Isang Kanlungan Para sa Pag-iimprenta ng Bibliya
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BELGIUM
Halos 500 taon na ang nakararaan, ang mga unang kopya ng kumpletong Bibliya ay ginawa sa Antwerp, Belgium. Ano ang umakit sa mga tagapag-imprenta ng Bibliya sa lunsod na iyon? Anong mga panganib ang kanilang sinuóng sa pag-iimprenta ng Bibliya? Upang malaman ito, dapat tayong bumalik sa unang yugto ng ika-16 na siglo.
ANG Antwerp ay nasa bukana ng Ilog Scheldt, 89 na kilometro mula sa North Sea. Noong ika-16 na siglo, sa tinatawag na ginintuang panahon nito, ang Antwerp ay nakaranas ng walang-katulad na kasaganaan sa ekonomiya. Sa katunayan, mabilis na lumawak ang lunsod at naging pinakamalaking daungan sa Europa at naging isa sa iilang lunsod sa Kanlurang Europa na nagkaroon ng mahigit sa 100,000 mamamayan.
Ang pagsulong ng Antwerp ay umakit sa mga mangangalakal sa buong Europa. Ang bagay na ito at ang patuloy na kasaganaan ay nakatulong sa mga tagapamahala ng lunsod na magkaroon ng mas mapagparayang saloobin, anupat ang Antwerp ay naging dako para sa paglitaw ng mga bagong ideya. Ang mapagparayang atmospera ay umakit sa mga tagapag-imprenta na nakadaramang ligtas doon na mag-imprenta at magpalaganap ng mga bagong ideyang ito. Di-nagtagal, ang ika-16 na siglong Antwerp ay naging tahanan ng 271 tagapag-imprenta, tagapaglathala, at mga tagapagtinda ng mga aklat. Buong pagmamalaking inilarawan ng mga mahistrado noon ang kanilang lunsod bilang “isang kanlungan at hothouse para sa lahat ng sining, siyensiya, bansa at kagalingan.”
Pagsunog sa mga Aklat at mga Monghe
Kabilang sa mga bagong ideya na inimprenta at pinalaganap ay yaong kay Martin Luther (1483-1546). Siya ang lider ng Repormasyon, isang relihiyosong kilusan na umakay sa pagsisimula ng Protestantismo. Anim na buwan lamang matapos magsimula ang Repormasyon, ang mga akda ni Luther ay makikita na sa mga tindahan ng aklat sa Antwerp. Di-kataka-taka, hindi ito ikinatuwa ng Simbahang Katoliko. Noong Hulyo 1521, hinimok ng simbahan ang pangmadlang pagsusunog sa Antwerp ng 400 na tinatawag na mga aklat ng mga erehe. Pagkaraan ng dalawang taon, dalawang Augustinianong monghe mula sa Antwerp na umayon sa mga ideya ni Luther ang sinunog na buháy sa tulos.
Ang mga pananalakay na ito ay hindi nagpahinto sa isang grupo ng matatapang na tagapag-imprenta sa Antwerp. Ang tibay ng loob ng mga tagapag-imprentang iyon ay gumanap ng isang mahalagang papel upang mabasa ng karaniwang tao ang Bibliya. Sino ang ilan sa mga tagapag-imprentang iyon?
Mula sa Pagiging Tagapag-imprenta Tungo sa Pagiging Martir
Si Adriaen van Berghen ay isang tagapag-imprenta at isang tagapagtinda ng mga aklat. Noong 1522 inilagay siya sa pangawan dahil sa pagtitinda ng mga aklat ni Luther at di-nagtagal ay sinentensiyahang mabilanggo pagkatapos nito. Siya ay pinawalang-sala subalit karaka-rakang nagbalik sa kaniyang trabaho. Nagsimula siyang mag-imprentang muli—sa pagkakataong ito ay ng mga bahagi ng “Bagong Tipan” ni Luther na isinalin sa wikang Olandes. Iyon ay inilathala noong 1523, isang taon lamang ang nakaraan matapos na unang ilathala ang “Bagong Tipan” ni Luther sa wikang Aleman.
Gayunman, noong 1542 nang masumpungan ang maraming ipinagbabawal na aklat sa kaniyang bahay sa Delft, sa Netherlands, muling inaresto si Van Berghen. Una, isang hukom ang naglapat sa kaniya ng magaang sentensiya—dalawang oras sa bibitayang plataporma habang “nakasabit sa kaniyang leeg ang ilan sa mga ipinagbabawal na aklat.” Subalit nang maglaon, ang sentensiya ni Van Berghen ay binago tungo sa parusang kamatayan, at ang may tibay-loob na tagapag-imprenta ay pinugutan ng ulo sa pamamagitan ng espada.
Isang Panggilid na Nota ang Naging Dahilan ng Kaniyang Kamatayan
Sa mga panahong iyon, ang may pinakamaraming naimprentang Bibliya sa wikang Olandes ay si Jacob van Liesvelt. Sa kabuuan, siya ay nakapaglathala ng 18 edisyon ng Bibliya sa wikang Olandes. Noong 1526 nakapag-imprenta siya ng isang kumpletong Bibliya sa wikang Olandes. Ang Bibliyang iyon ay lumitaw apat na taon bago lumabas ang unang kumpletong Bibliya na inimprenta sa wikang Pranses at siyam na taon bago mailathala ang unang kumpletong Bibliya na inimprenta sa wikang Ingles! Ang pangunahing pinagbatayan ng Bibliya ni Van Liesvelt ay ang Bibliya ni Luther sa wikang Aleman na noo’y hindi pa natatapos.
Ang huling edisyong Olandes ni Van Liesvelt ng 1542, ay naglalaman ng mga larawang nakaukit sa kahoy at ng bagong mga panggilid na nota. Halimbawa, kasunod ng Mateo 4:3, isang larawang nakaukit sa kahoy ang naglarawan sa Diyablo bilang isang balbasing monghe na may rosaryo at mga paang kambing. Gayunman, yaong mga panggilid na nota ang nagpagalit sa Simbahang Katoliko. Isang nota—na kababasahan ng “Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo”—ang ginamit bilang saligan upang hatulan si Van Liesvelt ng kamatayan. Bagaman ikinatuwiran ni Van Liesvelt na ang kaniyang Bibliya ay inimprenta taglay ang eklesiastikong imprimatur na Cum gratia et privilegio, pinugutan pa rin siya ng ulo sa Antwerp noong 1545.
Sinang-ayunan Muna, Pagkatapos ay Ipinagbawal
Samantala, sa Pransiya, ang isang kilalang Katolikong humanista na si Jacques Lefèvre d’Étaples ay abala sa pagsasalin ng Bibliya mula sa Latin tungo sa Pranses, bagaman kinonsulta rin niya ang orihinal na tekstong Griego. Nais ni D’Étaples na gumawa ng Bibliya na mababasa ng karaniwang tao. Siya’y sumulat: “Dumarating ang panahon na si Kristo ay ipangangaral sa dalisay na paraan at hindi mababantuan ng mga tradisyon ng tao, na hindi pa nangyayari ngayon.” Noong 1523 kaniyang inilathala sa Paris ang isang saling Pranses ng “Bagong Tipan.” Hindi tinanggap ng mga teologo ng prestihiyosong Sorbonne University ang kaniyang salin sapagkat ito ay sa wikang Pranses. Dahil sa kanilang pagsalakay, si D’Étaples ay tumakas mula sa Paris at nagtungo sa Strasbourg sa hilagang silangan ng Pransiya.
Bilang resulta ng ganitong oposisyon, ang mga tagapag-imprenta sa Pransiya ay hindi na nangahas mag-imprenta ng Bibliya sa Pranses. Saan kung gayon maaaring imprentahin ni D’Étaples ang kaniyang Bibliya? Ang Antwerp ang makatuwirang piliin. Ang edisyon ng Bibliya ni D’Étaples ng 1530, na inimprenta sa Antwerp ni Merten de Keyser, ang siyang unang saling Pranses ng Bibliya na nasa isang tomo. Kapansin-pansin, inimprenta ni De Keyser ang saling ito na may pagsang-ayon ng Catholic University ng Louvain, ang pinakamatandang unibersidad sa Belgium, at may pagsang-ayon ng mismong Banal na Romanong Emperador Charles V! Gayunpaman, noong 1546 ang salin ni D’Étaples ay idinagdag sa listahan ng mga aklat na ipinagbawal sa mga mambabasang Katoliko.
“Nakuha ng Obispo ang mga Aklat . . . Nakuha ni Tyndale ang Salapi”
Sa Inglatera noong panahon ding iyon, nais ng ordenadong pari na si William Tyndale na maisalin ang Bibliya sa Ingles. Gayunman, tahasan siyang tinutulan ni Cuthbert Tunstall, ang obispo ng London. Nang matanto ni Tyndale na hindi niya maisasalin ang Bibliya sa Inglatera, tumakas siya patungong Alemanya. Sa dakong huli, noong Pebrero 1526, nagtagumpay siya na maimprenta ang kaniyang unang kumpletong salin ng “Bagong Tipan” sa Ingles. Bago lumipas ang isang buwan, ang unang mga kopya ng saling ito ay lumitaw na sa Inglatera.
Gayunman, si Obispo Tunstall ay determinadong hadlangan ang karaniwang tao na makabasa ng Bibliya. Kaya, sinunog niya ang bawat masumpungan niyang kopya ng bersiyon ni Tyndale. Gayunpaman, patuloy na lumaganap ito. Kaya isinaayos ng obispo na bilhin, sa pamamagitan ng isang mangangalakal na ang pangalan ay Packington, ang lahat ng Bibliya ni Tyndale bago mailuwas ang mga ito at makaabot sa Inglatera. Tinanggap ni Tyndale ang alok at ginamit ang kinitang pondo upang mapasulong ang kaniyang salin at makapag-imprenta ng rebisadong edisyon. “Kaya ang transaksiyong ito ay nagdulot ng pagsulong,” ang komento ng isang reperensiya nang panahong iyon. “Nakuha ng Obispo ang mga aklat, tumanggap si Packington ng pasasalamat, at nakuha ni Tyndale ang salapi.” Kaya, walang kamalay-malay na tinustusan ng obispo ng London ang gawain ni Tyndale ng pagsasalin ng Bibliya!
Ang Koneksiyon ni Tyndale sa Antwerp
Subalit kahit na ang lahat ng mga kopyang ito ay nabili at nasunog, ang “Bagong Tipan” ni Tyndale ay patuloy na bumuhos sa Inglatera. Paano naging posible ito? Dalawang may tibay-loob na tagapag-imprenta sa Antwerp, sina Hans at Christopher van Ruremond, ang palihim na nag-imprenta ng ilang edisyon ng “Bagong Tipan” ni Tyndale. Bagaman ang mga Bibliyang ito ay nagtataglay ng maraming kamalian sa paglilimbag, gustung-gusto ng mga mamamayan ng Inglatera na bilhin ang mga ito.
Gayunman, noong 1528, si Hans ay nabilanggo sa London dahil sa pag-iimprenta ng 1,500 kopya ng “Bagong Tipan” ni Tyndale at sa pagdadala ng 500 kopya sa Inglatera. Marahil ay namatay siya sa isang bilangguan sa Inglatera. Noong 1531, ang kapatid ni Hans na si Christopher ay nabilanggo rin sa Inglatera dahil sa pagtitinda ng “Bagong Tipan.” Malamang na namatay rin si Christopher bilang isang bilanggo.
“Ang Pinakamarangal na Alaala ni Tyndale”—Naimprenta sa Antwerp
Mula 1529 hanggang 1535, ginugol ni Tyndale ang kalakhan ng kaniyang panahon sa Antwerp, kung saan ang kapaligiran ay higit na kaayaaya para sa kaniyang gawain. Doon, noong 1530, inimprenta ni Merten de Keyser ang salin ni Tyndale ng Pentateuch, kung saan ang pangalang Jehova ay lumitaw sa kauna-unahang pagkakataon sa Ingles.
Noong Mayo 1535, inaresto si Tyndale sa Antwerp. Samantalang siya’y nanghihina sa bilangguan, isa sa kaniyang mga estudyante, si Miles Coverdale, ang tumapos sa salin ni Tyndale ng Hebreong Kasulatan. Noong Oktubre 6, 1536, sa Vilvoorde, Belgium, si Tyndale ay iginapos sa isang tulos, binigti, at sinunog. Ang kaniyang mga huling salita ay: “Panginoon, buksan mo ang mga mata ng Hari ng Inglatera!”
Pamana ni Tyndale
Di-nagtagal pagkatapos na patayin si Tyndale, nagbigay ng pahintululot si Haring Henry VIII ng Inglatera na basahin ang isang salin ng Bibliya sa mga simbahan. Iyon ay inimprenta ni Matthias Crom, isa pang tagapag-imprenta sa Antwerp. Ang Bibliyang ito, na karaniwang kilala bilang Matthew’s Bible (ipinangalan mula kay Thomas Matthew), ay pangunahin nang naglalaman ng salin ni Tyndale.a Balintuna nga na ang mga obispo ngayon ay gumagamit ng salin na kanilang sinunog mga ilang taon na ang nakararaan—ang salin na naging dahilan ng pagpatay kay Tyndale!
Ang kalakhang bahagi ng salin ni Tyndale ay napanatili sa King James Version. Kaya, maraming pananalita sa King James Version na nagkaroon ng malaking impluwensiya sa wikang Ingles ang kinatha ni Tyndale at orihinal na inimprenta sa Antwerp. Ang mga kilalang pananalita tulad ng “the signs of the times” (ang mga tanda ng mga panahon) at “the powers that be” (ang umiiral na mga kapangyarihan) at gayundin ang “Am I my brother’s keeper?” (Ako ba ang tagapagbantay ng aking kapatid?) ay pawang hinalaw nang tuwiran ng mga tagapagsalin ng King James Version mula kay Tyndale. (Genesis 4:9; Mateo 16:3; Roma 13:1) Ayon kay Propesor Latré, mas malaki pa nga ang impluwensiya ni Tyndale sa wikang Ingles kaysa kay Shakespeare!
Noong ikalawang kalahatian ng ika-16 na siglo, naiwala ng Antwerp ang relihiyosong pagpaparaya at posisyon nito bilang isang kanlungan para sa pag-iimprenta ng Bibliya. Ang pagbabagong ito ay pangunahin nang dahil sa pag-uusig na isinagawa ng Kontra Repormasyon ng Katolikong Simbahan. Magkagayunman, ang tibay ng loob at mga pagsasakripisyo ng mga sinaunang tagapag-imprentang iyon ng Bibliya sa Antwerp ay nakatulong nang malaki upang ang Salita ng Diyos ay makuha ng mga mambabasa ng Bibliya sa buong daigdig sa ngayon.
[Talababa]
a Thomas Matthew marahil ang alyas ni John Rogers, isang kaibigan at kamanggagawa ni Tyndale.
[Mga larawan sa pahina 19]
Itaas: Pag-aayos ng tipo sa pamamagitan ng kamay; si Martin Luther na nagsasalin ng Bibliya; sinaunang mapa ng lunsod ng Antwerp
[Larawan sa pahina 20]
Istante ng aklat ni Jacob van Liesvelt
[Mga larawan sa pahina 21]
Si Jacques Lefèvre d’Étaples at ang pahinang pantitulo ng edisyon ng kaniyang Bibliya ng 1530, inimprenta sa Antwerp
[Larawan sa pahina 21]
Pangmadlang pagsusunog ng mga Bibliya na nasa wikang Ingles sa London
[Mga larawan sa pahina 22]
Si William Tyndale, isang pahina mula sa kaniyang Bibliya, at si Miles Coverdale
[Picture Credit Lines sa pahina 20]
Pahina 19: Typesetter: Printer’s Ornaments/by Carol Belanger Grafton/Dover Publications, Inc.; Si Luther: Mula sa aklat na Bildersaal deutscher Geschichte; mapa: Sa kagandahang-loob ng Museum Plantin-Moretus/Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen; pahina 21: Larawan: Mula sa aklat na Histoire de la Bible en France; pahina ng Bibliya: © Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris; pagsusunog ng mga Bibliya: Mula sa aklat na The Parallel Bible, The Holy Bible, 1885; pahina 22: Si Tyndale: Mula sa aklat na The Evolution of the English Bible; Si Coverdale: Mula sa aklat na Our English Bible: Its Translations and Translators