“Isang Monumento Para sa Diyablo Mismo”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
ISANG di-pangkaraniwang estatuwa ang masusumpungan sa lunsod ng Madrid, Espanya. Ang hitsura nito at ang titulo nito—“Ang Nahulog na Anghel”—ay baka hindi makabigla sa pangkaraniwang makakakita nito. Gayunman, kapag pinagmasdang mabuti, isinisiwalat nito na ito pala’y isang monumento ni Satanas na Diyablo!
Inaasahan ng isang bisita sa Espanya, na naturingang isang Katolikong bansa, na makakita ng estatuwa ng mga anghel o “mga santo” subalit hindi ng isang estatuwa na inialay sa tagapamahala ng mga demonyo. Magkagayunman, ipinasiya ni Ricardo Bellver, isang Kastilang eskultor noong ika-19 na siglo, na baliin ang tradisyon. Pamilyar siya sa mahabang salaysay na tula ni John Milton na Paradise Lost, kung saan inilalarawan si Satanas na pinalayas mula sa langit dahil sa kaniyang pagmamapuri at pagrerebelde. Noong 1874, natapos ni Bellver ang isang estatuwa na naglalarawan sa madulang pagkahulog na ito.
Hindi inilarawan ni Bellver ang Diyablo na may sungay, tulad-hayop na nilalang gaya ng karaniwang paglalarawan kay Satanas. Sa kabaligtaran, naguniguni niya ang tagapamahala ng mga demonyo bilang isang maganda subalit masamang anghel noong panahong siya’y ihagis mula sa langit. (Apocalipsis 12:9) At ang paglalarawang ito ay mas tumutugma sa sinasabi mismo ng Bibliya.a
Ano ang saloobin ng mga taga-Madrid tungkol sa estatuwang iyon? Ayon sa isang istoryador sa sining, nagitla ang ilan sa ideya ng pagtatayo ng estatuwa ni Satanas. Gayunman, ginastusan ito ng pamahalaan ng Espanya, at ang estatuwa ay nagtamo ng dalawang parangal sa sining, isa sa Madrid at isa sa International Exhibition sa Paris noong 1878. Nagtagumpay ang sining kaysa sa tradisyon, at noong 1879 ang kakaiba na estatuwang bronse ay inilagay sa liwasan ng Retiro.
Sa sekular na lipunan sa ngayon, bihira ang nagtataas ng kilay sa estatuwang ito ni Satanas. “Dapat ipagmalaki ng lunsod ng Madrid na ito lamang ang lunsod sa daigdig na may inialay na monumento para sa Diyablo mismo,” ang iginigiit ni María Isabel Gea sa kaniyang akda na Curiosidades y Anécdotas de Madrid (Kuryusidad at Anekdota ng Madrid). Magkagayunman, iilan lamang sa libu-libong pulutong na dumaragsa sa liwasan ng Retiro tuwing Linggo ang pumapansin sa estatuwa.
Gayundin naman, iilang tao sa ngayon ang nakababatid na si Satanas ang di-nakikitang pinagmumulan ng maraming problema sa daigdig. (Apocalipsis 12:12) Subalit, may kinalaman sa maliwanag na mga pagtukoy ng Kasulatan sa kaniya, hindi pinag-aalinlanganan ng mga estudyante ng Bibliya ang kaniyang pag-iral o ang impluwensiya man niya. Tinanggihan ni Jesus ang pangahas na mga panunukso ni Satanas. Inilarawan din niya ang masamang espiritung ito bilang “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan” at ‘isang mamamatay-tao na hindi nanindigan sa katotohanan.’—Juan 8:44; Mateo 4:1-11.
Sa panahong nararanasan ng lupa ang kaabahan na hindi pa nangyari kailanman, mahalaga na salansangin ang impluwensiya ng galít na galít na nahulog na anghel na ito.b (Santiago 4:7) Samantala, ang mga umiibig sa katotohanan at katarungan ay maaaliw na malaman na ang pagpapalayas kay Satanas sa kalangitan ay pasimula ng kaniyang nalalapit na pagkatalo kapag ‘sisirain na ni Kristo ang mga gawa ng Diyablo.’—1 Juan 3:8.
[Mga talababa]
a Ang isa pang bahagi ng estatuwa, ang ahas na nakapulupot sa katawan ni Satanas, ay hindi nagmula sa Bibliya. Maliwanag na naging inspirasyon ni Bellver ang eskultura na kaniyang nakita sa Roma, si Laocoon, isang maalamat na prinsipe ng Troy na ipinapalagay na napatay, kasama ang kaniyang dalawang anak na lalaki, ng dalawang ahas.
b Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paglaban sa impluwensiya ni Satanas, suriin ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.