“Tulad-Kangaroo na Pangangalaga ng Ina”—Lunas ba sa Problemang Nagsasapanganib ng Buhay?
Ang lugar ay sa isang ospital sa Bogotá, Colombia, noong 1979. Dahil sa ang dami ng nabubuhay na mga sanggol na isinilang na kulang sa buwan ay napakababa, isang doktor na taga-Colombia ang nakatuklas ng isang kakaibang lunas—“tulad-kangaroo na pangangalaga ng ina.”
Ang pagpapanatiling buháy sa mga sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan ay isang hamon para sa mga doktor. Ang mga sanggol na isinilang na kulang sa timbang ay kadalasang inilalagay sa isang mainit-init na incubator, kung saan nananatili sila hanggang sa bumigat ang kanilang timbang. Gayunman, sa papaunlad na mga lupain, ang siksikang mga pasilidad, di-mabuting kalagayan ng sanitasyon, at kakulangan ng mga tauhan at kagamitan sa panggagamot ay kadalasang nagbubunga ng mapanganib na pagkalat ng impeksiyon.
Isang doktor sa Colombia ang nakaisip ng isang pamamaraan na waring makababawas sa problemang ito. Paano ito gumagana? Kapag ang isang sanggol ay ipinanganak nang kulang sa buwan, ito’y pinangangalagaan sa karaniwang paraan hanggang sa bumuti ang kalagayan nito. Samantala, ang ina ay tumatanggap ng pagsasanay sa pangangalaga ng bata. Kapag ang sanggol ay lumakas-lakas na, ang ina ang nagiging buháy na incubator. Paano? Sa pamamagitan ng pagyakap dito nang patayo sa pagitan ng kaniyang mga dibdib. Habang ligtas na naroroon sa tulad-kangaroo na lukbutan nito, ang sanggol ay nananatiling mainit at madaling mapasususo sa gatas ng ina. Kaya, ang pamamaraan ay kadalasang tinatawag na tulad-kangaroo na pangangalaga ng ina.
Hindi na kailangan ang mamahaling kagamitan. Ang ina ay nagsusuot ng isang angkop na blusa o isang normal na damit na may paha sa baywang. Kapag ang sanggol ay nagkaroon na ng sapat na timbang, makauuwi na ang mag-ina, na bumabalik sa ospital para sa regular na pagpapatingin.
Ipinakikita ng panimulang pananaliksik na ang tulad-kangaroo na pangangalaga ng ina ay mabisa at ligtas. Karagdagan pa, waring nagkakaroon ng mas malapít na buklod ang sanggol at ang ina. Hindi kataka-taka, ang pamamaraang ito ay ginagamit na sa maraming bansa. Sa Mexico, ang mga kamag-anak ay sinasanay upang maging mga “tulad-amang kangaroo,” “tulad-lolang kangaroo,” at “tulad-ateng kangaroo” pa nga upang tumulong kapag ang ina ay nangangailangan ng lubhang nararapat na pahinga. Si Dr. Guadalupe Santos, na nangangasiwa sa isang programa ukol sa tulad-kangaroo na pangangalaga ng ina sa Mexico, ay nagsabi sa Gumising!: “Ginagamit na namin ang pamamaraang ito mula pa noong 1992 at nakita namin kung gaano kabisa ito. Mas kaunting mga incubator at mas kaunting panahon sa ospital ang kinakailangan.”