Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 12/8 p. 26-27
  • Makatutuklas Ka ng Disenyo sa Kalikasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makatutuklas Ka ng Disenyo sa Kalikasan
  • Gumising!—2002
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Maningning na Bituin sa Tanghalan ng mga Ibon
    Gumising!—2003
  • Kung Paano Titingnan ang Kagandahan sa Paligid Natin
    Gumising!—1995
  • Kamangha-manghang Disenyo ng mga Halaman
    Gumising!—2006
  • Isang Napakagandang Ibon na May Balahibong Punô ng mga Mata
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 12/8 p. 26-27

Makatutuklas Ka ng Disenyo sa Kalikasan

KAPAG namamasyal tayo sa lalawigan, napapansin ng karamihan sa atin ang kagandahan ng kalikasan. Maaaring ito’y isang pumpon ng mga bulaklak, makulay na ibon, maringal na punungkahoy, o isang napakagandang tanawin. Iniuukol ng maraming tao ang gayong kagandahan sa isang Maylalang o isang Dakilang Disenyador.

Baka isipin mo na ang mga siyentipiko lamang ang maaaring tumuklas ng masalimuot na disenyo sa kalikasan. Gayunman, hindi mo kailangan ng makabagong kasangkapan sa siyensiya para maunawaan ang mga disenyo ng kalikasan. Ang kailangan mo lamang ay matalas na mata, kaunting imahinasyon, at pagpapahalaga sa kagandahan at anyo nito. Baka kailangan mo ring pagmasdang mabuti ang pangkaraniwang mga bagay na marahil ay ipinagwawalang-bahala mo.

Ang isa sa pinakasimpleng mga disenyo ay ang paikid na hugis. Makikita ito sa pangkaraniwang mga bagay na gawa ng tao gaya ng isang likaw na lubid o isang tribuson. Gayunman, makatutuklas ka pa ng mas maraming magagandang paikid na hugis sa mga kabibi o mga kono ng punungkahoy na pino. At kung pagmamasdan mong mabuti ang pinakagitna ng isang sunflower, minsan pa ay makikita mo ang paikid na hugis. Pinagaganda rin ng hindi gaanong napapansing paikid na hugis ang gitna ng isang rosas at ang isang sapot ng gagamba.

Pagmasdan mong mabuti ang sapot ng gagamba. Una munang ginagawa ng isang gagamba ang pangunahing pinakatukod na pahalang sa sapot nito, na kagaya ng mga rayos ng gulong. Pagkatapos ay nagsisimula ito sa pinakagitna upang pagdugtung-dugtungin ang mga pinakatukod na pahalang sa pamamagitan ng malagkit na sedang sinulid. Paikut-ikot na naghahabi ang gagamba hanggang sa matapos ang sapot. Ang palaki nang palaki at paikot na sinulid na ito ang lumilikha sa paikid na hugis.

Ang isa pang kaakit-akit na disenyo sa kalikasan ay ang ocellus, o eyespot. Ang mga eyespot ay matatagpuan sa di-inaasahang mga lugar​—sa mga balahibo ng isang ibon, sa mga pakpak ng paruparo, o maging sa mga kaliskis ng isda. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang mga eyespot ay nakatutulong sa panliligaw, panlilinlang sa isang sumasalakay, o pagtataboy sa inaayawan. Marahil ang paboreal ang pinakakilalang halimbawa sa pagkakaroon ng mga eyespot, at ang ipinakikita nito sa panliligaw ang isa sa kamangha-manghang bagay sa daigdig ng kalikasan. Gayon na lamang ang paghanga ni Alejandrong Dakila sa kagandahan ng paboreal anupat iginiit niya na ingatan ang ibon sa buong kaharian niya.

Ang bilog na hugis ay pangkaraniwang disenyo rin. Ang bilog na hugis ng ginintuang papalubog na araw o ang malapilak na kabilugan ng buwan ay laging pumupukaw ng ating paghanga. Maraming bulaklak sa grupo ng daisy ay tulad ng araw ang hitsura, na dilaw ang gitna at may matitingkad at iba’t ibang kulay ang talulot. Ang ginintuang “mata” ng mga bulaklak na ito na makikita sa lahat ng dako ay naglalaan ng saganang nektar na umaakit sa mga paruparo na halos katulad na katulad ng ginintuang dalampasigan na umaakit sa mga turista.

Yamang ang bilog ang pinakamahusay na hugis para sa pinakabalat ng mga bunga ng kahoy, malimit na bilog ang mga prutas at mga berry na may iba’t ibang laki at kulay. Ang matitingkad na kulay nito ang umaakit sa mga ibon, na nagkakalat ng mga binhi kapalit ng isang masarap na pagkain.

Mangyari pa, ang paikid na hugis, mga eyespot, at bilog ay ilan lamang sa mga halimbawa ng pagkarami-raming disenyo na matatagpuan sa kalikasan. Bagaman ang ilan ay may pantanging layunin, ang iba naman ay nagsisilbing palamuti o balatkayo. Anuman ang dahilan, pagmasdan mo ang mga ito at masiyahan sa mga ito.

[Buong-pahinang larawan sa pahina 26]

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share