Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/8 p. 9-11
  • Tulong sa mga Kabataan sa Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tulong sa mga Kabataan sa Ngayon
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makatotohanan at Praktikal na Patnubay
  • Kailangan ang Makatuwirang mga Hangganan
  • Linangin ang Malapít na Ugnayan
  • Tulungan ang Iyong Anak na Tin-edyer na Sumulong
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Apendise—Tanong ng mga Magulang
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Anu-ano ang mga Hamon?
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/8 p. 9-11

Tulong sa mga Kabataan sa Ngayon

ANG mga kabataan sa ngayon ay lumalaki sa isang daigdig na waring nakatatakot kung minsan. Ang ilan sa kanila ay walang magawa sa paghihiwalay o pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang. Nakikita naman ng iba ang kanilang mga kamag-aral na nasasangkot sa droga at krimen. Marami ang ginigipit na makipagtalik ng kanilang mga kasamahan, kapuwa lalaki o babae. At halos lahat ng mga tin-edyer ay paminsan-minsang nalulungkot, nanlulumo, at nakadarama na walang nakauunawa sa kanila.

Ano ang kailangan ng mga kabataan upang mapagtagumpayan ang mga hamong napapaharap sa kanila? “Kailangan ng mga anak ang matatag na pamantayang moral,” ang sulat ni Dr. Robert Shaw, “isang tiyak na saligan sa buhay na tutulong sa kanilang pumili ng wastong mga kaibigan, gumawa ng tamang mga pasiya, at magkaroon ng empatiya sa iba.” Naglalaan ang Bibliya ng pinakamahusay na pamantayang moral, sapagkat nilalaman nito ang mga kaisipan ng Maylalang. Sino pa nga ba bukod sa Diyos na Jehova ang mas nakaaalam ng ating mga kinakailangan upang magtagumpay sa maligalig na panahong kinabubuhayan natin?

Makatotohanan at Praktikal na Patnubay

Makatotohanan at praktikal ang mga simulain ng Bibliya. Lubhang kapaki-pakinabang ang mga ito sa mga magulang at iba pang adulto na gustong makatulong sa mga kabataan upang sila’y maging matagumpay na mga adulto.

Halimbawa, makatotohanang kinikilala ng Bibliya na “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,” o, gaya ng salin ng Magandang Balita Biblia, “likas sa mga bata ang pagiging pilyo.” (Kawikaan 22:15) Ang ilang tin-edyer ay parang maygulang na kung mag-isip, pero mga kabataan pa rin sila na walang gaanong karanasan. Dahil dito, maaari silang makadama ng kawalang-katiyakan, ng mga pagnanasa, at pagkabalisa na normal na bahagi ng paglaki. (2 Timoteo 2:22) Paano matutulungan ang mga kabataang ito?

Pinasisigla ng Bibliya ang regular na pag-uusap ng mga magulang at mga anak. Hinihimok nito ang mga magulang: “Sasalitain mo [ang mga pamantayan ng Diyos] kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) May dalawang kapakinabangan ang gayong pag-uusap. Una, itinuturo nito sa mga kabataan ang mga daan ng Diyos. (Isaias 48:17, 18) Ikalawa, pinananatili nitong bukás ang komunikasyon ng mga magulang at mga anak. Lalo nang mahalaga ito kapag ang mga anak ay nagbibinata o nagdadalaga na, kung kailan nagiging mahiyain at malungkutin sila.

Mangyari pa, maraming tin-edyer ang paminsan-minsang nakadarama na sila’y nag-iisa. Gayunman, ang ilan ay dumaranas ng nagtatagal na kalungkutan. “Sinasabi ng mga kabataang ito na nahihirapan silang maghanap ng kaibigan sa paaralan, na wala silang makausap, na nadarama nilang sila’y nag-iisa, na nahihirapan silang makasundo ang ibang mga bata, at parang wala silang matatakbuhan kapag kailangan nila ng tulong,” ang sabi ng isang akdang reperensiya hinggil sa pagbibinata o pagdadalaga.a

Ang mga magulang at nagmamalasakit na mga adulto ay makapagpapakita ng interes sa mga tin-edyer at makatutulong sa kanila na mapagtagumpayan ang kanilang mga problema. Paano? “Ang tanging paraan upang malaman ang iniisip ng mga tin-edyer ay ang tanungin sila,” ang isinulat ng ehekutibong editor ng isang magasing pantin-edyer. Maliwanag, kailangan ang panahon at pagkamatiisin upang matulungan ang mga kabataan na isiwalat ang kanilang mga ikinababahala. Subalit sulit na sulit naman ang mga pagsisikap.​—Kawikaan 20:5.

Kailangan ang Makatuwirang mga Hangganan

Bukod sa komunikasyon, kailangan​—at, sa kaibuturan ng kanilang puso, ay gusto​—​ng mga kabataan ang makatuwirang mga hangganan. Sinasabi sa Bibliya na “ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Naniniwala ang mga eksperto na magiging delingkuwente ang mga kabataan kung hindi sila bibigyan ng malilinaw na hangganan. “Kapag patuloy na kinukunsinti ang isang bata at hindi niya naririnig ang salitang ‘hindi’ o nagagawa niya ang lahat ng kaniyang magustuhan,” ang sabi ni Shaw, na sinipi kanina, “hindi niya kailanman matututuhan na ang ibang mga tao ay may personal na buhay, damdamin, mga pangangailangan, at kalooban. Kung hindi niya nalinang nang husto ang empatiya, hindi matututuhan ng bata na umibig at ibigin.”

Kahawig din ito ng ipinahayag ni Dr. Stanton Samenow, na maraming taon nang nagpapayo sa problemadong mga kabataan. “Inaakala ng ilang magulang na dapat hayaan ang mga bata na gawin ang anumang magustuhan nila,” ang isinulat niya. “Inaakala nilang labis-labis na mapabibigatan at hindi masisiyahan ang kanilang mga anak sa kanilang pagkabata kung aatangan sila ng mga pananagutan o mga kahilingan. Subalit maaaring umakay sa kapahamakan ang hindi nila pagtatakda ng mga limitasyon. Hindi naiisip ng mga magulang na ito, na ang isang batang lalaki o babae na halos hindi dinidisiplina ay maaaring mahirapang magdisiplina sa sarili.”

Nangangahulugan ba ito na kailangang maging istrikto ang mga magulang? Hinding-hindi. Ang pagtatakda ng mga limitasyon ay isa lamang pitak ng mabisang pagpapalaki sa mga anak. Kung magiging labis-labis ang pagtatakda ng mahihigpit na alituntunin, hindi magiging kasiya-siya ang mga kalagayan sa tahanan. Sinasabi sa Bibliya: “Kayong mga ama, huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”​—Colosas 3:21; Efeso 6:4.

Kaya sa pana-panahon, kailangang suriing muli ng mga magulang ang kanilang mga pamamaraan ng pagtuturo at pagdidisiplina, lalo na habang lumalaki ang kanilang mga anak at nagiging maygulang na. Marahil ang ilang tuntunin o paghihigpit ay maaari nang pagaanin o baguhin nang kaunti, alinsunod sa kakayahan ng kabataan na gumawi nang responsable.​—Filipos 4:5.

Linangin ang Malapít na Ugnayan

Gaya ng ipinakita sa aming naunang artikulo, inihula ng Bibliya na bago makialam ang Diyos upang alisin ang kasamaan sa daigdig, mapapaharap muna ang daigdig sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” May katibayan na nabubuhay na tayo sa mismong yugtong iyon​—ang “mga huling araw” ng di-makadiyos na sistemang ito ng mga bagay. Gaya ng mga adulto, kailangang magbata ang mga kabataan samantalang nabubuhay sa isang daigdig kung saan ang mga tao ay “maibigin sa kanilang sarili, . . . mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pagpipigil sa sarili.”​—2 Timoteo 3:1-5.b

Kung nadarama ng mga magulang na napapalayo sila sa kanilang nagbibinata o nagdadalagang anak, maaari nilang linangin ang malapít na ugnayan sa kanila sa tuwing mag-uusap sila. Kapuri-puri naman na sinisikap ng maraming magulang na maging mabuting impluwensiya at tunay na karamay ng kanilang mga anak.

Ang Bibliya ang pinakamahalagang kasangkapan hinggil sa bagay na ito. Natutulungan nito ang maraming magulang na gampanan ang kanilang pananagutan at natutulungan nito ang mga kabataan na maiwasan ang kapaha-pahamak na mga patibong. (Deuteronomio 6:6-9; Awit 119:9) Yamang ang Bibliya ay nagmula sa Maylalang, ang Diyos na Jehova, makapagtitiwala tayo na naglalaan ito ng pinakamabisang tulong para sa mga kabataan sa ngayon.c

[Mga talababa]

a Sinabi ng reperensiya ring iyon na di-tulad ng tin-edyer na nalulungkot paminsan-minsan, ang tin-edyer na dumaranas ng nagtatagal na kalungkutan ay nakadarama na siya’y nakabukod nang madalas at sa loob ng mahaba-habang panahon. “Inaakala [niya] na hindi na siya magkakaroon ng kaibigan kailanman, na hindi ito maiiwasan, at dahil ito sa kaniyang sariling mga kapintasan ” at ang kalagayan ay “hindi na mababago o magbabago pa.”

b Tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

c Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na malaking tulong ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas. Bawat isa sa 39 na kabanata nito ay tumatalakay sa isang nakapupukaw-kaisipang tanong. Ang ilan sa mga pamagat nito ay: “Papaano Ako Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan?” “Papaano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng mga Kasamahan?” “Papaano Ko Maiwawaksi ang Aking Kapanglawan?” “Handa na ba Akong Makipag-date?” “Bakit Magsasabi ng Hindi sa Droga?” “Tama Kaya ang Pakikipagtalik Muna Bago ang Kasal?”

[Larawan sa pahina 10]

Ipakipag-usap sa isang nagmamalasakit na adulto ang iyong mga ikinababahala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share