Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/8 p. 15-17
  • Isang Di-malilimutang Pagbisita sa Ngorongoro Crater

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Di-malilimutang Pagbisita sa Ngorongoro Crater
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Makapigil-Hiningang Tanawin
  • Buhay-Iláng sa Bunganga ng Bulkan
  • Isang Pagtatagpo Noong Gabi sa Tanzania
    Gumising!—1995
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • “Lumikas Na Ngayon!”
    Gumising!—1987
  • Ang Bughaw na Hiyas ng Oregon sa Isang Bulkan
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/8 p. 15-17

Isang Di-malilimutang Pagbisita sa Ngorongoro Crater

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Tanzania

“KUNG kukunan ng mga anghel ng larawan ang Hardin ng Eden, ang kanilang mga larawan ng buhay-iláng ay halos walang magiging pagkakaiba sa makukuhang mga larawan sa Ngorongoro Crater ngayon.” Ganiyan ang isinulat ni Reinhard Künkel sa kaniyang aklat tungkol sa kawili-wiling pasyalang ito sa Tanzania. Ang Ngorongoro Crater ay talagang isang magandang lugar, at may libu-libong maiilap na hayop dito. Samahan mo kami at masiyahan sa tanawin!

Isang Makapigil-Hiningang Tanawin

Matapos magbiyahe nang apat na oras sakay ng kotse sa maalikabok na mga daan, dumating tayo sa wakas sa pinakalabi (rim) ng Ngorongoro Crater. Kitang-kita natin ang kahanga-hangang tanawin mula sa balkonahe ng ating otel. Talagang pambihira ang buong paligid. Tinawag pa nga ito ng mga naturalista na “ikawalong kamangha-manghang gawa ng daigdig,” at kitang-kita natin kung bakit.

Saan ba nagmula ang pangalang Ngorongoro? Walang sinuman ang nakatitiyak. Ayon sa Conservation Corporation of East Africa, sinasabi ng ilan na ang Ngorongoro ay pangalan ng isang Masai na nakatira sa bunganga ng bulkan na gumagawa ng mga kuliling na isinusuot sa baka. Sinasabi naman ng iba na ang pangalan ay nagmula sa isang magiting na grupo ng mga mandirigmang Datogo na tinalo ng mga Masai matapos ang isang digmaan sa bunganga ng bulkan 150 taon na ang nakalilipas. Subalit waring hindi na mahalaga ang pinagmulan ng pangalan nang, walang anu-ano, nakakita tayo ng ilang sebra na nanginginain malapit sa paradahan ng mga sasakyan. Pagsakay natin sa ating sasakyan, nakalapit tayo nang husto sa kanila, pero parang hindi nila tayo napapansin. Nagbiyahe tayo pababa sa sahig ng bunganga ng bulkan para makita ang mas marami pang buhay-iláng.

Ang bunganga ng bulkan ay matatagpuan 2,236 na metro ang taas sa kapantayan ng dagat at ito ang pinakamalaking caldera, o gumuhong bulkan sa buong daigdig na ang bunganga ay nananatiling buo. May sukat itong 19.2 kilometro mula sa magkabilang dulo at may lawak na 304 na kilometro kuwadrado. Habang nakalabas ang ating ulo sa bintana ng kotse para makakuha tayo ng mga larawan, dahan-dahan tayong bumaba nang 610 metro sa loob ng bunganga ng bulkan. Noong nasa pinakalabi pa lamang tayo ng bulkan, ang hangin sa umaga ay malamig at sariwa. Subalit kataka-takang mainit sa loob ng bunganga ng bulkan.

Habang unti-unti tayong inililibot ng ating drayber sa sahig ng bunganga ng bulkan, nadaanan natin ang maliit at maalat na lawa na may maraming flamingo na kulay-rosas. Ang pinakalabi ng bulkan na malayo na ngayon ay kitang-kita mula sa pinakasahig nito dahil sa bughaw na kalangitan, at habang nakikinig tayo sa huni ng mga sebra at mga wildebeest kasama ng iba pang kakaibang tunog, talagang naantig ang ating damdamin. Tunay ngang paraiso ito!

Buhay-Iláng sa Bunganga ng Bulkan

Inaasahan nating makita sa Ngorongoro Crater ang mga bupalo, elepante, sebra, wildebeest, gasela, black rhinoceros, at mga vervet monkey, at hindi naman tayo nabigo. Ang mga maninila kabilang na ang mga cheetah, hayina, chakal, at mga black-maned lion ay gumagala-gala rin. Sa isang maliit na lawa, nagpapalamig ang mga hipopotamus. Tila bale-wala sa kanilang kuhanan sila ng mga larawan.

Biglang nagpreno ang ating drayber! Itinuro niya ang isang tumatawid na black rhinoceros ilang metro lamang sa harapan natin. Waring panatag ang black rhinoceros sa bunganga ng bulkan, at isang pambihirang pagkakataon na makakita ng isa nito nang gayon kalapit sa likas na tirahan nito. Halos malipol na ang nakasisindak na mga hayop na ito; ang populasyon nila sa bunganga ng bulkan ay tinatayang wala pang 20. May nahuli nang ilegal na mga mangangaso rito na pumapatay ng mga rinoseros para lamang kunin ang sungay ng mga ito, na ilegal na ipinagbibili para gawing gamot at puluhan ng patalim. Regular na nagpapatrulya ang mga tanod-gubat sa bunganga ng bulkan para hindi makapasok ang ilegal na mga mangangaso.

Maaasahan ng isang mahilig sa mga ibon na makakita ng iba’t ibang magaganda at may-pakpak na mga nilalang, kabilang na ang mga avestruz, kori bustard, crested crane (tipol), tagak, kandangaok, secretary bird, red-billed oxpecker, at napakaraming pink lesser flamingo. Ang bunganga ng bulkan ay tahanan ng mahigit sa sandaang uri ng ibon na hindi masusumpungan sa kalapít na Serengeti National Park. Nariyan ang mga bearded woodpecker, yellow-breasted apalis, brubrus, at mga paradise flycatcher. Ang rosy-breasted longclaw ay makikita sa talahiban, at nakikita rin maging ang mangilan-ngilang Cape rook.

Bagaman hindi tayo pinapansin ng karamihan sa mga hayop, kailangan nating manatili sa ating sasakyan. Gayunman, ang mga taong Masai, na naninirahan sa tradisyonal na mga kubong gawa sa putik at may bubong na damo, na nasa labas lamang ng bunganga ng bulkan, ay maaaring gumala-gala sa bunganga ng bulkan kasama ang kanilang mga kawan. Waring tinanggap na sila ng mababangis na hayop.

Talagang pambihira at kamangha-mangha ang kagandahan at kapayapaan ng Ngorongoro Crater. Ang ating pagbisita ay isang di-malilimutang karanasan.

[Larawan sa pahina 15]

Rinoseros

[Larawan sa pahina 15]

Mga Masai na tagapag-alaga ng kawan sa gilid ng bunganga ng bulkan

[Larawan sa pahina 15]

Babaing Masai

[Larawan sa pahina 16]

Mga “cheetah”

[Larawan sa pahina 16]

“Crested crane” (tipol)

[Larawan sa pahina 16]

Mga “flamingo”

[Larawan sa pahina 16]

Hipopotamus

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ngorongoro Crater

[Larawan sa pahina 17]

Mga sebra

[Larawan sa pahina 17]

Bupalo

[Larawan sa pahina 17]

Mga elepante

[Larawan sa pahina 17]

“Vervet monkey”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share