tanong na nakatala sa ibaba. Nasa Bibliya ang mga sagot. Bakit hindi subukang tingnan ang maka-Kasulatang mga reperensiya na nakatala sa ibaba sa iyong sariling kopya ng Bibliya?
Itinadhana ba ang kamatayan ng isang tao?
Sa Eclesiastes 9:11, ang Bibliya ay nagsasabing ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari” (“tsansa,” New English Bible) ay sumasapit sa buong sangkatauhan. Kung ang kamatayan ay itinadhana, bakit tayo pinasisigla ng Bibliya na gumawa ng mga pangkaligtasang hakbang sa pag-iingat?—Bilang halimbawa, tingnan ang Deuteronomio 22:8.
Bakit tayo namamatay?
Ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ay inilagay sa isang makalupang paraiso. Kung sila ay nanatiling masunurin, hindi sana sila mamamatay. Magkakaroon lamang ng kamatayan kung susuway ang mga tao sa Diyos. (Genesis 1:28; 2:15-17) Nakalulungkot, sinuway nina Adan at Eva ang kanilang Maylalang. Bilang resulta, tinanggap nila ang kaparusahan—kamatayan. Yamang lahat ng tao ay nagmula kina Adan at Eva, lahat ay nagmana ng kasalanan at kamatayan. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”—Roma 5:12.
Ano ang kalagayan ng mga patay?
Pagkatapos na maghimagsik si Adan, sinabi ng Diyos: ‘Babalik ka sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.’ (Genesis 3:19) Samakatuwid, ang kamatayan ay isang kalagayan ng lubusang kawalang-malay—sa katunayan, ng hindi pag-iral. Sinasabi ng Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Sinasabi rin ng Bibliya na kapag namatay ang isang tao, “siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”—Awit 146:3, 4.
Hindi ba mayroon tayong isang kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay?
Maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang iyong kaluluwa ay ikaw mismo, hindi isang mahirap unawaing katauhan na patuloy na nabubuhay pagkamatay. (Genesis 2:7; Kawikaan 2:10; Jeremias 2:34) Samakatuwid, maaari nating sabihin na kapag namatay ang isang tao, isang kaluluwa ang namatay. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwa [ang tao] na nagkakasala . . . ang mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
Ano ang pag-asa para sa mga namatay?
Isinisiwalat ng Bibliya na layunin ng Diyos na buhayin ang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa isang paraisong lupa, kung saan mawawala na ang sakit at kamatayan. Sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.”—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1-4.
Nang ipinakikipag-usap ang tungkol sa kaniyang kamamatay pa lamang na kaibigang si Lazaro, ang kamatayan ay inihalintulad ni Jesus sa pagtulog. (Juan 11:11-13) Karagdagan pa, pagkatapos na siya’y buhaying-muli ni Jesus, si Lazaro ay walang binanggit tungkol sa kaniyang pagpunta sa isang pahirapang dako o sa isang dako ng lubos na kaligayahan sa panahon ng maikling yugto ng kaniyang kamatayan. (Juan 11:37-44) Madali itong maunawaan, yamang ang mga patay ay walang anumang nalalaman. Hindi sila dumaranas ng pagpapahirap kundi naghihintay sa “oras” na sila’y muling ibabangon. Higit na mahalaga, ang bagay na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro ay nagpapakitang ang mga patay ay maaaring muling mabuhay. Oo, sa pamamagitan ng himalang ito ay ipinakita ni Jesus sa maliit na paraan kung ano ang magaganap sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Gawa 24:15) Anong laking kaaliwan nga ito para sa mga namatayan ng mga minamahal sa maligalig na panahong ito!