Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g03 6/8 p. 21-23
  • Pag-unawa sa Postpartum Depression

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-unawa sa Postpartum Depression
  • Gumising!—2003
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karamdaman
  • Mga Sanhi
  • Kinikilala Na
  • Paggamot
  • Paano Makatutulong ang Iba?
  • Napaglabanan Ko ang “Postpartum Depression”
    Gumising!—2002
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2003
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2003
  • Depresyon​—Kung Paano Ito Gagamutin
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—2003
g03 6/8 p. 21-23

Pag-unawa sa Postpartum Depression

Bakit kaya ako nagkakaganito? Kapapanganak ko pa lamang sa isang maganda at malusog na sanggol. Dapat akong magsaya at magmalaki, pero lungkot na lungkot ako at balisa, galit pa nga. Masama ba akong ina? Bakit ako lumung-lumo?

BILANG isang inang kapapanganak pa lamang, baka maranasan mo ang gaya ng nabanggit sa itaas. Kung oo, hindi ka nag-iisa. Tinatayang 70 hanggang 80 porsiyento ng mga inang kapapanganak pa lamang ang dumaranas nito kung minsan. Subalit ano ba ang postpartum depression (PPD), at ano ang sanhi nito? Paano mapaglalabanan ang PPD? Ano ang maitutulong ng mga miyembro ng pamilya at ng iba?

Karamdaman

Ang terminong “postpartum depression” ay tumutukoy sa pagkadama ng panlulumo matapos manganak. Maaari itong lumitaw pagkasilang sa alinmang anak, hindi lamang sa panganay. Maaari pa ngang makadama ng panlulumo pagkatapos na makunan o pagkatapos na ilaglag ang sanggol. Ayon sa Office on Women’s Health ng Department of Health and Human Services ng Estados Unidos, iba’t iba ang tindi ng mga sintomas.

Maraming kababaihan ang dumaranas ng postpartum blues, o baby blues, na kakikitaan ng bahagyang pagkalungkot, pagkabalisa, pagkamainisin, pagkamasumpungin, at pagkapagod. Ang mga nadaramang ito ay itinuturing na normal at pansamantala lamang, anupat lumilipas din sa loob ng mga sampung araw pagkapanganak kahit hindi na magpagamot.

Gayunman, tinataya ng American College of Obstetricians and Gynecologists na sa 1 sa 10 inang kapapanganak pa lamang, ang nadaramang ito ay lumalalâ at lumalampas pa sa unang ilang araw. Lumilitaw pa nga ito ilang buwan pagkapanganak. Maaaring ito’y ganap na postpartum depression, kung saan ang pagkadama ng lungkot, pagkabalisa, o kawalang-pag-asa ay napakatindi anupat hindi na makayanan ng inang kapapanganak pa lamang ang kaniyang pang-araw-araw na mga tungkulin.

Bukod diyan, nasa pagitan ng 1 at 3 inang kapapanganak pa lamang sa bawat 1,000 ang dumaranas ng mas malubha pang uri ng depresyon na tinatawag na postpartum psychosis, kung saan ang ina ay nahihibang o nakakakita ng mga kakaibang bagay na ang palaging iniisip ay ang saktan niya ang kaniyang sarili o ang kaniyang anak. Ang huling nabanggit na kondisyong ito ay dapat ipagamot agad.a

Mga Sanhi

Walang anumang maliwanag na katunayan kung ano ang sanhi ng postpartum depression. Sa wari ay sangkot dito kapuwa ang pisikal at emosyonal na mga dahilan. Maaaring ang isang pisikal na dahilan ay sapagkat sa unang 24 hanggang 48 oras pagkapanganak, bumabagsak ang antas ng estrogen at progesterone, hanggang sa antas na mas mababa kaysa noong bago maglihi, anupat lumilikha ng biglang pagbabago sa pisyolohikal na kalagayan ng katawan. Nagiging dahilan ito ng depresyon kung paanong nagiging sumpungin at tensiyonada ang isang babae bago reglahin. Ang antas ng hormon na inilalabas ng thyroid ay maaari ring bumagsak pagkapanganak. Posibleng maging dahilan ito ng mga sintomas na katulad ng depresyon. Dahil dito, ang tawag ng mga mananaliksik sa PPD ay “biyokemikal at hormonal na karamdaman.”

Kapansin-pansin, ipinahihiwatig ng isang newsletter sa medisina na ang postpartum depression ay maaaring sanhi ng di-timbang na nutrisyon, marahil ay kakulangan sa B-complex.

Ang pagod at puyat ay posible ring isang dahilan. Ang sabi ni Dr. Steven I. Altchuler, isang saykayatris sa Mayo Clinic sa Minnesota, E.U.A.: “Sa panahong kapapanganak pa lamang, ang panghihina at di-pagkakátulóg ay magpapangyaring magmukhang malaki ang maliliit na problema. Maaaring masiphayo ang ilang babae kapag hindi nila makayanan ang mga bagay-bagay na dati’y nahaharap naman nila nang maayos bago sila manganak, noong wala silang baby blues, at husto ang kanilang tulog sa gabi.” Makadaragdag din sa depresyon ang emosyonal na mga salik na gaya ng di-isinaplanong pagdadalang-tao, pagsisilang nang kulang sa buwan, pagkawala ng kalayaan, pagkabahala sa hitsura, at kawalan ng suporta.

Karagdagan pa, may ilang karaniwang haka-haka tungkol sa pagiging ina na posibleng maging sanhi upang ang isang babae ay makadama ng depresyon at pagkabigo. Kabilang dito ang ideya na likas lamang daw ang kakayahan ng pagiging ina, na dapat magkálapít agad ang mag-ina, na walang magiging diperensiya ang sanggol at hindi ito kailanman magiging iyakin, at na walang magiging diperensiya ang inang kapapanganak pa lamang. Hindi ganito sa totoong buhay. Ang kakayahan ng pagiging ina ay pinag-aaralan, karaniwan nang kailangan ang panahon bago sila magkálapít na mag-ina, may mga sanggol na mas madaling alagaan kaysa sa iba, at walang ina ang sakdal o isang supernanay.

Kinikilala Na

Ngayon lamang napag-ukulan ng pansin ang postpartum depression. Sinabi ni Dr. Laurence Kruckman: “Ang mga isyu sa mental na kalusugan ng mga babae ay hindi napag-ukulan ng pansin noon at tinagurian ito bilang hysteria, anupat hindi ito dapat ikabahala. Hindi pa lubusang kinikilala ng diagnostic manual (DSM IV) ng American Psychiatric Association na mayroon ngang sakit na postpartum, at dahil dito, wala pang kaalam-alam ang mga doktor tungkol dito ni nakakuha man sila ng maaasahang impormasyon. . . . At di-tulad noong nakalipas na 30 taon, ang mga ina ay pinauuwi agad mula sa ospital sa loob ng 24 na oras. Ang karamihan sa mga postpartum psychosis, mga sumpong at depresyon ay lumilitaw sa loob ng tatlo hanggang 14 na araw pagkapanganak. Kaya ang mga ina ay nakauwi na at hindi na nasusuri ng mga propesyonal na nakababatid ng mga sintomas nito.”

Gayunman, ayon kay Dr. Carol E. Watkins ng Northern County Psychiatric Associates sa Baltimore, Maryland, kapag hindi ito nasuri o nagamot agad, ang postpartum depression ay maaaring humantong sa pangmatagalang depresyon at sa problemang magkálapít ang mag-ina. Maaaring kusang hindi pansinin ng mga inang may depresyon ang mga pangangailangan ng kanilang anak o, sa kabaligtaran naman, mawalan sila ng pagpipigil at saktan ang mga sanggol bilang disiplina. Negatibo ang maaaring maging epekto nito sa pangkaalaman at emosyonal na pagsulong ng bata.

Halimbawa, ipinahihiwatig ng isang artikulo sa babasahing American Family Physician na ang maliliit na anak ng mga inang may depresyon ay mas mahina sa mga pangkaalamang pagsusulit kaysa sa mga may inang walang depresyon. Bukod diyan, maaaring magkaroon ng masamang epekto ang postpartum depression sa iba pang mga anak at sa asawang lalaki.

Paggamot

Ano kaya ang maaaring gawin? Dapat bang basta kayanin mo na lamang ito? Mabuti na lamang at natuklasan na ang postpartum depression ay pansamantala lamang at nagagamot.b Bagaman ang tanging kailangan lamang ay pahinga at suporta ng pamilya para sa di-malubhang mga sintomas, ang pinakasusing tanda na kailangan nang magpagamot ay kung hinahadlangan na ng depresyon ang iyong kakayahang gumawa, ang sabi ng Office on Women’s Health.

Ang karaniwang paggamot ay ang antidepressant medication,c pakikipag-usap sa eksperto sa kalusugan ng isip, paggamot sa pamamagitan ng hormon, o kombinasyon ng mga ito, depende sa kalubhaan ng karamdaman. Ang kangaroo, o balat-sa-balat, na pag-aalaga ng sanggol ay maaari ring magpahupa sa depresyon ng ina.d May mga alternatibo ring paggamot gaya ng mga halamang-damo, acupuncture, at homeopathic na paggamot.

Gayunman, may ilang bagay na ikaw mismo ang makagagawa upang makayanan ito. Kabilang dito ang pagkain ng masusustansiyang pagkain (lakip na ang mga prutas, gulay, at mga whole-grain cereal); iwasan ang caffeine, alkohol, at asukal; bahagyang mag-ehersisyo; at umidlip kapag natutulog ang iyong anak. Sinasabi ni Zoraya, isang Kristiyanong ina na ilang araw ring maghapong nag-iiiyak pagkasilang niya sa isang malusog na sanggol na babae, na ang nakatulong sa kaniya upang madaig ang depresyon ay ang pakikibahagi hangga’t maaari sa kaniyang normal na pagmiministeryo bilang isang Saksi ni Jehova.​—Tingnan ang kalakip na kahon para sa karagdagang mga mungkahi.

Paano Makatutulong ang Iba?

Yamang ang pangunahing dahilan ng postpartum depression ay ang kawalan ng wastong pamamahinga, makatutulong ang iba sa pamamagitan ng pag-akò sa ilang gawaing bahay at pagtulong sa pag-aalaga ng bata. Ipinakikita ng pag-aaral na bihirang-bihira ang postpartum depression sa mga lugar na ang mga kamag-anak ay sama-samang nagbibigay ng suporta at mga tagubilin. Sa maraming pagkakataon, malaki ang naitutulong ng isang tao kahit sa pamamagitan lamang ng madamaying pakikinig, pagpapalakas-loob sa isang inang kapapanganak pa lamang, at pag-iwas na mamuna o magparatang. Tandaan, ang PPD ay isang karamdaman at ito ay hindi sinasadya. Gaya ng sabi ng organisasyong Postpartum Education for Parents, “walang kakayahan ang isang babae na ‘kontrolin ang kaniyang sarili’ kung paanong hindi niya kontrolado kung siya ay magkakaroon ng trangkaso, diyabetis, o sakit sa puso.”

Gaya ng mga nabanggit na, mauunawaan na bagaman ang panahon ng postpartum ay maaaring maging isang maligayang panahon para sa mga inang kapapanganak pa lamang, puwede rin itong maging maigting. Ang pag-unawa rito ay makatutulong sa atin na maibigay sa mga inang kapapanganak pa lamang ang kinakailangan nilang suporta.

[Mga talababa]

a Hindi dapat ipagkamali ang postpartum depression sa karamdaman na post-traumatic stress, na nararanasan ng ilang ina pagkatapos ng mahirap na panganganak, bagaman kapuwa ito maaaring danasin nang sabay.

b Tingnan ang artikulong “Napaglabanan Ko ang Postpartum Depression,” sa Hulyo 22, 2002, isyu ng Gumising!

c Ang ilang gamot ay sumasama sa gatas ng ina, kaya kung gusto mong magpasuso, kumonsulta muna sa iyong doktor para sa pinakaangkop na magagawa.

d Tingnan ang artikulong “‘Tulad-Kangaroo na Pangangalaga ng Ina’​—Lunas ba sa Problemang Nagsasapanganib ng Buhay?” sa Hunyo 8, 2002, isyu ng Gumising!

[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]

Mga Mungkahi Para Makayanan ang Postpartum Depression

1. Ipakipag-usap sa iba ang iyong nararamdaman, lalo na sa ibang mga ina.

2. Hilingan ang iba na tulungan ka sa pag-aalaga ng bata, sa gawaing bahay, at sa mga pag-aasikaso. Hilingan ang iyong asawa na siya naman ang magbigay ng bote ng gatas sa sanggol sa gabi at gumawa sa bahay.

3. Maglaan ng panahon na gumawa ng kapaki-pakinabang na mga bagay para sa iyong sarili, kahit na sa loob man lamang ng 15 minuto araw-araw. Subukang magbasa, maglakad-lakad, maligo sa paraang nagrerelaks.

4. Kahit na isang bagay lamang ang iyong magawa sa anumang araw, ito’y isa nang pagsulong. Maaaring may mga araw na wala kang nagawa. Sikaping huwag magalit sa sarili kapag nangyari ito.

5. Madalas na lalong nagtatagal ang depresyon kung nag-iisa ka. Magbihis ka, at lumabas ng bahay kahit sandali man lamang araw-araw. Makikinabang ka at ang iyong anak dahil sa sariwang hangin at bagong tanawin.

[Credit Line]

Halaw sa American Academy of Family Physicians, American College of Obstetricians and Gynecologists, at sa Office on Women’s Health.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share