Antuking mga Tin-edyer—Dapat Bang Ikabahala?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
ANG puyat ay nakapagpapahina ng isip at memorya, at kabilang ang mga kabataang estudyante sa pinakananganganib dito, ang sabi ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. “Ang puyat sa mga bata at mga tin-edyer ay iniuugnay rin sa mga problema sa pag-uugali, pagkamayamutin at pagiging sobrang likot.” Pinag-aralan ng mga siyentipiko ang pagtulog ng mga 2,200 estudyante sa haiskul at natuklasan nila na mga 47 porsiyento ang nagkukulang sa iminumungkahing walong oras na pagtulog gabi-gabi.
Bagaman ang istilo ng kanilang buhay ang madalas na umaagaw sa panahon na dapat sanang itulog ng mga kabataan, “maaari ring ang ilan sa kanila ay may di-natutuklasang karamdaman,” ang sabi ng Globe. “Ang sleep apnea ay nagiging problema ng mga 4 na porsiyento ng mga bata na nasa edad 4 hanggang 18.” Habang natutulog, ang daanan ng hangin sa likod ng lalamunan ay alinman sa bahagya o lubusang nakasara, anupat nagiging limitado tuloy ang daloy ng oksiheno. Sa gayon, hindi lubusang nakapagpapahinga ang utak, kung kaya ang mga bata ay pagód at mayamutin paggising nila.
Kabilang sa mga palatandaan ng posibleng karamdamang ito ay ang paghilik o paghingasing habang natutulog, madalas na pagsakit ng ulo sa umaga, at paghina ng memorya at konsentrasyon, gayundin ang palagi at labis na pag-aantok sa maghapon. Hinihimok ang mga magulang na paminsan-minsan ay pakinggan ang kanilang mga anak habang ang mga ito ay mahimbing na natutulog. Sinasabi ni Dr. Robert Brouillette, eksperto sa pagtulog ng mga bata sa Montreal Children’s Hospital, na ang isang batang may ganitong karamdaman ay maaaring tumitigil sa paghinga habang natutulog, bagaman nakikitang tumataas at bumababa ang dibdib nito. “Ang sandaling paghinto ay natatapos sa pamamagitan ng biglang pagkislot ng bata na doo’y nagigising siya o naaalimpungatan [at] saka hihinga muna nang ilang ulit bago muling matulog.” Ang gayong mga pangyayari ay maaaring maulit nang daan-daang beses sa bawat gabi at nagiging dahilan tuloy kung kaya pagód na pagód ang bata paggising niya.
Iminumungkahi ng American Sleep Disorders Association ang pagkakaroon ng isang malamig, madilim na kuwarto na walang pang-abala, gaya ng mga telebisyon o computer. Ang pagkakaroon ng regular na iskedyul ng pagtulog at paggising ay makatutulong din sa mga bata at mga tin-edyer na makatulog nang mahimbing. Ang ilang may sleep apnea ay gumagamit ng isang makina para sa daanan ng hangin na patuloy sa banayad na paghihip sa ilong at bibig upang mapanatiling nakabuka ang likod ng lalamunan habang natutulog. Isang pediatrician ang nagsabi: “Mas mahalaga ang pagtulog kaysa sa kinakain natin. Mas mahalaga ito kaysa sa ehersisyo. Ang pagtulog ang kumokontrol ng ating hormon, ng ating emosyon at ng ating sistema ng imyunidad.”