Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ko Kailangang Magtrabaho Nang Manu-mano?
“Hindi ko kailanman naiisip ang aking sarili na nagtatrabaho nang manu-mano. Mas nasisiyahan ako kapag gamit ko ang aking computer.”—Nathan.
“Hinahamak ng ilang kabataan ang mga katulad naming nagtatrabaho nang manu-mano, para bang wala kaming sapat na talino para gumawa ng iba pang bagay.”—Sarah.
MANU-MANONG TRABAHO—para sa marami, ito’y nakaiinip, marumi, at di-kasiya-siya. May kinalaman sa mga manu-manong trabaho, ganito ang sinabi ng isang propesor sa ekonomiks: “Walang gaanong prestihiyo ang gayong mga trabaho sa daigdig na ito na wala nang ibang nasa isip kundi puro prestihiyo.” Hindi nga kataka-taka kung gayon na maliitin ng maraming kabataan ang ideya man lamang na magtrabaho nang manu-mano.
Subalit iba naman ang pangmalas ng Bibliya hinggil sa pagpapagal. Sinabi ni Haring Solomon: “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.” (Eclesiastes 2:24) Noong panahon ng Bibliya, ang Israel ay isang agrikultural na lipunan. Ang pag-aararo, pag-aani, at paggigiik ay pawang nangangailangan ng puspusang paggawa. Gayunman, sinabi ni Solomon na magdudulot ng saganang gantimpala ang pagpapagal.
Makalipas ang mga dantaon, sinabi ni apostol Pablo: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay.” (Efeso 4:28) Si Pablo mismo ay nagtrabaho nang manu-mano. Bagaman mataas ang kaniyang pinag-aralan, kung minsan ay sinusuportahan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga tolda.—Gawa 18:1-3.
Ano ang nadarama mo tungkol sa pagtatrabaho nang manu-mano? Sa nalalaman mo man o hindi, makikinabang ka sa maraming paraan mula sa pagtatrabaho nang manu-mano.
Pagsasanay sa Buhay
Ang pagiging puspusan mo sa manu-manong trabaho—pagpukpok man ng martilyo o pagtabas ng damo—ay makabubuti sa kalusugan. Higit pa sa pagpapanatili ng mabuting pisikal na kalusugan ang mga pakinabang. Marunong ka bang magkumpuni ng plat na gulong o magpalit ng langis sa kotse? Marunong ka bang mag-ayos ng sirang bintana o magkumpuni ng baradong tubo? Marunong ka bang magluto? Marunong ka bang maglinis ng banyo? Kailangang matutuhan kapuwa ng mga kabataang lalaki at babae ang mga kasanayang ito, mga kasanayang makatutulong sa iyo na mamuhay nang matagumpay sa ganang sarili balang-araw.
Kapansin-pansin, si Jesu-Kristo mismo ay naging bihasa sa ilang gawaing manu-mano habang naririto siya sa lupa. Natutuhan niya ang hanapbuhay ng pagkakarpintero—walang alinlangan mula sa kaniyang ama-amahang si Jose—yamang tinawag siyang ang karpintero. (Mateo 13:55; Marcos 6:3) Maaari ka ring matuto ng iba’t ibang kapaki-pakinabang na mga kasanayan kung ikaw ay magtatrabaho nang manu-mano.
Paglilinang ng Kaakit-akit na mga Katangian
Makaaapekto rin sa pananaw mo sa iyong sarili ang pagtatrabaho nang masikap. Sa pagsulat sa U.S. National Mental Health and Education Center, sinabi ni Dr. Fred Provenzano na ang pagkatutong gumawa ng pisikal na mga atas ay makadaragdag sa iyong “pagkadama ng pananalig sa sarili at kumpiyansa” at “makatutulong din sa iyo na magkaroon ng disiplina sa sarili at maging organisado, na mga saligan para sa matagumpay na pagtatrabaho.” Ganito ang sinabi ng isang kabataang nagngangalang John: “Ang pisikal na trabaho ay tumutulong sa iyo na maging matiisin. Natututuhan mong harapin at lutasin ang mga problema.”
Ganito naman ang paliwanag ni Sarah na sinipi kanina: “Ang pagtatrabaho nang manu-mano ay nagturo sa akin na maging masikap at masipag. Natutuhan kong maging disiplinado kapuwa sa mental at pisikal na paraan.” Palagi bang nakababagot ang pagtatrabaho nang masikap? Sinabi ni Nathan: “Natutuhan kong masiyahan sa manu-manong trabaho. Habang sumusulong ako sa aking mga kasanayan, nakikita kong bumubuti ang kalidad ng aking trabaho. Lalo akong nagtitiwala sa aking sarili.”
Matuturuan ka rin ng pagtatrabaho nang manu-mano na makasumpong ng kagalakan sa iyong ginagawa. Ganito ang pagkakasabi ng kabataang nagngangalang James: “Nasisiyahan ako sa pagkakarpintero. Bagaman nakapapagod ito kung minsan, maaari kong bulay-bulayin ang nagawa ko at makadama ng kasiyahan sa aking nagawa. Talagang kasiya-siya ito.” Gayundin ang nadarama ni Brian. “Nasisiyahan akong magkumpuni ng mga kotse. Nakadarama ako ng pagtitiwala at kasiyahan sa pagkaalam na may kakayahan akong kumpunihin ang isang bagay na sira at gawin itong parang bago.”
Sagradong Paglilingkod
Para sa mga kabataang Kristiyano, ang kakayahang magtrabaho nang masikap ay maaaring makatutulong sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Nang atasan si Haring Solomon na magtayo ng isang maringal na templo para kay Jehova, natanto niya na ang atas na ito ay mangangailangan ng napakalaking pagsisikap at kasanayan. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Nagsugo si Haring Solomon at sinundo si Hiram mula sa Tiro. Siya ay anak ng isang babaing nabalo mula sa tribo ni Neptali, at ang kaniyang ama ay isang lalaking taga-Tiro, isang manggagawa sa tanso; at siya ay punô ng karunungan at ng unawa at ng kaalaman sa paggawa ng bawat uri ng gawa sa tanso. Sa gayon ay pumaroon siya kay Haring Solomon at pinasimulan niyang gawin ang lahat ng kaniyang gawain.”—1 Hari 7:13, 14.
Kaylaking pribilehiyo nga ni Hiram na magamit ang kaniyang mga kasanayan upang itaguyod ang pagsamba kay Jehova! Itinatampok ng karanasan ni Hiram ang katotohanan ng mga salita ng Bibliya sa Kawikaan 22:29: “Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Sa harap ng mga hari siya tatayo; hindi siya tatayo sa harap ng mga karaniwang tao.”
Sa ngayon, kahit na ang mga kabataang may kaunti o walang kasanayan sa konstruksiyon ay nagkapribilehiyo na makibahagi sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Dahil sa kanilang pakikibahagi sa gayong mga proyekto, ang ilan ay natuto ng kapaki-pakinabang na mga hanapbuhay, gaya ng trabahong may kinalaman sa kuryente, pagtutubero, kanteriya, at pagkakarpintero. Baka maaari mong ipakipag-usap sa matatanda sa inyong kongregasyon kung posibleng ikaw mismo ay makibahagi sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall.
Ganito ang sabi ni James na nagtrabaho sa ilang Kingdom Hall: “Marami sa mga kabilang sa kongregasyon ang maaaring walang panahon o kakayahang tumulong. Kaya sa paggawa nito, nakatutulong ka sa buong kongregasyon.” Nasumpungan ni Nathan, natutong magtrabaho sa kongkreto, na ang kasanayang ito ay nagbukas sa iba pang pinto ng paglilingkod sa Diyos. Nagugunita niya: “Nakapunta ako sa Zimbabwe at nagamit ko ang aking kasanayan upang tumulong sa pagtatayo ng isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Nagtrabaho ako roon sa loob ng tatlong buwan, at isa ito sa pinakamagagandang karanasan sa aking buhay.” Para sa ibang kabataan, ang pagnanais na magtrabaho nang masikap ang nag-udyok sa kanila na mag-aplay sa paglilingkod bilang mga boluntaryo sa lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova.
Maaari ka ring magkaroon ng “kasiyahan sa sarili” dahil sa pagiging bihasa sa manu-manong trabaho. (1 Timoteo 6:6) Maraming kabataang Saksi ni Jehova ang naglilingkod bilang mga payunir, o buong-panahong mga ebanghelisador. Ang pagkatuto ng isang hanapbuhay ay nakatulong sa ilan na suportahan ang kanilang sarili sa pinansiyal nang hindi na kinakailangang gumugol pa ng maraming panahon at salapi sa sekular na pag-aaral.
Kung Paano Matututo
Maliwanag, ikaw man ay interesadong kumita bilang isang bihasang trabahador o basta magamit ang iyong kasanayan sa bahay, makikinabang ka sa pagkatutong magtrabaho nang manu-mano. Maaaring nag-aalok ang paaralan sa inyong lugar ng ilang kurso sa paghahanapbuhay. Malamang na maaari ka ring tumanggap ng ilang pagsasanay sa bahay mismo. Paano? Sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawain sa bahay. Ganito ang isinulat ni Dr. Provenzano na sinipi kanina: “Napakahalaga para sa mga tin-edyer ang mga gawain sa bahay sapagkat itinuturo nito ang mahahalagang ‘kasanayan’ sa tahanan na tutulong sa mga tin-edyer na mamuhay nang matagumpay at may kahusayan kapag bumukod na sila sa kanilang mga magulang balang-araw.” Kaya maging alisto sa paggawa ng mga kinakailangang gawin sa bahay. Mayroon bang damong kailangang tabasin o istanteng kailangang kumpunihin?
Sa halip na nagpapababa o nanghahamak, makikinabang ka sa maraming paraan sa manu-manong trabaho. Huwag iwasan ang manu-manong trabaho! Sa halip, sikaping “magtamasa ng kabutihan” mula sa iyong pagtatrabaho nang masikap, sapagkat sinasabi ng Eclesiastes 3:13, “iyon ay kaloob ng Diyos.”
[Blurb sa pahina 21]
Nakatulong sa maraming kabataan ang pagkatuto ng isang hanapbuhay upang mapalawak ang kanilang paglilingkod sa Diyos
[Mga larawan sa pahina 22]
Karaniwan nang matuturuan ka ng iyong mga magulang ng pangunahing mga kasanayan