Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 8/22 p. 24-27
  • Gawing Makulay ang Inyong Tahanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gawing Makulay ang Inyong Tahanan
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpili ng mga Kulay
  • Kung Paano Ginagawa ang Pintura
  • Mahalaga ang Puspusang Paghahanda
  • Gagamitin Na Natin ang mga Brotsa
  • Pagpapalamuti sa Tahanan—Isang Kasiya-siyang Hamon
    Gumising!—1990
  • Kosmetik
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Halika at Tingnan” ang Kristo
    Halika Maging Tagasunod Kita
  • Kung Paano Iiwasan ang Pagkalason sa Tingga
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 8/22 p. 24-27

Gawing Makulay ang Inyong Tahanan

LUBHANG kasiya-siya ang epekto ng kapipinturang bahay. Sa isang kuwarto na waring lumang-luma o kupas na, malaki ang magagawa ng bagong pintura. Nais mo bang gawing maaliwalas ang isa o dalawang kuwarto sa inyong tahanan? Kung hindi mo pa kailanman nasubukang magpintura, baka masumpungan mong mas madali ito kaysa sa inaakala mo!

Samahan nating magtrabaho si Fernando, ang kaniyang asawang si Dilma, at ang kanilang walong-taóng-gulang na anak na babae, si Vanessa, habang pinipinturahan nilang muli ang isang bahagi ng kanilang tahanan. Pagkatapos ay baka mas kaya na nating magpintura mismo. Gayunman, bago natin isuot ang ating mga damit na pantrabaho, alamin muna natin ang hinggil sa pagpili ng mga kulay.

Pagpili ng mga Kulay

Mahalagang piliing mabuti ang mga kulay ng pintura. Hindi lamang nakadaragdag ng kagandahan ang kulay sa inyong tahanan. Maaari pa nga itong makaapekto sa iyong damdamin. Mas kapana-panabik ang matitingkad at makikintab na kulay, samantalang ang mga pastel na di-makikintab ay malamang na makapagparelaks sa iyo. Ang isang kulay ay maaaring madilim kapag ipininta sa isang pader sa loob ng isang gusali, ngunit ang katulad na kulay ay maaaring mas mapusyaw sa labas ng gusali. Pinili nina Fernando at Dilma ang ginintuang dilaw at off-white para sa kanilang tahanan. Mayamaya ay malalaman natin kung saan nila gagamitin ang mga ito.

Pansinin ang color wheel sa itaas. Ang mga kulay na magkatapat mismo sa bilog ay tinatawag na mga complementary color. Waring tumitingkad ang mga ito kapag pinagtabi. Para sa isang color scheme (kombinasyon ng kulay) na mas konserbatibo kaysa sa matingkad, piliin ang iba’t ibang timpla ng iisang kulay. Ang tawag dito ay monochromatic color scheme.

Bago sila magpinta, may ilang tanong ang ating mga kaibigan. Nais malaman ni Fernando kung anu-anong uri ng pintura ang kakailanganin nila, at iniisip naman ni Vanessa kung paano ginagawa ang pintura. Kaya waring isang magandang ideya na pumasyal sa isang lokal na pabrika ng pintura upang malaman natin kung ano ang ating matututuhan.

Kung Paano Ginagawa ang Pintura

Si Gerard, ang may-ari ng pabrika, ay pumayag na maging tour guide natin. Ang isa sa unang mga bagay na makikita natin kapag pumasok tayo sa isang pabrika ng pintura ay ang isang pagkalaki-laking mixer na hinahalo ang malapot na masa na nasa isang 800-litrong mangkok. Sumigaw si Gerard upang marinig mula sa ingay sa paligid: “Ang paggawa ng pintura ay parang pagluluto lamang ng isang keyk​—lahat ng sangkap ay tinitimbang at pinaghahalu-halo.”

“Ngunit ano ba ang resipe sa paggawa ng makabagong pintura?” ang tanong natin.

“May apat na pangunahing sangkap,” ang tugon ni Gerard. “Ang mga pangulay, pampabuo, likido, at pantanging mga sangkap. Ang pinturang inyong nakikitang hinahalo ay ginagamitan ng titanium oxide bilang ang pangunahing sangkap nito. Ang puting pangulay na ito ay hinuhukay mula sa lupa at ngayon ay ginagamit sa makabagong mga pintura sa halip na tingga.” Ang halo ay parang harina na ginagamit sa pagluluto ng tinapay.

Nagpapatuloy si Gerard: “Ang halo ay dinudurog o ginigiling hanggang sa ito ay maging isang pinong masa kasama ang kaunting pampabuo​—sa kasong ito, acrylic resin ang ginamit. Kapag nasiyahan na ang gumagawa ng pintura sa lapot nito, idaragdag niya ang natitirang resin, pagkatapos ay ang mga likidong tulad ng tubig o mga kemikal na pampalabnaw, at ang pinakahuli, ang anumang pantanging mga sangkap.”

Nais nating malaman kung anong uri ng pintura ang kakailanganin natin para sa pagmamantini ng tahanan. Ipinaliliwanag ng ating guide: “May dalawang pangunahing uri ng pinturang pambahay. Ang mga pinturang oil base ay gumagamit ng mga langis na tulad ng linseed o modified soybean bilang pampabuo, samantalang ang pinturang water base naman ay gumagamit ng vinyl o acrylic resin bilang pampabuo. Ang mga pinturang oil base ay napakatigas kapag natuyo, kaya naaangkop ang mga ito sa mga lugar na madalas hawakan, tulad ng mga pintuan at mga moldura. Gayunman, ang mga pinturang oil base ay may tendensiya na manilaw at magbitak-bitak habang tumatagal. Sa kabilang dako naman, mas nagtatagal ang kulay ng de-kalidad na mga vinyl at mga acrylic at di-gaanong masangsang ang amoy ng mga ito. Mas nagtatagal din sa init ng tag-araw ng Australia o sa lamig ng taglamig ng Canada ang 100-porsiyentong mga acrylic na dinisenyo para sa labas ng mga gusali.”

Sana ay maalaala natin ang itinuro ni Gerard sa atin. Ngunit mayroon pa siyang sinasabi: “May apat na pangunahing antas ng kintab sa dalawang uri ng pintura: makintab (gloss), makintab-kintab (satin), di-gaanong makintab (low sheen), at di-makintab (flat). Mas praktikal na gamitin ang makintab sa mga lugar na madalas daanan o hawakan. Mahusay ang makintab-kintab sa mga paliguan at sa mga pasilyo. Bagay na bagay naman ang pinturang di-gaanong makintab o di-makintab sa mga salas, at pinakapraktikal ang pinturang di-makintab sa mga kisame.” Pinasalamatan natin si Gerard sa nakapagtuturong tour at bumalik tayo sa bahay upang simulan ang mahirap na bahagi ng ating proyekto​—ang paghahanda sa mga pipinturahan.

Mahalaga ang Puspusang Paghahanda

Ang tagumpay ng kaakit-akit at nagtatagal na gawang-pintura ay lubhang nakasalalay sa kung gaano kapuspusan ang paghahanda bago magpintura. Kaya panahon na para ililis ang ating mga manggas at maghanda para sa puspusang pagtatrabaho. Marahil ay may makukuha pa tayong karagdagang kapaki-pakinabang na mga mungkahi habang nagtatrabaho. Nasa isip ni Fernando ang dalawang proyekto​—pagpipintura sa silid-kainan at sa bakod sa harapan. Unahin natin ang trabaho sa silid-kainan.

Matapos alisin ang mga muwebles ng silid, maglatag tayo ng ilang lumang kumot sa sahig. Una, kailangan nating kayurin ang luma at nagbibitak-bitak nang pintura sa hamba ng bintana, moldura, at sa kisame. Tutulungan natin si Fernando sa trabahong iyan. Pansinin na inilalagay niya ang kaniyang hagdan sa isang patag na lugar sa sahig. Karagdagan pa, iiwasan niyang tumuntong sa pinakahuling tuntungan ng hagdan, kung saan mas malaki ang posibilidad na bumagsak siya. Ang napalitadahang mga dingding ay maayos pa, ngunit kailangang mahugasan ng tubig at sabon ang mga ito bago pinturahan.

Sumunod, gagamit tayo ng paleta upang alisin ang nakalaylay na mga piraso mula sa mga bitak, na pagkatapos ay kailangang masilyahan. Gagamitin natin ang masilyang acrylic sa mga bitak sa palibot ng bintana at katangan dahil ang masilyang ito ay nababanat at umaayon sa paggalaw ng kahoy at palitada. Nang maglaon, habang hinuhugasan ni Vanessa ang mga kagamitan para sa pagpapalitada, lilihahing mabuti ng ilan sa atin ang ibabaw ng mga gawang-kahoy at mga dingding, na ginagamit ang di-gaanong magaspang na liha. Aalisin nito ang anumang maliliit na umbok at pagagaspangin din ang ibabaw upang ang magkakasunod na pahid ng pintura ay kumapit na mabuti.

Bakit tayo nagsusuot nitong waring nakatatawang maskara, ang tanong mo? Ito ay isang pag-iingat, upang maiwasang mairita ng pintura at alikabok ng palitada ang ating mga lalamunan. Ang ating mga goggles ay hindi rin naman sunod sa uso, ngunit kapag gumagawa tayo habang nakatingala, binibigyan nito ng proteksiyon ang ating mga mata sa bumabagsak na mga bagay. Kailangan ang pantanging pag-iingat kapag nag-aalis ng mga pinturang ang pangunahing sangkap ay tingga. (Tingnan ang kahong “Ang Panganib ng Tingga” sa pahinang ito.)

Kahuli-hulihan, winawalis natin ang alikabok sa buong lugar pababa na ginagamit ang isang malambot na walis. Ang walang-pinturang mga gawang-kahoy gayundin ang mga patse sa napalitadahang mga dingding ay kailangan na ngayong pahiran ng undercoat o primer bago magsimula ang aktuwal na pagpipintura. Pinangyayari nito ang mga huling pahid ng pintura na matuyo nang may pantay na kintab sa halip na lumubog ito sa anumang patse ng kahoy dulot ng pagliliha o dating pintura. Kapag nagawa ito, ang ating silid ay handa na upang masimulan ang aktuwal na pagpipintura.

Gaya ng mapapansin natin, ang bakod ay gawa sa kahoy na wala pang pintura. Pagkatapos na lubusang malinis ang bakod, kailangan nating pahiran ang mga ulo ng pako ng metal primer. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagtagos ng kalawang. Yamang mahahantad ang bakod sa iba’t ibang lagay ng panahon, maglalagay tayo ng dalawa hanggang tatlong pahid ng pinturang acrylic na pambakod.

Buweno, tama na muna iyan para sa isang araw. Yamang kumpleto na ang ating mga paghahanda, kinabukasan ay gagawin na natin ang aktuwal na pagpipintura.

Gagamitin Na Natin ang mga Brotsa

Sa araw na ito ay tatamasahin na natin ang tagumpay ng puspusang paghahanda kahapon. Una sa lahat, dapat nating tiyakin na nahalong mabuti ang pintura bago natin ito ipinta. Napalabnaw na natin ang pinturang acrylic na pandingding sa pamamagitan ng kaunting tubig lamang, mga 5 porsiyento ng dami ng pintura. Tinutulungan nitong maging mas madaling ipahid ang pintura mula sa brotsa. Ngunit dapat nating ingatan na huwag maglagay ng napakaraming tubig. Kung hindi, magiging masyadong malabnaw ang pintura at ang dating kulay ay maaaninaw sa bagong pintura. Para sa mga gilid ng mga pader at kisame, balak nating gamitin ang isang malapad na brotsa. Pagkatapos, gagamit tayo ng mga roller upang pinturahan ang malalawak na ibabaw. Pabibilisin nito ang trabaho.a

Dapat nating tandaan na ipahid ang sobrang pintura na nasa brotsa sa isang tabi lamang ng lata ng pintura at ipatong ang hawakan sa malinis na tabi upang ang hawakan at ang ating mga kamay ay hindi magkapintura. Sa wakas, dapat nating ikapit ang tuntunin na, “Gumawa mula sa itaas pababa.” Nangangahulugan ito na tatapusin muna natin ang kisame bago simulan ang mga dingding. Pagkatapos ay ang kakailanganin na lamang nating gawin ay punasan ang anumang tulo ng pintura sa moldura sa pamamagitan ng basang basahan at pinturahan ang moldura ng pinturang oil base na makintab na ating pinili. Mahusay ang ginawa ninyong lahat! Maganda ang medyo dilaw na mga dingding at ang off-white na moldura.

Tumungo na tayo ngayon sa bakod sa harapan. Para rito, balak nating gamitin ang isang malaking brotsa upang ipinta ang pinturang water base sa mga tilad ng bakod. Sapat na ang tatlong pahid ng pintura. Kailangan ang humigit-kumulang isang oras ng pagpapatuyo bago gawin ang kasunod na mga pahid ng pintura, kaya malamang na matatapos tayo bago kumagat ang dilim. Magsimula na tayo.

Una, basain nating mabuti ang brotsa at ipagpag ang sobrang tubig. Pinabubuti nito ang kakayahan ng brotsa na sumipsip ng pintura at iniiwasan nitong matuyo ang pintura sa brotsa. Maglalagay tayo ng maraming pintura sa brotsa at paghuhusayan at hahabaan natin ang paraan ng pagpahid. Sa halip na basta ipahid sa mga tilad, titiyakin natin na “naidiriin” nating mabuti ang pintura sa haspe ng kahoy.

Tingnan mo nga naman! Ang ating ikatlong pahid ay tapos na habang papalubog na ang araw. Parang bagung-bago ang bakod! Tinitingnan natin ang ating nagawa. Ang dalawang araw na pagpapagal ay sulit na sulit. Kaylaking pagbabago! Tunay na masarap ang pakiramdam na gawing makulay ang tahanan ng pamilya.

[Talababa]

a Marami ang gumagamit ng masking tape upang makagawa ng tuwid na mga linya kapag pinipinturahan ang mga gilid ng mga pintuan, hamba ng bintana, at iba pang gilid at kanto.

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Mga Mungkahi Upang Mapagtagumpayan ang Ilang Karaniwang Problema

◼ AMAG: Hugasan ng pinaghalong isang bahaging pangkula (bleach) at apat na bahaging tubig ang lugar na pipinturahan. Magsuot ng mga guwantes at goggles. Pinturahan muli ng isang mahusay na pinturang acrylic, yamang mas madaling dumami ang amag sa mga pinturang oil base. Kung mayroon, gumamit ng kemikal na pamatay sa amag.

◼ TUBIG AT IBA PANG MANTSA: Ayusin ang mga tulo at alisin ang sanhi ng mantsa. Hugasan ng sabon at tubig. Pahiran ng stain-blocking primer o shellac, pagkatapos ay pahiran ng undercoat.

◼ MAPULBOS NA MGA IBABAW: Alising mabuti ang alikabok. Pahiran ng isang sealer na matagal matuyo. Ang mga sealer na oil base ay mas madaling kumapit at magpadikit sa mga tipik kaysa sa mga sealer na water base.

[Kahon sa pahina 27]

Ang Panganib ng Tingga

Ganito ang sabi ng Environment Protection Agency of Australia sa buklet na Lead Alert​—Painting Your Home?

◼ Maging ang masasabing mababang antas ng tingga sa dugo ay maaaring may lubhang negatibong epekto sa intelektuwal na paglaki at paggawi ng mga bata.

◼ Partikular nang malaki ang panganib na ito sa mga batang wala pang limang taon, yamang ang kanilang sistema ng nerbiyo ay wala pa sa hustong-gulang. Nakukuha ng mga bata ang hanggang 50 porsiyento ng tingga na pumapasok sa kanilang katawan, samantalang mga 10 porsiyento lamang ang nakukuha ng mga adulto.

◼ Kung ang isang bata ay makalulon ng isang piraso ng pinturang may tingga na kasinlaki ng kuko ng hinlalaki, mananatiling mataas ang antas ng tingga sa kaniyang dugo sa loob ng ilang linggo.

[Larawan sa pahina 25]

Color wheel

[Larawan sa pahina 25]

“Kusina” ng gumagawa ng pintura

[Larawan sa pahina 26]

Magsuot ng pananggalang na kasuutan para sa kaligtasan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share