Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-aalala Nais ko pong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maihihinto ang Labis na Pag-aalala?” (Setyembre 22, 2001) Ako po ay 17 anyos at bawat araw ay nag-iisip ako kung ano ang mangyayari sa buhay ko kapag nagtapos ako sa haiskul. Sinisikap kong sarilinin ang aking pag-aalala dahil ayaw kong abalahin ang iba, kaya nagdurusa ang aking damdamin. Tinulungan po ako ng artikulo na makita ang kahalagahan ng pakikipag-usap sa aking ina at sa mga may-gulang sa kongregasyon.
L. R., Estados Unidos
Ako po ay 17 anyos. Lagi akong nag-aalala tungkol sa kalusugan ng aking ina, sa gawain ko sa paaralan, at sa mga gawain sa bahay. Madalas akong sikuhin ng aking ina sa mga pagpupulong Kristiyano kapag may ibinigay na payo hinggil sa pag-aalala. Kaya pinahahalagahan ko ang praktikal na mga mungkahi sa artikulo tungkol sa pagtatakda ng panahon kung ano ang dapat unahin at gayundin ang tungkol sa paggawa sa di-kasiya-siyang mga gawain sa halip na ipagpaliban ang mga ito. Salamat po sa artikulong ito.
H. H., Estados Unidos
Bilang isang ama at Kristiyanong matanda, nakikita kong nababahala ang ating mga kabataan tungkol sa hinaharap. Ang inyong payo na ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa mga magulang at na maagap na asikasuhin ang mga problema ay mahusay. Salamat sa inyong patuloy na interes sa ating mga kabataan.
R. H., Canada
Nanlulumong mga Kabataan Mayroon po akong atas sa paaralan na sumulat ng isang sanaysay hinggil sa mga isyung panlipunan na gusto ko na magiging angkop para sa mga tin-edyer. Ginamit ko ang Setyembre 8, 2001, na seryeng itinampok sa pabalat, “Tulong Para sa Nanlulumong mga Tin-edyer.” Napakaraming nanlulumong kabataan sa aming lugar. Ginamit ko na po ang Gumising! noon sa ibang mga atas—at tumanggap ako ng mahuhusay na marka!
S. H., Australia
Ang aming tin-edyer na anak na lalaki ay nagkaroon ng impeksiyon sa kaniyang puso at utak. Nalunasan ang sakit, ngunit ang mas malaking panganib—ang kaakibat na panlulumo—ay nanatiling hindi natuklasan. Nagpatiwakal ang aming anak. Gayunpaman, bagaman huli na ang lahat upang matulungan siya, napakalaki ng naitulong ng seryeng ito sa amin sa pag-unawa sa kaniyang karamdaman. Labis kaming nagpapahalaga na ang paksang ito ay tinalakay at gayon na lamang ang ipinakikita ninyong pagmamalasakit sa ating mga kabataan.
G. & G. R., Alemanya
May mga panahon na nakadarama ako ng labis na panlulumo at iniisip kong ako ay walang halaga. Nahihiya akong ipakipag-usap ang tungkol sa damdamin ko sa aking Kristiyanong mga magulang o sa matatanda sa kongregasyon. Gayunman, nang mabasa ko ang pangungusap na nagsasabi, “Hindi ka dapat sisihin dahil sa iyong kalagayan,” lubha akong naginhawahan! At natanto kong muli na hindi ako nag-iisa.
H. T., Hapon
Pagmamasid sa Daigdig Ako ay sumulat upang batiin kayo sa nakatutuwang mga drowing na kalakip sa “Pagmamasid sa Daigdig.” Tinutulungan ako ng mga ito na matandaan ang mga balita na inilalarawan ng mga ito at, higit sa lahat, napapangiti ako dahil sa mga ito. Ipagpatuloy ninyo ang inyong mahusay na gawain!
A.I.P.B., Espanya
Kalendaryo ng mga Maya Sa palagay ko’y nakakita ako ng isang pagkakamali sa artikulong “Ang mga Maya—Noon at Ngayon.” (Setyembre 8, 2001) Ang larawan na lumitaw sa kahon na “Ang Kalendaryo ng mga Maya” ay sa katunayan ang kalendaryo ng araw ng mga Aztec. Partikular na, ang gitnang bahagi ng kalendaryo ay naglalarawan sa diyos-araw ng mga Aztec.
R. S., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Sa wari ay tama ang ating mambabasa. Lumilitaw na ang larawan ay namarkahan ng maling pangalan ng komersiyal na tagasuplay nito. Nakalulungkot, ang pagkakamali ay hindi napansin bago ilimbag ang magasin. Humihingi kami ng paumanhin sa pagkakamali.