Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/8 p. 22-24
  • Isang Pagdalaw sa Lunsod ng Itim na Ginto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pagdalaw sa Lunsod ng Itim na Ginto
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-inom na Humantong sa Pagkatuklas ng Ginto
  • Humantong sa Pagdanak ng Dugo ang Itim na Ginto
  • Mga Kabang-yaman ng Sining, Kasaysayan, at Relihiyon
  • Kaluguran sa mga Mahilig sa Hiyas
  • Ang Di-kumukupas na Pang-akit ng Ginto
    Gumising!—2005
  • Ginto—Ang Hiwaga Nito
    Gumising!—1998
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Ginto
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/8 p. 22-24

Isang Pagdalaw sa Lunsod ng Itim na Ginto

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

MAARING hindi mo pa narinig kailanman ang tungkol sa bayan ng Ouro Prêto sa Brazil, subalit noong ika-18 siglo, ang populasyon nito ay tatlong ulit na mas malaki kaysa sa New York City, at ang kita nito sa buwis ay minsang nakapaglaan ng pondo upang maitayong-muli ang lunsod ng Lisbon sa Portugal na winasak ng isang lindol. Noong 1980, idinagdag ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ang Ouro Prêto sa World Heritage List, na ngayon ay nakapagtala na ng halos 700 dako na may natatanging kultural at likas na kahalagahan. Bakit binigyan ng ganitong katayuan ang Ouro Prêto? Isaalang-alang ang kasaysayan ng natatanging bayan na ito.

Pag-inom na Humantong sa Pagkatuklas ng Ginto

Sa kalahatian ng ika-17 siglo, maraming manggagalugad na Portuges, na tinatawag na mga bandeirantes, ang nanggalugad sa Brazil upang maghanap ng bagong lupain, mga aliping Indian, at ginto. Isang ekspedisyon ang sumulong sa pinakaloob na bahagi ng bansa hanggang sa ito’y umabot sa Bundok Itacolomi. Sa dakong iyon, si Duarte Lopes ay lumapit sa isang sapa upang pawiin ang kaniyang uhaw. Sumalok siya ng kaunting tubig sa pamamagitan ng kaniyang mangkok na kahoy at uminom. Pagkatapos ay napansin niya ang maliliit na batong itim sa mangkok.

Ipinagbili ni Lopes ang mga bato sa isang kaibigan na nagpasiyang ipadala ang mga ito sa gobernador ng Rio de Janeiro palibhasa’y iniisip na ang mga ito’y mamahalin. Nang kaniyang suriin ang mga bato, nalaman ng gobernador na ang mga ito’y pinakamainam na uri ng ginto na nababalutan ng manipis at maitim na suson ng iron oxide. Ngunit saan galing ang ginto? Pagkatapos ilarawan ni Lopes ang Itacolomi, agad-agad na nagpasimula ang paghahanap. Noong 1698, ang bundok na pinagmulan ng ginto ay nasumpungan ng bandeirante na si Antônio Dias de Oliveira. Ang mga naghahanap ng ginto ay nagdudumaling sumugod sa kampamentong malapit sa kinaroroonan ng mahalagang tuklas, na nang maglaon ay tinawag na Vila Rica. Di-nagtagal, 80,000 na ang nanirahan sa Vila Rica. Nang maglaon, ito ang naging kabisera ng Minas Gerais at tinawag na Ouro Prêto, na nangangahulugang “Itim na Ginto.”

Humantong sa Pagdanak ng Dugo ang Itim na Ginto

Sa pagitan ng 1700 at 1820, ang mga manggagalugad ay nakapagmina ng 1,200 tonelada ng ginto​—80 porsiyento ng gintong nakuha sa buong daigdig nang panahong iyon. Subalit saan ba napunta ang lahat ng mga gintong iyon? Ang mga naminang ginto ay tinunaw at ginawang mga bara sa Casa dos Contos, o Bahay ng mga Barya. Pagkatapos nito, ang 20 porsiyento ng ginto, na siyang nakolektang buwis, ay napunta sa kabang-yaman ng maharlikang pamilya ng Portugal.

Tinutulan ng mga kolonista ang buwis. Ang isa sa kanila ay si Felipe dos Santos, na nanghikayat sa mga minero, sundalo, at mga miyembro ng simbahan na lumaban sa awtoridad ng monarka sa Portugal. Subalit gumanti ang mga Portuges. Noong 1720, si dos Santos ay binigti at ang kaniyang katawan ay kinaladkad sa lansangan sa pamamagitan ng mga kabayo. Ang mga minero ay nagpatuloy sa pagmimina, at ang mga buwis ay nagpatuloy sa pagtaas.

Gayunman, ito’y pansamantala lamang na paghinto ng paghihimagsik. Nang dakong huli sa siglo ring iyon ay dumating si Joaquim da Silva Xavier, na binigyan ng palayaw na Tiradentes, na ang ibig sabihin ay “tagabunot ng ngipin”​—bilang pagtukoy sa isa sa kaniyang mga trabaho. Kabilang siya sa isang grupo ng mga makata, hukom, at mga sundalo ng Ouro Prêto na regular noong nagpupulong sa bahay ni Toledo, isang pari. Sa simula, ang mga pag-uusap ay karaniwan nang may kinalaman sa mga biruan tungkol sa pilosopiya, subalit nang maglaon ay tungkol na sa pulitika nang panahong iyon ang kanilang pinag-usapan: Nakamit na ng mga kolonya ng Gran Britanya sa Hilagang Amerika ang kasarinlan, at pinugot ng Pransiya ang ulo ng kaniyang mga hari. Sa kalaunan, ang kanilang mga pag-uusap ay nauwi sa paghihimagsik nang talakayin ng grupo, sa paraang palihim, ang mapaniil na mga kahilingan ng maharlikang pamahalaan ng Portugal. Nagbabala na ang reyna ng Portugal na si Dona Maria I na pupugutan ng ulo ang mga rebelde. Sa kabila nito, noong 1788, si Tiradentes, na noon ay isang opisyal ng militar, ay nanguna sa Inconfidência Mineira, o Paghihimagsik ng Estado ng Minas Gerais.

Isang espiya ang nagbunyag sa mga pangalan ng mga nagsabuwatan. Isa-isa silang inaresto at ipinatapon sa Aprika upang mamatay. Humina ang katawan ni Tiradentes sa loob ng isang mahalumigmig na selda ng bilangguan sa Rio de Janeiro hanggang sa siya ay bitayin at pugutan ng ulo noong Abril 21, 1792. Ang ulo ni Tiradentes ay itinanghal sa isang poste sa liwasang bayan ng Ouro Prêto, at ang katawan niyang hinati sa apat na bahagi ay itinali sa mga tulos sa tabi ng ilang lansangan. Sa loob ng ilang panahon, nakapagpahina ito ng loob sa sinumang potensiyal na mga rebelde. Subalit pagkalipas ng tatlong dekada, noong 1822, natamo ng Brazil ang kasarinlan nito mula sa Portugal.

Mga Kabang-yaman ng Sining, Kasaysayan, at Relihiyon

Nang maglaon, naubos ang ginto ng Ouro Prêto, at bumaba ang kahalagahan nito. Subalit naingatan ng bayan ang ilang mga sinaunang bagay at ang iba pang mga alaala ng kasaysayan nito. Ang ilan sa mga ito ay madaling makikita sa Inconfidência Museum, na nasa Praça Tiradentes. Pinananatiling buháy ng museo, na dating isang munisipyo at bilangguan, ang mga alaala ng sining, kasaysayan, at ng kalunus-lunos na pangyayari sa bayan.

Kalakip sa mga bagay na nakadispley rito ang mandamyento para sa kamatayan ni Tiradentes, na ipinalabas ni Dona Maria I, gayundin ang mga piraso ng mga poste na ginamit sa pagbitay sa kaniya. Sa ilalim ng lapad na parihabang mga kongkreto, na nakalatag sa isang hanay gaya ng mga higaan sa isang dormitoryo, ay nakalibing ang mga labí ng ilan sa mga kasabuwat ni Tiradentes. Iniingatan naman ng mga silid sa isa pang palapag ang mga antigong muwebles, na karaniwang ginagamit noong ang Brazil ay isa pang kolonya ng Portugal, at nang panahong sila’y pinamamahalaan pa ng isang emperador.

Kaluguran sa mga Mahilig sa Hiyas

Ang pamamasyal sa mataas na dulong bahagi ng Praça Tiradentes ay aakay sa isa pang lugar na nagtataglay ng maraming yaman​—ang Palasyo ng Gobernador, na dating tuluyan ng mga gobernador at pangulo ng Estado. Sa kasalukuyan, naririto ang Escola de Minas, isang paaralan sa masulong na pag-aaral hinggil sa inhinyeriya sa pagmimina, heolohiya, at metalurhiya. Kahanga-hangang itinatanghal ng museo ng paaralang ito ang namumukod-tanging mga kalipunan ng 20,000 sampol ng 3,000 iba’t ibang uri ng mineral, hiyas, kristal at, siyempre pa, ng ouro prêto, ang itim na ginto.

Kaunting ginto na lamang ang masusumpungan dito ngayon. Gayunman, ang rehiyon ay may mina pa rin ng mga berilong aquamarine (kulay asul) at esmeralda at ng malalaking dilaw na topacio. Mga 50 taon na ang nakararaan, kakaunting dalubhasa lamang ang may kasanayan sa pagtabas ng mahahalagang bato. Subalit ngayon ay napakaraming indibiduwal na naghahanap ng mahahalagang bato at mga tindahan ng mga alahas sa palibot ng Praça Tiradentes. Hindi ka lamang tuturuan ng mga manedyer ng tindahan kung paano makikilala ang mga hiyas kundi ipakikilala ka rin nila sa mga tagatabas at tagapagpakinis ng mahahalagang bato na gumagawa sa mga silid sa likuran. Malulugod naman ang mga ito na ipakita sa iyo kung paano nila isinasagawa ang pagtabas. Ipinamamalas ng pagkamapagpatuloy na ito ang kagalakan ng mga tagaroon na makapanirahan sa isang bayan na may kawili-wiling kasaysayan.

Kung nagbabalak kang dumalaw sa Brazil, tiyakin mong kasama sa iyong mga plano sa paglalakbay ang pamamasyal sa napakagandang tanawin ng Ouro Prêto.

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ouro Prêto

[Credit Line]

Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 22, 23]

Kapag inalis ang iron oxide, ang itim na mga bato ay nagiging maliliit na tipak ng ginto

[Larawan sa pahina 23]

Ang Ouro Prêto, at ang Bundok Itacolomi sa malayo

[Larawan sa pahina 24]

Inconfidência Museum, Praça Tiradentes

[Larawan sa pahina 24]

Aquamarine, malaking dilaw na topacio, at esmeralda

[Credit Line]

Mga hiyas: Brasil Gemas, Ouro Preto, MG

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share