Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/8 p. 19-21
  • Pornograpya—Isa ba Lamang Di-nakapipinsalang Libangan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pornograpya—Isa ba Lamang Di-nakapipinsalang Libangan
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Prangka ang Bibliya Tungkol sa Sekso
  • Pinipilipit ng Pornograpya ang Sekso
  • Ang Bibliya at ang Masamang Pita
  • Nagpapasamâ ang Pornograpya
  • Ang Pinsalang Idinudulot ng Pornograpya
    Gumising!—2003
  • Pornograpya
    Gumising!—2013
  • Kung Bakit Mapanganib ang Pornograpya
    Gumising!—1991
  • Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/8 p. 19-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pornograpya​—Isa ba Lamang Di-nakapipinsalang Libangan

NANG sistematikong maghukay ang mga arkeologo noong panahon ni Reyna Victoria sa mga guho ng sinaunang Pompeii, nagitla sila sa kanilang natuklasan. Nagkalat sa magagandang pinturang alpresko at gawang-sining ang maraming ipinintang mga larawan at eskultura na lantarang nagtatampok ng seksuwal na mga gawain. Palibhasa’y nangilabot sa nakasisindak na paglalarawang ito, itinago ng mga awtoridad ang mga ito sa sekretong mga museo. Nalikha nila ang terminong “pornograpya”​—mula sa Griegong pornē at graphos, na nangangahulugang “pagsulat tungkol sa mga patutot”​—upang uriin ang mahahalay na nahukay na mga gawang-sining. Sa ngayon, ang pornograpya ay binibigyang-kahulugan bilang “paglalarawan ng erotikong paggawi sa mga aklat, larawan, estatuwa, pelikula, atb., na may layuning pumukaw sa seksuwal na paraan.”

Sa mga panahong ito, napakalaganap ng pornograpya at waring ito ay tinatanggap ng karamihan sa makabagong lipunan. Dati-rati, ang pornograpya ay lumalabas lamang sa mga sinehang may masamang reputasyon at sa mga lugar na nagbibili ng aliw, makikita na ito ngayon sa maraming pamayanan. Sa Estados Unidos lamang, mahigit na sampung bilyong dolyar ang kinikita ng pornograpya taun-taon!

Itinataguyod ng ilang tagapagtanggol ang pornograpya bilang isang paraan upang pasiglahin ang isang nakababagot na pag-aasawa. Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Pinupukaw nito ang aktibong imahinasyon. Nagtuturo ito kung paano magkakaroon ng seksuwal na kaluguran.” Sinasabi naman ng iba na pinasisigla nito ang pagiging prangka at pagkabukas-isip tungkol sa seksuwal na mga bagay. “Kapaki-pakinabang sa kababaihan ang pornograpya,” ang sabi ng manunulat na si Wendy McElroy.

Subalit hindi sumasang-ayon ang lahat. Ang pornograpya ay kadalasang iniuugnay sa maraming nakapipinsalang mga resulta at saloobin. Binabanggit ng ilan ang kaugnayan sa pagitan ng pornograpya at panghahalay gayundin sa iba pang anyo ng karahasan laban sa kababaihan at sa mga bata. Inamin ng kilabot na serial killer na si Ted Bundy na “napakasidhi ng [kaniyang] paghahangad sa marahas na pornograpya.” Aniya: “Hindi agad nakikita o nakikilala ng indibiduwal ang kalagayang ito bilang isang malubhang problema. . . . Subalit ang interes na ito . . . ay nauuwi sa seksuwal na mga bagay na nagsasangkot ng karahasan. Nais kong idiin ang pasidhi nang pasidhing paghahangad na ito para sa marahas na pornograpya. Hindi ito nangyayari sa maikling panahon.”

Dahil sa walang-katapusang debate at ang pagiging laganap ng pornograpikong mga materyal sa ngayon, maaari mong itanong, ‘Ang Bibliya ba’y nagbibigay ng anumang patnubay hinggil sa bagay na ito?’

Prangka ang Bibliya Tungkol sa Sekso

Sa Bibliya, prangka at hindi nahihiyang tinatalakay ang mga bagay-bagay tungkol sa sekso. (Deuteronomio 24:5; 1 Corinto 7:3, 4) “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan,” ang payo ni Solomon. “Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 5:18, 19) Ang malinaw na payo at patnubay ay ibinibigay may kinalaman sa pagtatalik, kalakip na ang mga limitasyon ng pagtatamasa nito. Ipinagbabawal ang pakikipagtalik sa hindi asawa. Gayundin ang lahat ng uri ng lihis at lisyang pagtatalik.​—Levitico 18:22, 23; 1 Corinto 6:9; Galacia 5:19.

Kahit na sa loob ng mga limitasyong ito, inaasahan ang pagpipigil at paggalang. “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat,” ang sulat ni apostol Pablo, “at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa.” (Hebreo 13:4) Ang payong ito ay ibang-iba sa layon at mensahe ng pornograpya.

Pinipilipit ng Pornograpya ang Sekso

Sa halip na ilarawan ang pagtatalik bilang isang maganda at matalik na kapahayagan ng pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae sa marangal na pag-aasawa, pinabababa at pinipilipit ng pornograpya ang pagtatalik. Ang walang interes at lisyang pagtatalik ay inilalarawan bilang kapana-panabik at kanais-nais. Itinatampok ang pagpapalugod sa sarili nang hindi man lamang isinasaalang-alang ang ibang tao.

Ang mga babae, lalaki, at mga bata ay inilalarawan bilang mga bagay na umiiral lamang para sa pagbibigay-kasiyahan sa sekso. “Ang kagandahan ay sinusukat sa hubog ng katawan, anupat nagkakaroon ng di-makatotohanang mga inaasahan,” ang sabi ng isang report. “Ang paglalarawan sa mga babae bilang di-kilala, laging nagnanasa/naghihintay, walang-kabuluhang mga laruan sa sekso para sa mga lalaki, na naghuhubad at naglalantad ng kanilang mga katawan para kumita ng salapi at libangan ay hindi nagpapahiwatig ng pagkakapantay-pantay, dignidad at pagkatao,” ang konklusyon ng isa pang report.

Sa kabaligtaran, ang pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente,” ang sulat ni Pablo. “Hindi [ito] naghahanap ng sarili nitong kapakanan.” (1 Corinto 13:5) Pinapayuhan ng Bibliya ang mga lalaki na ‘ibigin ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling katawan’ at ‘pag-ukulan sila ng karangalan,’ na huwag malasin ang mga babae bilang mga bagay lamang para sa pagbibigay-kasiyahan sa sekso. (Efeso 5:28; 1 Pedro 3:7) Ang isa ba, lalaki man o babae, na regular na tumitingin sa malalaswang larawan ng ibang tao ay tunay na gumagawi nang disente? At talaga bang nagpapakita ng dangal at paggalang ang taong iyon? Sa halip na pag-ibig, nililinang ng pornograpya ang pagkamakasarili at masakim na hangarin.

May isa pa ring salik. Sa kalaunan, tulad ng anumang iba pang di-wastong pagpukaw ng pagnanasa, nagiging pangkaraniwan na at rutin ang bagay na sa simula’y nakapupukaw sa isang tao. “Sa paglipas ng panahon,” ang sabi ng isang manunulat, “[ang mga gumagamit ng pornograpya] ay nangangailangan ng mas lantaran at mas mahalay na materyal . . . Maaaring himukin nila ang kanilang mga kabiyak sa higit at higit na hindi kapani-paniwalang seksuwal na mga gawain . . . , anupat binabawasan ang kanila [mismong] kakayahang magpahayag ng tunay na pagmamahal.” Iyan ba ay waring di-nakapipinsalang libangan? Subalit may isa pang mahalagang dahilan upang iwasan ang pornograpya.

Ang Bibliya at ang Masamang Pita

Bagaman inaakala ng marami sa ngayon na wala namang masama o panganib sa pag-iilusyon sa sekso, hindi naman sumasang-ayon ang Bibliya. Malinaw na ipinaliliwanag nito na may mahalagang kaugnayan sa kung ano ang ipinapasok natin sa ating isipan at kung paano tayo kumikilos. “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa,” ang sabi ng Kristiyanong alagad na si Santiago. “Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”​—Mateo 5:28.

Gaya ng ipinahihiwatig kapuwa nina Santiago at Jesus, ang mga tao ay kumikilos udyok ng panloob na mga pagnanasa. Ang mga pagnanasang iyon, kapag ipinasok sa isipan at binulay-bulay, sa kalaunan ay maaaring maging malakas at masidhing hangarin. Napakahirap labanan ang masisidhing hangarin at sa dakong huli ay magtutulak sa isang tao na gawin ito. Kaya, kung ano ang ipinapasok natin sa ating isipan ay maaaring magkaroon ng isang malakas na epekto sa kung ano ang gagawin natin sa kalaunan.

Ang seksuwal na mga pantasya ay tuwirang makahahadlang sa ating pagsamba sa Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit sumulat si Pablo: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”​—Colosas 3:5.

Iniuugnay rito ni Pablo ang pita sa sekso sa kaimbutan, ang labis-labis na paghahangad sa isang bagay na hindi niya taglay.a Ang kaimbutan ay isang uri ng idolatriya. Bakit? Sapagkat higit na inuuna ng isang mapag-imbot na tao ang bagay na ninanais niya sa lahat ng iba pang bagay, pati na ang Diyos. Pinagniningas ng pornograpya ang masamang pagnanasa sa isang bagay na hindi taglay ng isang tao. “Gusto mo ang seksuwal na buhay ng ibang tao. . . . Wala nang laman ang isip mo kundi ang paghahangad na iyon sa kung ano ang wala ka. . . . Anumang masama na ninanasa natin ay ating sinasamba,” ang sabi ng isang manunulat hinggil sa relihiyon.

Nagpapasamâ ang Pornograpya

“Anumang bagay ang malinis, anumang bagay ang kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon . . . , patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito,” ang payo ng Bibliya. (Filipos 4:8) Ang isang taong binubusog ang kaniyang mata at isipan ng pornograpya ay tumatanggi sa payo ni Pablo. Ang pornograpya ay mahalay sapagkat di-nahihiyang inilalantad nito ang pinakamatalik at pribadong mga gawa sa paningin ng publiko. Kasuklam-suklam ito sapagkat hinahamak at pinabababa nito ang pagkatao ng mga tao. Hindi ito maibigin sapagkat hindi ito nagpapakita ng pagiging magiliw o mapagmalasakit. Itinataguyod lamang nito ang sakim na masamang pita.

Sa pamamagitan ng walang-taros na paglalarawan sa imoral at mahahalay na gawa, pinahihina o winawasak ng pornograpya ang mga pagsisikap ng isang Kristiyano na magkaroon ng ‘pagkapoot sa kasamaan.’ (Amos 5:15) Hinihimok nito ang paggawa ng kasalanan at lubusang nilalabag ang payo ni Pablo sa mga taga-Efeso na “ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal; ni ang kahiya-hiyang paggawi . . . ni ang malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi nararapat.”​—Efeso 5:3, 4.

Talagang nakapipinsala ang pornograpya. Ito ay mapagsamantala at nagpapasamâ. Maaari nitong sirain ang mga kaugnayan at pinasasama ang likas na kapahayagan ng pagtatalik na maging isang gawain ng pagbibigay-kasiyahan sa kaniyang seksuwal na pangangailangan sa pamamagitan ng panonood ng seksuwal na mga bagay. Nilalason nito ang isipan at ang espirituwalidad ng isa na gumagawa nito. Itinataguyod nito ang mapag-imbot at sakim na mga saloobin at itinuturo nito sa mga tao na malasin ang iba bilang mga bagay upang bigyang-kasiyahan lamang ang kanilang masasamang pita. Pinahihina nito ang mga pagsisikap na gumawa ng mabuti at magkaroon ng isang malinis na budhi. Higit sa lahat, maaari nitong pinsalain o wasakin pa nga ang espirituwal na kaugnayan ng isa sa Diyos. (Efeso 4:17-19) Tunay, ang pornograpya ay isang salot na dapat iwasan.​—Kawikaan 4:14, 15.

[Talababa]

a Hindi rito tinutukoy ni Pablo ang hinggil sa normal na pita sa sekso​—ang normal na pagnanais na makipagtalik sa asawa.

[Larawan sa pahina 20]

Pinipilipit ng pornograpya ang pangmalas ng isa tungkol sa hindi kasekso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share