Mga Doktor na Dumaranas ng Kaigtingan
“Isang mag-asawa ang pumunta sa akin na umaasang matutulungan ko ang kanilang bagong-silang na anak. Nang suriin ko ang sanggol, nanlambot ako. Wala nang lunas ang karamdaman niya. Maguguniguni mo kaya ang aking nadarama habang sinasabi ko sa baguhang mga magulang na ito na hindi na kailanman makakakita ang kanilang anak? Lumung-lumo ako nang pauwiin ko sila. Pero pagkalipas ng ilang sandali, heto na ang aking susunod na pasyente na dapat kong salubungin ng ngiti! Ito ang nagpapahirap sa akin.”—Siruhano sa mata sa Timog Amerika.
BIBIHIRANG pasyente ang pupunta sa mga klinika para isaalang-alang ang mga problema ng kanilang doktor. Walang nasa isip ang pasyente kundi kung paano siya matutulungan. Kaya naman, iilan lamang ang nakapag-iisip-isip kung gaano nga ba kaigting ang buhay ng mga doktor.
Mangyari pa, ang lahat ay napapaharap sa kaigtingan, at hindi lamang naman ang panggagamot ang maigting na trabaho. Subalit, yamang sa paanuman ay sangkot tayong lahat sa ugnayang doktor at pasyente, mahalagang maunawaan natin ang maigting na buhay ng mga doktor at ang maaaring maging epekto nito sa kanila.
Nagsisimula na agad ang kaigtingan sa buhay ng mga doktor sa pagsisikap pa lamang na makapasok sa isang paaralan sa medisina. Pero kapag nagsimula na ang pagsasanay sa medisina, karaniwan nang nagdudulot ito ng pagkasindak. Pasimula na ito ng isang prosesong magpapabago sa damdamin ng estudyante sa medisina, sa kaniya mismong pagkatao.
Pagsasanay sa Medisina—Nakasisindak na Karanasan
Ang unang pagpunta sa nakatatakot na dissecting room ay maaaring sa unang linggo pa lamang ng pag-aaral sa medisina. Maaaring noon lamang nakakita ng bangkay ang karamihan sa mga estudyante. Nakaririmarim na makita ang hubad at tuyot na mga bangkay na hindi lamang miminsang hiniwa upang makita ang anatomiya nito. Kailangang matutuhan ng mga estudyante ang mga estratehiya upang mapaglabanan ang kanilang emosyon. Kadalasan nang dinadaan na lamang nila sa biro, anupat binibigyan nila ng katawa-tawang pangalan ang bawat bangkay. Ang waring nakapangingilabot na pagkamanhid at kawalan ng pagpapakundangan sa ibang tao ay kailangan para sa mga estudyanteng nagsisikap na ipagwalang-bahala ang dating pagkatao ng bangkay.
Kasunod nito ay ang pagsasanay sa pagtingin mismo sa mga pasyente sa isang ospital. Maaaring wala pa sa isip ng marami ang kaiklian ng buhay hangga’t hindi pa sila sumasapit sa katanghaliang gulang. Pero sa kanilang kabataan, nakikita mismo ng mga estudyante sa medisina ang di-mapagaling na karamdaman at kamatayan. Inilarawan ng isa ang kaniyang unang karanasan sa ospital bilang “nakapandidiri at nakaririmarim.” Nasisindak din ang mga estudyante sa mayayaman at mahihirap na bansa kapag nalaman nila sa unang pagkakataon kung gaano kadalas tanggihang gamutin ang mga pasyente dahil sa kawalan ng sapat na pambayad.
Paano kaya hinaharap ng mga baguhang doktor ang kaigtingan? Kadalasan nang inilalayo ng mga kawani ng medisina ang kanilang sarili sa mga pasyente sa pamamagitan ng pagtalikod sa makataong damdamin. Sa halip na tukuyin ang tao na kailangang asikasuhin, sinasabi ng kawani, “Doktor, mayroon pong nabaling buto sa cubicle two.” Parang katawa-tawa kung hindi mo nauunawaan ang dahilan ng ganitong deskripsiyon.
Pagkapagod Dahil sa Habag
Sinasanay ang mga doktor bilang mga siyentipiko, pero para sa marami ang mas malaking bahagi ng trabaho nila ay ang pakikipag-usap sa mga pasyente. Nadarama ng ilang doktor na hindi sila handa sa emosyonal na ugnayang doktor at pasyente. Gaya ng binanggit sa pambungad, ang isa sa pinakamahirap na situwasyon ng doktor ay ang pagsisiwalat ng masamang balita. Kailangang gawin ito ng ilang doktor araw-araw. Karaniwan nang inihihinga ng mga taong nasa panganib ang kanilang pagdadalamhati, at inaasahang makikinig ang mga doktor. Nakapanlalambot ang makitungo sa mga taong nababagabag at natatakot anupat may ilang doktor na nasasagad na at dumaranas ng tinatawag ngayong pagkapagod dahil sa habag.
Sa paggunita sa kaniyang mga unang taon, isang doktor ng pamilya sa Canada ang sumulat: “Tambak ang aking trabaho: mga taong nangangailangan na humihiling ng panahon ko; mga taong naguguluhan na gustong ihinga ang kanilang pagkabagabag; mga taong may karamdaman na kailangan kong gamutin; mga taong mapaggiit at mapaghanap; mga taong pumupunta sa akin para magpatingin; mga taong nagpupumilit na puntahan ko sila; mga taong tumatawag sa telepono sa aming bahay mismo—at sa kuwarto ko pa nga. Mga tao, mga tao, mga tao. Gusto ko sanang makatulong, pero isa itong kahibangan.”—A Doctor’s Dilemma, ni John W. Holland.
Naiibsan ba ang kaigtingan sa paglipas ng mga taon? Karaniwan nang habang tumatagal, lalong lumalaki ang responsibilidad. Madalas na kailangang magpasiya agad, marahil batay sa kulang-kulang na impormasyon, gayong ang sangkot dito’y buhay at kamatayan. “Noong bata pa ako, bale-wala ito sa akin,” ang paliwanag ng isang doktor na Britano, “kung paanong bale-wala sa mga kabataan ang mapanganib na pagmamaneho. Pero habang nagkakaedad ka, nagiging mas mahalaga sa iyo ang buhay. Mas nag-aalala ako ngayon sa mga desisyon sa paggamot kaysa noon.”
Paano naaapektuhan ng kaigtingan ang mga doktor? Ang kaugalian ng paglalayo ng sarili sa mga pasyente ay maaaring madala hanggang sa pamilya. Isang hamon ang pag-iwas sa tendensiyang ito. May mga doktor na buong-habag na tumutulong sa mga pasyente udyok ng kanilang damdamin. Pero hanggang saan kaya nila ito magagawa nang hindi dumaranas ng tinatawag na pagkapagod dahil sa habag? Ito ang problema ng mga doktor.
Pagharap sa mga Pasyenteng Mahirap Pakitunguhan
Kapag tinatanong tungkol sa kaigtingan ng ugnayang doktor at pasyente, madalas na nababanggit agad ng mga doktor ang mga pasyenteng mahirap pakitunguhan. Marahil ay makikilala mo ang ilan sa sumusunod na mga uring ito.
Una, nariyan ang uri ng pasyente na sinasayang ang oras ng mga doktor dahil sa pagpapaliguy-ligoy na hindi naman matukoy ni maipaliwanag kung ano ang problema niya. Pagkatapos, nariyan ang pasyenteng mapaghanap na tawag nang tawag sa doktor sa gabi o sa dulo ng sanlinggo para lamang sa pangkaraniwang mga konsultasyon o para lamang ipilit ang panggagamot na hindi inirerekomenda ng doktor. Nariyan din ang pasyenteng walang tiwala. May mga taong nagsasaliksik ng kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa kanilang sakit, marahil sa Internet, at nakatutulong naman ito. Subalit ang gayong pananaliksik ay posibleng humantong sa pagkawala ng tiwala sa doktor na kinonsulta niya. Maaaring wala nang panahon ang isang doktor na pagtalunan pa ang mga bentaha at disbentaha ng bawat bagay na natuklasan mo sa pananaliksik. Napakahirap para sa isang doktor kapag hindi na niya mapasunod ang kaniyang pasyente dahil sa kawalan ng tiwala. Pinakahuli, nariyan ang pasyenteng walang tiyaga. Hindi na niya itinutuloy ang gamutan bago pa man magkabisa ito, at marahil ay magpapatingin na naman sa iba.
Gayunman, sa ilang bahagi ng daigdig, ang pangunahing pinagmumulan ng kaigtingan ng mga doktor ay hindi ang pasyente kundi ang abogado.
Depensibong Panggagamot
Iniuulat ng maraming bansa ang biglang pagtaas ng bilang ng pagdedemanda sa mga doktor dahil sa kapabayaan o maling panggagamot. Gumagawa ng walang-basehang paghahabol ang ilang abogado para magpayaman. “Naging dahilan ito upang mauso sa mga doktor ang pagkuha ng mga seguro,” ang paliwanag ng presidente ng American Medical Association. “Ang mga demandahang ito ay humantong din sa iba pang mga problema. Para sa isang doktor, napakalaking pinsala ang maaaring idulot ng walang-katuwirang pagdedemanda—kahihiyan, pag-aaksaya ng panahon, . . . kaigtingan at kabalisahan.” Nagpapatiwakal pa nga ang ilang doktor.
Bunga nito, napipilitan ang maraming doktor na magsagawa ng “depensibong panggagamot,” anupat nagdedesisyon batay sa kung maidedepensa ito sa hukuman sa halip na kung ano ang pinakamabuti para sa pasyente. “Naging tradisyon na ngayon na ibatay ang panggagamot sa kung maidedepensa ng doktor ang kaniyang sarili,” ang sabi ng Physician’s News Digest.
Habang patuloy na dumarami ang panggigipit sa mga doktor, marami sa kanila ang nagtatanong kung ano nga kaya ang kanilang magiging kinabukasan. Ganito rin ang tanong ng maraming pasyente, habang nakikita nila ang pagdami ng mga nagkakasakit sa kabila ng pagsulong ng medisina. Ang susunod na artikulo ay naghaharap ng isang makatotohanang larawan ng kinabukasan kapuwa ng mga doktor at ng mga pasyente.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
PAKIKIPAGTULUNGAN SA IYONG DOKTOR
1. Gawing makabuluhan ang iyong panahon sa pakikipag-usap sa iyong doktor sa pamamagitan ng paghahanda kung paano mo lubos na maipaliliwanag sa maikli ang iyong problema, anupat sinisimulan sa iyong pangunahing ikinababahala
2. Iwasang tumawag sa iyong doktor kung hindi oras ng trabaho para lamang sa pangkaraniwang mga konsultasyon
3. Maging matiyaga. Kailangan ang panahon sa tamang diyagnosis at panggagamot
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
‘NAGDUDULOT NG KASIYAHAN KAHIT ANG ORDINARYONG MGA KASO’
“Napakalaki ng pagkakaiba ng panggagamot dito kaysa sa mas mauunlad na rehiyon. Dito, ang pagkakaroon ng propesyon ay itinuturing na isang paraan ng pagtakas sa kahirapan, kaya naman napakaraming nag-aaral ng medisina. Pero bagaman maraming doktor, kakaunti lamang ang trabaho. Dahil dito, napakababa lamang ng sahod ng mga doktor. Iilan lamang ang may kakayahang magbayad sa doktor para sa pribadong konsultasyon. Nagtatrabaho ako sa isang lumang ospital na tumutulo ang bubong at kulang sa mga kagamitan. Kaming mga tauhan ay binubuo ng dalawang doktor at limang nursing assistant. Naglilingkod kami sa 14,000 pasyente.
“Kung minsan, iniisip ng mga pasyente na hindi ko sila lubusang nasusuri, pero kung 25 pasyente pa ang naghihintay sa iyo, wala ka nang panahon para sa mahahabang konsultasyon. Gayunman, nagdudulot pa rin ng kasiyahan sa akin ang paggamot sa mga pasyente kahit na ordinaryong mga kaso. Halimbawa, madalas na isugod ng mga ina ang kanilang kulang-sa-pagkain at dehydrated na mga anak na may diarrhea. Malamlam ang kanilang mga mata at bakas ang agam-agam sa kanilang mukha. Ipinaliliwanag ko lamang sa ina ang paggamit ng rehydration salt, gamot sa parasito, at mga antibiyotiko. Kapag nagkabisa na ito, nakakakain na uli ang bata. Pagkalipas ng isang linggo, iba na ang hitsura niya—maningning ang mga mata, nakangiti, at malikot na. Ang pag-asang matamasa ang ganitong mga karanasan ay nag-uudyok sa akin upang hangarin na maging isang doktor.
“Mula sa pagkabata, pinangarap ko nang makapanggamot sa mga maysakit. Subalit binago ako ng pagsasanay sa medisina sa isang paraang hindi ko inaasahan. Nakita ko ang pagkamatay ng mga tao dahil sa kakulangan ng kahit maliit na halaga ng salaping kailangan nila upang makaligtas sa kamatayan. Kinailangan kong maging manhid upang hindi ako malungkot. Nang ipakita sa akin mula sa Bibliya ang dahilan ng pagdurusa, noon ko lamang naunawaan ang pagkahabag ng Diyos at nanumbalik ang aking kakayahang madama ang damdamin ng iba. Noon ko naranasang umiyak uli.”
[Mga larawan]
Si Dr. Marco Villegas ay nagtatrabaho sa nakabukod na bayan ng Amazon sa Bolivia