Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 2/8 p. 7-11
  • Mapagtatagumpayan Mo ang Kaigtingan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagtatagumpayan Mo ang Kaigtingan!
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagharap sa Kaigtingan sa Trabaho
  • Pagbawas sa Pinansiyal na Panggigipit
  • Pag-uusap​—Pumapawi ng Kaigtingan
  • Ang Hamon ng Pag-uusap ng Magulang at Anak
  • Pakikipagtulungan​—Ang Susi sa Pagganap ng mga Gawain sa Bahay
  • Nakatutulong na mga Paraan Upang Maharap ang Kaigtingan
  • Kung Paano Makokontrol ang Stress
    Gumising!—2010
  • Kaigtingan—Mga Sanhi at Epekto Nito
    Gumising!—2005
  • Paano Ko Makakayanan ang Stress sa School?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Kung Paano Mahaharap ang Stress
    Gumising!—2020
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 2/8 p. 7-11

Mapagtatagumpayan Mo ang Kaigtingan!

“TUMITINDI ang pakikipagpunyaging timbangin ang trabaho, pamilya, at iba pang pananagutan sa nakalipas na mga taon.” Iyan ang sinabi ng isang bagong aklat tungkol sa buhay pampamilya. Tunay, nabubuhay tayo sa maigting na mga panahon. Gayunman, hindi ito ipinagtataka ng mga estudyante sa Bibliya sapagkat inihula nito na ito ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”​—2 Timoteo 3:1-5.

“Normal ang kaigtingan,” ang sabi ni Jesús, isang ama ng tatlong anak. “Kaya dapat malaman mo kung paano ito kokontrolin.” Mangyari pa, mas madaling sabihin kaysa gawin ang pagkontrol sa kaigtingan. Gayunpaman, may praktikal na mga mungkahi at simulain sa Bibliya na makatutulong sa iyo.

Pagharap sa Kaigtingan sa Trabaho

Nadaraig ka ba ng kaigtingan, marahil ay dahil sa mga kalagayan sa iyong trabaho? Ang basta pananahimik ay lalo lamang magdudulot sa iyo ng higit na panggigipit. Gaya ng sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 15:22, “nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.”

Inirerekomenda ng mga mananaliksik hinggil sa kaigtingan sa dako ng trabaho ang “pakikipag-usap sa iyong amo hinggil sa iyong problema: kung hindi nila alam na may problema pala, wala silang maitutulong.” Hindi naman ito nangangahulugan ng pagbubulalas ng pagngangalit at pagkasiphayo. “Ang kahinahunan ay nagpapahupa ng malalaking kasalanan,” sabi ng Eclesiastes 10:4. Maging praktikal at mahinahon at iwasan ang komprontasyon. Marahil ay makukumbinsi mo ang iyong amo na mas maraming magagawa kung walang gaanong kaigtingan sa trabaho.

Katulad din ito sa iba pang problema na nauugnay sa kaigtingan, gaya ng mga tensiyon at pakikipag-away sa mga katrabaho. Humanap ng kapaki-pakinabang na mga paraan upang maharap ang gayong mga problema, marahil ay sa pamamagitan ng pananaliksik kung kinakailangan. Maaaring makatulong ang ilang artikulong nailathala na sa babasahing ito.a Kung hindi na malulutas ang situwasyon, baka makabubuting humanap na lamang ng ibang trabaho.

Pagbawas sa Pinansiyal na Panggigipit

May payo rin ang Bibliya na makatutulong sa iyo upang mapagtagumpayan ang pinansiyal na panggigipit. Nagpayo si Jesu-Kristo: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot.” (Mateo 6:25) Paano magiging posible iyon? Sa paglinang ng pagtitiwala na paglalaanan ng Diyos na Jehova ang iyong pangunahing mga pangangailangan. (Mateo 6:33) Ang pangako ng Diyos ay hindi walang-saysay. Milyun-milyong Kristiyano sa ngayon ang napatitibay nito.

Sabihin pa, kailangan mo rin ng “praktikal na karunungan” may kinalaman sa pera. (Kawikaan 2:7; Eclesiastes 7:12) Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:7, 8) Makatotohanan at praktikal ang matutong maging kontento sa kaunting tinatangkilik. Alalahanin si Leandro, na hindi na makalakad at kailangang gumamit ng silyang de-gulong dahil sa isang aksidente. Silang mag-asawa ay gumawa ng mga hakbang upang tipirin ang kanilang pera. Ganito ang paliwanag ni Leandro: “Sinisikap naming magtipid. Halimbawa, kung hindi ginagamit ang ilaw, pinapatay namin ito upang makatipid sa kuryente. Kung tungkol sa kotse, pinaplano namin kung saan kami pupunta at pinagsasabay-sabay namin ang mga lakad para makatipid sa gasolina.”

Matutulungan ng mga magulang ang mga anak na magkaroon ng tamang saloobin. Ganito ang inamin ng anak ni Leandro na si Carmen: “Binibili ko ang anumang magustuhan ko, subalit tinulungan ako ng aking mga magulang na kilalanin kung ano talaga ang kailangan at kung ano ang hindi kailangan. Noong una, mahirap baguhin ang nakasanayan ko na. Subalit natutuhan kong makilala ang pagkakaiba ng mga bagay na gusto ko sa mga bagay na kailangan ko.”

Pag-uusap​—Pumapawi ng Kaigtingan

Ang tahanan ay dapat maging kanlungan mula sa kaigtingan, subalit kadalasang ito ang isa sa pangunahing pinagmumulan ng kaigtingan. Ang dahilan? “Binabanggit ng mga mag-asawang . . . medyo nababagabag, o nag-aaway,” sabi ng aklat na Survival Strategies for Couples, “na ang pinakamadalas na pinagmumulan ng di-pagkakasundo ay ang hindi pag-uusap.”

Matutulungan ng mga simulain sa Bibliya ang mga mag-asawa na mapasulong ang kanilang kakayahang makipag-usap. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita” at na “ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Eclesiastes 3:1, 7; Kawikaan 15:23) Sa pagkaalam nito, maiiwasan mong banggitin ang isang emosyonal na paksa kapag pagód o maigting ang iyong kabiyak. Hindi ba makabubuting maghintay sa tamang panahon​—kapag ang iyong kabiyak ay mas malamang na handang makinig?

Totoo, kung kailangan mong magbata ng mahirap na maghapon sa trabaho, baka hindi madaling maging mahinahon o matiisin. Subalit ano ang maaaring mangyari kung ilalabas natin ang ating mga pagkasiphayo sa pamamagitan ng pagsasalita nang masakit sa ating asawa? Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na “ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Sa kabaligtaran naman, “ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” (Kawikaan 16:24) Maaaring kailanganin ang tunay na determinasyon upang panatilihing walang “mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita” ang pag-uusap ng mag-asawa. (Efeso 4:31) Gayunman, sulit naman ang mga kapakinabangan. Maaaring magbigay ng kaaliwan at suporta sa isa’t isa ang mga mag-asawang nag-uusap. “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan,” ang sabi ng Kawikaan 13:10.b

Ang Hamon ng Pag-uusap ng Magulang at Anak

Isang hamon ang pakikipag-usap sa mga anak​—lalo na kung limitado ang panahon mo. Hinihimok ng Bibliya ang mga magulang na makipag-usap sa kanilang anak sa bawat pagkakataon, gaya ng ‘kapag nakaupo sa bahay at kapag naglalakad sa daan.’ (Deuteronomio 6:6-8) “Dapat humanap ng mga pagkakataon ang isa upang makipag-usap,” ang sabi ni Leandro. “Kapag ako’y nasa kotse kasama ng aking anak na lalaki, sinasamantala ko ang pagkakataong makipag-usap sa kaniya.”

Sabihin pa, hindi madali para sa lahat ng mga magulang na makipag-usap sa kanilang mga anak. Ganito ang inamin ni Alejandra, isang ina ng tatlong anak: “Hindi ako marunong makinig. Naiinis tuloy ako at nakokonsiyensiya dahil kulang kami sa pag-uusap.” Paano ito mapasusulong ng isang magulang? Bilang pasimula, matutong maging “matulin sa pakikinig.” (Santiago 1:19) “Ang matamang pakikinig ang pinakamabisang tulong upang mabawasan ang kaigtingan,” ang sabi ni Dr. Bettie B. Youngs. Dapat mong bigyang-pansin kung paano ka nakikinig. Tingnan mo siya sa mata. Iwasang maliitin ang mga problema ng iyong mga anak. Himukin mo ang iyong mga anak na ipahayag ang kanilang nadarama. Gumamit ng angkop na mga tanong. Ipakita mo nang husto ang iyong pag-ibig at pagtitiwala na gagawin nila ang tama. (2 Tesalonica 3:4) Manalanging kasama ng iyong mga anak.

Nangangailangan ng pagsisikap upang masanay sa mabuting pakikipag-usap. Subalit ang paggawa nito ay makatutulong upang mabawasan ang kaigtingan sa iyong pamilya. Makatutulong ang pag-uusap upang malaman kung dumaranas ng kaigtingan ang iyong mga anak. Mas mabibigyan mo ng matalinong patnubay ang iyong mga anak kung nauunawaan mo ang kanilang damdamin at kalagayan. Pinakahuli, ang mga kabataang pinasiglang ipakipag-usap ang kanilang mga kaigtingan ay malamang na hindi magloko bilang kapahayagan ng kanilang kaigtingan.

Pakikipagtulungan​—Ang Susi sa Pagganap ng mga Gawain sa Bahay

Kapag parehong nagtatrabaho nang sekular ang asawang lalaki at babae, maaaring maging isa pang pinagmumulan ng kaigtingan ang pag-aasikaso sa mga gawain sa bahay. Upang maharap ito ng ilang nagtatrabahong ina, pinasisimple nila ang kanilang mga rutin sa bahay. Maaaring maisip nila na hindi posible o praktikal na maghain ng marangyang mga pagkain. Alalahanin ang payo ni Jesus sa isang babaing naghahanda ng isang marangyang pagkain: “Iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang.” (Lucas 10:42) Kaya, gawing simple ang mga bagay-bagay. Ganito ang iminumungkahi ng aklat na The Single-Parent Family: “Magluto ng nilagang isda o karne at iba pang pagkain na niluluto sa isa lamang kaldero upang mabawasan ang lilinisin.” Oo, mababawasan ang kaigtingan kung gagawin mong simple ang iyong rutin sa bahay.

Gawin mo man ito, maraming bagay pa rin ang kailangang gawin. Ganito ang inamin ng isang nagtatrabahong ina: “Noong bata-bata pa ako, nagagawa ko ang lahat ng bagay. Ngayong nagkakaedad na ako, mas mahirap na. Sinisingil na ako ngayon ng abalang buhay ko noon. Kaya ang pakikipagtulungan ng bawat miyembro ng pamilya ay kapahayagan ng kanilang pagmamalasakit, at nakatutulong ito sa akin na huwag makaranas ng matinding kaigtingan.” Oo, kung makikipagtulungan ang lahat ng miyembro ng pamilya, walang sinuman ang mabibigatan sa pagganap ng mga gawain sa bahay. Ganito ang komento ng isang aklat tungkol sa mga magulang: “Ang pag-aatas sa mga anak ng mga gawain sa bahay ay isa sa pinakamainam na paraan upang tulungan silang . . . magkaroon ng kakayahan. Pinatitibay ng regular na mga gawain sa bahay ang mabubuting kaugalian at saloobin hinggil sa trabaho.” Ang sama-samang pagganap ng mga gawain sa bahay ay nagbibigay rin sa iyo ng pagkakataong gumugol ng panahon na kasama ng iyong mga anak.

Ganito ang sinabi ng kabataang si Julieta: “Nakikita kong nagiginhawahan ang aking nanay kapag kinukuha ko ang ilang trabaho niya. Nagbibigay iyan sa akin ng kaligayahan at nadarama kong ako’y responsable. Tinutulungan ako nitong mapahalagahan ang aming tahanan. Nagkaroon ako ng mainam na pundasyon para sa hinaharap dahil natutuhan kong ganapin ang mga gawain sa bahay.” Ganiyan din ang sinabi ni Mary Carmen: “Mula noong bata pa kami, tinuruan na kami ng mga magulang ko na asikasuhin ang aming sarili. Malaking kapakinabangan ang naidulot nito sa amin.”

Nakatutulong na mga Paraan Upang Maharap ang Kaigtingan

Bahagi na ngayon ng buhay ang kaigtingan; hindi mo maiiwasan ito. Subalit matututuhan mong mapagtagumpayan ito. (Tingnan ang kahon sa pahina 10.) Makatutulong ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, kung nakababalisa sa iyo ang isang situwasyon, tandaan na “may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa isang may-gulang na kaibigan o sa iyong asawa. “Huwag mong kimkimin ito,” ang sabi ng sosyologong si Ronald L. Pitzer. “Ipagtapat mo ang iyong mga nadarama at pangamba sa mahinahon at matinong tao na malamang na makauunawa at magmamalasakit.”

Binabanggit din ng Bibliya ang tungkol sa ‘paggawa ng mabuti sa sariling kaluluwa.’ (Kawikaan 11:17) Oo, tama lamang na asikasuhin mo ang iyong sariling mga pangangailangan. Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Malaki ang magagawa ng paglalaan ng ilang panahon para sa iyong sarili​—kahit na ilang minuto lamang sa umaga upang ikaw ay masiyahan sa pag-inom ng isang tasang kape, magbasa, manalangin, o mapayapang magbulay-bulay.

Makatutulong din ang katamtamang ehersisyo at nakapagpapalusog na pagkain. Ipinaaalaala sa atin ng isang aklat hinggil sa mga magulang: “Kung gugugol ka ng ilan sa iyong mahalagang panahon at lakas para sa iyong sarili, sa diwa, para kang nag-iipon ng lakas na magagamit mo sa panahon ng pangangailangan. . . . Kung palagi mong ginagamit ang iyong lakas, tiyakin mong makapag-iipon kang muli, kung hindi’y baka magkulang ka ng lakas, o aktuwal na maubusan pa nga.”

Bukod pa riyan, tinutulungan ng Bibliya ang isa na magkaroon ng mga katangiang kinakailangan upang mapagtagumpayan ang kaigtingan, gaya ng “kahinahunan ng kalooban,” pagtitiis, at kabaitan. (Galacia 5:22, 23; 1 Timoteo 6:11) Higit pa riyan, nagbibigay ng pag-asa ang Bibliya​—ang pangakong isang dumarating na bagong sanlibutan kung saan lilipas na ang lahat ng bagay na nagdudulot ng kahapisan sa tao! (Apocalipsis 21:1-4) Kaya makabubuting linangin ang kaugaliang basahin ang Bibliya araw-araw. Kung nais mo ng tulong upang mapasimulan ang gayong programa, ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa iyo nang walang bayad.

Hindi ito nangangahulugang hindi dumaranas ng kaigtingan sa buhay ang isang Kristiyano. Subalit sinabi ni Jesus na posibleng iwasan na “mapabigatan ng . . . mga kabalisahan sa buhay.” (Lucas 21:34, 35) Gayundin, kung makikilala mo ang Diyos na Jehova bilang isang kaibigan, maaari siyang maging isang tunay na kanlungan para sa iyo! (Awit 62:8) Matutulungan ka niyang mapagtagumpayan ang mga kaigtingan sa buhay.

[Mga talababa]

a Tingnan ang seryeng “Biktima sa Trabaho​—Ano ang Magagawa Mo?” sa aming isyu ng Mayo 8, 2004.

b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 11]

“Noong bata-bata pa ako, nagagawa ko ang lahat ng bagay. Ngayong nagkakaedad na ako, mas mahirap na. Sinisingil na ako ngayon ng abalang buhay ko noon”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Kung Paano Babawasan ang Kaigtingan

◼ Bigyan ng sapat na pahinga ang iyong katawan bawat araw

◼ Panatilihing makatuwiran ang uri at dami ng iyong pagkain. Iwasan ang pagkain nang labis

◼ Magsagawa ng tama at regular na ehersisyo, gaya ng mabilis na paglalakad

◼ Kung may nakababahala sa iyo, ipakipag-usap ito sa isang kaibigan

◼ Gumugol ng higit na panahon na kasama ng iyong pamilya

◼ Mag-atas o magpatulong sa mga gawain sa bahay

◼ Alamin ang iyong sariling pisikal at emosyonal na mga limitasyon

◼ Magtakda ng makatotohanang mga tunguhin; huwag maging perpeksiyonista

◼ Maging organisado; magkaroon ng isang timbang at makatuwirang iskedyul

◼ Linangin ang Kristiyanong mga katangian na gaya ng kahinahunan at pagtitiis

◼ Maglaan ng ilang panahon para sa iyong sarili

[Larawan sa pahina 7]

Maaaring mabawasan ang kaigtingan sa trabaho kung magalang na ipakikipag-usap mo sa iyong amo ang mga problema

[Larawan sa pahina 8]

Maaaring ipakipag-usap ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga paraan sa pagtitipid ng salapi

[Larawan sa pahina 8]

Bilang isang kabataan, ipakipag-usap ang iyong kaigtingan sa isa na makatutulong sa iyo

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ang lahat ay maaaring tumulong sa bahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share