Pagpapakita ng Pag-ibig—Isang Matagalang Pagtulong
HINDI madaling pahangain si Richard Vara, isang beteranong patnugot ng Houston Chronicle, subalit humanga siya noong nakaraang taon. “Wala pa akong nakita na gaya nito!” ang bulalas niya. “Hindi ako makapaniwala.” Gayundin ang nadama ni Lee P. Brown, ang alkalde ng Houston, Texas, E.U.A. Ang sabi niya: “Sana ay makita ng lahat sa Houston ang ginawa ninyo. Labis-labis akong humanga.” Ano ba ang paksa ng kanilang mga komento? Ang patnugot at ang alkalde ay nagkokomento tungkol sa pagtulong ng mga Saksi ni Jehova sa Houston. Ano ang kasangkot sa pagtulong na ito? Bakit ito kinailangan? At bakit ito lubhang kahanga-hanga? Upang malaman, umpisahan natin sa simula.
Ang Pinakagrabeng Baha
Noong mga unang araw ng Hunyo 2001, humampas ang napakalakas na bagyo na pinanganlang Allison sa patag na dako ng timog-silangang Texas. Sa wakas, noong Biyernes, Hunyo 8, sa loob ng 24 na oras, ang bagyong Allison ay biglang nagbuhos ng isang metro ng napakalakas na ulan sa Houston—ang ikaapat na pinakamalaking lunsod sa bansa.a Hindi nagtagal, rumagasa ang tumataas na tubig sa mga tindahan, opisina, at sa sampu-sampung libong kabahayan. Naging nagngangalit na mga ilog ang mga expressway, anupat natabunan ang pinabayaang mga kotse at matataas na trak. Naging imposible pa ngang marating ng mga trak ng bombero at iba pang mga sasakyang pansagip ang ilan sa mga daang binaha dahil sa mataas ang tubig. Ang mga helikopter at mga heavy-duty na sasakyang militar ay tinawag upang sagipin ang mga tao.
Sa wakas, nang maging maaliwalas ang kalangitan noong Lunes, Hunyo 11, maliwanag na ang bagyong Allison ay nagdulot ng mga kamatayan at pinsala sa mga ari-arian. Dalawampu’t dalawa katao ang nasawi, kasali na ang dalawang Saksi ni Jehova: si Jeffrey Green, isang Kristiyanong elder, at ang kaniyang hipag na si Frieda Willis.b Karagdagan pa, mga 70,000 bahay ang nasira, anupat ang bagyong ito ang pinakagrabeng likas na kapahamakan na kailanma’y humampas sa malaking lunsod. Sa katunayan, dahil sa pinsala sa ari-arian na umaabot sa halos $5 bilyon, pinakamalaki ang nagawang pinsala ng bagyong Allison sa kasaysayan ng Estados Unidos.
Bumaha ng mga Boluntaryo
Nagitla ang mga tao. Ganito ang sabi ng isang manggagawang tumulong: “Basa ang kanilang mga kama. Basa ang kanilang alpombra. Nawala ang mga litrato nila nang sila’y mga sanggol pa pati na ang sa kanilang mga anak.” Marami sa mahigit na 16,000 Saksi ni Jehova sa Houston ang nawalan. Nasira ang walong Kingdom Hall at daan-daang bahay ng mga Saksi. Binaha ng mga ilang sentimetrong tubig ang ilan sa mga bahay na ito; ang ibang bahay naman ay inabot ng tubig hanggang sa bubong. Lahat-lahat, mahigit na 80 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang naapektuhan. Gayunman, ang mga biktimang ito ay hindi pinabayaan. Bumaha pagkalipas ng ilang araw—subalit sa pagkakataong ito ay bumaha ng mga boluntaryo—upang sagipin sila. Paano nangyari iyon?
Bago pa man humupa ang mga tubig-baha, kumilos agad ang mga Kristiyanong elder sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Houston. “Tinawagan namin sa telepono at dinalaw ang aming mga kapatid,” ang sabi ng isang elder. “Pagkatapos ay tinantiya namin ang pinsala, at noong Lunes, Hunyo 11, tinipon namin ang lahat ng ulat ng talaan ng mga biktima, bilang ng nasirang mga bahay, at laki ng sira. Ito’y ipinadala sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.” Pagkalipas ng ilang araw, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ay bumuo ng isang komite sa pagtulong na may walong Kristiyanong elder mula sa Houston at nagbigay ng pondo para sa pagtulong. Ang atas ng komite? Tulungan ang mga biktima na makabawi sa emosyonal na paraan at kumpunihin din ang nasirang mga bahay ng mga Saksi—mahigit na 700 bahay!
‘Paano namin mahaharap ang napakalaking atas na ito?’ ang tanong ng mga miyembro ng bagong tatag na Houston Relief Committee 2001 ng mga Saksi ni Jehova. Nagtrabaho sila hanggang sa kalaliman ng gabi sa paggawa ng panimulang plano at nag-anyaya sa mahigit na 160 kongregasyon ng mga Saksi sa dako ng Houston upang tumulong. “Kahanga-hanga ang pagtugon,” ang sabi ng tsirman ng komite. “Mahigit na 11,000 Saksi ang nagboluntaryong gumawa, na handang gugulin ang kanilang panahon, magtrabaho, at gamitin ang kanilang mga kasanayan nang walang bayad.”
Amag Laban sa mga Boluntaryo
Mga ilang araw pagkatapos ng baha, ang mga boluntaryo ay nagtrabaho sa mga bahay ng mga biktima, inalis ang basang-basang mga alpombra, nasirang mga sahig, dingding, nabasang mga kabinet, mga pintong kumiwal, at lahat ng iba pang bagay na nadumhan ng tubig-baha na kontaminado ng tubig na galing sa alkantarilya. “Interesado kami hindi lamang sa pagkumpuni sa mga bahay ng aming mga kapatid,” ang sabi ng isang boluntaryo, “kundi interesado rin kaming pangalagaan ang kanilang kalusugan.” Yamang mabilis tumubo ang nakalalasong amag sa likod ng mga dingding at sa loob ng mga kabinet, kailangan munang lubusang madisimpekta ang mga bahay.
Upang malaman kung paano magtatrabaho nang ligtas, hiniling ng ilang Saksi na magsanay sila sa Federal Emergency Management Agency (FEMA), isang ahensiya ng gobyerno na nagpapakadalubhasa sa pagharap sa mga kasakunaan. Pagkatapos niyan, bawat Saksing sinanay ng FEMA ay nag-anyaya ng sampung boluntaryong sasama sa kaniya sa isang nasirang bahay, kung saan tinuruan niya sila kung paano wastong didisimpektahin ang bahay. Kinabukasan ang bawat isa sa sampung bagong sanay na mga boluntaryo ay kumuha naman ng sampung iba pang boluntaryong kasama niya. “Sa loob ng ilang araw,” ang gunita ng isang boluntaryo, “ang bilang ng mga nakaaalam ng gawaing ito ay dumami tungo sa ilang daan.” Hindi mahigitan ng kumakalat na amag ang dumaraming boluntaryo! Ang mga retirado at mga tin-edyer na bakasyon mula sa eskuwela ay nagtrabaho sa araw. Sa gabi naman, humalili ang ibang boluntaryo at ipinagpatuloy ang trabaho. Sa loob ng anim na linggo, ang lahat ng kontaminadong mga bahay ng mga Saksi ay malinis na at ligtas.
Isang Administratibong Sentro at Pitong Sentrong Panrehiyon
Samantala, ang komite sa pagtulong ay bumili ng napakaraming gypsum board (gamit para sa dingding) at tone-tonelada ng ibang materyales sa pagtatayo. Subalit saan ito maaaring itabi? “Nang malaman ng manedyer ng kompanya ang aming mga pangangailangan,” ang salaysay ng tagapagsalita para sa komite sa pagtulong, “inalok niya sa amin na gamitin ang isang bodega—na may sukat na 5,000 metro kuwadrado—nang walang bayad!” Bukod sa taguan ng mga materyales sa pagtatayo, ang bodega ay naglaan ng lugar para sa opisina. Di-nagtagal, ito ang naging administratibong sentro para sa gawaing pagtulong, kung saan 200 hanggang 300 boluntaryo ang nagtrabaho sa araw, gabi, at mga dulo ng sanlinggo.
Yamang ang nasirang mga bahay ay nasa lahat ng dako, itinayo ang mga sentro sa pagtulong na panrehiyon sa pitong Kingdom Hall. Sa mga dulo ng sanlinggo, ang bawat sentrong panrehiyon ay punô ng mga boluntaryo. (Tingnan ang kahon na “Sentro ng Gawain.”) Marami sa kanila ang magkakasamang nagtrabaho noon sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa rehiyon. Sa katunayan, tumulong ang mga boluntaryo na may mga kasanayan sa pagtatayo mula sa 11 iba’t ibang Regional Building Committee sa Arkansas, Louisiana, Oklahoma, at Texas.c Sa bawat sentro, ang mga karpintero, pintor, tubero, at iba pang bihasang mga manggagawa ang nanguna at nagsanay sa iba pa.—Tingnan ang kahon na “Mga Programa sa Pagsasanay.”
Isang Plano at Isang Data Base
Sinunod ng mga boluntaryo ang pitong-bahaging plano ng pagtatayo. Ang mga materyales sa pagtatayo ay inihahatid sa mga bahay sa apat na pagpapadala, at ang pagkumpuni sa bawat bahay ay nakaiskedyul na gagawin sa tatlong dulo ng sanlinggo. Sa ganitong paraan, ang buong gawaing pagtulong ay matatapos sa loob ng mga anim na buwan.
Upang masunod ang plano, ang komite ay nagtayo ng 22 departamento, kasali na ang logistics, pamimili, tuluyan, at paghahatid ng mga materyales gamit ang mga trak. Ang lahat ng departamento ay tinulungan ng impormasyong nasa isang malaking data base na ginawa ng mga boluntaryo. Bago nagsimula ang pagkukumpuni, ang mga boluntaryo ay gumugol ng sampung araw sa pagpapasok ng impormasyon sa computer. “Isa itong napakalaking proseso ng pagpapasok ng impormasyon,” ang sabi ng isang ulat sa balita. Gayunman, pagkatapos ng sampung araw na iyon, magagamit na ang isang koleksiyon ng kapaki-pakinabang na mga impormasyon. Isang pindot lamang sa mouse ng computer at ipakikita ng data base kung kailan magagamit sa trabaho ang 11,000 boluntaryo, anu-ano ang kasanayan nila, at kung paano makikipag-ugnayan sa kanila. Sa pamamagitan ng isa pang pindot sa mouse, ipakikita nito ang kalagayan ng mga pagkumpuni, ang kinakailangang mga pahintulot sa pagtatayo, at iba pang detalye tungkol sa napinsalang bahay. Ang data base ay nakilala bilang “ang mahalagang bahagi ng gawaing pagtulong.”
Nalipos ng Kaligayahan at Nagpapasalamat
Ang mga bahay na walang amag at tuyo ay dinalaw ng mga boluntaryong bihasa sa pagtatayo ng bahay upang matiyak kung ano ang kakailanganin upang kumpunihin ang sira. “Kakalkulahin ng mga boluntaryong ito ang mga materyales hanggang sa bilang ng mga pako na kakailanganin,” ang komento ng tagapagsalita. “Ayaw naming sayangin ang anumang pondo o mga materyales na iniabuloy.” Kasabay nito, ang ibang boluntaryo ay kumuha ng kinakailangang mga pahintulot sa pagtatayo mula sa mga opisyal ng lunsod.
Sumunod, ang mga apektadong pamilya ay inanyayahang magtungo sa bodega at pumili mula sa limitadong mapagpipiliang mga alpombra, kabinet, vinyl na sahig, at iba pang bagay upang palitan ang nawala sa kanila. Ang mga biktima ng baha ay nalipos ng kaligayahan at madalas na naluha nang makita nila ang lahat ng inilaan para sa kanila. Ang mga biktima ay tumanggap din ng payo mula sa mga boluntaryong bihasa sa mga bagay na may kinalaman sa seguro at mga patakaran ng gobyerno. Pagkatapos, ang mga bahay ay iniskedyul para sa pagkumpuni, at inihahatid ng mga boluntaryong trucker ang kinakailangang mga materyales sa pagtatayo sa eksaktong araw na kakailanganin ito ng mga tauhang magkukumpuni. Ganito ang sinabi ng isang di-Saksi sa kaniyang misis na Saksi na ang nasirang bahay ay kinukumpuni: “Kahanga-hanga ang iyong mga kapatid. Isang manggagawa ang lumalabas, at isa naman ang pumapasok. Para silang mga langgam kung magtrabaho!”
Gumugol ng halos tatlong dulo ng sanlinggo para sa panimulang pagkukumpuni sa bawat bahay. “Subalit kung minsan, gumugugol ng lima hanggang walong linggo,” ang sabi ng tsirman ng komite. Kapag inalis ang mga dingding ng lumang bahay, kadalasang napapansin ng mga boluntaryo ang dating sira, at ayaw nilang maglagay ng bagong mga dingding nang hindi muna kinukumpuni ang dating mga problema. Ganito ang sabi ng isang boluntaryo at bihasang manggagawa: “Kung minsan ay nakikita naming pinamumugaran ng mga anay ang mga pamakuan, kaya tinitiyak namin na napatay ang mga anay. Marami kaming kinukumpuning mga biga na sumusuporta upang ayusin ang mga bagay-bagay. Iniiwan namin ang mga bahay na nasa mabuting kondisyon.” Ipinahayag ng isang biktima ng baha ang damdamin ng marami sa mga may-ari ng bahay nang sabihin niya nang may pagpapahalaga sa isang bisita: “Ang aking bahay ay mas maganda ngayon kaysa noong una ko itong bilhin!”
Mga Pagkaing Mabilis na Inihanda at Inihatid
Upang makapaglaan ng pagkain para sa maraming boluntaryo, ginawa ng isang grupo ng mga Saksi ang likuran ng isang Kingdom Hall na maging lugar para sa paghahanda ng pagkain at sentro sa pamamahagi ng pagkain. Ang mga Saksi sa buong bansa ay nag-abuloy ng mga repridyeretor, freezer, dishwasher, kalan, at ibang kagamitan sa kusina. Tuwing Sabado at Linggo, 11 kusinero at mga 200 iba pang boluntaryo ang naghahanda ng libu-libong pagkain sa sentro. Ang boluntaryo na nangasiwa sa kusina ay nagsabi: “Naghanda na kami ng pagkain para sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall sa loob ng 19 na taon, subalit mas malaki ang proyektong ito kaysa sa naisip namin.”
Ang mga pagkain ay inilalagay sa 120 malalaking sisidlan. Ang mga ito ay isinasakay sa 60 sasakyang naghihintay, na naghahatid ng mga pagkain sa lahat ng sentrong panrehiyon at sa administratibong sentro. Samantala, ang bawat manggagawa sa isang bahay ay nagsusugo ng isang boluntaryo sa kanilang iniatas na sentro upang kunin ang mga pagkain para sa buong pangkat ng manggagawa. Ang mga boluntaryo ay kumakain sa mga bahay at nagbabalik agad sa trabaho.
Natapos Na ang Atas!
Sa wakas, noong Abril 2002, natapos ng 11,700 boluntaryo ang isa sa pinakamatagal na mga kampanya ng pagtulong na kailanman ay isinagawa ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga boluntaryo ay nakagugol ng 1,000,000 oras sa pagkukumpuni o muling pagtatayo ng kabuuang 8 Kingdom Hall at 723 bahay. Isang biktima ng baha ang nagsalita para sa marami nang magpasalamat siya na may mga luha sa kaniyang mga mata: “Nagpapasalamat ako kay Jehova at sa mga boluntaryo sa lahat ng tulong na ibinigay nila. Isang malaking kaaliwan na mapabilang sa isang maibiging kapatiran!”
[Mga talababa]
a Mas matao ang mga lunsod ng New York, Los Angeles, at Chicago. May mga 3,500,000 tumatahan sa malaking lunsod ng Houston at mas malaki kaysa sa bansang Lebanon sa Gitnang Silangan.
b Isang serbisyo para sa libing ang dinaluhan ng 1,300 kaibigan nina Jeffrey at Frieda. Labis na kaaliwan ang naibigay ng alalay na iyon kay Abigail—ang asawa ni Jeffrey at kapatid ni Frieda.
c Karaniwang pinangangasiwaan ng mga Regional Building Committee ang pagtatayo ng mga pasilidad sa pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
SENTRO NG GAWAIN
Sabado noon, alas 7 n.u., sa Sentrong Panrehiyon Blg. 4 sa hilagang-silangang Houston. Ang mga boluntaryong nagkukuwentuhan, nagtatawanan, umiinom ng kape, at kumakain ng doughnut ay nagtitipun-tipon sa Kingdom Hall. Ang ilan ay nagmaneho nang daan-daang kilometro mula sa kanilang bayan upang magtungo rito. Subalit sa ganap na alas 7:30 n.u., ang masiglang usapan ay nanahimik, at idinaos ng tagapangasiwa sa sentrong panrehiyon ang pagtalakay sa isang teksto sa Bibliya. Ipinatalastas din niya na ang Pag-aaral sa Bantayan ay gaganapin sa Linggo sa ganap na alas 7:30 n.u., bago magtungo sa kani-kanilang dako ng trabaho ang mga boluntaryo, at hinimok niya ang lahat na makibahagi sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagkokomento sa Ingles o sa Kastila. Ipinaabot niya ang pagbati mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na tinanggap nang may masigabong palakpakan.
Pagkatapos ay ibinalita ng tagapangasiwa ng rehiyon ang pinakahuling pangyayari tungkol sa mga pagtulong at masiglang pinasalamatan ang mga boluntaryo sa kanilang espiritu ng pagkukusa. Siya’y nagtanong: “Mayroon ba ritong sinuman na hindi nakaaalam kung ano ang gagawin o kung saan siya pupunta ngayon?” Walang nagtaas ng kamay. “Ilang pagkain ang kailangan natin?” Agad na nagtaasan ang lahat ng mga kamay, at nagtawanan. Sa wakas, isang panalangin ang binigkas, at ang 250 boluntaryo—mga lalaki, babae, bata at matanda—ay nagtungo sa kani-kanilang atas, handa para sa isa na namang mahabang araw ng pagpapagal.
Gayunding tanawin ang nangyayari sa anim na iba pang sentrong panrehiyon at sa bodega. Samantala, ang ibang mga boluntaryong nagtatrabaho sa sentrong kusina ay abala na sa paghahalo sa mga kaldero—sapagkat mamayang tanghali mahigit na 2,000 gutóm na mga boluntaryo sa buong Houston ay handa na para sa isang mainit na tanghalian!
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
MGA PROGRAMA SA PAGSASANAY
Noong panahon ng pagtulong, ang mga boluntaryong bihasang manggagawa ay nagturo upang sanayin ang mga di-bihasang boluntaryo para sa espesipikong mga atas. Ang ilan ay sinanay upang magdisimpekta ng mga bahay. Natutuhan naman ng iba kung paano magkabit ng mga dingding at mga kabinet. Ang iba pa ay natutong magpalitada at magpinta. Ang Skilled-Workers Seminars ay kinunan ng video, at pagkatapos ang mga video ay ginamit sa mga sentrong panrehiyon upang sanayin ang karagdagang mga boluntaryo. “Sa pamamagitan ng mga seminar na ito,” ang sabi ng isang miyembro ng komite sa pagtulong, “natitiyak namin ang mataas na kalidad ng gawaing pagkumpuni.”
[Larawan]
Mga bihasang manggagawa na nagtuturo sa mga klase
[Kahon sa pahina 24]
“ANG TUNAY NA GAWA NG DIYOS”
“Tinatawag ng mga kompanya sa seguro ang likas na mga kasakunaan na mga gawa ng Diyos,” ang sabi ng isang miyembro ng komite sa pagtulong. “Gayunman,” sabi pa niya, “ang mga boluntaryong nagtrabaho rito sa buong mga buwang ito ang tunay na gawa ng Diyos. Ang ating kapatiran ay isang himala!” Sa panahon ng pagtulong na ito, 2,500 o mahigit pang boluntaryo ang dumarating kung mga dulo ng sanlinggo upang magtrabaho. Ganito ang sinabi ng tsirman ng komite: “Kinansela ng walang-bayad na mga boluntaryong ito ang mga planong bakasyon, binago ang mga iskedyul ng kanilang pamilya, at ipinagpaliban ang iba pang personal na gawain upang tumulong sa isa sa pinakamalalaking gawaing pagtulong na kailanma’y isinagawa ng mga Saksi ni Jehova.”
Ang matagal na kampanya sa pagtulong ay nangailangan ng mga sakripisyo. Isang boluntaryong sumuporta sa trabaho mula sa simula hanggang sa katapusan ay may sekular na trabaho na 50 oras sa isang linggo. Gayunman, gumugol siya ng 40 oras linggu-linggo sa pagtulong. “Binigyan ako ni Jehova ng lakas,” aniya. “Tinatanong ako ng mga kakilala, ‘Binabayaran ka ba sa paggawa mo nito?’ Sinasabi ko sa kanila, ‘Hindi mo ako mababayaran upang gawin ito.’” Kung mga dulo ng sanlinggo, pagkatapos ng sekular na trabaho sa buong linggo, isang pamilya mula sa estado ng Louisiana ang nagmamaneho nang mga 800 kilometro balikan upang tumulong sa gawain. Marami ang nagtrabaho mula umaga hanggang gabi, at pagkatapos ay nagmamaneho sila pauwi sa kanilang bahay. Isang grupo ng 30 bihasang boluntaryo, na nagmamaneho nang pito hanggang sampung oras papunta lamang, ang nagsabi: “Sulit ito.” Isa pang boluntaryo ang umalis sa kaniyang trabaho nang bandang alas 3:30 n.h. at pagkatapos ay nagboluntaryo sa administratibong sentro hanggang alas 10 n.g. Tumutulong din siya kung mga dulo ng sanlinggo. “Ito’y kasiya-siya,” ang sabi niya.
Tunay, ang mga ito at ang lahat ng iba pang mga boluntaryo ay handang tumulong dahil sa pagtataglay ng pag-ibig pangkapatid—ang pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:35) Pagkatapos dumalaw sa administratibong sentro ng pagtulong, ang alkalde ng Houston ay naudyukang magsabi sa isang grupo ng mga Saksi: “Naniniwala kayo sa paggawa ng kung ano ang sinasabi sa atin ng Diyos na dapat nating gawin. Ikinakapit ninyo ang inyong pinaniniwalaan.”
[Larawan sa pahina 20, 21]
Lumubog sa baha ang Houston, Hunyo 9, 2001
[Credit Line]
© Houston Chronicle
[Larawan sa pahina 21]
Naging mga ilog ang mga “expressway”
[Larawan sa pahina 21]
Rumagasa ang tubig sa mga kabahayan
[Mga larawan sa pahina 23]
Ilan sa libu-libong Saksi ang naglingkod bilang mga boluntaryo
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga manggagawa sa kusina ay naghanda ng mahigit na sangkapat ng isang milyong pagkain!
[Picture Credit Line sa pahina 19]
NOAA