Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagdurusa Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Tayo Hinahayaan ng Diyos na Magdusa?” (Marso 22, 2004) Ako po ay 14 na taóng gulang, at kamamatay lamang ng dalawang tao na malapít sa akin—ang aking lolo at tiyahin. Alam kong hindi dapat sisihin ang Diyos sa pagkamatay nila. Si Satanas ang dapat sisihin, at maikli na lamang ang panahong natitira sa kaniya. Talagang naaliw po ako sa artikulong ito. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang pagsulat ng gayong mga artikulo. Salamat po uli mula sa kaibuturan ng aking puso.
B. B., Estados Unidos
Kamakailan, namatay sa isang aksidente sa sasakyan ang babaing pakakasalan ko. Napakasakit na trahedya ito—para sa akin, sa kongregasyon, at lalo na sa kaniyang mga magulang. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagtulong niya sa akin na mapagtagumpayan ang aking matinding pagdadalamhati. At salamat sa inyo sa artikulong “Bakit Tayo Hinahayaan ng Diyos na Magdusa?” Tamang-tama ang pagdating nito.
I. D., Alemanya
Noong una, ayaw kong basahin ang artikulong ito. Akala ko’y nakapanlulumo ang nilalaman nito. Dalawang taon na ang nakalilipas, namatay ang aking kuya dahil sa isang sakit, at taglay ko pa rin ang mga pilat sa damdamin na dulot nito. Pero ipinaalaala sa akin ng artikulo na si Jehova ang Tagapagbigay ng mabubuting bagay. Nadama kong mabilis na naghihilom ang aking mga pilat sa damdamin, at nagkaroon ako ng lakas ng loob na patuloy na mabuhay sa mabuway na daigdig na ito.
S. H., Hapon
Asukal Sinabi sa akin ng ilang tao na ang artikulong “Ang mga Asukal ng Buhay” (Marso 22, 2004) ay waring nagtataguyod ng isang kilaláng produktong pangkalusugan na siyang lunas daw sa mga karamdaman, pati na sa kanser. Hindi ako tumututol sa inyong artikulo pero nababahala ako sa mga taong gumagamit nito upang kumita o itaguyod ang kanilang mga ideya.
P. K., Australia
Sagot ng “Gumising!”: Iniulat lamang ng artikulong “Ang mga Asukal ng Buhay” ang mga natuklasan ng mga biyologo hinggil sa kahalagahan ng asukal sa kalusugan. Hinding-hindi ito nilayon upang itaguyod ang isang partikular na produkto. Kapag nag-uulat hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa kalusugan, hindi inirerekomenda ng “Gumising!” sa mga mambabasa nito ang anumang partikular na panggagamot. Nakadepende sa bawat Kristiyano na tiyaking nababanaag ang katinuan ng pag-iisip sa anumang teraping susundin nila at na hindi ito sumasalungat sa mga simulain ng Bibliya.
Lactose Intolerance Mga ilang taon ko nang nararanasan ang mga sintomas na binanggit sa artikulong “Pag-unawa sa Lactose Intolerance.” (Marso 22, 2004) Dahil dito, nagpasuri ako sa pamamagitan ng hydrogen breath test, na nagpahiwatig na ako nga ay lactose intolerant. Nang ipakita ko ang artikulo sa aking espesyalista, sinabi niyang napakahusay ng pagkakasaliksik dito, at pinasigla niya akong pasalamatan kayo sa pagsulat ng gayon kagandang artikulo. Wala siyang natatandaang pagkakataon na nakapagbasa siya ng Gumising!
E. S., Alemanya
Labis na Pag-inom Salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Talaga Bang Masama ang Labis na Pag-inom?” (Marso 8, 2004) Ngayon ko lang natanto na ang paggamit ko ng alkohol ang siyang dahilan ng di-pagkakasundo naming mag-asawa, at natanto ko rin na winaldas ko ang napakaraming pera dahil sa alkohol. Sa ngayon, unti-unti nang dumadalang ang aking pag-inom.
G. K., Tanzania
Mga Crossword Puzzle Natutuwa akong sagutan ang mga crossword puzzle na inilalathala sa Gumising! Nakapagtuturo ang mga ito. Noong una, madalas ko pang binubuksan ang Bibliya upang makuha ang tamang salita. Ngayon ay bihira ko nang gawin ito. Resulta ito ng aking programa ng pag-aaral sa Bibliya. At ang mga crossword puzzle ang nagpasigla sa akin na personal na mag-aral ng Bibliya!
W. K., Poland
Sagot ng “Gumising!”: Ang “crossword puzzle” na lumilitaw sa “Awake!” ay hinahalinhan ng maikling pagsusulit sa Bibliya na pinamagatang “Alam Mo Ba?” sa ilang wikang edisyon.