Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 8/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nailigtas ang Pambihirang Orkidya Mula sa Pagkalipol
  • May Alerdyi sa mga Tao
  • Paano Nagiging Isang “Tunay na Lalaki”?
  • Pinupuna ang Red Cross
  • Nakamamatay na Likas na Sakuna
  • Nagliligtas ng Buhay ang mga Sinturong Pangkaligtasan sa Likurang Upuan
  • Ang Panganib ng Polusyon sa Hangin sa Asia
  • Pakikinabang sa Pagbabago Tungo sa Euro
  • Mga Alerdyi—Ano ang Maaaring Gawin?
    Gumising!—1985
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
  • Pag-aalaga ng Orkid—Mahirap, Pero Sulit
    Gumising!—2010
  • Mga Itinatanong ng mga Tao Tungkol sa mga Alerdyi
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 8/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nailigtas ang Pambihirang Orkidya Mula sa Pagkalipol

Sa loob ng 50 taon, ang natatanging lady’s-slipper orchid (Cypripedium calceolus) na tumutubo nang ligáw sa Britanya ay binantayan sa loob ng 24 na oras upang hindi ito malipol. Ang magandang orkidyang ito na kulay maroon at dilaw ay gustung-gusto ng mga tao noong panahon ni Reyna Victoria at ng mga sumunod na salinlahi anupat pagsapit ng dekada ng 1950, ito ay “pinitas hanggang sa maubos,” kaya isang halaman na lamang ang natira. Pinagsikapan ng mga botaniko na magpatubo ng mga punla ng halamang ito na nagmula sa North Yorkshire, subalit dahil sa bihira itong mamulaklak ay naging imposible ang likas na polinisasyon. Gayunman, simula ng dekada ng 1990, natuklasan ng mga siyentipiko sa Kew Gardens, London, ang isang pamamaraan na tinatawag na micropropagation, na nagpangyari sa kanila na makapaglinang ng bagong mga halaman mula sa mga binhing kanilang napalitaw sa pamamagitan ng kamayang polinisasyon ng mga bulaklak. Pagkatapos ay inilipat ang mga halamang ito sa batong-apog na likas na tinutubuan ng mga ito, anupat nasa pagitan ng 200 at 300 lady’s-slipper orchid ang tumutubo na ngayon sa hilaga ng Inglatera. Isang lugar ang binuksan para sa publiko, subalit ang kinalalagyan ng iba pa ay nananatiling lihim upang matiyak na mapangangalagaan ang mga ito, ang ulat ng The Independent ng London, habang “patuloy na nagpapagal ang mga siyentipiko upang patibayin ang mga ito laban sa mga peste at fungi.”

May Alerdyi sa mga Tao

“Maraming hayop ang may alerdyi sa mga tao,” ang sabi ng pahayagang Leipziger Volkszeitung sa Alemanya. Gaya ng iniulat doon, ipinatalastas kamakailan ng German Allergy and Asthma Association (DAAB) na “ang pakikisalamuha sa tao ang nagiging sanhi ng karaniwang mga sintomas ng alerdyi, gaya ng butlig sa balat o palaging pagbahin, ng 1 sa 20 alagang hayop.” Kadalasan, ang mga sanhi ay ang sinasabing nalalaglag na kaliskis ng patay na balat ng tao at ang dumi ng hanip-alikabok na kumakain nito. Kapag patuloy na kinakamot o hinihimod ng alagang hayop ang sarili nito o hinihingutuhan ang kaniyang balahibo kahit wala naman itong mga pulgas, ipinahihiwatig nito sa may-ari na ang alaga niya ay may alerdyi sa mga tao, at ang pagbuti ng mga sintomas pagkatapos na magbago ang kapaligiran o kapag wala ang may-ari ng alagang hayop ay isa pang karagdagang katibayan. Ang pagkain at polen ay sinasabi rin na pinagmumulan ng alerdyi sa mga hayop. Halimbawa, napansin ng DAAB ang pagdami ng mga kabayo na may hay fever nitong nakaraang mga taon.

Paano Nagiging Isang “Tunay na Lalaki”?

“Ang mga batang lalaki . . . ay naniniwala pa rin na ang pagiging bihasa sa isport, pagsusuot ng wastong mga etiketa at pag-iwas sa matalik na pakikipagkaibigan ay mga tanda ng pagiging isang ‘tunay na lalaki,’ samantalang ang pagpapagal ay ‘hindi pagiging lalaki,’ ” ang ulat ng pahayagang Independent ng London. “Iginagalang ng mga batang lalaki ang mga kaklase na dominante, may kontrol at sobra kung magmura. Ang mga tin-edyer na hindi tumutulad sa gayong pangkaraniwang saloobin ay nanganganib na takutin o tawaging bakla.” Ang isang surbey sa mga batang lalaki na 11 hanggang 14 anyos, na isinagawa sa 12 paaralan sa London ng London University’s Birkbeck College, ay nagsisiwalat na “inamin [ng mga batang lalaki] na ang kanilang ‘kilos macho’ ay kadalasang nagpapadama sa kanila na sila’y nabubukod at nangangambang magpahayag ng kanilang sarili,” ang sabi ng pahayagan. Si Propesor Stephen Frosh, na nanguna sa pagsasaliksik, ay nagsabi: “Ang mga batang lalaki ay nangangailangan ng nakakukumbinsing mga mensahe na ang pagiging isang lalaki ay hindi nangangahulugan ng pagkamatigas at pagsikil sa iyong damdamin.”

Pinupuna ang Red Cross

Karaka-raka pagkatapos ng mga pagsalakay noong Setyembre 11, ang American Red Cross ay lumitaw sa eksena, na nangangalap ng mga abuloy na salapi at dugo. Mga $850 milyong salapi ang naibigay, at 180,000 litro ng dugo ang nakolekta. Bagaman mabilis ang koleksiyon, ang pamamahagi nito ay hindi. “Ang American Red Cross ay mabagal sa pamamahagi ng mga pondong pantulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga pagsalakay,” ang sabi ng The Washington Times. “Ang mga pondong pantulong ay ginagamit sa mga programang walang kaugnayan sa Setyembre 11,” at ang malaking bahagi nito ay inilaan para sa “pangmatagalang mga pangangailangan, gaya ng [isang] programa para sa pag-iilado ng dugo, pagpapayo, at mga pagsalakay sa hinaharap.” Dahil sa kaunting pangangailangan sa nakolektang dugo at sa 42-araw lamang na itatagal nito, ang dugo ay “wala nang kabuluhan at dapat nang sunugin,” ang sabi ng artikulo. Iniulat ng media sa pagbabalita na dahil sa dami ng mga puna, pinaalis ng pangasiwaan ng Red Cross ang presidente nito at ipinatalastas noong katapusan ng Enero 2002 na ang 90 porsiyento ng natipong pondo ay ibibigay sa mga biktima ng sakuna pagsapit ng Setyembre 11, 2002.

Nakamamatay na Likas na Sakuna

“Ang likas na mga sakuna ay naging sanhi ng di-kukulangin sa 25,000 kamatayan sa buong daigdig noong 2001, na mahigit pa sa doble ng nakaraang taon,” sabi ng ulat ng Reuters. Ayon sa Munich Re, ang pinakamalaking reinsurer sa daigdig, ang nalugi sa ekonomiya ay may kabuuang $36 na bilyon​—makapupong higit kaysa sa idinulot ng mga pagsalakay sa Estados Unidos noong Setyembre 11. Dalawang-katlo ng 700 malalaking sakuna ang may kaugnayan sa mga bagyo at baha. Ang napakatinding lagay ng panahon ang sinisisi sa patuloy na pagbabago ng klima sa daigdig. “Ang mga sunog sa kagubatan ng Australia, mga baha sa Brazil at Turkey, makakapal na niyebe sa sentral at timugang Europa at isang bagyo sa Singapore, na minamalas na imposible ayon sa nakikitang lagay ng panahon, ay pawang nagbibigay ng pahiwatig hinggil sa kaugnayan ng mga pagbabago ng klima at sa pagdami ng kapahamakan dahil sa lagay ng panahon,” ang sabi ng kompanya. Sinabi nito na ang 2001 ang ikalawa sa pinakamainit na taon buhat nang umpisahan ang pag-iingat ng mga rekord mga 160 taon na ang nakalilipas. Ang mga lindol ang nagdulot ng pinakamaraming kamatayan​—mahigit na 14,000 noong Enero lamang, bilang resulta ng lindol na nangyari sa India. Sa kabuuan, 80 malalakas na lindol ang nabilang noong taong iyon.

Nagliligtas ng Buhay ang mga Sinturong Pangkaligtasan sa Likurang Upuan

“Ang mga pasahero sa likuran ng sasakyan na hindi nagkakabit ng sinturong pangkaligtasan ay limang ulit na naglalagay sa panganib sa mga pasaherong nakasinturong pangkaligtasan sa unahan na mamatay sa isang aksidente,” ang ulat ng The Guardian ng London. Sa isang pag-aaral sa mga rekord ng mahigit na 100,000 aksidente sa sasakyan sa Hapon na naganap sa loob ng limang taon, natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Tokyo na halos 80 porsiyento ng mga nakasinturong pangkaligtasan na nakasakay sa unahan ay hindi sana namatay kung ang mga pasaherong nakasakay sa likuran ay nagkabit ng mga sinturong pangkaligtasan. Sa isang banggaan, ang mga pasaherong hindi nakasinturong pangkaligtasan ay tumitilapon nang napakalakas sa unahan anupat ang mga nakaupo sa unahan ay lalong nanganganib na lubhang mapinsala o maipit hanggang sa mamatay. Bagaman ang paggamit ng mga sinturong pangkaligtasan sa likurang upuan ay sapilitang ipinatutupad sa Britanya buhat pa noong 1991, ipinakikita ng surbey na humigit-kumulang sa 40 porsiyento ng mga adulto ang hindi pa rin gumagamit nito.

Ang Panganib ng Polusyon sa Hangin sa Asia

“Sa India, mahigit sa 40,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa polusyon sa hangin,” ang sabi ng magasin hinggil sa kapaligiran na Down to Earth. Ang pagsasaliksik na isinagawa ng World Bank at ng Stockholm Environment Institute ay nagpapakita na ang polusyon sa hangin sa Asia ay nakahihigit kaysa sa pinagsamang polusyon sa hangin sa Europa at Amerika at siyang may pananagutan sa libu-libong kamatayan sa Seoul, Beijing, Bangkok, Jakarta, at Maynila. Halimbawa, sa Maynila, mahigit sa 4,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa sakit sa palahingahan, habang 90,000 ang nagkakasakit ng malubhang chronic bronchitis. Mas marami pa nga ang namamatay sa Beijing at Jakarta. Ang problema ay dahil sa “paggamit ng mababang uri ng gasolina, di-mabisang pamamaraan ng produksiyon ng enerhiya, paggamit ng mga sasakyang wala sa kondisyon at pagsisikip ng trapiko,” ang sabi ng magasin.

Pakikinabang sa Pagbabago Tungo sa Euro

Dahil sa pagbabago tungo sa euro, ang Simbahang Katoliko sa Italya ay “nagsasamantala sa pagkakataong iniaalok ng paglipas ng lira upang remedyuhan ang kakulangan ng limos” sa pamamagitan ng “pagtataas sa presyong sinisingil nito,” sabi ng Corriere della Sera. Ang bikaryo ng Roma ay nagpadala ng isang sirkular sa lahat ng parokya nito upang “baguhin ang ‘listahan ng presyo.’ Ang kontribusyon para sa misa, na noo’y 15,000 lira lamang ay tumaas hanggang sa 10 euro (19,363 lira). Ang pinakamataas na kontribusyon para sa isang kasal, na noo’y 450,000 lira, ay tumaas hanggang sa 270 euro (523,000 lira).” Gayunman, niliwanag ng sirkular na “ang halagang ito ay tumutukoy sa mga kasalang idinaraos para sa mga ‘di-miyembro ng parokya,’ samantalang ang halaga para sa mga miyembro ng parokya ay depende sa kanilang pagpapasiya, kapareho niyaong sa mga bautismo at libing.” Magkagayunman, ang mga pari ng parokya sa Roma ay napapaharap pa rin sa nakasisiphayong problema na kadalasa’y nakikitang walang laman ang mga kahon ng koleksiyon, marahil ay resulta ng “labis na kasakiman ng ilang miyembro ng simbahan, lakip na ang pagbaba ng bilang ng dumadalo,” ang sabi ng pahayagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share