Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 8/8 p. 21-23
  • Paglalayag na ang Giya ay mga Bituin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglalayag na ang Giya ay mga Bituin
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dalawang Sinaunang Teoriya
  • Mga Subok na Paglalayag
  • Sinaunang mga Pamamaraan sa Paglalayag
  • Nabigasyon sa Pamamagitan ng Tubig, Kalangitan, at Hangin
    Gumising!—2003
  • Canoe—Pinakapraktikal na Sasakyan sa Canada
    Gumising!—2010
  • Kapitan James Cook—Matapang na Manggagalugad ng Pasipiko
    Gumising!—1995
  • Ang mga Bituin at ang Tao—May Kaugnayan Ba?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 8/8 p. 21-23

Paglalayag na ang Giya ay mga Bituin

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAWAII

MARAMING siglo na ang lumipas bago maglayag si Christopher Columbus patawid sa Karagatang Atlantiko, ang mga manlalakbay-dagat na taga-Polynesia ay naglalayag nang libu-libong kilometro patawid sa Karagatang Pasipiko sakay ng mga bangkang kahoy, anupat naglalayag patungo sa mga islang nasa loob ng Polynesian triangle. Paano natuklasan ng sinaunang mga taga-Polynesia ang maraming kalipunan ng mga isla na nasa loob ng pagkalaki-laking rehiyong ito? Nagkataon lamang ba ang pagkakatuklas nila sa mga islang ito?

Kung tiyak nang nakaplano sa isipan ng mga taga-Polynesia ang kanilang destinasyon, paano sila nakapaglayag sakay ng kanilang mga bangka nang walang mga mapa, magnetikong kompas, o iba pang instrumento na ginagamit ng mga manggagalugad na taga-Kanluran?

Hindi lamang isinisiwalat ng sagot ang kahusayan ng mga pamamaraan ng mga taga-Polynesia sa paglalayag kundi pinatitindi rin nito ang ating pagpapahalaga sa kaayusan at kayarian ng ating daigdig at ng sansinukob.

Dalawang Sinaunang Teoriya

Hindi lahat ng siyentipiko at iskolar ay handang tumanggap sa ideya na sadyang nakapaglalayag ang mga taga-Polynesia patungo sa iba’t ibang isla. Si Thor Heyerdahl, isang manggagalugad na Norwego, ay bumuo ng teoriya na ang mga taga-Polynesia ay dating mga taga-Timog Amerika at na narating ng mga manlalakbay-dagat ang mga isla sa Pasipiko sa pamamagitan ng pagpapatangay sa nananaig na mga agos at hangin.

Upang subukin ang teoriyang ito, si Heyerdahl at ang limang tripulanteng taga-Scandinavia ay naglayag mula sa kanlurang baybayin ng Peru sakay ng isang balsá na yari sa kahoy na balsa. Nagpasimula silang maglayag sa Karagatang Pasipiko hanggang sa tangayin ng pakanlurang mga agos ang kanilang balsá. Pagkalipas ng 101 araw at 7,000 kilometrong paglalayag, si Heyerdahl at ang kaniyang mga tauhan ay dumaong sa hugis-singsing na isla ng Raroia sa Kapuluan ng Tuamotu. Sa gayon, sa isang kahanga-hangang paraan, ipinakita ni Heyerdahl ang posibilidad na dumating ang mga taga-Polynesia mula sa Timog Amerika sa pamamagitan ng pagpapatangay sa nananaig na mga agos sa karagatan. Ngunit hindi lahat ng mga iskolar ay kumbinsido sa ipinakita ni Heyerdahl.

Ang isa sa mga nag-aalinlangang iyon ay si Andrew Sharp, isang istoryador mula sa New Zealand. Sa kaniyang aklat na Ancient Voyagers in Polynesia, na isinulat noong 1963, binanggit niya ang napakaraming tuklas na may kaugnayan sa arkeolohiya at wika bilang katibayan na nagpapatunay sa mas karaniwang pangmalas ng mga istoryador at mga eksperto​—na ang mga taga-Polynesia ay nagmula talaga sa kanluran. Gayunman, hindi rin niya tinanggap ang anumang pangmalas na kumikilala sa mga taga-Polynesia bilang mahuhusay na manlalakbay-dagat.

Bagaman inamin ni Sharp na maaaring kaya ng mga manlalakbay-dagat na ugitan ang kanilang sarili sa maiikling paglalakbay, sinabi niya na hindi maaaring matiyak ng mga taga-Polynesia ang kanilang destinasyon kapag naglakbay na sila ng mahigit sa 500 kilometro. Pinaniniwalaan niya na anumang isla na narating nila sa mas malalayong paglalakbay ay nagkataon lamang na natagpuan nila.

Mga Subok na Paglalayag

Palibhasa’y naniniwala na hindi pinag-ukulan nina Heyerdahl at Sharp ng sapat na pagkilala ang sinaunang mga taga-Polynesia bilang mga manlalakbay-dagat at maglalayag, ipinasiya ni Dr. David Lewis, mula sa New Zealand, na ipakita ang pagiging totoo ng sinaunang mga pamamaraan sa paglalayag. Sa paglalayag nang walang kompas sakay ng isang makabagong catamaran (parang balsá) at paglalayag na ang giya lamang ay mga bituin, araw, at tuluy-tuloy na mga daluyong sa karagatan, matagumpay siyang nakapaglayag mula Tahiti hanggang sa New Zealand noong 1965, isang paglalayag na sumaklaw ng mahigit sa 3,000 kilometro! Ang paglalakbay ni Lewis ay nakapagpasigla ng interes sa tradisyonal na mga pamamaraan ng paglalayag at sa sinaunang mga ruta sa pandarayuhan. Ang isa na nagbigay-pansin sa naisagawang ito ay si Ben Finney.

Maraming taon nang pinag-aralan ni Finney, isang propesor ng antropolohiya sa University of Hawaii, ang tungkol sa pagdidisenyo at paggawa ng sinaunang mga bangka sa Polynesia. Siya at ang ilan sa kaniyang mga kasamahan sa Polynesian Voyaging Society ay gumawa ng isang bangka na 20 metro ang haba at may dalawang kasko, na pinanganlan nilang Hokule‛a, isang salita sa wika ng Hawaii na nangangahulugang “Bituin ng Kagalakan.” Bagaman ang Hokule‛a ay yari sa sintetikong mga materyales sa halip na sa tradisyonal na mga materyales tulad ng kahoy na koa, ang bangka ay dinisenyo upang tularan ang kayarian, hitsura, at kahusayan ng sinaunang mga bangka.

Ang unang paglalayag ng Hokule‛a ay naganap noong Mayo 1, 1976, nang pumalaot ito mula sa isla ng Maui sa Hawaii at magtungo sa Tahiti. Dahil sa naglaho na ang sining ng mga taga-Polynesia hinggil sa paghanap ng landas at paglalayag na ang giya ay mga bituin, ang kahusayan sa paglalayag ay kinailangang magmula sa labas ng mga Isla ng Hawaii. Kaya naman si Mau Piailug, isang bihasang maglalayag mula sa Micronesia, ang piniling umugit sa Hokule‛a sa kauna-unahang paglalakbay nito. Gumugol ang Hokule‛a ng 31 araw upang makumpleto ang libu-libong kilometrong paglalayag patungong Tahiti.

Ang matagumpay na paglalakbay ay pumukaw ng pagpapanauli sa kultura sa buong Polynesia at ng ibayong interes sa sinaunang paglalayag at paggawa ng bangka. Sa sumunod na mga taon, isinagawa ang katulad na mga paglalayag sa pagitan ng mga isla ng Polynesian triangle, tulad ng Hawaii, New Zealand (kilala rin bilang Aotearoa), Rarotonga (sa Cook Islands), at Easter Island (kilala rin bilang Rapa Nui). Marami sa mga paglalayag na ito ay pinamunuan ni Nainoa Thompson, isang maglalayag na isinilang sa Hawaii at tinuruan ni Piailug.

Sinaunang mga Pamamaraan sa Paglalayag

Paano nga ba talaga matagumpay na nakapaglayag nang libu-libong kilometro ang mga taga-Polynesia nang walang mga instrumento? Ayon kay Dennis Kawaharada ng Polynesian Voyaging Society, ang araw ang siyang pangunahing giya. Ang eksaktong mga dako na pinagsisikatan at pinaglulubugan nito ang nagpapahiwatig sa mga lugar na patutunguhan kapag araw. Sa gabi, inuugitan ng mga maglalayag ang bangka sa pamamagitan ng pagtunton sa mga dakong pinagsisikatan at pinaglulubugan ng mga bituin.

Kahit na walang sumisikat o lumulubog na bituin sa partikular na direksiyong binabagtas ng bangka, ang ibang mga bituin sa langit ay maaaring gamitin bilang mga batayan. Bukod sa mga bituin, ginagamit din ng mga maglalayag ang buwan at ang limang nakikitang mga planeta bilang karagdagang mga pantulong upang makapanatili sa tamang direksiyon.

Tuwing katanghaliang-tapat at sa maulap na mga gabi kapag walang nakikitang mga bituin, maaaring ugitan ng mga maglalayag ang kanilang bangka sa pamamagitan ng paggamit sa hangin at sa tuluy-tuloy na mga daluyong sa karagatan (na inihahambing sa mga dakong pinagsisikatan at pinaglulubugan ng araw). Ayon kay Kawaharada, “ang tuluy-tuloy na mga daluyong ay mga alon na naglalakbay sa labas ng mga sistema ng hangin o unos na naging sanhi ng mga ito, o mga alon na nagpapatuloy pagkatapos humupa ang unos na siyang lumikha sa mga ito.”

Samakatuwid, ang mga direksiyon ng tuluy-tuloy na mga daluyong ay mas maaasahang batayan kaysa sa mga alon, na nililikha ng iba’t ibang karaniwang hangin. Dahil sa tuwid ang direksiyong pinatutunguhan ng tuluy-tuloy na mga daluyong, maaaring ugitan ng maglalayag ang bangka upang bagtasin ang isang piniling direksiyon. Ang pisikal na galaw ng bangka habang naglalakbay ito nang pasalubong o pasalungat sa tuluy-tuloy na mga daluyong sa karagatan ang nagsasabi sa maglalayag kung ang bangka ay bumabagtas sa tamang direksiyon.

Ipinahihiwatig ng katibayan na nagawang gamitin ng sinaunang mga taga-Polynesia ang mga bagay na nasa langit at ang mga puwersa ng kalikasan upang sadyang ugitan ang kanilang mga bangka sa paglalakbay nang libu-libong kilometro. Subalit bagaman mapamaraan ang mga maglalayag, hindi magiging mabisa ang kanilang mga pamamaraan kung hindi dahil sa maaasahang kaayusan na umuugit sa mga likas na palatandaan na kanilang pinagbabatayan, tulad ng dakong pinagsisikatan at pinaglulubugan ng mga bituin.

Mahigit na 2,700 taon na ang nakalipas, pinuri ni propeta Isaias ang Dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, dahil sa kaayusan na makikita sa kalangitan, nang sumulat siya: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”​—Isaias 40:26; Awit 19:1.

Ang salmista ay kinasihan ding sumulat na “tinutuos [ng Diyos] ang bilang ng mga bituin; silang lahat ay tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan.” (Awit 147:4) Kinilala ng mga taga-Polynesia ang kaayusan ng mga bituin sa kalangitan sa itaas at nagawa nilang gamitin ang mga ito upang isagawa ang kanilang malalayong paglalayag sa Karagatang Pasipiko. Hindi ba’t nagpapatunay ito sa ideya na ang ating sansinukob ay nilikha ng isang Maylalang na napakatalino at napakaorganisado?

[Mapa/Mga larawan sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Fiji

POLYNESIAN TRIANGLE

Hawaii

Samoa

Tonga

New Zealand

Cook Islands

Tahiti

Marquesas Islands

Kapuluan ng Tuamotu

Tubuaï Islands

Easter Island

[Larawan]

Ang bangkang “Hawai‘iloa” na may dalawang kasko ay ginawa noong 1993 na gamit ang mas maraming tradisyonal na mga materyales kaysa sa bangkang kahawig nito, ang “Hokule‘a”

[Credit Line]

Hawai‘iloa sa pahina 21 at 23: © Monte Costa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share