Dumaraming Pamilya na May Nagsosolong Magulang
“Maraming gabi na umiiyak akong nananalangin sa Diyos at sinasabi sa kaniya: ‘Hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko bukas.’”—GLORIA, NAGSOSOLONG INA NA MAY TATLONG ANAK.
NAGING permanente at kapansin-pansing bahagi na ng maraming lipunan sa ngayon ang mga pamilyang may nagsosolong magulang.a Nagtataka ang mga demograpo at mga sosyologo sa maraming bahagi ng daigdig kung bakit ang tradisyonal na pamilyang binubuo ng asawang lalaki, asawang babae, at mga anak ay napapalitan ng ibang anyo ng buhay pampamilya.
Binanggit ng mga propesor sa sosyolohiya na sina Simon Duncan at Rosalind Edwards na “nangyayari ang pangmatagalang mga pagbabago sa mga kaayusan sa pamilya at sa mga saloobin sa pagitan ng mga lalaki at babae.” Bakit? Sinasabi ng ilang nagmamasid na bunga ito ng mga pagpili ng tao sa kung paano sila mamumuhay, sa isang kapaligiran na nagbabago ang ekonomiya, kultura, at lipunan.
Isaalang-alang natin ang ilan sa mga pagbabagong ito, gayundin ang mga pagpiling ginagawa. Malaking salik na nakaaapekto sa buhay ng tao ang mga panggigipit sa buhay. Nakaaapekto sa kanila ang mga nangyayari sa labas ng bahay mula sa kanilang paggising hanggang sa pagtulog nila. Ang panahon na dating ginugugol sa mga gawain ng pamilya ay ginugugol ngayon sa Internet, sa harap ng TV, sa telepono, sa kotse, sa walang-katapusang sari-saring gawaing pinagkakaabalahan.
Nakaaapekto rin ang mga panggigipit sa ekonomiya. Magastos ang makabagong mga kagamitan, kaya mas maraming magulang ang nagtatrabaho. Ang pagiging bahagi ng isang lipunan na handang magpalit ng trabaho o lumipat sa iba’t ibang lugar ay umakay sa maraming miyembro ng pamilya na mamuhay at magtrabaho nang malayo mula sa tulong o suporta ng kanilang mga kamag-anak at sa ilang kaso ay sa kanilang asawa pa nga. Pinalulubha pa ito ng popular na pelikula at libangan sa maraming lupain, yamang kadalasang minamaliit nito ang mga institusyon na nagbibigay ng katatagan, gaya ng pag-aasawa at pamilya.b
Ang Bagong Nagsosolong Ina
Ang nagsosolong ina sa ngayon ay hindi na katulad nang dati na isang tin-edyer na dalagang-ina na nabubuhay sa tulong na ibinibigay ng pamahalaan. Nawala na ang kahihiyan na iniuugnay sa pagiging dalagang-ina at ginawa itong kaakit-akit ng mga taong sikat na tinutularan. Isa pa, maraming babae ang mas edukado at mas may-kakayahang suportahan ang kanilang sarili—kaya hindi na kailangang magpakasal pa upang masuportahan sa pinansiyal ang pagiging ina.
Ang ilang nagsosolong ina, lalo na ng mga anak ng nagdiborsiyong mga magulang na nasa hustong gulang na, ay nananatiling walang asawa sapagkat ayaw nilang maranasan ng kanilang anak ang kirot na makitang iniiwan ng isang magulang ang pamilya. Nagiging mga nagsosolong ina ang ibang babae dahil sa iniwan sila, hindi dahil sa pinili nila ito. “Karaniwang hindi makasarili at hindi sinasadya ang pagiging nagsosolong magulang,” ang sabi ng Joseph Rowntree Foundation ng Britanya, “at hindi pinabayaan at disiplinado ang mga anak sa mga pamilyang may nagsosolong magulang.”
Gayunpaman, nakababahala ang pagiging laganap ng mga pamilyang may nagsosolong magulang sapagkat ang mga nagsosolong magulang at ang kanilang mga anak ay maaaring dumanas ng emosyonal na kaigtingan, pangangailangan sa kabuhayan, at mga disbentaha sa lipunan. Maaaring itanong ng ilang tao kung posible kayang mapalaki nang matagumpay ng isang magulang ang kaniyang mga anak. Anu-ano ang ilang pantanging suliraning napapaharap sa mga pamilyang may nagsosolong magulang? Paano matagumpay na mahaharap ng isang Kristiyano ang mahirap na tungkulin ng pagpapalaki sa mga anak bilang isang nagsosolong magulang?
[Mga talababa]
a Binabanggit ng mga sosyologo na ‘lubhang nahigitan ng bilang ng mga nagsosolong ina ang mga nagsosolong ama.’ Kaya, ang mga artikulong ito ay pangunahing tumatalakay sa mga nagsosolong ina. Gayunman, ang mga simulaing tinatalakay rito ay kapit din sa mga nagsosolong ama.
b Para sa detalyadong pagtalakay hinggil sa panlahatang mga suliranin ng pagiging ina, tingnan ang “Pagiging Ina—Kailangan Bang Maging Isang Superwoman?” sa Abril 8, 2002, na labas ng Gumising!
[Kahon sa pahina 4]
Ilang Pagpapakahulugan
Iba’t ibang termino ang ginagamit sa buong daigdig upang ilarawan ang mga inang nagpapalaki ng mga anak nang mag-isa. Ginagamit sa ilang bansa ang “dalagang-ina” upang tumukoy sa mga inang hindi kailanman nag-asawa, samantalang sa ibang bansa “nagsosolong ina” naman ang terminong sumasaklaw sa lahat ng mga inang nagpapalaki ng mga anak nang walang ama sa kanilang sambahayan. Ang gayong mga ina ay maaaring diborsiyada, hiwalay, o nabalo, o maaaring hindi sila kailanman nag-asawa.
Sa seryeng ito ng mga artikulo, ginagamit namin ang mga terminong “nagsosolong magulang” at “nagsosolong ina” upang tukuyin ang mga magulang na nagpapalaki ng mga anak nang walang asawa.
[Kahon/Mapa sa pahina 4, 5]
NAGSOSOLONG MAGULANG—ISANG KAUSUHAN SA MARAMING LUPAIN
Estados Unidos: “Dumami ang mga nagsosolong ina sa pagitan ng 1970 at 2000, mula sa 3 milyon naging 10 milyon; kasabay nito, dumami rin ang mga nagsosolong ama, mula sa 393,000 naging 2 milyon.”—U.S. Census Bureau.
Mexico: Ayon sa pahayagang La Jornada, halos 27 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga nagdadalang-tao sa bansa ay binubuo ng mga inang tin-edyer.
Ireland: Dumami ang mga sambahayang may nagsosolong magulang mula sa 5.7 porsiyento noong 1981 naging 7.9 porsiyento noong 1991. “Nananatiling pangunahing salik sa pagiging nagsosolong ina ang paghihiwalay ng mag-asawa.”—Single Mothers in an International Context, 1997.
Britanya: “Sa kauna-unahang pagkakataon, lumampas sa 25 porsiyento ang proporsiyon ng mga pamilyang pinangungunahan ng nagsosolong magulang, na nagpapakita ng lubhang pagdami ng mga inang hindi kailanman nag-asawa at ng diborsiyo sa nakalipas na 30 taon.”—The Times, London, Marso 2, 2000.
Pransiya: “Mula noong mga huling taon ng dekada ng 1970, dumami nang mahigit na 50 porsiyento ang proporsiyon ng mga pamilyang may nagsosolong magulang.”—Single Mothers in an International Context, 1997.
Alemanya: “Dumoble ang bilang ng mga nagsosolong magulang sa nakalipas na dalawang dekada. Halos lahat ng mga pamilyang may nagsosolong magulang . . . ay pinangungunahan ng ina.”—Single Mothers in an International Context, 1997.
Hapon: ‘Dumarami ang mga pamilyang may nagsosolong ina mula noong dekada ng 1970.’ Noong 1997, 17 porsiyento ng lahat ng sambahayan ay pinangunahan ng mga nagsosolong ina.—Single Mothers in an International Context, 1997; The World’s Women 2000: Trends and Statistics.
Gresya: “Mula noong 1980, dumami ang mga dalagang-ina sa [Gresya] nang 29.8 porsiyento. At ayon sa impormasyong ibinigay ng European Union, ang porsiyento ng mga anak sa pagkadalaga noong 1997 ay 3.3 porsiyento, samantalang 1.1 porsiyento lamang ito noong 1980.”—Pahayagang Ta Nea, Atenas, Setyembre 4, 1998.
Australia: Halos 1 sa 4 na mga anak ang namumuhay na kasama ng isa lamang sa kanilang tunay na mga magulang. Karaniwang resulta ito ng pagkasira sa pagsasama o kaugnayan ng mga magulang. Tinatayang darami sa pagitan ng 30 porsiyento at 66 na porsiyento ang mga pamilyang may nagsosolong magulang sa yugto ng 25 taon.—Australian Bureau of Statistics.