Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/8 p. 22-23
  • Ang Cochineal—Isang Totoong Natatanging Insekto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Cochineal—Isang Totoong Natatanging Insekto
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakasasama o Nakatutulong?
  • Ang Paglaho at Pagbalik
  • Kung Paano Ginagawa ang Carmine na Pangulay
  • Pagtitina ng Tela—Noon at Ngayon
    Gumising!—2007
  • Tina, Pagtitina
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/8 p. 22-23

Ang Cochineal​—Isang Totoong Natatanging Insekto

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO AT PERU

PAANO natin nakukuha ang matitingkad na kulay na pula sa ilang lipstik at iba pang kosmetiko? Baka magulat kang malaman na ang kulay na krimson na masusumpungan sa ilang pampapula sa pisngi at mga lipstik ay nagmumula sa cochineal, isang scale insect (balukiskis) na kumakain at naninirahan sa matinik na pear cactus. Suriin nating mabuti ang totoong natatanging insektong ito.

Nakasasama o Nakatutulong?

Ang adultong babaing cochineal ay sumusukat nang halos sangkatlo ng isang sentimetro ang haba, humigit-kumulang ay kasinlaki ng ulo ng posporo. Ang mga lalaking cochineal ay halos kalahati lamang ng laki ng babae. Subalit huwag kang padaya sa laki ng mga cochineal. Isang reperensiyang akda ang nagsasabi: “Kabilang ang mga ito sa pinakamapaminsalang insekto.” Gayunman, sa kabila ng reputasyong ito, pinararami pa nga ng mga magbubukid ang mga ito. Bakit? Upang makakuha ng carmine, isang magandang pulang pangulay na nakukuha mula sa pinatuyo at dinurog na katawan ng mga babaing cochineal.

Sapol noong panahon ng sinaunang mga taong Mixtec, na nakatira sa makabagong-panahong estado ng Oaxaca, Mexico, ang mga cochineal ay ginagamit na pangulay. Nabighani ang mga mananakop na Kastila sa kulay na krimson ng mga cochineal, at hindi nagtagal, maraming Europeo ang nahilig sa matingkad na kulay ng likas na pangulay na ito. Ginagamit dati ng Britanya ang cochineal para sa tradisyonal na iskarlatang kulay ng mga uniporme ng militar. Gayon na lamang kalaganap ang paggamit ng cochineal anupat mula noong mga 1650 hanggang 1860, ang ginto at pilak lamang ang nakadaig sa pinakamahalagang iniluluwas na produkto ng Mexico.

Ang Paglaho at Pagbalik

Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, nagsimulang humalili ang sintetikong pantina sa likas na mga pangulay. Maraming salik ang naging dahilan nito. Ipinaliliwanag ni John Henkel sa magasing FDA Consumer: “Ang sintetikong mga pangulay na ginamitan ng kemikal ay mas madaling gawin, mas mura, at mas mataas ang kalidad ng mga kulay.” Kaya, sa maikling panahon, ang sintetikong mga kulay ang lumaganap sa pamilihan para sa mga pangulay sa pagkain, gamot, at kosmetiko. “Subalit,” ang sabi ni Henkel, “habang lumalaganap ang paggamit nito noon, lumalaki rin ang pagkabahala sa pagiging ligtas nito.”

Sinabi ng mga pagsusuri noong dekada ng 1970 na ang ilang sintetikong pangulay ay maaaring maging sanhi ng kanser. Habang nakikilala ang posibleng mga sanhi ng panganib na ito sa kalusugan, nagsimulang bumalik ang likas na mga pangulay. Halimbawa, ang bansang Peru sa ngayon ang nagsusuplay nang halos 85 porsiyento ng cochineal sa daigdig. Kilala ang Canary Islands sa kanilang pagtitipon ng cochineal, katulad din ng timugang Espanya, Algeria, at mga bansa sa Sentral at Timog Amerika. Gayunman, nahigitan ng kasalukuyang pangangailangan para sa carmine ang pagkakaroon ng makukuhang pangulay na ito, kaya pinagsisikapan ng pamahalaan ng Mexico na paramihin ang produksiyon nito.

Kung Paano Ginagawa ang Carmine na Pangulay

Ginugugol ng cochineal ang buong buhay nito sa malapad na tangkay ng matinik na pear cactus. Naiingatan nito ang buhay ng cochineal mula sa mga maninila sa pamamagitan ng paglalabas ng malapulbos at tulad-pagkit na substansiya. Binabalot ng malambot na bagay na ito ang insekto at nagsisilbing bahay nito. Ngunit ginagawa rin nitong madaling makita ang insekto sa panahon ng anihan.

Ang mga babaing cochineal lamang ang nagtataglay ng pulang kulay, ang carminic acid. Ang buntis na mga cochineal ang nagtataglay ng pinakamarami nito. Sa gayon, upang makuha ang pinakamagandang kalidad ng pangulay, ingat na ingat ang mga manggagawa sa pangunguha ng buntis na mga cochineal bago pa man mangitlog ang mga ito. Sa kabundukan ng Andes sa Peru, ang pag-aani ay ginagawa nang halos tatlong beses sa loob ng pitong buwan. Inaalis ang mga cochineal sa halaman na ginagamit ang matigas na brutsa o tinatanggal sa pamamagitan ng mapurol na talim. Pagkatapos na patuyuin, linisin, at durugin ang mga ito, ang pinulbos na katawan ng insekto ay pinoproseso sa amonya o solusyon ng sodium carbonate. Ang matitigas na bahagi ng insekto ay inaalis sa pamamagitan ng pagsasala, anupat dinadalisay ang natitirang likido. Maaari ring idagdag ang apog upang mailabas ang kulay purpura.

Bagaman hindi kanais-nais na ideya ang paglalagay ng make-up na gawa mula sa mga insekto, makatitiyak ka na ang likas na “pangulay ay kabilang sa sinusuring mabuti na sangkap,” ang sabi ni Henkel. “Ang mga kulay na iyon ay pinag-aralan, sinuri, at pinag-aralang muli, kung minsan ay paulit-ulit pa nga.” Kaya kung batiin ka sa iyong kaiga-igayang hitsura, baka ito’y dahil na rin sa cochineal, isang totoong natatanging insekto!

[Mga larawan sa pahina 23]

1. Ang mga cochineal na nasa tangkay ng cactus

2. Malapitang kuha ng buntis na mga babae

3. Pinatuyong mga Cochineal

4. Pagpoproseso ng likidong ginagamit sa mga kosmetiko

[Credit Lines]

Pahina 23 mga larawan: #1: The Living Desert, Palm Desert, CA; #3 and products: Cortesía del Centro de Investigaciones Económicas, Sociales y Tecnológicas para la Agroindustria y la Agricultura Mundial, Universidad Autónoma de Chapingo, fotografía de Macario Cruz; #4: David McLain/AURORA

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga produkto na gawa sa pangulay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share