Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 11/8 p. 12-13
  • Tehon ng Britanya—Panginoon ng Kagubatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tehon ng Britanya—Panginoon ng Kagubatan
  • Gumising!—2002
  • Kaparehong Materyal
  • Kuneho sa Batuhan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Nakikita sa mga Nilalang ang Karunungan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Rock Badgers”—Kaibig-ibig at Likas na Pantas
    Gumising!—1990
  • Poka, Balat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 11/8 p. 12-13

Tehon ng Britanya​—Panginoon ng Kagubatan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG katahimikan ng kagubatan ay ginambala ng pag-awit ng isang ibong itim. Habang unti-unting lumulubog ang araw, naupo ako sa isang nabuwal na punungkahoy na kulay-pilak, habang langhap na langhap ko ang amoy ng mga basang pananim nang dapit-hapong iyon matapos umulan.

Maingat akong humanap ng isang mauupuan na medyo mahangin dahil narito ako para manmanan ang mga tehon (badger). Ang mga mata ng tehon ay maliliit, gaya rin ng mga tainga nito na kulay-puti ang dulo, subalit napag-alaman ko na hindi dapat hamakin kailanman ang pandinig at pang-amoy nito, na napakatalas. Alam kong kapag narinig o naamoy ako nito, babalik agad ito sa lungga at hindi na lalabas sa buong magdamag.

Ang tehon ng Europa ay isang malaki at mailap na hayop, na mga isang metro ang haba at 30 sentimetro ang taas, na may karaniwang bigat na mga 12 kilo. Nababalot ito ng magaspang at abuhing balahibo, na may maitim na mukha at katawan sa gawing ibaba nito, maiitim at maiikling binti, at punggok na abuhing buntot. Bawat paa ay may limang daliri na may matatalas na kuko.

Ang tatlong malalapad at puting guhit mula sa nguso nito lampas sa mga tainga ay hindi lamang siyang namumukod na katangian nito kundi isa rin itong isyung pinagtatalunan. Sinasabi ng ilan na nakikilala ng mga tehon ang mga kauri nila kahit sa pusikit na kadiliman dahil sa mga guhit nito​—bagaman alam namin na dahil sa kanilang amoy kung kaya nakikilala ng mga tehon ang isa’t isa. Anuman ang gamit ng mga guhit na ito, ito ang dahilan kung kaya naging isang magandang kinapal ang mga tehon.

Ang tehon ay naging karaniwang bahagi na ng kabukiran ng Britanya. Palibhasa’y kinagawian na ang paghuhukay, ang tehon ay patuloy sa paghukay ng mga tunel, lagusan, at mga pitak upang pamahayan nila. Maaaring umabot sa 30 metro ang diyametro nito, at ang masalimuot na mga tunel naman ay maaaring nasa 300 metro ang haba! Ang tehon ay aktibo kung gabi, at kung araw, ang mga pitak sa lungga nito ay pangunahin nang ginagamit bilang tulugan. Ang espesyal na mga pitak, na nalalatagan ng mga bagong sapin, ay ginagamit naman ng babaing tehon kapag ito’y nanganganak.

Ang lungga ay magkakaroon ng maraming pasukan sa kaparangan sa ibabaw ng lupa, madalas na malapit sa mga puno ng alder at sa gitna ng palumpong ng mga espino o kambron. Ang ilang lungga sa Inglatera, na may mahigit sa 50 pasukan, ay sinasabing mahigit nang 150 taóng gulang at maaaring panirahan ng maraming henerasyon ng kanilang pamilya. Ang buhay ng mga tehon ay tumatagal nang 15 taon o higit pa, bagaman ang karaniwang haba ng buhay ay 2 o 3 taon.

Hindi mahirap makilala ang lungga ng tehon dahil sa malaking bunton ng lupa at mga bato sa mga pasukan nito na hinukay mula sa lungga. Maiisip mo ang lakas ng hayop na ito kapag nakita mo ang mga nahukay nito mula sa lungga.

Paano mo malalaman kung okupado ang lungga? Maghanap muna sa paligid ng mga kasilyas ng tehon​—mababaw na mga hukay mula 15 hanggang 23 sentimetro ang luwang at 23 sentimetro ang lalim, na nakapalibot sa lungga. Kung may mga dumi, at lalo na kung ito’y bago pa lamang, tiyak na may mga tehon sa loob ng lungga. Maghanap din ng mga bakas na nagkalat mula sa lungga, at kung mga buwan ng tag-init ay maghanap naman ng mga yurák na pananim. Sa maputik na lugar, hanapin ang mga bakas ng mga paa ng tehon, o sa tabi ng lungga, tingnan kung may mga punungkahoy na may marka ng putik at mga kalmot na galing sa matatalas na kuko ng mga hayop na nag-inat na parang pusa. Kung malaki ang lungga, mahirap itong manmanan, sapagkat ang mga tehon ay maaaring gumamit ng ibang pasukan o labasan. Kaya maaga kang pumunta roon, at lagyan ng mga patpat ang bawat butas. Kinabukasan, makikita mo kung saan lumalabas ang mga hayop​—ang mga patpat ay naalis na.

Kapag naghahanap ito ng pagkain, ang tehon ay naglalakbay nang malayo sa gabi, na naghahanap ng mga bunga ng encina o mga buto ng beech, o sa kaniyang paghahanap ay baka maamoy niya ang mga batang kuneho at ilabas ang mga ito o kaya naman ay isang pugad ng putakti upang kanin ang mga uod nito. Ano ba ang pangunahing pagkain nito? Mga bulati! Kinakain ng tehon ang halos lahat ng bagay​—pati na ang ligaw na mga prutas, pinakabuko ng halamang bluebell, kabute, at uwang. Naaalaala ko pa nang panoorin ko ang mga tehon sa isang maulang gabi ng Hulyo, at hindi na sila lumayo sa kanilang lungga, sapagkat sa makakapal na damuhan sa dakong itaas, naroroon ang napakaraming maiitim na linta, isang pagkain, na naglabasan dahil sa ulan.

Kadalasan nang nagpaparami ang mga tehon tuwing Hulyo, at ang apat o lima na karaniwang nagiging anak nito ay isinisilang pagdating ng Pebrero. Kapag ang mga anak ay mga tatlong buwan na, sila’y makikita na sa labas, na naglalaro sa bukana ng lungga. Habang nasa labas ang mga anak na ito, pinapalitan naman kapuwa ng lalaki at babaing tehon ang sapin ng tulugan. Ang mga tehon ay maiimis na hayop at palagi nilang maingat na nililinis ang kanilang mga lungga. Karaniwan nang pinahahanginan ang sapin ng tulugan tuwing tagsibol at taglagas subalit magagawa rin ito anumang buwan ng taon. Inilalabas ng mga magulang na tehon ang luma, tuyong mga damo at pakô at pinapalitan ito ng bago​—anupat nakakakuha nang hanggang 30 bungkos sa isang gabi. Ang mga ito’y iniipit nila sa babà at unahang mga paa habang pahilahod na bumababa sa kanilang lungga nang patalikod.

Mula sa glandulang nasa ilalim ng kanilang buntot, ang mga tehon ay naglalabas ng masangsang na likido sa kumpol ng mga damo, mga bato, o mga poste ng bakod upang markahan ang kanilang teritoryo. Nagpapahiran pa nga sila nito para makilala nila ang isa’t isa. Dahil sa palatandaang amoy na ito, madaling masumpungan ng tehon ang pasukan ng lungga nito kahit patalikod.

Naglaho na ang awit ng ibong itim, at tahimik na ang lahat sa dumidilim na kagubatan. Habang halos hindi humihinga, nakaupo akong walang kakibu-kibo, nang mula sa sulok ng aking mata, nakita kong lumitaw ang itim-at-puting ulo ng tehon. Ilang sandali pa, tumayo ang tehon sa bukana ng kaniyang lungga, na inaamoy-amoy ang hangin sa gabi upang tiyaking walang panganib bago siya maglibot sa kadiliman ng gabi​—na para bang isang panginoon sa asyenda na namamasyal sa kaniyang minanang lupain.

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Pitak na pinag-aanakan

Pitak na tulugan

Sapin ng tulugan

[Larawan sa pahina 13]

Mga batang tehon

[Larawan sa pahina 13]

Kabilang sa pagkain ng tehon ang mga bunga ng encina, kabute, at mga bulati

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Mga larawan ng tehon: © Steve Jackson, www.badgers.org.uk

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share