Paghahanap sa Pinagmumulan ng Lahat ng Enerhiya
ANG araw ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya sa lupa. Naniniwala ang maraming siyentipiko na ang uling at langis ay nabulok na mga labí ng mga puno at halaman na kumukuha ng enerhiya mula sa araw.a Ang tubig na dumadaloy sa mga dam na hydroelectric ay nagmumula sa karagatan na nagiging singaw dahil sa init ng araw at kumakalat sa ibabaw ng lupa sa anyong ulap. Dahil sa mainit na sinag ng araw, humihihip ang hangin at pinaaandar nito ang mga generator na pinatatakbo ng hangin. Gayunman, tinatayang mga kalahati lamang ng ikaisang bilyong bahagi ng enerhiya ng araw ang nakararating sa lupa.
Bagaman kagila-gilalas ang lakas ng bituin na tinatawag nating araw, isa lamang ito sa bilyun-bilyon at pagkalaki-laking bukal ng enerhiya sa uniberso. Ano ang talagang pinagmumulan ng lahat ng enerhiyang ito? Sa pagtukoy sa mga bituin, sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Isaias: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—Isaias 40:26.
Kapag dinidili-dili natin ang napakalakas na enerhiya ng mga bituin, maaaring lubha tayong nasisindak—at lalo na kung iisipin natin ang hinggil sa Maylalang ng mga ito. Gayunman, pinasisigla tayo ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Oo, ang Maylalang ng lupa at ng saganang mga pinagmumulan ng enerhiya nito, ang nagbigay sa atin ng buhay, ay maaaring masumpungan ng mga humahanap sa kaniya.—Genesis 2:7; Awit 36:9.
Kapag nakikita ng ilang tao na dinudumhan ang lupa at hindi naipamamahagi nang pantay-pantay ang likas na yaman nito, marahil ay nag-aalinlangan sila kung interesado nga ba ang Diyos sa lupa at sa mga taong naririto. Gayunpaman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na malapit nang maganap ang pagbabago at nangangako ito ng malaking pagbabago sa paraan ng pamamahagi ng likas na yaman sa daigdig at sa paraan ng pamamahala sa lupa mismo. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang makalangit at pandaigdig na pamahalaan sa ilalim ng pangangasiwa ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, titiyakin ng Diyos na Jehova na ang lahat ng nabubuhay ay pantay-pantay na makikinabang sa saganang likas na yaman ng lupa. (Mikas 4:2-4) ‘Ipapahamak din niya yaong mga nagpapahamak sa lupa,’ samakatuwid nga, ang mga sumisira sa kapaligiran ng lupa, sa espirituwal man o pisikal na paraan.—Apocalipsis 11:18.
Sa panahong iyon, matutupad ang pangakong nakaulat sa Isaias 40:29-31 kapuwa sa espirituwal at pisikal na paraan: “Siya ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod at manlulupaypay, at ang mga kabinataan ay walang pagsalang mabubuwal, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.” Maaari ka ring matuto nang higit pa tungkol sa Pinagmumulan ng lahat ng enerhiya at sa solusyon sa mga problema ng lupa hinggil sa enerhiya kung gugugol ka ng panahon na pag-aralan ang Bibliya.
[Talababa]
a Tingnan ang kahong “Paano Ginagawa ang Petrolyo?” sa Gumising! ng Nobyembre 8, 2003.