Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/8 p. 23-27
  • Mga Sanggol sa Niyebe ng mga Pulo ng Magdalen

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Sanggol sa Niyebe ng mga Pulo ng Magdalen
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Isang Harp Seal?
  • Ang Buhay ng Isang Sanggol na Seal
  • Nagbabago ng Kulay
  • Ang Susunod na mga Yugto ng Buhay ng Sanggol na Harp Seal
  • Aktuwal na Pagtatagpo
  • Ang mga Mediterranean Monk Seal—Mananatili Pa Kayang Buháy ang mga Ito?
    Gumising!—2001
  • Sinaunang mga Pantatak—Ano ang mga Ito?
    Iba Pang Paksa
  • Pantatak, Tatak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Pang-akit ng Pangingisda sa Nagyeyelong Dagat
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/8 p. 23-27

Mga Sanggol sa Niyebe ng mga Pulo ng Magdalen

NALUHA ako habang tinititigan ang mabalahibo at puting nilalang na nasa harapan ko mismo. Dalawampung taon ko na itong pinangarap, at hindi ako makapaniwala na naroroon na nga ako, nakahiga sa yelo na ilang sentimetro lamang ang layo mula sa munting mukha ng isang harp seal! Samantalang tinititigan ko ang napakaitim na mga mata nito​—nangatog ako​—​hindi dahil sa yelo kundi dahil sa matinding pananabik. Gusto kong masdan ang bawat pagkurap, paghinga, at pagkislot ng mga bigote ng munting seal na ito sa harapan ko.

Ang aming grupo sa pamamasyal ay naglakbay nang 100 kilometro patungo sa isang napakalaki at napakalapad na tipak ng yelong nakalutang sa tubig sa gitna ng Gulpo ng St. Lawrence, sa pagitan ng Newfoundland at ng pangunahing bahagi ng Canada. Sakay ng eroplano, kaming mag-asawa ay nagtungo sa mga Pulo ng Magdalen, malapit sa lugar kung saan nanganganak ang pinakamalaking kawan ng mga harp seal. Tiniyak sa amin ng aming mga giya na hindi matatakot ang mga sanggol na seal sa suot naming makakapal na damit na kulay matingkad na kahel.

Ano ba ang Isang Harp Seal?

Ang mga harp seal ay mga pinniped, kaya may malalapad itong palikpik. Harp seal ang ipinangalan dito dahil sa naiibang hugis-alpang batik sa likod ng mga nasa hustong gulang.

Ang mga harp seal ay mga mamalya, kaya lumalanghap sila ng hangin, nagsisilang ng sanggol, at nagpapasuso ng kanilang maliliit na anak. Ginugugol nila ang kalakhang bahagi ng kanilang panahon sa napakalamig na katubigan ng Hilagang Atlantiko. Subalit kayang-kaya ng matitibay na seal na ito na mabuhay sa kanilang mayelong tirahan. Ang nasa hustong gulang na mga seal ay may katamtamang timbang na 135 kilo at ang haba nito ay umaabot nang mga 1.6 metro.

Ginagamit ng mga harp seal ang kanilang mga palikpik sa harap na may matutulis na kuko upang makausad sa ibabaw ng yelo at makagawa ng mga butas dito na kanila namang kinakapitan kapag kailangan nilang lumanghap ng hangin. Ang kanilang mga palikpik sa likod ay mas malalaki kaysa sa mga palikpik nila sa harap at pangunahin nang ginagamit sa pagsikad sa tubig. Ang mga nilalang na ito sa dagat ay napakabilis kumilos sa tubig anupat makapaglalakbay nang hanggang 8,000 kilometro sa loob ng isang taon.

Walang panlabas na mga tainga ang mga seal kundi isang maliit na butas lamang sa magkabilang gilid ng kanilang ulo. Sumasara ang mga ito kapag sumisisid sila sa tubig. Matalas ang pandinig ng mga harp seal. Natutunton nila ang pinagmumulan ng tunog kahit nasa ilalim ng tubig​—isang bagay na hindi kayang gawin ng mga tao!

Malalaki ang mata ng mga harp seal, kaya naman maalwan silang nakakakita bagaman madilim sa ilalim ng tubig. Kapag tinamaan ng matinding liwanag ang mga suson ng yelo, pinaliliit ng mga ito ang balintataw ng kanilang mga mata upang hindi sila masilaw.

Ang Buhay ng Isang Sanggol na Seal

Ang mga babaing seal sa kawan na pinagmasdan namin ay nagbuhat pa sa Greenland at namaybay sa Hilagang Canada upang magsilang. Ang napili nilang lokasyon sa lumulutang na yelo ay nagsisilbing proteksiyon nila laban sa mga maninila. Napakabilis nilang manganak, kadalasan ay sa loob lamang ng isang minuto! Baka hindi mo pa naihahanda ang iyong kamera ay pinagmamasdan ka na ng bagong-silang na seal! Kara-karaka pagkapanganak, babaling ang ina sa kaniyang bagong silang at idadaiti ang ilong niya sa ilong ng sanggol na seal. Tinatandaan niya ang naiibang amoy at tunog ng kaniyang sanggol. Pagkatapos nito, pasususuhin na niya ang sanggol na seal​—at tanging ito lamang​—​sa loob ng mga dalawang linggo.

Maghahanap agad ng gatas ang mga sanggol na harp seal mula sa kanilang ina. Kapag nagutom, uungol ang mga ito na parang umiiyak, “Ma, Ma.” Pagkasuso, sumisiksik ang mga ito sa makikitid na bitak sa niyebe o yelo upang umidlip. Dahil natutulog ito sa iisang lugar lamang, bumabakat doon ang hubog ng kanilang katawan at nagiging parang kuna na gawa sa yelo.

Pagkasilang, karaniwan nang tumitimbang ang mga harp seal ng 10 kilo at mga 90 sentimetro ang haba nito. Sa pasimula, walang taba ang mga ito na magsasanggalang sa kanila sa lamig, subalit mabilis na nagbabago ang kalagayang ito! Sa unang 12 araw o higit pa, nadaragdagan ng isa hanggang dalawang kilo bawat araw ang timbang ng mga harp seal. Mabilis ang kanilang paglaki dahil sa masustansiyang gatas ng kanilang ina, na hanggang 50 porsiyento nito ay taba.a Wala pang dalawang linggo, magugulat ka dahil 35 kilo na ang timbang ng isang sanggol na seal!

Nagbabago ng Kulay

Madaling tantiyahin ang edad ng isang sanggol na harp seal batay sa kulay ng balahibo nito. Sa pagtatapos ng unang araw ng pagsilang nito, natutuyo at lumilitaw ang napakalambot na balahibo ng bagong-silang na mga seal. Madilaw ang kulay nito dahil sa amniotic fluid subalit kumukupas din kapag nabilad ito sa araw sa loob ng tatlo o apat na araw. Pagkalipas ng dalawang linggo, umaalis na ang inang seal at hindi na muling babalik.

Uungol ang mga sanggol na seal, subalit walang papansin sa kanilang pag-iyak. Upang maginhawahan, kung minsan ay nagsisigapang at nagsasama-sama sa yelo ang maliliit na grupo ng mga sanggol na seal. Sa kalaunan, nagkakaroon sila ng abuhing mga batik sa kanilang puting balahibo. Sa ika-12 hanggang ika-21 araw, nagiging abuhin ang kanilang kulay, at pagkatapos ng kanilang unang buwan, ang lahat ng kanilang malambot at maputing balahibo ay nalagas at napalitan na ng makintab at abuhing balahibo na di-tinatagos ng tubig.

Ang Susunod na mga Yugto ng Buhay ng Sanggol na Harp Seal

Nabubuhay ang mga sanggol na harp seal sa pamamagitan ng pagkonsumo sa sarili nitong taba hanggang sa magutom sila at mapilitang lumusong sa tubig upang maghanap ng pagkain. Subalit paglusong nila sa tubig, aba, hindi lumulubog ang kanilang matabang katawan! Kusa nilang ikinakampay ang kanilang maliliit na palikpik, na parang nagtatampisaw sa ibabaw ng tubig. Pinatitibay nito ang kanilang mga bisig para sa paglangoy. Kasabay nito, nasusunog ang sobra nilang taba hanggang sa makaya na nilang sumisid sa tubig. Masasapatan na ngayon ang pananabik nila sa pagkain sapagkat ang katubigan ay sagana sa krill, gayundin sa capelin at iba pang maliliit na isda.

Sa edad na isang taon, muling nagpapalit ng balahibo ang mga seal. Pagsapit nang ikatlo hanggang ikapitong taon, handa na silang magparami, at madali na silang makilala dahil sa hugis-alpang batik sa kanilang likod. Maaaring mabuhay nang hanggang 35 taon ang harp seal.

Aktuwal na Pagtatagpo

Pagkatapos naming magsuot ng angkop na mga kasuutan at tiyaking may dala kaming mga warmer pack upang mapanatiling mainit ang aming mga paa’t kamay, sumakay na kaming 17 sa helikopter at naglakbay nang 80 kilometro. Sa ibaba, ang nakikita lamang namin sa lahat ng direksiyon ay ang mga suson ng yelo na kumukutitap sa kaputian at ang asul na kalangitan sa malayo. Sa wakas, lumapag na kami sa nagyeyelong dagat. Isinuot namin ang aming mga sapatos na may mga ngiping metal sa suwelas at sinikap naming huwag lumikha ng ingay samantalang naglalakad sa yelo. Hayun! Katabi ng inang seal ang isang sanggol sa niyebe na may dilaw na balahibo! Mukha itong malaki at mabalahibong higad na nagsisikap umalinsabay sa usad ng kaniyang ina. Hangang-hanga talaga ako!

Humiga ako sa yelo, dahil baka isipin ng seal na isa akong polar bear. Maaaring napakabagsik ng mga inang seal, kaya nagmasid lamang ako at naghintay hanggang sa bumaba ito sa isang butas sa yelo. Ang anak nito, na pinanganlan kong Sadie, ay tahimik na natutulog mga anim na metro ang layo sa akin. Gumapang ako papalapit sa kaniya. Unti-unti itong dumilat.

Ngayon, nakatitig na nang husto sa akin si Sadie. Hindi ako gumagalaw. Biglang-bigla, gustong magsiyasat ni Sadie! Hindi ko akalain na makagagapang siya patungo sa akin nang gayon kabilis. Tila palaki nang palaki ito samantalang papalapit sa akin, pero makikita sa kaniyang balahibo na dalawa o tatlong araw pa lamang ang edad nito. Huminto si Sadie nang ilang sentimetro na lamang ang layo niya sa akin at dahan-dahan siyang kumawag-kawag samantalang pinakikibot ang kaniyang maliit na ilong. Naririnig ko pa nga ang kaniyang pagsinghot. Lumapit siya sa akin at marahang idiniit ang kaniyang basang ilong sa aking mukha at leeg!

Hindi ako makapaniwala nang ang maliit at kaakit-akit na sanggol na ito ay dumantay sa akin at matulog sa tabi ko! Pinahintulutan pa nga niya ako na marahang ipatong ang aking kamay sa ibabaw ng kaniyang katawan. Nakausli sa pagitan ng mga daliri ko ang malalambot at maiiksi niyang balahibo. Hindi ko inaasahan na gayon pala kainit ang kaniyang katawan. Hinaplos at niyakap ko si Sadie hanggang sa oras na upang sumakay kami sa helikopter at umuwi. Hindi kumilos si Sadie habang tahimik akong tumatayo.

Halos mapaiyak ako habang papaalis, anupat humahanga at tahimik na nagpapasalamat sa ating Diyos, si Jehova, sa paglalang niya sa maliit at nakatutuwang nilalang na ito. Isang pambihirang karanasan ang makatagpo at makalapit sa isang sanggol na harp seal. Ipinaalaala sa akin ng karanasang ito ang mga sinabi ng salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. . . . Kung tungkol sa dagat na ito na napakalaki at napakaluwang, doon ay may mga bagay na gumagala na walang bilang, mga nilalang na buháy, maliliit at malalaki.” (Awit 104:24, 25)​—Ipinadala.

[Talababa]

a Bilang paghahambing, ang gatas ng baka ay 4 na porsiyentong taba.

[Kahon sa pahina 26]

Alam Mo Ba?

◼ Kapag may malalakas na bagyo o mahihirap na kalagayan sa nagyeyelong mga lugar, kayang ipagpaliban ng mga babaing harp seal ang kanilang panganganak sa loob ng ilang araw habang naghahanap ng angkop na lugar.

◼ Kayang sumisid ng mga harp seal sa lalim na 240 metro at makatagal sa ilalim ng tubig sa loob ng 30 minuto.

◼ Maaaring matulog ang mga seal sa ilalim ng tubig. Tuwing lima hanggang sampung minuto, inilalabas ng mga ito ang kanilang ulo sa ibabaw ng tubig upang huminga. Pagkatapos, muling lumulubog ang mga ito​—nang hindi nagigising!

[Kahon sa pahina 27]

Pagkaantala sa Pagpupunla ng Binhi

“Maliban sa loob ng tatlong linggo,” ang sabi ng aklat na Seasons of the Seal, “ang isang babaing harp seal na nasa hustong gulang ay palaging buntis sa buong santaon. Ang aktuwal na pagbubuntis nito ay tumatagal nang pito at kalahating buwan.” Paano ito nangyayari? “Pagkatapos maglihi,” ang paliwanag ng aklat, “ang pertilisadong ovum [selulang itlog] nito ay naghahati, paulit-ulit na naghahati, at pagkatapos ay hihinto. Ang blastocyst, na mas maliit pa kaysa sa ulo ng aspile, ay tumitigil sa paglaki. Ang maliit at buháy na partikulang ito ay pansamantalang humihinto sa paglaki at lumulutang sa sinapupunan ng kaniyang ina. Pagkalipas ng 11 linggo, kakapit na ang blastocyst sa pinakasapin ng matris at magpapatuloy sa paglaki.” Ano ang maliwanag na dahilan ng pagkaantalang ito ng pagpupunla ng binhi? “Mahalaga na magsilang siya nang halos eksaktong tig-iisang taon ang pagitan upang mapataon ang panganganak sa panahong sapat na ang lawak at kapal ng yelo kung saan ito manganganak.”

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CANADA

[Credit Line]

Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 23]

Larawan ng mga Pulo ng Magdalen mula sa satelayt

[Credit Line]

NASA JSC

[Larawan sa pahina 24]

Dilaw na balahibo

[Larawan sa pahina 24]

Puting balahibo

[Larawan sa pahina 25]

Gusut-gusot na balahibo

[Credit Line]

© IFAW/David White

[Larawan sa pahina 25]

Ikinakampay ang mga palikpik

[Credit Line]

© IFAW

[Larawan sa pahina 26]

Isang sanggol na “harp seal” kasama ang ina nito

[Credit Line]

© IFAW/Igor Gavrilov

[Larawan sa pahina 26]

Isang nasa hustong gulang na “harp seal” na lumalangoy sa ilalim ng makapal na suson ng yelo

[Credit Line]

© IFAW

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share