Maligaya sa “Paggawa Nang Higit Pa”
AYON SA SALAYSAY NI CLAIRE VAVY
BULUBUNDUKIN at may makapal na maulang kagubatan ang isla ng Madagascar, na mga 400 kilometro ang layo mula sa bansang Mozambique, sa Silangang Aprika. Isinilang ako sa silangang bahagi ng isla sa maliit na nayon ng Betoko II. Noong 1987, nang 15 anyos na ako, lumipat ako sa tabing-dagat sa bayan ng Mahanoro upang mag-aral.
Nanirahan ako sa Mahanoro kasama ng aking kuya na si Celestin, na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pagkaraan ng dalawang taon, naging Saksi ako. Determinado ako na lubusang paglingkuran ang Diyos na Jehova hangga’t kaya ko.
Mga Pagsisikap Upang Maabot ang Aking mga Tunguhin
Ang isa sa aking unang mga tunguhin ay tulungan ang aking pamilya na nasa Betoko II, at palagi kong ipinananalangin kay Jehova ang aking hangarin. Subalit nakauuwi lamang ako roon kapag bakasyon sa paaralan. Iyon ay mahirap na paglalakbay na 100 kilometro ang layo. Maaaring lakbayin ang unang 40 kilometro sa pamamagitan ng sasakyang de-motor, ngunit ang natitirang 60 kilometro ay nilalakad lamang dahil ang daan sa bundok ay makitid.
Kailangan kong akyatin ang matatarik na burol, at ang ilang bahagi ng baku-bakong daanan ay kasingkitid lamang ng haba ng aking paa. Kung maaga akong magsisimula sa paglakad hanggang takipsilim, karaniwan nang nakapaglalakbay ako nang 40 kilometro. Nagdadala ako ng mahigit na 15 kilo ng suplay—ang ilan ay sinusunong ko, ang iba naman ay pasan ko sa likod, at ang iba pa ay hawak ko. Ang karamihan sa mga dala ko ay mga literatura sa Bibliya, na ibinabahagi ko sa aking mga kamag-anak at iba pang interesadong tao. Nakilala ako sa rutang iyon bilang “ang isa na napakaraming dala-dalahan.”
Sa simula, sa kabila ng aking kasigasigan, ayaw pakinggan ng aking pamilya ang tungkol sa bago kong mga paniniwala. Subalit di-nagtagal, nagbago sila at nagbangon ng napakaraming tanong anupat kung minsan ay alas dos na ng umaga kami natutulog.
Isang Di-malilimutang Pagdalaw
Noong Disyembre 24, 1990, umuwi ako sa Betoko II upang magbakasyon. Maligaya ang aking pamilya na makita ako, dahil inakala nilang umuwi ako upang magdiwang ng Pasko na kasama nila. Nauwi sa kalungkutan ang kanilang kagalakan nang ipaliwanag ko na hindi ako makasasali sa kanilang pagdiriwang ng Pasko. Nahihiya sila na kailangan pa nilang ipaliwanag ito sa mga kanayon namin, yamang malapít sa isa’t isa ang mga nasa komunidad na ito. Kaya nadama ko na kailangang ako mismo ang magkusang magpaliwanag. Ngunit paano?
Hindi ko tiyak kung ano ang gagawin ko, lalo na’t napakabata ko pa. Inisip ko kung wasto kaya na ipaliwanag ang aking mga paniniwala kapag nagtipon sa simbahan kinabukasan ang mga taganayon. Matagal at taimtim akong nanalangin kay Jehova, anupat nagsumamo ukol sa kaniyang patnubay. Pagkatapos ay tinanong ko ang aking kuya na si Paul, na isang guro noon sa simbahan, “Sa palagay mo ba ay wastong ipaliwanag sa mga nasa simbahan bukas kung bakit hindi ako nagdiriwang ng Pasko?” Isinangguni niya ito sa iba, at sumang-ayon sila sa panukala ko.
Kinabukasan, ipinasundo ako nang matapos ang serbisyo sa simbahan. Matapos manalanging muli kay Jehova, nagdala ako ng mga literatura sa Bibliya. Pagkatapos ng panimulang mga salita, pinasalamatan ko ang lahat sa kanilang bahagi sa pagtulong sa akin na magkaroon ng matinding paggalang sa Bibliya. Ipinaliwanag ko na nagpatuloy ako sa pag-aaral ng Bibliya nang lumipat ako sa bayan. Sinabi ko na natuklasan ko ang maraming katotohanan sa Bibliya na hindi itinuro sa amin noon.
Ginamit ko ang okasyon upang ipaliwanag ang salig-Bibliyang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa (Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4), ang dahilan kung bakit kakaunting tapat mula sa lupa ang dadalhin sa langit (Juan 14:2, 3; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3), at ang turo ng Bibliya na ang mga patay ay walang kabatiran anupat parang natutulog lamang at kung gayon ay hindi naghihirap (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-14, 38-44). Ipinakita ko rin na hindi nagdiwang ng Pasko ang unang mga Kristiyano at na may paganong pinagmulan ang pagdiriwang.
Sa katapusan ng presentasyon, kinilala ng marami sa grupo ang katotohanan ng sinabi ko. Nagbangon pa nga ng karagdagang mga tanong ang ilan. Pagkatapos, ipinakita ko sa kanila ang mga publikasyong dala-dala ko at ipinaliwanag na ang mga ito ay mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi ko na handa akong tumulong sa sinumang gustong mag-aral ng Bibliya. Marami ang tumanggap ng mga kopya ng literatura sa Bibliya.
Nagtaka Ako sa Aking Natuklasan
Isang babae na hindi ko kilala ang lumapit sa akin at nagsabi, “Karelihiyon ninyo ang aking kapatid na babae na nakatira sa ibang nayon.” Nagtaka ako at nagtanong, “Saan?”
“Sa Andranomafana,” ang sagot niya. Mga 30 kilometro ang layo ng nayong iyon mula sa Betoko II.
Sinabi ko sa babae na marahil ay kabilang sa ibang relihiyon ang kaniyang kapatid na babae, yamang magkakakilala ang lahat ng Saksi sa lugar namin. Gayunman, iginiit ng babae na itinuro rin sa kaniya ng kapatid niya ang mismong mga bagay na ipinaliwanag ko nang magpahayag ako sa simbahan. Hiningi ko ang pangalan at adres ng kaniyang kapatid, yamang sabik akong magtungo kaagad sa nayong iyon. Subalit hinimok ako ni Inay na magpalipas muna ng isang araw o higit pa, yamang mahirap ang paglalakbay na iyon, at puro lakad ang gagawin namin. Makalipas ang dalawang araw, naglakbay na kami ng kuya kong si Charles patungong Andranomafana.
Pagdating na pagdating namin doon, tinanong namin ang ilang taganayon, “May mga Saksi ni Jehova ba rito?” Nalungkot ako nang sumagot sila, “Katoliko, Pentecostal, at Independiyente lamang ang mga simbahan sa nayong ito.”
Pagkatapos nito ay sumagot ang isang babae at nagsabi, “Kung mga Saksi ni Jehova ang hinahanap ninyo, marahil ay si Marceline at ang kaniyang pamilya ang hinahanap ninyo.” Iyan mismo ang pangalan ng babaing ipinahahanap sa akin!
Ipinasundo si Marceline. Di-nagtagal at dumating na siya ngunit waring takot siya. Nagtipon sa palibot namin ang lahat ng taganayon, yamang inakala nila na kami ay mga opisyal na pumunta roon upang pagtatanungin siya. Nalaman ko nang maglaon na siya at ang kaniyang pamilya ay pinag-usig pala sa nayon dahil sa kaniyang di-karaniwang relihiyon.
Inilayo kami nang kaunti ni Marceline mula sa pulutong upang makapag-usap kami. Nang tanungin ko siya kung isa siyang Saksi ni Jehova, sumagot siya ng oo. Pagkatapos noon, umalis siya at kinuha ang isang kopya ng Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, isang aklat na ginagamit noon ng mga Saksi ni Jehova bilang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, at ang mas lumang mga isyu ng Ang Bantayan. Ang lahat ay luma at punit-punit na. “Aling magasin ang pinag-aralan ninyo noong nakaraang Linggo?” ang tanong ko.
“Ito lamang ang mga isyung taglay namin,” ang sagot niya, “at paulit-ulit naming pinag-aaralan ang mga ito.” Saka ko lamang sinabi kay Marceline na isa rin akong Saksi. Tuwang-tuwa siya! Nang sabihin ko na gusto kong makilala ang lalaking nangangasiwa sa kanilang mga pagpupulong, ipinaliwanag niya na nakatira ang lalaking ito sa isa pang lugar na mas malayo.
Isa Pang Kalugud-lugod na Natuklasan
Kinabukasan, kaming dalawa ni Marceline ay naglakbay upang dalawin ang lalaki. Nang dumating kami, nasorpresa siya at tuwang-tuwa na makita kami. Nalaman ko na talaga palang isa siyang Saksi na nanggaling sa bayan ng Toamasina na nasa tabing-dagat, mahigit na 200 kilometro ang layo sa gawing hilagang-silangan. Napilitan siya at ang kaniyang pamilya na bumalik dito mga ilang taon na ang nakalilipas matapos siyang mawalan ng trabaho nang di-inaasahan. Nang makabalik siya, nangaral siya, nagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya, at nangasiwa sa mga pagpupulong.
Hangang-hanga ang Saksi at ang kaniyang pamilya nang makita nila ang pinakabagong mga magasing Bantayan na dala ko. Ipinakita ko rin sa kanila ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na ginagamit namin noon bilang aming pangunahing pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Noon lamang nila ito nakita. Nang sumunod na Linggo, nagbalik ako sa Andranomafana upang dumalo sa mga pulong kasama nila. Hinimok ko silang makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi sa kabiserang lunsod ng Antananarivo, yamang hindi alam ng tanggapan na umiiral ang maliit na grupong ito.
Simula noong Enero 1991, halos bawat buwan ay naglalakbay ako mula Mahanoro patungong Andranomafana, anupat dinadalhan sila ng pinakabagong mga kopya ng Ang Bantayan at iba pang mga publikasyon. Mga 130 kilometro ang layo ng isang biyahe at ang 88 kilometro rito ay nilalakad ko—umaakyat at bumababa sa matatarik at baku-bakong mga burol, bumabagtas sa makakapal na kagubatan at, kapag umulan, nakikipagpunyagi sa makapal at madulas na putikan.
Lalong bumibigat ang dala-dalahan ko habang dumarami ang mga nangangailangan ng mga literatura at magasin. Gayunman, sa katapusan ng bawat paglalakbay, sulit na sulit naman ang pagod ko at ang pananakit ng aking mga kalamnan dahil nakadarama ako ng matinding kasiyahan at kaligayahan. Galak na galak ako na makitang tuwang-tuwa ang grupo na tanggapin ang bawat bagong publikasyon at masaksihan ang kanilang pagtugon sa mga katotohanan sa Bibliya!
Pagpasok sa Buong-Panahong Ministeryo
Noong Setyembre 1, 1992, inatasan ako bilang isang payunir, ang tawag ng mga Saksi sa kanilang buong-panahong mga ministro. Nagpayunir ako sa Mahanoro ngunit patuloy akong nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng liham sa aking mga kamag-anak sa Betoko II. Nang maglaon, nakipag-aral sila sa akin sa pamamagitan ng liham, at nagtanong sila kung babalik ba ako sa nayon upang tulungan sila. Handa akong gawin iyon, ngunit gusto ko munang matiyak na seryoso sila sa kanilang pasiyang mag-aral ng Bibliya at sumulong sa espirituwal. Kaya pansamantala, nanatili muna ako sa pagpapayunir sa Mahanoro.
Noong huling bahagi ng 1993, nagkapribilehiyo akong dumalo sa dalawang-linggong kurso ng pag-aaral para sa mga payunir sa Antananarivo. Pagkatapos, inanyayahan akong mag-aplay bilang special pioneer, na mangangahulugang aatasan ako saanmang lugar sa bansa. Subalit ipinasiya kong hindi tanggapin ang paanyaya, yamang gusto kong tulungan ang aking mga kamag-anak sa Betoko II, na naninirahan malayo sa pinakamalapit na kongregasyon. Kaya bumalik ako sa aking atas bilang payunir sa Mahanoro.
Nang maglaon, noong dumalaw ang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, itinanong ko sa kaniya kung makauuwi ako upang tulungan ang aking mga kamag-anak. Nang panahong iyon, naitatag na ang isang kongregasyon sa Andranomafana, at iminungkahi niyang doon ako pumunta upang makasama ko ang kongregasyon at makapangaral sa teritoryo ng Betoko II. Sinimulan ko ang atas na iyon noong Setyembre 1, 1994. Nang buwan ding iyon ay kasama kong dumalo sa isang pandistritong kombensiyon ang aking kuya na si Paul, na dating isang relihiyosong guro. Di-nagtagal, 30 katao na ang nakikibahagi sa pangangaral sa Andranomafana, at humigit-kumulang sa 65 na ang dumadalo sa mga pulong tuwing Linggo.
Hindi Tumigil sa Paglalakad
Di-nagtagal nang makauwi ako sa Betoko II, apat sa aking mga kapatid sa laman ay naging kuwalipikadong makibahagi sa ministeryo bilang mga Saksi ni Jehova, at pagkalipas lamang ng ilang panahon ay nabautismuhan sila. Nang makalipat ako sa Betoko II, regular akong naglalakbay patungo sa Anosibe An’ala upang kumuha ng mga literatura at magasin, anupat 50 kilometro ang lalakarin ko sa isang biyahe. Bagaman nakapapagod ang ganitong paglalakbay, sulit naman ang lahat ng ito dahil sa kagalakang makita ang espirituwal na pagsulong sa lugar na iyon.
Sa ngayon, mayroon nang masulong na kongregasyon sa Betoko II, anupat humigit-kumulang sa 45 ang dumadalo sa pulong tuwing Linggo. Ang lahat ng pinakamalalapit kong kamag-anak sa lugar na iyan ay mga Saksi na ngayon, at ang karamihan sa kanila ay mga payunir. Ang aking nakababatang kapatid na lalaki ay isang special pioneer. Noong Nobyembre 1, 2001, naatasan din ako bilang special pioneer, at ang teritoryong ibinigay sa akin ay ang nayon ng Antanambao-Manampotsy. Ngunit maligaya ako nang iwan ko ang Betoko II.
Nang una kong matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya noong 1987, wala pang 3,000 ang Saksi sa Madagascar. Ngayon ay mayroon nang mahigit na 14,000. Katulad ng karamihan sa mga ito, nagpapasalamat ako sa pribilehiyo na magamit ang aking lakas sa “paggawa nang higit pa” upang tulungan ang iba. At nagpapasalamat ako kay Jehova na pinagpala niya ang aking mga pagsisikap sa bagay na ito.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Madalas na mahigit sa 15 kilo ng suplay ang dala-dala ko habang naglalakbay nang 60 kilometro patungo sa aming nayon
[Larawan sa pahina 25]
Ang aking kuya na si Paul
[Larawan sa pahina 26]
Ang aking kapatid na si Charles
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ang ilang miyembro ng aming pamilya. Ang lahat ng ito ay mga Saksi ni Jehova na ngayon