Paglalaan sa mga Anak ng Kanilang mga Kailangan
MALIWANAG, kailangan ng mga bata ang saganang atensiyon, at gaya ng makikita, hindi nakakamit ng marami ang kanilang kailangan. Kitang-kita ang kalagayang iyan sa mga kabataan sa ngayon. “Ngayon lamang naranasan ng ating mga kabataan ang malayo sa kani-kanilang pamilya, anupat labis na napagkakaitan ng praktikal na karanasan at praktikal na karunungan,” ang nakalulungkot na sinabi ng mananaliksik na sinipi sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada.
Ano ba ang nangyari? Matutunton kaya ang problema, kahit sa paanuman, sa kakulangang mabatid ang kahalagahan ng pagbibigay ng atensiyon sa mga paslit? “Kailangan nating lahat na matuto kung paano maging mga magulang,” ang paliwanag ng isang sikologo na tumutulong sa kababaihan na mababa ang kita kung paano mag-aruga ng kanilang mga bagong-silang na sanggol. “At kailangang mabatid natin na magkakaroon tayo ng maraming gantimpala na ibubunga ng panahon na ating ginugugol ngayon sa ating mga anak.”
Maging ang mga sanggol ay nangangailangan ng regular na instruksiyon. Hindi lamang paminsan-minsan sa loob ng ilang minuto, kundi palagian—oo, sa buong araw. Ang panahong ginugol sa mga bata mula sa kanilang pagkasanggol patuloy ay mahalaga sa kanilang mabuting pagsulong.
Kailangan ang Paghahanda
Para magampanan ang kanilang mabigat na pananagutan, kailangang paghandaan ng mga magulang ang pagsilang ng kanilang sanggol. Maaari silang matuto sa simulaing binanggit ni Jesu-Kristo hinggil sa kahalagahan ng patiunang pagpaplano. Sinabi niya: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin?” (Lucas 14:28) Ang pagpapalaki ng anak—na kadalasang tinatawag na isang 20-taóng proyekto—ay di-hamak na mas masalimuot kaysa sa pagtatayo ng isang tore. Kaya para magtagumpay sa pagpapalaki ng isang anak, kailangang may plano kung paanong kailangan ng tagapagtayo ang isang blueprint ng gagawin niyang gusali.
Una, mahalaga ang mental at espirituwal na paghahanda para maisabalikat ang mga pananagutan ng pagiging mga magulang. Natuklasan ng isang pag-aaral sa 2,000 nagdadalang-tao sa Alemanya na ang mga anak ng mga inang nasasabik sa pagpapamilya ay higit na malulusog—sa emosyonal at pisikal na paraan—kaysa sa mga anak ng mga ina na ayaw sa kanilang mga sanggol. Sa kabilang banda, tinataya ng isang mananaliksik na ang isang babaing nasadlak sa isang magulong pag-aasawa ay 237 porsiyento ang tsansang magkaroon ng sanggol na may diperensiya sa emosyon o pangangatawan kaysa sa babae na may matatag na pag-aasawa.
Kung gayon, maliwanag na ang mga ama ay mahalaga sa matagumpay na paglaki ng isang bata. Naobserbahan ni Dr. Thomas Verny: “Iilang bagay ang higit na mapanganib sa isang bata, sa emosyonal at pisikal na paraan, na katulad ng isang mapang-abusong ama o mapagpabayang lalaki sa kaniyang nagdadalang-taong asawa.” Sa katunayan, kadalasang sinasabi na ang pinakamagandang regalong matatanggap ng isang anak ay isang ama na nagmamahal sa ina ng bata.
Ang mga hormon na nauugnay sa kabalisahan at kaigtingan, na dumadaloy sa ugat ng dugo ng ina, ay makaaapekto sa di-pa-naisisilang na sanggol. Gayunman, ipinapalagay na ang matindi at nagtatagal na kabalisahan lamang ng ina, sa halip na ang paminsan-minsang negatibong mga damdamin o nakaiigting na mga pagkakataon, ang mapanganib. Ang mahalaga ay waring kung ano ang nadarama ng nagdadalang-tao sa kaniyang di-pa-naisisilang na sanggol.a
Paano kung ikaw ay nagdadalang-tao at hindi matulungin ang iyong asawang lalaki, o paano kung ayaw mo mismong maging isang ina? Hindi naman kataka-taka na may mga kalagayang magiging sanhi ng panlulumo ng isang babae dahil sa kaniyang pagdadalang-tao. Subalit, laging tandaan na walang kasalanan ang iyong anak. Kung gayon, paano mo mapananatili ang isang mahinahong saloobin sa kabila ng di-kaayaayang kalagayan?
Nakatulong sa milyun-milyon ang matalinong patnubay na inilaan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinasabi nito: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Magugulat ka kung paanong ang pagkakapit sa mga salitang iyon ay makatutulong sa iyo na sundin ang payong ito: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay.” (Filipos 4:6, 7) Mararamdaman mo ang pag-alalay ng Maylalang, na maaaring mangalaga sa iyo.—1 Pedro 5:7.
Pangkaraniwang mga Karanasan
Sa unang ilang linggo pagkapanganak, nakararanas ang ilang kabataang ina ng di-maipaliwanag na kalungkutan at panghihina. Maging ang mga babae na maligaya sa pagkakaroon ng sanggol ay maaaring maging sumpungin. Karaniwan lamang ang gayong pabagu-bagong damdamin. Ito’y dahil sa pagkatapos manganak, ang mga babae ay nakararanas ng biglang mga pagbabago sa antas ng hormon. Karaniwan din para sa isang bagong ina na mabigla sa dami ng mga kahilingan ng pagiging isang ina—pagpapasuso, pagpapalit ng lampin, at pag-aaruga sa sanggol na walang pinipiling oras.
Inakala ng isang ina na wari bang ang kaniyang sanggol ay umiiyak para lamang pahirapan siya. Hindi nga kataka-taka na ganito ang sabihin ng isang espesyalista sa pagpapalaki ng bata sa Hapon: “Walang sinuman ang hindi nakararanas ng kaigtingan na nauugnay sa pagpapalaki ng bata.” Ayon sa espesyalistang ito, “ang pinakamahalagang bagay ay huwag kailanman ibukod ng ina ang kaniyang sarili.”
Kahit na manlumo paminsan-minsan ang ina, maiingatan niya ang kaniyang anak para hindi maapektuhan ng kaniyang pabagu-bagong damdamin. Nag-ulat ang magasing Time: “Ang nanlulumong mga ina na nakapanaig sa kanilang kalungkutan, anupat nagbubuhos ng saganang atensiyon sa kanilang mga sanggol at nakikipaglaro sa kanila, ay may mga anak na likas na mas masayahin.”b
Kung Paano Makatutulong ang Ama
Kadalasan na ang ama ng sanggol ang nasa pinakamabuting kalagayan para magbigay ng kinakailangang tulong at suporta. Kapag umiyak ang sanggol sa hatinggabi, sa maraming pagkakataon ay puwedeng ang ama ang mag-asikaso sa mga pangangailangan ng sanggol para makatulog naman ang kaniyang kabiyak. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Mga lalaki, sa ganoon ding paraan, maging maunawain kayo sa inyu-inyong asawa.”—1 Pedro 3:7, Ang Biblia—Ang Bagong Salin sa Pilipino.
Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng sakdal na halimbawa para sundan ng mga asawang lalaki. Ibinuwis pa nga niya ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga tagasunod. (Efeso 5:28-30; 1 Pedro 2:21-24) Sa gayon, ang mga asawang lalaking nagsasakripisyo ng kanilang kaalwanan para kusang gawin ang ilang bagay sa pagpapalaki ng anak ay tumutulad kay Kristo. Tunay nga, ang pagpapalaki ng mga anak ay isang proyekto ng mag-asawa at isang gawain na kailangang pagtulungan ng parehong magulang.
Magkasama at May-Pagtutulungang Pagsisikap
“Bilang mag-asawa, napag-usapan na namin nang detalyado kung paano namin palalakihin ang aming anak na babae,” ang sabi ni Yoichiro, ama ng isang batang babae na dalawang taóng gulang. “Sa tuwing may bumabangong problema, pinag-uusapan namin kung ano ang dapat naming gawin.” Nabatid ni Yoichiro na kailangan ng kaniyang asawang babae ang sapat na pahinga, at madalas na isinasama niya ang kaniyang anak kapag may bibilhin siya.
Noong unang panahon, nang ang mga pamilya ay malaki pa at malapít sa isa’t isa, ang nakatatandang mga anak at mga kamag-anak ay tumutulong sa mga magulang sa pag-aalaga ng bata. Kaya hindi kataka-taka na ganito ang sabihin ng isang manggagawa sa Child-Rearing Support Center sa Kawasaki, Hapon: “Sa karamihan ng mga kaso, maiibsan ang mga ina kung ipakikipag-usap nila sa iba ang problema. Sa kaunting tulong, nakayanang harapin ng maraming ina ang mga problema.”
Sinabi ng magasing Parents na ang mga magulang ay “nangangailangan ng grupo ng mga tao na makakausap nila para mapaghingahan ng kanilang mga álalahanín.” Saan matatagpuan ang gayong grupo ng mga tao? Sa pagkakaroon ng bukás na isip at pakikinig sa kanila mismong mga magulang o mga biyenan, makikinabang nang malaki ang bagong mga ina at ama. Mangyari pa, dapat kilalanin ng mga lolo’t lola na nasa kamay ng kabataang mga magulang ang huling desisyon.c
Ang isa pa na kadalasang maaaring hingan ng tulong ng kabataang mga magulang ay ang mga kapananampalataya nila. Sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, makasusumpong ka ng mga tao na maraming taon nang may karanasan sa pagpapalaki ng anak at handang makinig sa iyong mga problema. Maaari silang magbigay ng ilang nakatutulong na mga mungkahi. Kadalasan, maaari kang humingi ng tulong sa “matatandang babae”—gaya ng tawag ng Bibliya sa mga taong mas maraming karanasan sa Kristiyanong pamumuhay—na handang tumulong sa mas nakababatang mga babae.—Tito 2:3-5.
Totoo, kailangang maging mapamili ang mga magulang kapag nakikinig sa mga opinyon ng iba. “Parang biglang naging mga eksperto sa pag-aalaga ng bata ang mga taong nakapalibot sa amin,” ang sabi ni Yoichiro. Ang kaniyang maybahay, si Takako, ay umamin: “Noong una, hindi ko nagustuhan ang mga mungkahing ibinigay ng iba, dahil pakiramdam ko’y pinupuna nila ang kawalang-karanasan ko bilang isang magulang.” Subalit, sa pamamagitan ng pagkatuto sa iba, maraming mag-asawa ang natulungang magkaroon ng timbang na pangmalas sa paglalaan ng kailangan ng kanilang mga anak.
Ang Pinakamabuting Tulong na Makukuha
Kahit na parang wala ka nang mahihingan ng tulong, may isang mapananaligan at mapagkukunan ng lakas. Ang Diyos na Jehova iyon, ang isa na lumalang sa atin, ang isa na nakakakita ‘maging ng pagkabinhi’ ng mga isinilang sa lupa. (Awit 139:16) Sinabi minsan ni Jehova sa kaniyang bayan noong sinaunang panahon, gaya ng nakaulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.”—Isaias 49:15; Awit 27:10.
Tunay nga, hindi nalilimutan ni Jehova ang mga magulang. Sa Bibliya, binigyan niya sila ng mahuhusay na panuntunan sa pagpapalaki ng mga anak. Halimbawa, mga 3,500 taon na ang nakalilipas, sumulat ang propeta ng Diyos na si Moises: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” Pagkatapos, sinabi ni Moises: “Ang mga salitang ito [kasali na ang payo na ibigin at paglingkuran si Jehova] na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”—Deuteronomio 6:5-7.
Ano sa tingin mo ang mahalagang punto sa tagubiling ito sa Salita ng Diyos? Hindi ba’t ang pagtuturo sa mga anak ay dapat maging isang regular at patuluyang pamamaraan na ginagawa araw-araw? Ang totoo, hindi sapat ang basta mag-iskedyul ng tinatawag na de-kalidad na panahon paminsan-minsan para sa inyong mga anak. Yamang ang mahahalagang sandali ng pag-uusap ay kadalasang sa di-sinasadyang pagkakataon nangyayari, kailangang lagi kang naririyan para sa iyong mga anak. Sa paggawa ng gayon, magiging posible para sa iyo na tuparin ang utos ng Bibliya: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.”—Kawikaan 22:6.
Kasali sa tamang pagsasanay sa maliliit na anak ang pagbabasa nang malakas sa kanila. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘mula sa pagkasanggol ay alam ng unang-siglong alagad na si Timoteo ang banal na mga kasulatan.’ Kaya maliwanag na ang kaniyang ina, si Eunice, at ang kaniyang lolang si Loida ay nagbabasa nang malakas sa kaniya nang siya’y isang sanggol pa. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Mabuting pasimulang gawin ang bagay na ito sa umpisa pa lamang ng pakikipag-usap mo sa iyong sanggol. Subalit ano ang puwede mong basahin, at paano mo pinakamabuting matuturuan maging ang isang sanggol?
Hayaan mong marinig ka ng iyong anak na nagbabasa ng Bibliya. Maliwanag na iyan ang binasa kay Timoteo. May makukuha ring mga aklat na magbibigay ng kaalaman sa mga bata tungkol sa Bibliya sa pamamagitan ng makukulay na larawan. Makatutulong ang mga ito sa isang bata para talagang mailarawan sa isipan niya ang mga bagay na itinuturo ng Bibliya. Halimbawa, nariyan Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Sa pamamagitan ng gayong mga aklat, naikintal sa murang isip at puso ng milyun-milyong maliliit na bata ang mga turo ng Bibliya.
Gaya ng sabi ng Bibliya, “ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala.” (Awit 127:3) Ipinagkatiwala sa iyo ng iyong Maylalang ang isang “mana,” isang kaibig-ibig na sanggol, na maaaring ipagmalaki at pagmulan ng kagalakan. Ang pagpapalaki ng mga anak, lalo na para maging mga tagapuri ng kanilang Maylalang, ay talagang isang kasiya-siyang karera!
[Mga talababa]
a Hindi lamang ang mga hormon sa kaigtingan kundi ang nikotina, alkohol, at iba pang droga rin naman ay maaaring magdulot ng masasamang epekto sa di-pa-naisisilang na sanggol. Makabubuting iwasan ng mga nagdadalang-tao ang anumang mapanganib na substansiya. Isa pa, mahalagang magpatingin sa doktor tungkol sa masasamang epekto ng iniinom na mga gamot sa di-pa-naisisilang na sanggol.
b Kung ang isang ina ay nakadarama ng matinding kalungkutan at kawalang-pag-asa gayundin ng pagiging malayo ang loob sa sanggol at sa mga taong nakapalibot sa kaniya, baka nakararanas siya ng postpartum depression. Kung iyan ang kalagayan, dapat siyang magpatingin sa kaniyang obstetrician. Pakisuyong tingnan ang Gumising!, Hulyo 22, 2002, pahina 19-23 at Hunyo 8, 2003, pahina 21-3.
c Pakisuyong basahin ang artikulong “Mga Lolo’t Lola—Ang Kanilang Kagalakan at ang mga Hamon sa Kanila,” sa Marso 22, 1999, labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 8]
Napakahalaga ng damdamin ng isang ina sa kaniyang di-pa-naisisilang na sanggol
[Larawan sa pahina 9]
Bagaman maaaring maranasan ng isang bagong ina ang pabagu-bagong damdamin pagkapanganak, malaki ang magagawa niya para madama ng kaniyang sanggol na siya ay minamahal at panatag
[Larawan sa pahina 10]
May pananagutan ang mga ama sa pag-aaruga ng bata
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagbabasa sa bata ay dapat magsimula sa pagkasanggol