Mga Kabataang Nasa Krisis
◼ Sa Estados Unidos, pinagbabaril ng isang 15-taóng-gulang na estudyante ang kaniyang mga kamag-aral, anupat 2 ang namatay at 13 ang nasugatan.
◼ Sa Russia, brutal na pinaslang ng isang grupo ng lasing na mga tin-edyer ang isang siyam-na-taóng-gulang na batang babae at binugbog nila ang ama at pinsan nito.
◼ Sa Britanya, binugbog at sinaksak ng isang 17-taóng-gulang na kabataang lalaki ang isang mas nakababatang tin-edyer. “Wala naman akong intensiyong patayin siya,” ang sabi niya sa pulisya, “pero nang makita ko ang dugo, tinuluyan ko na siya.”
NAGIGING pangkaraniwan na lamang ang nakagigitlang mga pangyayaring gaya nito. Hindi masasabing mangilan-ngilang kaso lamang ito. “Ang karahasang ginagawa ng mga kabataan ay isang malalang problema sa ating lipunan,” ang sabi ng isang artikulo sa Professional School Counseling. Pinatutunayan ng mga estadistika ang bagay na ito.
Sinabi rin ng National Center for Education Statistics sa Estados Unidos na bagaman bumaba nang kaunti ang iniuulat na karahasan sa paaralan sa bansang iyon, “ang mga estudyanteng edad 12-18 ay naging biktima ng mga 2 milyong di-nakamamatay subalit mararahas na krimen o pagnanakaw sa paaralan noong 2001.” Dumami rin ang mga kaso ng paninindak sa paaralan.
Subalit sa Estados Unidos, hindi lamang kapuwa estudyante ang nagiging biktima ng karahasang ginagawa ng mga kabataan. “Sa loob ng limang taon mula 1997 hanggang 2001,” iniulat ng reperensiya ring iyon, “ang mga guro ang naging biktima ng mga 1.3 milyong di-nakamamatay na krimen sa paaralan, kasali na ang 817,000 kaso ng pagnanakaw at 473,000 kaso ng mararahas na krimen.” Bukod diyan, “9 na porsiyento ng lahat ng mga guro sa elementarya at haiskul ang pinagbantaang sasaktan ng isang estudyante, at 4 na porsiyento ang aktuwal na sinaktan ng isang estudyante.”
Kumusta naman sa iba pang mga bansa? “Noong 2003 sa Tsina, 69,780 delingkuwenteng kabataan ang inaresto,” ang sabi ng isang ahensiya sa pagbabalita, at ito ay “mas mataas nang 12.7 porsiyento kung ihahambing noong 2002.” Binanggit sa balitang iyon na “70 porsiyento ng mga paglabag ng mga kabataan sa batas ay mga krimeng gawa ng mga gang.” Noong 2003, isang ulat mula sa Hapon ang nagsabi rin na kalahati ng mga krimen sa nakalipas na sampung taon ay kagagawan ng mga kabataan.
Mga Droga—Sumisira sa Murang mga Katawan
Ang pagsira ng maraming kabataan sa kanilang sariling katawan ay isa pang katibayan ng problema. Sinasabi ng isang ulat ng National Institute on Drug Abuse sa Estados Unidos na mga kalahati ng lahat ng mga tin-edyer sa lupaing iyon ay nakasubok nang gumamit ng bawal na gamot bago pa man makatapos ng haiskul. Idinagdag pa ng ulat: “Napakarami pa ring tin-edyer sa ngayon ang umiinom ng inuming de-alkohol. Halos apat sa limang estudyante (77%) ang umiinom na ng inuming de-alkohol (hindi lamang ilang lagok) pagkatapos nila ng haiskul; at halos kalahati (46%) ang gumagawa nito pagsapit nila ng ikawalong grado.”
Kawalan ng Delikadesa sa Sekso
Sa panahong ito na napakalaganap ng AIDS, walang-alinlangang napakapanganib ng kawalan ng delikadesa sa sekso. Gayunman, waring itinuturing ng maraming kabataan na ang sekso ay di-nakapipinsalang laro lamang. Halimbawa, karaniwan nang maririnig sa ilang kabataang Amerikano ang pananalitang “hooking up”—isang pinagandang katawagan para sa pakikipagtalik sa sinumang maibigan. May tinatawag silang “kapaki-pakinabang na kaibigan”—isang seksuwal na kapareha na hindi humihiling ng emosyonal na suporta.
Inilarawan ng awtor na si Scott Walter ang napakahahalay na parti na inoorganisa ng mga kabataang nakatira sa labas ng lunsod samantalang nasa trabaho ang kanilang mga magulang. Sa isa sa gayong parti, ipinatalastas ng isang batang babae na “makikipagtalik siya sa lahat ng batang lalaking naroroon. . . . Kabilang sa dumalo sa mga parti ang mga batang 12 taóng gulang.”
Nakagugulat ba ito? Hindi ito nakagugulat sa mga eksperto na nagsuri sa seksuwal na paggawi ng mga tin-edyer. “Sa nakalipas na 20 taon,” ang sulat ni Dr. Andrea Pennington, “nakita namin na pabata nang pabata ang katamtamang edad ng mga tin-edyer na nakikipagtalik. Pangkaraniwan na lamang sa ngayon ang pakikipagtalik ng mga batang lalaki at babae na 12 taóng gulang pa lamang.”
Lalo pang nakababahala ang ulat ng pahayagang USA Today: “Dumarami ang pinakabatang mga tin-edyer sa bansa . . . na nakikipag-oral sex. . . . Kumbinsido ang mga bata na ‘hindi talaga ito pakikipagtalik.’ ” Ayon sa isang surbey sa 10,000 batang babae, “walumpung porsiyento ang nagsabing mga birhen sila, subalit 25% ang nakipag-oral sex na. At inilarawan ng 27% ang gawaing iyon bilang ‘isang bagay na ginagawa mo kasama ng isang lalaki bilang katuwaan.’ ”
Lumaganap na rin sa ibang lugar ang gayong mga saloobin hinggil sa sekso. “Ang mga kabataan sa Asia ay lalong nanganganib mahawahan ng HIV dahil sa pakikipagtalik sa di-kasekso yamang maraming kabataan ang maagang nagiging aktibo sa sekso,” ang sabi ng UNESCO, at idinagdag pa: “Lalong ipinagwawalang-bahala ng mga tin-edyer ang ‘pamantayang Asiano’ ng kanilang mga magulang anupat nakikipagtalik sila bago ang kasal, kadalasan ay sa iba’t ibang kapareha pa.”
May iba pa bang palatandaan na nasa krisis nga ang mga kabataan? Ganito ang iniulat ng Women’s Health Weekly ng Canada: “Dalawampu’t limang porsiyento ng kababaihang edad 16 hanggang 19 ang makararanas ng malubhang depresyon.” Gayunman, ang depresyon ay isang sakit kapuwa ng mga lalaki at babae. Ayon sa U.S.News & World Report, umaabot ng hanggang limang libong kabataan ang nagpapatiwakal taun-taon. Sa di-malamang dahilan, ang sabi ng ulat, “anim na ulit na mas maraming batang lalaki ang nagpapatiwakal kaysa sa mga batang babae.”
Walang alinlangan, malubha ang problema ng henerasyon ng mga kabataan sa ngayon. Ano ang sanhi ng krisis na ito?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
STR/AFP/Getty Images