Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 12/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Ginto sa Basura
  • Bantay na mga Llama
  • Likas na Substansiyang Nagpapalamig
  • Dumi ng Hayop at mga Superbug
  • Mga Lolo’t Lolang “Ipinaaampon”
  • Karahasan sa Pamilya sa Europa
  • Paghadlang sa Pagkalunod ng mga Bata
  • Maagang Pagdadalaga o Pagbibinata
  • Maaari Kang Patayin ng Galit
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Tumutulong sa mga May Edad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1993
  • Kapag Apektado ng Karahasan ang Tahanan
    Gumising!—1993
  • Pangangalaga sa mga May Edad—Isang Lumalagong Problema
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 12/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

May Ginto sa Basura

Isang kompanya ng pagmimina sa Hapon ang nakasumpong ng madali at mas malaki ang kita na pamamaraan sa pagkuha ng mamahaling mga metal. Sa halip na gumugol ng maraming panahon at salapi sa paghahanap ng inambato, tinutunaw ngayon ng isang kompanya na nagtutunaw at nagdadalisay ng mga batong-mineral sa Distrito ng Akita ang mga piraso mula sa itinapong mga cell phone at mga computer upang makuhang muli ang mahahalagang metal, ang ulat ng pahayagang IHT Asahi Shimbun ng Tokyo. Ayon sa presidente ng kompanya, “ang 1 tonelada ng itinapong mga cell phone​—na walang batirya​—ay mapagkukunan ng ilang daang gramo ng ginto.” Kung ihahambing sa tradisyonal na paraan ng pagmimina, ang nakukuha sa bawat tonelada ng “bunton ng mga kagamitang itinapon sa malalaking lunsod” ay mga sampung ulit ang dami kaysa sa nakukuha mula sa inambato. Bukod diyan, hindi na kailangan ang karagdagang puhunan upang magkaroon ng iba’t ibang kagamitan sa pagpoproseso, yamang ang pagmimina ng ginto mula sa mga cell phone ay walang pinag-iba sa pagkuha ng mga metal mula sa inambato.

Bantay na mga Llama

Upang bantayan ang kanilang mga tupa, ang mga rantsero sa Hilagang Amerika ay umaasa sa mga llama. Ayon sa The Globe and Mail, ng Canada, ang mga llama “ay malapít sa ibang mga hayop na nakakasama nila.” Buong tapang nilang binabantayan ang kanilang kawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala, pag-aalaga sa tupa, pagtaboy sa mga pumapasok nang walang pahintulot, at pagsipa sa mga maninila. Mas pinipili pa nga ng ilang magbubukid ang mga llama kaysa sa mga bantay na aso sapagkat ang mga ito ay murang mabibili. Isa pa, ang sabi ng pahayagan, “dahil sa ang mga llama ay nanginginain ng damo at kasamang natutulog ng mga tupa, hindi na kailangang gumastos pa para pangalagaan ang mga ito​—at mas tumatagal ang buhay nila nang ilang taon kaysa sa popular na mga lahi ng bantay-aso.” Ganito inilarawan ng isang taga-Canada na nag-aalaga ng tupa na nagmamay-ari ng mga llama ang mga bentaha: “Walang gastos ang mga ito,” at “hindi sila tumatahol.”

Likas na Substansiyang Nagpapalamig

Natuklasan ng isang pangkat ng mga mananaliksik sa Alemanya ang isang likas na kemikal na nagpapalamig nang 35 ulit kaysa sa menthol, subalit walang lasang yerbabuena. Ang kemikal, na likas na taglay ng serbesa at whiskey, ay natuklasan sa German Research Centre for Food Chemistry sa Garching, Munich. Sinipi ng magasing New Scientist si Thomas Hofmann, ang direktor ng pangkat ng mga mananaliksik, na nagsasabi: “Maaari itong magdulot ng napakalamig na lasa sa maraming produkto, kasama na ang serbesa, nakabotelyang tubig, mga inuming sitrus, tsokolate at kendi.” At dahil malamig sa balat ang substansiya na 250 ulit na mas mababa ang pagiging puro kaysa sa yerbabuena, makadaragdag ito ng nakapagpapasiglang katangian sa mga kosmetik o mga losyon sa balat.

Dumi ng Hayop at mga Superbug

“Ang mga kabukiran sa ibayo ng Europa ay kontaminado ng mapanganib na mga antas ng mga antibiyotiko na ibinigay sa mga hayop sa bukid,” ulat ng magasing New Scientist. Mahigit na 10,000 tonelada ng mga antibiyotiko ang ibinibigay sa mga hayop sa bukid taun-taon sa European Union at sa Estados Unidos upang ang mga ito ay lumaki at hindi magkasakit. “Subalit natuklasan kamakailan ng pananaliksik ang tuwirang kaugnayan sa pagitan ng dumaming paggamit ng mga gamot na ibinibigay sa mga hayop sa bukid at ng paglitaw ng mga bug (mikroorganismo) na hindi tinatablan ng antibiyotiko na nakahahawa sa mga tao,” ang sabi ng magasin. “Ang gamot, na nasa dumi ng hayop na iniisprey sa mga bukid bilang abono, ay maaaring mapunta sa ating pagkain at tubig . . . , [at] dinudumhan [nito] ang mga pananim, na kinakain naman,” sabi ng New Scientist.

Mga Lolo’t Lolang “Ipinaaampon”

Isinaayos ng ilang pamilya sa Espanya na “mag-ampon” ng 66 na may-edad nang mga tao na walang kamag-anak, ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. “Ang layunin ng programang ito . . . ay alukin yaong mga hindi na kayang mag-isa sa buhay ng isang mapagpipilian sa halip na mapunta sa isang tahanan para sa mga may-edad na,” ang sabi ng pahayagan. Kabilang sa mga aplikante na nagnanais mag-ampon ng mga may-edad na ay mga mag-asawang nasa mga edad 50 na nagnanais makasama ang isang may-edad na. Sinasabi ng ibang pamilya na may maliliit na anak na gusto nilang magkaroon ng isang lolo o lola sa tahanan. Bagaman ang mga pamilyang nag-aampon ay tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan, “hindi salapi ang talagang nag-uudyok sa kanila,” ang paliwanag ng panlahat na patnugot ng programa, si Marisa Muñoz-Caballero. “Kung pera ang kanilang motibo, di-magtatagal at sila’y mayayamot sapagkat ang pag-aalaga sa mga may-edad na ay mahirap na trabaho.”

Karahasan sa Pamilya sa Europa

“Isa sa limang babae sa Europa ang dumaranas ng karahasan mula sa kaniyang kinakasamang lalaki sa isang panahon sa kaniyang buhay,” ang sabi ni Anna Diamantopoulou, ang komisyonado sa Europa na may pananagutan sa pagpapatrabaho at mga bagay na panlipunan. Sa Ministerial Conference on Violence against Women na idinaos sa Espanya maaga ng taóng ito, sinabi ni Diamantopoulou: “Sa buong daigdig, mas malamang na mabalda o mamatay ang mga babaing ang edad ay sa pagitan ng 15 at 44 dahil sa pandarahas ng lalaki, kaysa sa pinagsama-samang pagkamatay dahil sa kanser, malarya, mga aksidente sa daan o digmaan.” Sa United Kingdom, “isang babae ang namamatay sa bawat 3 araw bunga ng karahasan sa tahanan,” samantalang “sa Ireland, mahigit na kalahati ng mga babaing pinaslang ay pinatay ng kani-kanilang kinakasama o mga asawa.” At sa Austria, ulat ng pahayagang Le Monde ng Pransiya, “kalahati ng lahat ng mga kaso ng diborsiyo ay batay sa mga reklamo ng mga asawang babae hinggil sa masamang pagtrato ng kani-kanilang asawa.”

Paghadlang sa Pagkalunod ng mga Bata

Sa 26 na pinakamayayamang bansa sa daigdig, ang pagkalunod ang ikalawang pinakamadalas na sanhi ng kamatayan sa mga bata na hanggang 14 na taóng gulang, ang ulat ng BMJ (dating British Medical Journal ). Ayon sa babasahin, “mas malamang na malunod ang mga sanggol sa bahay (karaniwang sa isang bathtub); ang mga bata na malapit sa mga dakong may tubig sa bahay gaya ng mga swimming pool o maliliit na lawa; at ang mas malaki-laking bata sa likas na tubig na gaya ng mga lawa o ilog.” Upang maiwasan ang gayong mga aksidente, inirerekomenda ng mga dalubhasa ang sumusunod: Laging bantayan ang mga sanggol sa bathtub o sa palibot ng anumang may tubig; palibutan ng bakod ang isang maliit na lawa o swimming pool sa hardin na hindi mapapasok mula sa bahay; huwag hayaang lumangoy ang mga bata nang nag-iisa o sa mga liblib na dako; magsanay sa mga paraan kung paano magkamalay muli ang nalunod.

Maagang Pagdadalaga o Pagbibinata

“Ang pagdadalaga o pagbibinata ay nagsisimula nang mas maaga,” ulat ng pahayagang Berliner Zeitung ng Alemanya. Karaniwang nagwawakas ang pagiging bata, sa paano man sa biyolohikal na paraan, kapag ang mga bata ay nasa pagitan ng edad 10 at 12 o mas bata pa rito. Napansin ng mga mananaliksik sa buong daigdig ang tendensiya na ito subalit hindi nila matiyak ang mga dahilan. Ang mas mabuting pagkain at pag-unti ng nakahahawang mga sakit ang binanggit na mga posibilidad. Sinisisi ng iba ang nakalalasong mga substansiya sa kapaligiran, lalo na yaong ginagaya ang mga epekto ng hormon ng mga babae na estrogen. Anuman ang sanhi, ang maagang pagkamaygulang sa sekso ay maaaring umakay sa maagang pakikipagtalik. “Kadalasan, ilang taon lamang ang pagitan ng paglalaro ng bata sa kahon ng buhangin at ng unang seksuwal na mga karanasan nila,” ang sabi ng pahayagan.

Maaari Kang Patayin ng Galit

“Mas malamang na dumanas ng istrok ang mga taong magagalitin,” ang sabi ng pahayagang Diario Médico ng Espanya. Malaon nang iniuugnay ng mga doktor ang mapusok na paggawi sa pagdami ng nagkakasakit sa puso. Ipinakita ng pananaliksik kamakailan na mas nanganganib maistrok ang isa dahil sa gayong paggawi. Sa isang surbey ng 14,000 adulto, tatlong ulit na mas nanganganib na maistrok ang mga taong magagalitin na wala pang 60 taóng gulang. Bakit? Waring maaaring “lubhang pataasin” ng galit ang presyon ng dugo, pakiputin ang mga daluyan ng dugo, at paramihin ang mga substansiya sa pamumuo ng dugo, na “sa kalaunan, ay makaaapekto sa sirkulasyon ng dugo sa utak,” ang sabi ng ulat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share