Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 11/8 p. 26-27
  • Palalampasin Kaya ng Diyos ang Ating mga Kahinaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Palalampasin Kaya ng Diyos ang Ating mga Kahinaan?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Moises at si David
  • Ang Pakikipagpunyagi na Makalaya sa Makasalanang mga Gawa
  • Inaasahan ng Diyos na Paglalabanan Natin ang Ating mga Kahinaan
  • Malakas sa Kabila ng mga Kahinaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Inaalam ang Kahinaan, Kabalakyutan, at Pagsisisi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Makapananatili Kang Malinis sa Moral
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 11/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Palalampasin Kaya ng Diyos ang Ating mga Kahinaan?

‘Hindi naman ako isang ubod-samang tao! Pinagsisikapan ko nang mabuti na ihinto ang masama kong paggawi, ngunit talagang napakahina ko!’

GANIYAN din ba ang nadarama mo o ng isang kakilala mo? Marami ang naghihinuha na halos imposibleng madaig ang nakaugat na mga kahinaan sa moral. Ilang tao ang nakadepende sa inuming de-alkohol, tabako, o droga. Nangingibabaw naman ang kasakiman sa buhay ng marami pang iba. At may mga taong nagbibigay-daan sa imoral na paggawi, na nangangatuwirang wala na silang pag-asang makaahon pa mula sa pagkagumon sa sekso.

Gaya ng ipinahihiwatig sa Mateo 26:41, may-kabaitang ipinahayag ni Jesus ang kaniyang kaunawaan hinggil sa kahinaan ng tao.a Sa katunayan, maliwanag na sinasabi ng buong ulat ng Bibliya na kapuwa ang Diyos na Jehova at si Jesus ay tunay na maawain sa mga tao. (Awit 103:8, 9) Ngunit makaaasa ba tayo na ipagwawalang-bahala ng Diyos ang ating mga depekto?

Si Moises at si David

Isaalang-alang ang ulat ni Moises. Kilala siya bilang ang “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa,” at pinagsikapan niyang mapanatili ang mabuting katangiang iyan. (Bilang 12:3) Habang naglalakbay ang mga Israelita sa ilang, madalas silang kumikilos nang wala sa katuwiran at nagpapakita ng kawalang-galang sa Diyos at sa kaniyang mga kinatawan. Sa lahat ng ito, mapagpakumbabang humiling si Moises ng patnubay ng Diyos.​—Bilang 16:12-14, 28-30.

Gayunman, nang papatapos na ang mahaba at nakapapagod na paglalakbay, nawalan siya ng pagtitimpi sa harapan ng buong bansa at sinuway ang mga tagubilin ng Diyos. Pinatawad siya ng Diyos, ngunit pinalampas ba Niya ang insidenteng iyon? Hindi. Sinabi niya kina Moises at Aaron: “Sapagkat hindi kayo nagpakita ng pananampalataya sa akin . . . , hindi ninyo dadalhin ang kongregasyong ito sa lupain na tiyak na ibibigay ko sa kanila.” Hindi papasok si Moises sa Lupang Pangako. Pagkatapos ng 40 taon ng pagpupunyagi para matamo ang napakagandang pribilehiyong iyon, nabigo siyang makamit iyon dahil sa isang malubhang pagkakamali.​—Bilang 20:7-12.

Si Haring David ay isa pang makadiyos na taong may kahinaan. Sa isang pagkakataon ay nagbigay-daan siya sa masidhing seksuwal na pagnanasa at nakipagtalik sa asawa ng ibang lalaki. Sumunod ay tinangka niyang pagtakpan iyon nang ipapatay niya ang asawang lalaki nito. (2 Samuel 11:2-27) Pagkatapos, lubha niyang pinagsisihan ang kaniyang mga krimen, at pinatawad siya ng Diyos. Ngunit winasak ni David ang isang pamilya, at hindi siya ipinagsanggalang ni Jehova sa kasunod na kalunus-lunos na mga kalamidad. Nagkaroon ng malubhang sakit ang sanggol na lalaki ni David, at hindi nakialam si Jehova, sa kabila ng mga panalangin ni David alang-alang sa kaniyang anak. Namatay ang bata, at pagkatapos nito ay nagkaroon ng sunud-sunod na trahedya sa sambahayan ni David. (2 Samuel 12:13-18; 18:33) Napakalaki ng pinagbayaran ni David dahil sa pagbibigay-daan sa kahinaan sa moral.

Ipinakikita ng mga halimbawang ito na pinananagot ng Diyos ang mga tao sa kanilang paggawi. Dapat na palakasin ng mga nagnanais na maglingkod sa kaniya ang mahihinang bahagi ng kanilang espirituwalidad at maging mas mahuhusay na Kristiyano. Marami ang gumawa niyan noong unang siglo.

Ang Pakikipagpunyagi na Makalaya sa Makasalanang mga Gawa

Nararapat lamang na ituring si apostol Pablo na huwaran sa Kristiyanong pamumuhay. Ngunit alam mo bang may patuluyan siyang pakikipagpunyagi laban sa kaniyang mga kahinaan? Malinaw na inilalarawan ng Roma 7:18-25 ang pakikipaglabang ito, o ayon sa talata 23, ang ‘pakikipagdigma’ na ito. Walang-tigil na lumaban si Pablo, yamang alam niya na ang kasalanan ay hindi natitinag.​—1 Corinto 9:26, 27.

Ang ilang miyembro ng kongregasyong Kristiyano ng sinaunang Corinto ay dating mga namihasa sa paggawa ng kamalian. Sinasabi ng Bibliya na sila ay dating ‘mga mapakiapid, mga mangangalunya, mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, mga magnanakaw, mga taong sakim, mga lasenggo.’ Ngunit sinasabi rin nito na sila’y ‘hinugasan nang malinis.’ (1 Corinto 6:9-11) Paano? Napalakas sila na ihinto ang kanilang balakyot na mga gawa sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman, pakikipagsamahan sa mga Kristiyano, at espiritu ng Diyos. Nang dakong huli, ipinahayag silang matuwid ng Diyos sa pangalan ni Kristo. Oo, pinatawad sila ng Diyos, anupat binigyan sila ng isang malinis na budhi.​—Gawa 2:38; 3:19.

Hindi minaliit ni Pablo at ng mga Kristiyano sa Corinto ang kanilang makasalanang mga hilig. Sa halip, pinaglabanan nila ang mga ito, at sa tulong ng Diyos ay nagtagumpay sila. Yaong mga unang-siglong mananamba ay naging kapuri-puri sa moral, sa kabila ng kanilang kapaligiran at di-sakdal na mga hilig. Kumusta naman tayo?

Inaasahan ng Diyos na Paglalabanan Natin ang Ating mga Kahinaan

Ang pakikipagpunyagi sa kahinaan ay maaaring hindi lubusang pumawi rito. Bagaman hindi tayo dapat sumuko sa ating mga di-kasakdalan, hindi naman natin ito mapapawi. Pinupukaw nito ang mga kahinaang maaaring lubhang nananatili. Gayunman, hindi tayo dapat sumuko sa ating mga kahinaan. (Awit 119:11) Bakit napakahalaga nito?

Sapagkat hindi pinahihintulutan ng Diyos na laging maging dahilan ang di-kasakdalan sa maling paggawi. (Judas 4) Nais ni Jehova na linisin ng mga tao ang kanilang buhay, mamuhay nang may mabubuting moral. Sinasabi ng Bibliya: “Kamuhian ninyo ang balakyot.” (Roma 12:9) Bakit gayon katatag ang paninindigan ng Diyos?

Ang isang dahilan ay nakapipinsala ang pagbibigay-daan sa kahinaan. “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” ang sabi ng Bibliya sa Galacia 6:7. Yaong napadadala sa mga pagkasugapa, kasakiman, at imoralidad ay madalas na umaani ng kalunus-lunos na pinsala sa kanilang buhay. Ngunit may mas mahalaga pang dahilan.

Nakagagalit sa Diyos ang kasalanan. Nagdudulot ito ng “paghihiwalay” sa pagitan natin at ni Jehova. (Isaias 59:2) Yamang ang mga namimihasa sa pagkakasala ay hindi makapagtatamo ng kaniyang lingap, pinapayuhan niya ang gayong mga tao: “Maghugas kayo; magpakalinis kayo; . . . tigilan ninyo ang paggawa ng masama.”​—Isaias 1:16.

Maibigin at maawain ang ating Maylalang. “Hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Ang patuloy na pagbibigay-daan sa mga kahinaan ay humahadlang sa atin upang matamo ang lingap ng Diyos. Yamang hindi ipinagwawalang-bahala ng Diyos ang ating mga kahinaan, gayundin ang dapat nating gawin.

[Talababa]

a Sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share