Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-abuso sa Droga Ang pabalat sa harap ng isyu ng Abril 8, 2003 (“Pag-abuso sa Droga sa Loob ng Pamilya—Ano ang Maaari Mong Gawin?”) ay nakatawag ng aking pansin. Inaaralan ko sa Bibliya ang isang babae na nagngangalang Linda. Dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki ay lulong sa droga. Kinaumagahan ipinakipag-usap ko ang isyung ito sa kaniya—parapo por parapo. Labis na nakapagpatibay-loob at nakapagpalakas ito sa kaniya. Tamang-tama ang pagdating ng babasahin.
C. M., Estados Unidos
Ako’y nangangasiwa ng isang ahensiya para sa pagpapayo na tumutulong sa mga pamilya kung paano pakikitunguhan ang pagkasugapa sa droga at alkoholismo. Bagaman isa akong Katoliko, ako’y masugid na mambabasa ng Gumising! Gusto kong ipaabot ang aking pasasalamat sa serye tungkol sa pag-abuso sa droga sa pamilya. Sabik na sabik kong binasa ito, yamang alam kong makatutulong ito sa akin sa pakikitungo ko sa mga kabataan.
H. C., Ecuador
Pagkakamay Nabasa ko po ang artikulong “Magkamay Tayo” sa isyu ng Abril 8, 2003. Ako po ay sampung taóng gulang, at nasubukan ko na pong kumain ng mainit na karneng pinikadilyo nang nakakamay. Napakahirap niyaon. Pero nakatutuwa, at napakasarap ng karneng pinikadilyo! Salamat po sa artikulong ito. Kamakailan lamang ay dinadala ko na ang Gumising! sa aming paaralan at binabasa ko po ito tuwing rises.
M. T., Hapon
Maiikling Pagsusulit sa Bibliya Ibig kong ipaalam sa inyo na gustung-gusto ko ang mga crossword puzzle na inyong inilalathala. Marami akong natututuhan mula sa mga ito.
R. N., Estados Unidos
Maliliit pa ang mga anak ko ay tinuturuan ko na sila tungkol sa Bibliya. Subalit ngayong malalaki na sila, mas mahirap pukawin ang kanilang interes sa espirituwal na mga bagay. Kaya naghahanap ako ng mga paraan upang tulungan sila. Nang matanggap ko ang isyu ng Abril 8 at mapag-isipan ang bahagi na “Alam Mo Ba?” nagkaroon ako ng ideya. Agad kong ibinagay ang mga tanong sa aking mga anak, ginawan ko sila ng mga mapagpipilian, at saka ko ipinaskil ang mga tanong sa dingding. Noong una, hindi sila interesado sa mga ito, pero nang maglaon sinimulan nilang sagutin ang mga tanong. Ngayon, ang mga tanong ay paksa na ng usapan sa aming pamilya.
R. M., Hapon
Sagot ng “Gumising!”: Ang pagsusulit sa Bibliya na “Alam Mo Ba?” ay lumilitaw sa ilang wika na edisyon ng “Gumising!” na walang “crossword puzzle.”
Mga Niyog Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Isa sa Pinakakapaki-pakinabang na Nuwes sa Lupa,” sa isyu ng Marso 22, 2003. Libangan naming magkaibigan ang paggawa ng sabon. Ginagamit namin ang langis ng niyog sa aming paggawa ng sabon, sapagkat maganda ito sa kutis at mabula. Pagkatapos kong mabasa ang artikulong ito, lalo kong pinahalagahan ang niyog.
C. B., Canada
Kalayaan sa Pagsasalita Katatapos ko pa lamang basahin ang seryeng “Ang Korte Suprema ng Estados Unidos at ang Kalayaan sa Pagsasalita.” (Enero 8, 2003) Nalipos ako ng magkakahalong damdamin bunga ng pagkabasa ko sa serye—labis na pagtataka dahil nagpapatuloy pa rin ang debate sa usaping ito sa Estados Unidos, paghanga kung gaano kahusay na iniharap ng ating Kristiyanong mga kapatid ang kanilang pananaw, at taimtim na pagpapasalamat dahil maaaring ilapat ang makatarungang mga pasiya sa di-makatarungang daigdig na ito. Nararanasan ko ang labis na kagalakan sa pangangaral ng mabuting balita. Pinalalawak ng ganitong mga artikulo ang ating pananaw.
O. S., Belarus
Pribadong Buhay Ang seryeng “Nanganganib ba ang Iyong Pribadong Buhay?” (Enero 22, 2003) ay nakatulong sa akin na mas maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng paggalang sa mga karapatan ng iba. Sa katunayan, ang pakikialam sa pribadong buhay ng iba ay isang anyo ng pagnanakaw na may di-kaayaayang kahihinatnan. Bilang mga Kristiyano, likas tayong malapít sa isa’t isa. Pero napakadali nating malimutan na may mga hangganan na hindi natin dapat labagin.
T. M., Czech Republic