Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/22 p. 16-18
  • Disenyong Yari sa Ginto na Nasa Metal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Disenyong Yari sa Ginto na Nasa Metal
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Damasco Tungo sa Espanya
  • Isang Sining na Nagtatampok ng Pagkakaiba
  • Isang Matrabahong Pamamaraan
  • Toledo—Napakagandang Pagsasama ng mga Kultura ng Edad Medya
    Gumising!—2007
  • Matigas, Subalit Malambot Din
    Gumising!—2001
  • Ang Di-kumukupas na Pang-akit ng Ginto
    Gumising!—2005
  • Ginto—Ang Hiwaga Nito
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/22 p. 16-18

Disenyong Yari sa Ginto na Nasa Metal

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

SI Víctor ay 74 na taóng gulang na at lumabo na ang kaniyang paningin dahil sa di-mabilang na oras ng katititig sa maliliit na bagay. Gayunman, nagniningning ang mga mata niya kapag ipinalalahad sa kaniya ang 50 taóng karanasan niya sa pagkakalupkop ng ginto sa metal. Si Víctor, na nagsimulang matuto ng ganitong kasanayan noong 14 na taóng gulang siya, ay isang bihasang manggagawa sa sining ng damascene.

“Para sa akin, hindi lamang hanapbuhay ang paggawa ng mga bagay na yaring damascene,” ang paliwanag ni Víctor. “Kung minsan ay 24 na oras akong gising, anupat buhos na buhos ang aking pansin sa ginagawa ko.” Habang hinahawakan niya ang gamít na gamít na mga kasangkapan sa kaniyang kapita-pitagang trabaho, mababakás sa kaniyang mukha ang kagalakan kapag inaalaala niya ang paggawa ng namumukod-tanging mga gawang ito ng sining sa buong buhay niya.

Mula sa Damasco Tungo sa Espanya

Ano ba ang damascene? Ito ang pamamaraan ng pagpapalamuti sa metal sa pamamagitan ng pag-ukit o pagkalupkop ng mga disenyong yari sa ginto o pilak. Nasumpungan ng mga arkeologo sa mga libingan sa Ehipto ang ilang bagay na yaring damascene na ginawa pa noong ika-16 na siglo B.C.E.

Bagaman ang unang mga bagay na yaring damascene ay maaaring gawa sa Tsina o Ehipto, ang pangalang damascene ay hango sa sinaunang lunsod ng Damasco. Nakagawa ng gayong pagkagagandang mga bagay ang dalubhasang mga artisano sa kabiserang iyan ng Sirya anupat ang pangalan ng lunsod ay naging singkahulugan ng pamamaraang damascene. Yamang ang Damasco ay nasa mahahalagang sangandaan sa pagitan ng mga lupain sa silangang Mediteraneo at ng mga bansa sa Mesopotamia at Silangan, ito ay naging sentro ng kalakalan. Dahil bantog ito bilang sentro ng komersiyo, iniluwas ang tradisyonal na mga gawang-kamay ng lunsod, tulad ng damascene, sa mga lupaing malayo sa Sirya.

Sa loob lamang ng ilang siglo, lumago sa Europa ang kasanayan sa damascene, at pagsapit ng ika-16 na siglo, ang lunsod ng Toledo sa Espanya ay nakilala bilang pangunahing sentro ng sining na ito. Ang mga espada, baluti, at kalasag sa Toledo, gayundin ang marami pang maseselang bagay, ay pinalamutian ng damascene, anupat natatangi at elegante ang mga ito.

Isang Sining na Nagtatampok ng Pagkakaiba

Itinatampok ng sining ng damascene ng Toledo ang kitang-kitang kintab ng ginto at pilak na ikinalupkop sa itim na itim na metal. Pinagsasama nito ang mga disenyong gaya ng Kufic script (sinaunang mga titik Arabe) at ang mga hugis ng bulaklak at heometriya na karaniwan sa mga kulturang Arabe at Mudejar. Hayaan mong ipasyal ka namin sandali sa Toledo upang malaman mo kung paano naingatan ng mga bihasang manggagawa ang kasanayang ito.

Habang naglalakad-lakad ka sa makikitid at paliku-likong mga kalye ng lumang lunsod ng Toledo, madali mong maguguniguni na para bang dinala ka sa panahon ng edad medya. At di-magtatagal ay matutuklasan mong naingatan ang sining ng damascene. Mapapansin mo na nakadispley sa iskaparate ng maraming tindahan ang sari-saring bagay na yaring damascene, tulad ng mga alpiler, pulseras, himelo, pin sa kurbata, kahon ng pildoras, didal, hikaw, at pampalamuting mga plato. Bukod dito, sa ilang tindahan ay mapanonood mo pa nga ang tradisyonal na mga bihasang manggagawa na may-kasanayang humahawak ng gasinulid na ginto sa isang kamay habang ang kabilang kamay naman ay gumagamit ng bakal na pamukpok upang ikalupkop ang ginto sa isang metal. Ganiyan ikinakalupkop ang gasinulid na ginto sa metal, at iyan ang pangunahing katangian ng gawang-sining ng damascene.

Isang Matrabahong Pamamaraan

Habang papalapit ka, mapapansin mo na ang artisano ay may maraming plantsang metal na iba’t iba ang hugis at sukat. Pagkatapos pumili ng bilog na plantsang metal, inuumpisahan niya ang unang proseso, ang pag-ukit. Nasasangkot dito ang paggurlis sa ibabaw ng metal anupat gumagawa ng pino at paekis-ekis na disenyo ng mga linya, na ginagamit ang burin, isang panghiwang kasangkapan ng tagaukit na gawa sa lubhang pinatigas na asero. Pagkatapos nito, ginagamit niya ang burin upang iguhit ang krokis ng disenyong nais niyang idibuho.

Kapag natapos ang unang hakbang na ito, ilalagay ng bihasang manggagawa ang plantsang metal sa ibabaw ng naa-adjust na patungang kahoy na binalutan ng madagtang substansiya. Ito ang magiging patungan at kutson ng plantsa para sa susunod na proseso.

Ngayon ay pasisimulan na ang proseso ng pagkalupkop. Hawak ang gasinulid na ginto sa isang kamay, marahan itong pupukpukin ng artisano upang kumalupkop sa plantsang metal hanggang sa makumpleto ang buong disenyo. Ang plantsa ay maaaring punô na ngayon ng kaakit-akit na mga markang arabesko, heometrikal na mga hugis, mga ibon, bulaklak, o maging ng malawak na larawan ng lumang lunsod ng Toledo. Pinagsasama ng ilang bihasang manggagawa ang ilan sa mga disenyong ito para makalikha ng kabuuang dibuho.

Ang susunod na hakbang ay ang proseso ng pagpipirme, na nangangailangan ng mas malapad na pamukpok. Sa pamamagitan ng maingat na pagpukpok, pinatitibay ng artisano ang pagkakakalupkop ng gasinulid na ginto sa inukit na ibabaw ng metal.

Pinatitingkad ang masalimuot na mga disenyo sa susunod na hakbang na tinatawag na “bluing.” Inilulubog ang plantsa sa pinaghalong nakapapasong soda at salitre na pinainit nang 800 digri Celsius. Binabago ng prosesong ito ang kemikal na kayarian ng metal at pinaiitim ito nang husto. Kaakit-akit na pinatitingkad ng ibabaw ng metal na ito​—na kasing-itim na ngayon ng itim na telang pelus​—ang nakakalupkop na mga disenyong yari sa ginto na siyang pagkakakilanlan ng sining ng damascene.

Bilang huling hakbang, ang mga disenyong nagpapalamuti sa plantsa ay papaitín ng bihasang manggagawa at saka pakikintabin. Dahil sa pagpapaít, nagiging parang buháy na buháy ang mga dibuhong yari sa ginto. Huhugisan ang lahat ng mumunting detalye, tulad ng mga balahibo ng ibon o ng mga talulot ng bulaklak. Pagkatapos ay pakikintabin ang gawang-sining na ito sa pamamagitan ng isang piraso ng agata, anupat pinaniningning ang kulay ng gasinulid na ginto na litaw na litaw mula sa itim na itim na metal na pinagkakalupkupan nito. Sa wakas, tatambad na ang isang nagniningning na larawan!

Ang namumukod na mga katangian ng sinaunang mga bagay na yaring damascene ay nagbibigay-papuri sa maraming bihasang manggagawa na nagpanatiling buháy sa sinaunang kasanayang ito sa loob ng maraming siglo. Dahil sa kanila, nalulugod tayo ngayon sa magagandang disenyong ito na yari sa ginto at pilak na nasa metal.

[Larawan sa pahina 16]

Pinalamutiang espada na pambukas ng liham

[Larawan sa pahina 17]

Toledo, Espanya

[Larawan sa pahina 17]

Hikaw

[Larawan sa pahina 17]

Palawit

[Larawan sa pahina 17]

Antigong kahon ng alahas

[Mga larawan sa pahina 18]

Pag-ukit

Pagkalupkop

Pagpipirme

“Bluing”

Pagpapaít

Pagpapakintab

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Lahat ng larawan: Agustín Sancho

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Mga sulok ng pahina, palawit, at kahon ng alahas: Agustín Sancho

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share