Naghahanap ng Kapayapaan ang mga Relihiyong Nagtipon sa Assisi
“Wala nang karahasan! Wala nang digmaan! Wala nang terorismo! Sa ngalan ng Diyos, ang bawat relihiyon nawa’y magpasapit sa lupa ng katarungan at kapayapaan, pagpapatawad at buhay, pag-ibig!”—Pope John Paul II.
ASSISI, ITALYA, Enero 24, 2002—Ang mga kinatawan ng organisadong mga relihiyon sa daigdig ay nagsama-sama upang magdasal para sa kapayapaan, isang kapayapaan na pinagbabantaan ng terorismo, kawalang-pagpaparaya, at kawalang-katarungan. Ang pagpupulong ay ipinatalastas ng papa mga dalawang buwan matapos gumuho ang Twin Towers sa New York City. May pananabik na tinanggap ng maraming relihiyosong lider ang paanyaya ng Batikano.
Sa dalawang naunang pagkakataon—minsan noong 1986 at muli noong 1993—ipinanawagan ng papa ang isang araw ng pagdarasal sa bayan ding iyon sa Italya.a Mahigit sa isang libong peryodista mula sa buong daigdig ang dumating upang subaybayan ang pagpupulong ng 2002. Maraming relihiyon ang kinatawanan sa mga pagdarasal para sa kapayapaan—yaong sa Sangkakristiyanuhan (mga Katoliko, Luterano, Anglikano, Ortodokso, Metodista, Baptist, Pentecostal, Mennonita, Quaker, at iba pa), Islam, Hinduismo, Confucianismo, Sikhismo, Jainismo, Tenrikyo, Budismo, Judaismo, tradisyonal na mga relihiyon sa Aprika, Shinto, at Zoroastrianismo. Ang mga delegado mula sa iba pang relihiyon, gayundin ang mga kinatawan ng World Council of Churches, ay naroroon din.
Mga Kapahayagan Alang-alang sa Kapayapaan
Nagsimula ang araw sa ganap na ika-8:40 n.u., nang ang “tren para sa kapayapaan” ay tumulak mula sa maliit na istasyon sa Batikano. Binubuo ng pitong bagon na nasasangkapan nang mainam para sa kaalwanan, ang tren ay sinabayan ng dalawang helikopter para sa proteksiyon. Dinala ang papa at ang iba pang relihiyosong lider sa Assisi matapos ang dalawang oras na biyahe. Mahigpit ang seguridad—mga isang libong pulis ang nakaalerto.
Ang mga relihiyosong lider ay nagtipon sa isang sinaunang plasa na binubungan ng pagkalaki-laking tolda. Sa loob, isang malaki, kulay-pula at hugis-V na entablado ang naging dako para sa mga kinatawan ng relihiyon, at ang upuan ng papa ay nasa gitna. Sa gilid ng entablado ay may puno ng olibo—isang sagisag ng kapayapaan. Nasa harapan ng entablado ang mahigit sa 2,000 piling-pilíng panauhin. Nakaupo sa hanay sa unahan ang ilan sa pinakamatataas na opisyal sa Italya. Ang kahanga-hangang mga koro ay umawit ng mga himno ukol sa kapayapaan sa pagitan ng mga talumpati. Sa ibang bahagi ng bayan, libu-libong tao, na karamihan ay mga kabataan, ang may hawak na mga islogan laban sa digmaan sa ilang wika at umawit ng mga awitin tungkol sa kapayapaan. Marami ang nagdala ng mga sanga ng olibo.
Pagkatapos maupo sa kaniyang upuan sa entablado, magiliw na tinanggap ng papa ang mga miyembro ng iba’t ibang relihiyosong delegasyon. Sumunod, matapos ang pag-awit ng isang himno sa wikang Latin na salig sa Isaias 2:4—na humuhula tungkol sa isang panahon kapag “ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa”—maraming delegado, na bawat isa ay nakasuot ng natatanging relihiyosong kasuutan, ang gumawa ng seryosong mga kapahayagan alang-alang sa kapayapaan. Ang sumusunod ay ilang halimbawa.
“Sa makasaysayang sandaling ito ay kailangang makita ng sangkatauhan ang mga kapahayagan ng kapayapaan at marinig ang mga salita ng pag-asa.”—Cardinal François Xavier Nguyên Van Thuân.
Ang Diyos “ay hindi Diyos ng digmaan at alitan kundi isang Diyos ng kapayapaan.”—Ecumenical Patriarch Bartholomeus I.
“Ang mga pagkakaiba sa relihiyon ay hindi dapat umakay sa [mga tao] na ipagwalang-bahala, o kapootan pa nga, yaong mga naiiba.”—Dr. Setri Nyomi, World Alliance of Reformed Churches.
“Ang katarungan at pag-ibig na pangkapatid ang dalawa sa mahahalagang haligi ng tunay na kapayapaan sa gitna ng mga tao.”—Pinunong Amadou Gasseto, kinatawan ng tradisyonal na mga relihiyon sa Aprika.
“Ang kapayapaan lamang ang banal, ang digmaan ay hindi kailanman banal!”—Andrea Riccardi, Simbahang Katoliko.
Kinilala ng ilang delegado na malaki ang pananagutan ng mga relihiyon sa pagsulsol ng kawalang-pagpaparaya at digmaan. Sinabi ng kinatawan ng Lutheran World Federation na ang daigdig ay “niyanig ng mabangis na pagkakapootan na ginatungan ng relihiyosong pundamentalismo.” Isang kinatawan ng Judaismo ang nagsabi: “Ang relihiyon ay nakatulong sa pagpukaw ng maraming kahila-hilakbot at madugong digmaan.” Ganito ang pahayag ng isang delegadong Hindu: “Paulit-ulit na isinisiwalat ng kasaysayan ang mga pangyayari kung saan ginamit ng nag-aangking mga tagapagligtas sa relihiyon ang relihiyon upang kontrolin ang mga tao at magdulot ng pagkakabaha-bahagi.”
Matapos ang seryosong mga pagtuligsa sa terorismo at digmaan, ang mga delegado ay nagtungo, bawat isa sa dakong iniatas sa kanila, upang magdasal sa kani-kanilang diyos para sa kapayapaan.
Mga Panalangin Para sa Kapayapaan
Ang mga kinatawan ng mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay sama-samang nanalangin sa ibabang bahagi ng Basilika ng St. Francis, malapit sa puntod na nagbigay ng pangalan sa simbahan. Ang gawain ay nagsimula sa pamamagitan ng “Trinitaryong pagsusumamo” ng papa at ng tatlong iba pang delegado. Nagsasalitan ang mga himno at mga pagsamo sa pagitan ng mga dasal na dumadakila sa kapayapaan gayundin ang mga pagbasa sa Bibliya tungkol sa paksa ring iyon. Ang isang panalangin ay humiling ng pagtatatag ng “isang di-nababahaging pananampalataya.” Bilang pagtatapos sa seremonya, inawit ng mga nakibahagi ang Ama Namin sa wikang Latin, salig sa Mateo kabanata 6, mga talata 9 hanggang 13.
Kasabay nito, ang mga delegado ng ibang relihiyosong mga grupo ay nagdarasal sa ibang mga lokasyon. Sa isang bulwagan na nakaharap sa Mecca, ang mga Muslim, na nakaluhod sa mga alpombra, ay nanalangin kay Allah. Ang mga Zoroastriano, na nagdasal malapit sa mga Jaino at Confuciano, ay nagsindi ng sagradong apoy. Ang mga delegado na kumakatawan sa tradisyonal na mga relihiyon sa Aprika ay nagdasal sa mga espiritu ng kanilang mga ninuno. Ang mga Hindu ay humiling ng kapayapaan mula sa kanilang mga diyos. Ang lahat ay namanhik sa kani-kanilang mga diyos alinsunod sa kanilang sariling mga ritwal.
Isang Nagkakaisang Pangako Ukol sa Kapayapaan
Ang mga delegado ay nagtipong muli sa ilalim ng tolda para sa pagtatapos ng mga seremonya. Mapitagang iniabot ng mga monghe sa mga delegado ang nakasinding mga lampara, na kumakatawan sa pag-asa ukol sa kapayapaan. Kaakit-akit ang eksena. Pagkatapos ay binasa ng iba’t ibang miyembro ng mga delegasyon ang nagkakaisang pangako ukol sa kapayapaan, na bawat isa ay gumagawa ng naiibang deklarasyon.
“Ang pagtatatag ng kapayapaan ay humihiling ng pag-ibig sa kapuwa.”—Ecumenical Patriarch Bartholomeus I.
“Ang karahasan at terorismo ay taliwas sa tunay na kahulugan ng relihiyon.”—Dr. Konrad Raiser, delegado ng World Council of Churches.
“Itinatalaga namin ang aming sarili sa pagtuturo sa mga tao na magkaroon ng magkatulad na paggalang at pagpapahalaga.”—Bhai Sahibji Mohinder Singh, kinatawan ng relihiyong Sikh.
“Ang kapayapaan na walang katarungan ay hindi tunay na kapayapaan.”—Obispo Vasilios ng Ortodokso.
Sa katapus-tapusan, binasa ng papa ang mga salita na masusumpungan sa pambungad ng artikulong ito. Ang pagpupulong na ito ng haluang pananampalataya ay nagtapos sa pamamagitan ng pagyayakapan ng mga delegado bilang sagisag ng kapayapaan. Ang mga salitang maingat na inihanda at madamdamin ay nilakipan ng karangyaan at seremonya. Gayunman, ano ang reaksiyon sa kahanga-hangang okasyong ito?
‘Kung Malalakipan ng Gawa ang Salita’
Pinapurihan ng mga diyaryo at telebisyon ang pangunguna ng papa. Tinawag pa nga ng ilan ang papa bilang “ang tagapagsalita ng buong Sangkakristiyanuhan.” Itinuring ng diyaryong L’Osservatore Romano ng Batikano ang araw na iyon sa Assisi bilang isang “mahalagang pangyayari tungo sa pagtatatag ng isang sibilisasyon ukol sa kapayapaan.” Ang ulong balita ng diyaryong Corriere dell’Umbria ay “Nagbigay ng Liwanag Ukol sa Kapayapaan ang Assisi.”
Hindi lahat ng tagapagmasid ay lubhang nanabik. Ang ilan ay nagpahayag ng pag-aalinlangan sapagkat sa kabila ng lumipas na mga araw ng pagdarasal para sa kapayapaan noong 1986 at 1993, patuloy pa ring sinasalot ng mga digmaan ang sangkatauhan sa ngalan ng relihiyon. Ang pagkapoot sa relihiyon ang gumatong sa madugong pagpatay sa Uganda, sa dating Yugoslavia, Indonesia, Pakistan, sa Gitnang Silangan, at sa Hilagang Ireland.
Napansin ng diyaryong La Repubblica sa Italya na ipinagkibit-balikat lamang ng ilang kritiko ang pagpupulong na iyon at itinuring iyon na “isang palabas lamang.” Isang miyembro ng Parlamento sa Europa ang nagsabi na upang maitaguyod ang kapayapaan, dapat “ikapit [ng relihiyosong mga tao] ang Ebanghelyo”—samakatuwid nga, tuparin ang mga salitang “ibigin mo ang iyong mga kaaway, iharap mo ang iyong kabilang pisngi.” Ayon sa kaniyang pangmalas, iyon ay isang bagay na “walang sinuman ang gumagawa.”
Ang presidente ng mga Komunidad ng mga Judio sa Italya ay nagsabi na “kapana-panabik na makita kung ano ang mangyayari sa ngayon, iyon ay, kung malalakipan ng tunay na mga gawa at tunay na pagbabago ang mga salita.” Sa gayunding paraan ipinahayag ng isang kinatawan ng mga Budista sa Italya ang kaniyang sarili, sa pagsasabing dapat ‘tiyakin ng isa na ang mga panawagan ukol sa kapayapaan ay hindi mananatiling basta mabubuting hangarin lamang.’ Isang peryodista, na sumusulat para sa magasing L’Espresso sa Italya, ang nagpahiwatig na ang pagpupulong sa Assisi ay nagsilbi sa ibang layunin para sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na kinatawanan doon. Tinawag niya itong “isang koalisyon ng paglaban sa kawalang-kasiyahan, kawalang-disiplina, at kawalang-pananampalataya sa relihiyon,” gayundin bilang pagsisikap na labanan ang “matinding sistema ng sekularisasyon” na nagpapahirap sa Europa sa kabila ng “kasaysayang Kristiyano” nito.
Kabilang sa pinakamatitinding kritiko ng okasyong iyon ay ang mga tradisyonalistang Katoliko, na nangangamba sa paghina ng mga doktrina ng kanilang simbahan. Sa isang panayam sa telebisyon, binanggit ni Vittorio Messori, isang kilaláng manunulat na Katoliko, ang panganib na maaaring palabuin ng okasyong iyon sa Assisi ang pagkakaiba sa pagitan ng mga relihiyon. Sabihin pa, gumawa ng pag-iingat ang mga awtoridad ng simbahan upang maiwasan na makapagbigay ng impresyon ng paghahalo ng mga relihiyon. Ang papa mismo ay nagbigay ng pahayag upang pabulaanan ang gayong mga paratang. Magkagayunman, para sa marami ang mismong diwa ng okasyong iyon ay waring nagmumungkahi na ang iba’t ibang relihiyon ay kumakatawan lamang sa sari-saring paraan ng paglapit sa iisang nakatataas na kapangyarihan.
Relihiyon at Kapayapaan
Subalit, ano ang magagawa ng organisadong relihiyon upang pasapitin ang kapayapaan? May kabalintunaan ang tanong na iyan kung para sa ilang tao, sapagkat ang mga relihiyon ay waring mas maraming ginagawa na nagdudulot ng mga digmaan kaysa sa ginagawa nila upang maiwasan ang mga ito. Binanggit ng mga istoryador ang paraan ng paggamit ng sekular na mga kapangyarihan sa relihiyon upang pukawin ang digmaan. Gayunman, bumabangon ang tanong: Bakit pinahintulutan ng relihiyon na sila ay gamitin?
Sa paanuman, ang mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay may magagamit na sagradong panuntunan na makatutulong sana sa kanila upang iwasan ang pagkakasala na kaakibat ng digmaan. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay ‘hindi magiging bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 15:19; 17:16) Kung namuhay lamang ang mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ayon sa mga salitang iyon, hindi sana sila makikiisa sa mga pulitikal na kapangyarihan, anupat sinasang-ayunan at binabasbasan ang mga hukbo at digmaan.
Tunay, upang makapamuhay ayon sa maiinam na salitang binigkas sa Assisi, kailangang humiwalay ang mga lider ng relihiyon sa pulitikal na kapangyarihan. Karagdagan pa, kailangan nilang ituro sa kanilang mga tagasunod ang mga landas ng kapayapaan. Gayunman, binabanggit ng mga istoryador na kabilang sa mga taong nagsasagawa ng karahasan sa daigdig ang maraming tao na naniniwala sa Diyos—o sa paanuman ay nagsasabi na naniniwala sila. Ganito ang sinabi ng isang editoryal ng diyaryo kamakailan: “Di-nagtagal pagkatapos ng Set. 11, may sumulat ng nakapupukaw-kaisipang mga salita sa isang pader sa Washington, D.C.: ‘Mahal na Diyos, iligtas mo kami mula sa mga taong naniniwala sa iyo.’ ”
Ang lahat ng karangyaan at seremonya sa Assisi ay nag-iwan ng ilang mahihirap na tanong na hindi nasagot. Ngunit marahil wala nang iba pang tanong na mas mahalaga—o higit na nakababagabag—sa maraming relihiyosong tao kaysa sa isang ito: Bakit waring tumatanggi pa rin ang Diyos na sagutin ang mga dasal para sa kapayapaan na inihahandog ng mga relihiyon sa daigdig?
[Talababa]
a Para malaman ang higit pa tungkol sa araw ng pagdarasal para sa kapayapaan noong 1986, pakisuyong tingnan ang Gumising! ng Hunyo 8, 1987.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga delegado na may nakasinding mga lampara—na kumakatawan sa pag-asa ukol sa kapayapaan
[Credit Line]
AP Photo/Pier Paolo Cito
[Picture Credit Line sa pahina 5]
AP Photo/Pier Paolo Cito